webnovel

FROM THE LITERATURE CLUB’S URBAN LEGEND ANTHOLOGY

MARAMING ALAMAT at kuwentong bayan tungkol sa pinagmulan ng mga unang tao. Pero sa lahat ng iyon, ito ang gusto namin paniwalaan:

Milyon-milyong taon ang nakararaan, sa permiso ni Dumagat, diyos ng karagatan, lumikha si Bathala ng mga isla na tinawag na Lupan-on. Naging pasyalan ng mga diyos at diyosa ang mga isla na iyon na kalaunan ay tinubuan ng mga puno at halaman at tinirhan ng iba't ibang uri ng hayop.

Sumunod na nilikha ni Bathala ang mga Anito, mga makapangyarihan at purong espiritu. Pinababa ng Diyos ang mga Anito para pangalagaan ang kalikasan at siguruhing tahimik at walang kaguluhang magaganap sa kalupaan.

Libo-libong taon ang lumipas. May mga Anito ang ginustong magkaroon ng pisikal na katawan. Pumasok ang mga espiritu sa loob ng malalaking kawayan. Paglipas ng maiksing panahon nabiyak ang mga iyon at lumabas ang mga unang katao.

Kapalit ng pisikal na katawan, nawala ang kapangyarihan ng mga Anito na piniling maging tao. Nagkaroon ng limitasyon ang kayang gawin ng mga ito. Higit sa lahat, nang talikuran ng mga ito ang pagiging purong espiritu, naranasan ng mga itong tumanda at mamatay.

Pero kahit naging mortal na ang mga Anito, nananatili pa rin sa puso at isip ng mga ito ang alaala at pakiramdam nang kapangyarihan na minsang naging bahagi ng kanilang pagkatao. Kaya mula noon hanggang ngayon, naaakit ang mga tao sa mga bagay na puwede magbigay sa mga ito ng hindi pangkaraniwang kakayahan.

Isa roon ang tinatawag na Mutya. Sinasabing sino man ang makapagsubo ng Mutya ay magiging pinakamalakas na tao sa mundo. Pero kung sa tingin niyo madali lang itong mapasakamay… nagkakamali kayo.

下一章