webnovel

Chapter 22 - Mga Pangako

Nicolo

Nakahiga na ako sa kama ko matapos ang isang mahabang gabi. Madaming tips. Nakakapagod din gumiling sa mga mata ng mga taong nagtatago sa dilim.

"May pang ipon na rin ako para sa pagbalik ko sa eskewla" bulong ko sa sarili.

Di na nakatext si Gail. Baka busy siya ngayong gabi.

Pumunta ako sa kabinet para kumuha ng isang bagong tuwalya bago maligo. Paghila ko ng isang tuwalya may sumamang isang gamit galing sa ilalim ng kabinet. Isang gamit na nakalimutan ko na dun ng kay tagal na. Isang lumang manika. Manika ni...

"...Ela..." banggit ko ng pulutin ko ito mula sa lapag.

Biglang nanlamig ang pakiramdam ko habang nakatingin ako sa lumang laruan. Parang binuhusan ng malamig na tubig. Naalala bigla ang nakaraan.

"... Nicolo... para di mo ko makalimutan..." bulong ni Ela sa akin ng ibigay niya ang manika bago ko sinamahan palabas ng ampunan kung saan naghihintay ang bago niyang pamilya.

Nilagay ko ang manika sa may kama ko. Tapos pumunta na ako para ihatid siya. Ang mga panahon na nakahawak ako sa palda ni Sister. Panahon na iniyakan ko si Ela ng matagal hawak itong manikang hawak ko ulit ngayon.

"... ang pangako..." sabi ko sa sarili nakatining sa manika ng biglang kinabahan.

Si Ela... at... si Gail.

"Kailangan kong pumili..." sabi ko sa sarili ko habang binabalik ng mabagal ang manika sa cabinet, nakapatong sa mga damit.

Nakatitig itong lumang alaala sa akin habang mabagal kong sinara ang cabinet. Naligo ako ng tumatakbo ang utak sa napakaraming mga bagay.

Natulog ako ng mababaw buong madaling araw. Halos pinanood ko ang pagsikat ng araw. Pagbukas ng mata ko nalaman ko na patanghali na pala. bumangon ako ng pagod at masakit ang ulo. Pagtingin ko sa celfone ko may text pala ako kanina pang umaga.

<message received>

Nics,

Nakuha ko na ang list ng mga kailangan para sa pag enroll mo.

As promised!

Punta ako sa club mamaya at bigay ko sa iyo.

Sender: Sir

"Salamat sa Diyos..." naisip ko ng panandalian kong nakalimutan ang mga problema ko.

"Salamat po Diyos ko..."

Ela

"... sa bigay Niyo" pagtapos sa dasal ko bago mag ayos ng pinagkainan.

Linggo ngayon, pahinga ko mula sa trabaho sa bukid. Araw para tumulong sa mga gawaing bahay kasama si Tsang.

"Salamat, Ela" bati ni Tsang Carmen na may dalang isang kahon ng gamit.

"Mamaya pagkatapos natin tapusin ang hugasin, pwede mo bang dalhin ito sa parlor? Mga bagong gamit ito para dun" banggit ni Tsang habang nilalagay ang kahon sa may mesa.

"Wala pong problema, Tsang" ngiti kong sagot habang dala ang plato papunta sa lababo.

"Mama... pupunta lang po ako sa kapitbahay... maglalaro lang po kami ni Marky" patakbong lapit ni Jeffrey kung nasan kami sa kusina dala ang bola niya.

"Sige anak... pero tapos mo na ba ang mga assignment mo?" himas ni Tsang sa ulo ng anak.

"Opo... kagabi pa po yun tapos" ngiting sagot ng bata.

"O sige... basta wag kang aalis kina Marky hanggang sunduin ka namin ng papa mo o ni Ate Ela mo ha..." sabi ni Tsang na sinang ayunan ng kinakapatid ko.

Pinanood naming patakbong umalis ang bata palabas ng bahay, masayang makakalaro ang kababatang kaibigan na anak ng kumare ni Tsang na si Aleng Reina na may ari ng tindahan sa kabilang kanto.

"Ela... hija... sa susunod na pasukan ituloy mo na ang pag aaral mo ha... naka ipon na tayo..." masayang wika ni Tsang.

"Tsang... tulad po ng sabi ko dati... ok na po na nakatapos ako ng elementarya... yung naipon po ay para sa pag aaral na lang po ni Jeffrey..." sabi ko habang patuloy na hinuhugasan ang mga plato na pinagkainan sa tanghalian.

Napailing si Tsang habang nakatingin sa akin. Gusto niyang ipagpatuloy ko ang pag hayskul ko. Pero lagi kong pigil sa kanya. Alam kong minsan nagigipit din kami. Mas gusto ko kasi na lahat ng gastusin mas maibigay kay Jeffrey. Baka huli na rin kasi para sa akin.

"Minsan Ela... isipin mo naman ang sarili mo... mag isip ka... matagal pa naman ang susunod na pasukan... baka magbago pa ang isip mo..." wika ni Tsang Carmen habang hawak ang balikat ko.

Nakangiti lang ako kay Tsang habang tinatapos ang hugasin. Mas magiging masaya ako kung mas maayos ang buhay ni Jeffrey. Mahal ko ang batang iyon.

"Tsang... mauna na po muna ako" banggit ko dala ang kahon papuntang parlor, na pagmamay ari rin nina Tsang, matapos ang ilang minuto.

"Mag-iingat ka maglibang ka na rin sa plaza" bati ni Tsang ng palabas ako ng pintuan.

Sa paglalakad napadaan ko ang bahay nina Aling Reina. Nakita kong naglalaro si Marky at si Jeffrey sa bakuran ng bahay nina Aling Reina na may tindahan sa harapan kung saan umiinom si Mang Tyano, ang pala inom na asawa ni Aling Reina at tatay ni Marky.

"Uy... Ela..." sabi nito.

"Magandang tanghali po Mang Tyano" bati ko ng pandaliang huminto sa may tabi niya ng ibaba ko ang kahon sa may upuan.

"Oh... tagay muna..." wika siya ng pag abot ng isang aso ng alak niya.

"... ah... sige po... salamat na lang po... may pupuntahan pa po ako..." sagot ko ng buhatin ko ulit ang kahon.

Bakit nga ba naging palainom itong si Mant Tyano? Isa sa mga masisipag na magsasaka siya dati ng mapunta ako dito sa San Gabriel. Pero ng ipanganak si Markey parang nagbago siya. Naging lasinggero. Minsan parang may kausap na wala naman talaga.

"Sige po... mauna na po ako..." banggit ko ng paalis na ako ng mapansin ko na si Mang Tyano ay tila malayo ang tingin at parang kausap ang sarili.

Umabot ako sa parlor na pag mamay ari nina Tsang. Isang simpleng parlor, na di masyado ganun kasimple. Makulay ito, may aircon. At madalas maraming nagpapaayos. Pero dahil kakatapos lang halos ng tanghalian, walang kustomer ngayon. Naabutan ko sina Francheska at Marina na nagkukwentuhan sa may harap ng salamin at nag-aayos. Sila ang dalawang baklang parlorista dun. Parehong makwento pero mababait pag hindi sila nagsusungit sa lugar na yun.

"Ay, teh... totoo yun!" sabi ni Francheska, ang mas makwento sa dalawa, na nagsusuklay ng bangs niya.

"Isplukar mo nga again and again, sis... si Boss at si Ms. Boobella ay... ehem..." tapik na banggit ni Marina, ang mas mataray sa dalawa, na nagwawalis ng sahig.

"Trulajet! Si Boss at si Ms. Boobellya nakita ko kahapon... HHWW sa may plaza, teh! As in... tapos may-I-make bitaw ng masight lalu nila akiz! Kalurks!" huling kwento ni Francheska ng pumasok ako sa may pinto.

"Ayyy!... Ela! Napadaan ka sa kaharian ng mga diwata!" pagulat na sigaw ni Marina habang winawagayway niya ang walis na hawak.

"Teh, witchikels isplok splok ang chismax... anditey ang loley mo..." bulong na sinabi ni Marina habang nakatingin kay Francheska.

"Ahhh... pinadala ni Tsang ito..." para daw dito ang mga ito..." sabi ko na lang dahil di ko naintindihan ang mga sinabi nila.

"O-Ok... wait lang ha... Sammy!" sagot nito sa akin bago may tinawag.

"Sammy!" sigaw ulit ni Francheska habang kinukuha ang kahon.

May isang binatang pumasok sa parlor. Ito si Samuel. Siya ang boy dito sa parlor. Nasa bente anyos na siya at tiga kabilang bayan. Mabait at madalas tahimik pero masipag. Suot niya ang paboritong puting sando at maong na salawal ng lumapit sa akin.

"... Ate Ela... napabisita ka" banggit nito ay papalapit sa amin.

"May inutos lang si Tsang" ngiti kong kwento.

"Ganun ba?" tanong nito.

"Haller! Kunin mo kaya ito, Sammy! Heavy-gat ha. Kalurks!" sabi ni Francheska habang inaabot kay Samuel ang kahon na kinuha niya sa akin.

Dinala ni Samuel ang kahon at lumabas na siya ng parlor papunta sa likod. Sinundan ko siya ng tingin ng marinig ko na nagbukas ang pinto ng parlor sa may likuran ko banda.

"Ola! Dadaan ang maalindog" bati ni Aling Reina ng pumasok sa parlor at diretso sa isang upuan.

"Ay mother! Welcome!" salubong ni Marina ng naka upo na ang ginang.

"Kulotin mo nga ako, girl... may date ako mamaya..." sabi nito ng nakatingin sa sarili sa salamin.

Itong si Aling Reina isa sa mga magaganda sa lugar namin. Maganda ang hubog ng katawan din at madalas hinahangaan ng mga lalaki dito kasi malaki ang dibdib. Di sobrang kayumanggi ang makinis na kutis. Siya ang dakilang may bahay ni Mang Tyano at nanay ni Marky.

"Uy, Ela! Nandyan ka pala" bati nito ng nakita ako sa may salamin.

"Magandang tanghali po" sagot ko ng nakangiti.

"Bebe, halika tulungan mo muna ako sa likod" yaya sa akin ni Francheska.

Habang papalabas kami ng parlor, dinig ko ang tawanan nina Aling Reina at Marina sa loob. Mukhang tuwang-tuwa si Aling Reina sa magiging date niya. Nakatingin ako sa pasarang pinto ng nilapitan ako ni Samuel habang abala si Francheska.

"Si Aling Reina ba yun? Baka makikipag kita na naman kay Boss Onin" banggit nito dala ang ilang mga gamit para sa parlor.

"Anong ibig mong sabihin, Samuel?" tanong ko habang nag aayos ng mga gamit ng bumalik si Francheska.

"Ahh... ibig sabihin nun kahit may mga asawa sila... may mga kabit sila" kwento ni Samuel sa akin.

"Ha?" yun lang ang nasabi ko ng sawayin ni Francheska si Samuel.

Pinilit pagtakpan ni Francheska ang sinabi ni Saumel sa akin. Pero di ko na yung makakalimutan. Sandaling pumasok si Marina at nalaman niya na alam ko na ang pinagkukwentuhan nila kanina. Pinapangako ako nila ako na kahit ano mangyari di ko sasabihin ang nalaman ko kahit kanino lalo na kina Tsang at Tsong.

"Di ko sasabihin... pangako..." sabi ko ng napalingon ako sa may pintong salamin kung saan tanaw ko si Aling Reina nag aayos ng buhok niya habang nakatingin sa salamin.

"... Pangako..."

下一章