webnovel

LOVE AT FIRST SIGHT

"FLOR! Gising naa!"

Napabalikwas ng bangon mula sa higaan si Flora Amor. Akala niya may sunog sa sobrang lakas ba naman ng sigaw ng kanyang ina habang kalong kalong ang panay iyak na bunsong anim na buwan pa lamang.

"Ano ba! Magsibangon na at hinihintay na ako ng papa niyo sa palengke!"

Sa lakas ng bulyahaw ng nanay niya, pati 'yong kapatid niyang si Harold na tatlong taon ang agwat sa kanya ay nagising na rin at agad na tumayo sa higaan.

Inisa-isa niyang pinagmasdan ang apat pang mga kapatid na mahimbing pa rin ang pagkakatulog sa masikip nilang higaan.

Mula sa sala ay dinig na dinig ni Flora Amor ang ina habang panay bilin sa kapatid niyang nauna pang lumapit dito.

"Bumili ka ng benteng pandesal kina Alexa, tapos 'yong sukli ibigay mo sa ate mo at baon niya yan sa eskwelahan. 'Yong mga kapatid mo asikasuhin mo ang pampaligo at baka mawalan na naman ng tubig. Bago ka pumasok dalhin mo na ang tatlo mong kapatid kay Mamay Elsa. Pag-uwi mo, kunin mo sila agad, naiintindihan mo?"

"Opo," magalang na sagot ni Harold.

Tiningnan ng dalaga ang orasan sa dingding. Alas kwatro y medya pa lang ng madaling araw pero ang ingay na ng bibig ng mama niya.

"Flor!!"

"Ma, and'yan na po." Pagkasabi'y tumayo na rin siya at lumapit sa ina.

"Napakatamad mo talaga! Alam mo namang kailangan kong umalis nang maaga ngayon at 'yong ama mo eh mag-isa lang sa pwesto natin!" sermon nito habang iniaabot sa kanya ang kalong-kalong na kapatid.

"Ma, may project po kami sa English, kailangan ko po magpuntang computer-an para magresearch," hirit niya agad.

"Oo na, ando'n kay Harold, sa'yo na lahat ng sukli." Saka lang humina ang boses nito.

"Magkano po?"

"Aba'y trenta. 'Yon lang ang pera ko eh".

"Ma naman, baon ko lang 'yon," angal niya.

"Utang ka muna kay Mamay Elsa ng singkwenta. Mamaya na kamo bayad pag nakauwi na ako." Pagkasabi'y sinabayan na nito ng alis.

"Ma!"

Madaling-araw pa lang ay lukot na ang mukha niya. Pagdating sa pangungutang, siya na ang pinakamahiyain. Ayaw na ayaw niyang nangungutang sila kahit kanino. Pero dahil sa tag-hirap sila, kailangan nilang gawin 'yon.

Tindera sa palengke ang mga magulang niya. Pito silang lahat na magkakapatid. 'Yong puhunan sa pagtitinda ng isda sa palengke ay inuutang ng mga ito sa may-ari ng paupahang tinitirhan nila na si Mamay Elsa. Mabait ito sa pamilya niya lalo na sa kanilang mgkakapatid. Sa katunayan, ito ang nagbabantay sa tatlo niyang mga kapatid 'pag pumapasok na sila sa eskwelahan. At ito rin ang bumibili ng gatas para sa bunso nila.

Sa panahon ngayon, bihira ka nang makakita ng katulad ni Mamay Elsa na sobrang bait at hindi naghihintay ng kapalit sa tulong na ibinibigay sa kanila.

Napansin niyang tulog na ang kapatid kaya inilapag niya ito sa higaan sa tabi ng apat niyang mga kapatid.

Nagpakulo muna siyang tubig sa takore para mailagay agad sa thermos.

"Ate, ito na tinapay," si Harold na kadarating lang, inilapag ang tinapay sa lamesa.

Bahagya niya lang itong nilingon habang hinuhugasan niya ang mga platong pinagkainan nila kagabi.

Hindi na niya kailangang utusan ang kapatid kung ano ang gagawin pagkagising. Sa kanilang lahat, ito ang pinakamasipag.

Pagkatapos bumili ng tinapay, ginising na nito agad ang mga kapatid na papasok para mag almusal at ito nama'y nagmadaling kumuha ng tuwalya saka naligo sa banyo habang nagsasalok ng tubig pampaligo para sa mga kapatid.

Siya nama'y inasikaso muna ang tatlo at pinag almusal.

Nasa second year college na siya sa kursong Bachelor of Commerce major in Management. Si Harold naman ay nasa third year high school na.

Ang pangatlo nilang si Hanna ay grade six pa lang at ang pang apat, si Maureen ay grade one pa lang. Limang taong gulang na si Lizzy, ang panglima nila pero hindi muna pinag-aral ng ina dahil wala daw panggastos. Kaya ito muna ang nagbabantay sa dalawa pang kapatid kasama ni Mamay Elsa.

Kahit mahirap ang buhay nila at nangungupahan lang sila ay nakakaya pa rin silang itaguyod ng kanilang mga magulang sa pagtitinda lang ng isda sa palengke.

--------

"FLOR!"

Nasa lobby pa lang si Flora Amor ng Commerce department ay dinig na niya ang pagtawag ng kanyang bestfriend sa may pinto ng silid-aralan nila sa first subject.

"Good morning Beshie!" bati niya.

Inakbayan siya agad nito papasok sa room nila.

"Look who's here! A gold-digger bitch."

Kunut-noong sinulyapan niya ang nagsalita. Si Phoebe 'yon, anak ng Dean sa school nila. Maliban sa kanilang dalawa ni Anton, kasabay nilang pumasok sa room si Megan, isa sa mga matatalino nilang kaklase, kaya inisip niyang ito ang pinariringgan ng dalaga.

"Hey Phoebe, I heard they're a family of pushers," sambit ni Elisse, bestfriend ni Phoebe.

Magkatabi na silang nakaupo ni Anton ay nakaakbay pa rin ang binata sa kanya.

"You know what---?" pabulong nitong wika sa kanya habang inaayos niya sa upuan ang dalang bag.

"May tsismis ka na naman, kalalaki mong tao", pabiro niyang wika.

"Hey, this is not tsismis." Sabay tawa.

"See, that bitch! Malandi talaga." Si Phoebe na tila ba nanggigigil sa kung kanino.

Curious siyang lumingon sa kaklase sa likuran. To her surprise, ang talim ng titig nito sa kanya, wala naman siyang iniisip na atraso sa una.

Alanganin siyang ngumiti pero irap lang ang isinagot nito.

Nagkibit-balikat na lang siya as if nothing happened.

"Dad invited you on his birthday next Friday. Sa bahay lang naman ang party," patuloy ni Anton habang nakatitig sa kanya.

Siya nama'y kumuha ng notebook at ballpen sa bag saka ipinatong sa armchair na parang walang narinig mula sa binata.

"What say you?" curious na usisa nito.

"Ano'ng what say you, eh alam mo namang strict ang mama ko pagdating sa mga ganyan."

Umayos sa pagkakaupo ang binata at patay-malisyang sumagot.

"Pumayag na siya, sabi pa nga ibili daw kitang isusuot. Nakadisplay na sa closet ko 'yong dress mo."

"Ano?!" Gulat na napatayo siya sa kinauupuan.

Pigil naman ang ngiting hinablot nito ang braso niya pabalik sa pagkakaupo.

"Sinuhulan mo na naman ang mama ko 'no? Kelan kayo nag usap?"

"Shhh..." Lumingon ito sa paligid.

Wala namang nakakapansin sa kanila kasi busy din ang iba sa tsismisan sa kani-kanilang upuan liban lang sa gang ni Phoebe na halos lumuwa na ang mga mata kakatitig sa kanilang dalawa ni Anton.

Si Anton, bestfriend na niya ito mula pa high school sila. Naging magkaklase sila no'ng first year lang siya. Ito rin ang katabi niya sa upuan noon. Tinawag siya ng teacher niya para mag-answer ng equation sa chalkboard. Pagbalik niya, bigla na lang nitong hinila ang upuan kaya napaupo siya sa semento. Ito ang unang binatilyong nam-bully sa kanya at hindi tumigil sa katatawa hanggang lahat ng mga nakakita ay pinagtawanan na rin siya. Sa galit niya, pagkatayo niya'y bigla niyang sinuntok ang mukha nito. Agad na lumabas sa ilong nito ang madaming dugo pero 'di ito nagulat at umiyak o nagalit man lang.

Tandang tanda pa niya ang mga salitang lumabas sa bibig nito. "Lakas no'n ah! Amasona ka ba?"

Dahil doon nadala silang dalawa sa guidance counselor. Saka niya nalamang anak pala ito ng bagong principal sa school na 'yon at siya nama'y bagong lipat lang din do'n.

Simula noon, hindi na siya nito tinantanan hanggang sa mapalagay na din ang loob niya at naging magkaibigan sila.

Malambing ang binata sa kanya pero one hundred percent, hindi ito bakla. Nag-iisang anak lang ito at siya lang ang babaeng ini-bully ng binata na hindi umiyak. 'Yon daw ang dahilan kaya itinuring siya nitong kaibigan.

Noong lumipat sila ng tirahan sa Novaliches, saka niya lang nalamang lumipat din pala ang papa nito sa isang university at iyon ang nagpilit sa kanyang sa school nito pumasok at mag-apply ng academic scholarship.

Mababait ang mga magulang ni Anton lalo na sa kanya. Minsan, dinala siya ng binata sa sariling bahay, parang mga teenager ang mga magulang nitong nagkukulitan sa harap nila habang kumakain. Doon niya nalamang siya lang ang babaeng kaibigan ni Anton na dinala sa bahay nito.

"Slut. Grrrr!" anang nasa likuran niya.

Nagtataka siya sa inaasta ni Phoebe, 'di naman ito gano'n dati, o siya lang itong feeling pinaririniggan kahit hindi naman.

"Beshie, jowa mo si phoebe 'no?" baling niya kay Anton.

Tumitig ang binata sa kanya pagkuwa'y sumeryoso ang mukha at umayos ng upo.

"Yes, for two days," mahina nitong sagot.

"Anong two days? Isang oras 'ka mo kaya lang nalaman mong madami jowa kaya brineyk mo," ang lakas ng boses na sabad ni Mariel, katropa nila na noon eh kauupo lang sa tabi ni Anton.

"Hey shut up!" saway ni Anton sa dalaga.

Umirap lang si Mariel.

"Ah kaya pala para akong kakainin ng buo sa mga titig sa'kin," aniyang napapahagikhik na lang.

Kung titingnan, bagay naman ang dalawa, parehong mayaman ang mga pamily ng mga ito, matatalino, g'wapo at maganda. Perfect match.

"Dami-daming babae kasi, ba't doon pa nanligaw," nakaingos na usal ni Mariel.

"Sino namang babae, ikaw? Bakit, babae ka ba?" baling ng binata sa nagsalita, sabay tawa nang malakas.

"Tse, asungot na to!" inis na sagot ng dalaga.

"Init ng ulo mo bro, may regla ka ba? " Sinabayan uli nito ng tawa ang pang-iinis.

"Shut up!" ani Mariel sabay hampas sa braso nito.

Saka lang natigil ang dalawa sa kulitan nang dumating ang professor nilang babae.

"Beshie, kung brineyk mo, bakit parang galit sakin?" curious niyang tanong habang nakatingin ang mga mata sa professor, kunwari'y nakikinig sa sinasabi nito.

"I told her, you're my original gf," kaswal lang na sagot ng kaibigan.

Hinampas niya ng notebook sa panggigigil ang braso nito.

"Siraulo ka talaga," pabirong wika niya, kunwari'y naiinis pero pigil ang ngiti.

Sa totoo lang, kung 'di sila magkaibigan ng binata at 'di siya sanay sa pagiging malambing nito, baka nga maniwala siyang may gusto ito sa kanya. Pero nakapagtatakang wala man lang malisya para sa kanya ang ginagawa nito.

Wala siyang pakialam kahit magka-holding hands sila o nakaakbay ang binata sa kanya buong maghapon.

To her, ito ang protector at bestfriend niya,

PERIOD.

"Beshie, antayin mo ako sa covered walk malapit sa gate mamaya before ng uwian," baling ni Anton maya-maya sa kanya.

"Huh? Bakit?" nakaarko ang kilay na tanong niya.

"Basta." Hindi na ito nagsalita uli.

4PM

ANG usapan nila ni Anton, dito daw siya maghintay sa covered walk malapit sa gate kasi may pupuntahan lang ito, pero hanggang ngayon wala pa rin.

Ilang minuto pa siyang naghintay. Nang mainip ay lumabas na lang siya ng gate baka nando'n na ito sa labas. Sa dami ng taong palabas ng gate eh wala man lang siyang nakitang kamukha ni Anton.

"Asungot na 'yon, paghintayin ba naman ako."

Bumalik uli siya sa loob ng gate baka palapit na ito o baka ando'n sa tapat ng department nila. Nilakad niya uli papuntang department nila pero wala namang Anton siyang nakita.

Asar na asar na siyang napasandig sa Hyundai na nakaparada sa tapat ng department. Nang maalalang baka nasa loob ng sasakyan ang may-ari ay agad siyang lumayo doon. Saka niya pinagmasdang mabuti ang sasakyan. Ang kintab ng tinted nitong bintana, kitang kita ang mukha niya sa salamin.

Walang bumubusina, baka walang tao sa loob. Bahagya siyang lumapit sa may bintana saka kinuha ang suklay sa bag, inayos ang buhok at itinali na uli iyon.

Panay ang lingon niya habang nagtatali ng buhok baka and'yan na 'yong may-ari ng sasakyan o nasa likuran na ang kaibigan pero wala pa rin.

Nang makitang walang nakatingin sa kanya'y kinuha 'yong jhonsson's baby powder niya sa bag saka naglagay sa mukha, maya-maya'y lumingon uli sa likod.

Naiinis na siya, wala pa rin si Anton.

Kagat-labing humarap siya sa salamin, awtomatikong binasa ng laway ang mga labi saka kinagat uli ang mga 'yon para pumula. Huminga siya sa palad upang amoyin ang hininga kung mabaho ba. Nang malamang hindi ay saka siya napangiti sabay halik ng sarili sa salamin.

Nasa gano'n siyang kalagayan nang biglang bumukas ang pinto ng sasakyan.

Iniluwa doon ang isang matangkad na lalaking naka-sunglasses.

Natigagal siya sa pagkagulat, walang kurap na napatitig sa estranghero. Ang akala pa naman niya'y walang tao sa loob.

Ano'ng gagawin niya? Tatakbo ba siya palayo? O aayos ng tindig at magkukunwaring galit?

Bakit siya magagalit?

"Are you done staring at me?"

"Huh?"

Bigla siyang natauhan at inipon ang natitirang kapal ng mukha saka umayos ng tindig.

"Good afternoon po sir!" bulalas niya sabay ngiti.

"Flor! Flora Amor!"

Sa sobrang lakas ng boses ni Anton ay bahagya lang na narinig 'yon ng dalaga ngunit napalingon pa rin siya.

'Saved by the bell!'

Mabilis siyang tumakbo palayo sa estranghero.

"Hmm, Flora Amor," he whispered.

Recalling of what had happened awhile ago, he smiled...and laughed.

Dumungaw ang isa pang lalaki sa pintuan.

"Bro, iba na 'yan," panunudyo nito.

"Shut up!"

Pinaghahampas ni Flora Amor ng bag si Anton habang ito nama'y panay ilag sa ginagawa niya.

"Walanghiya ka! Kasalanan mo 'to! Ang sabi mo hintayin kita sa covered walk pero 'di ka naman nagpakita agad! Napahiya tuloy ako sa hambog na gurang na 'yon!" mangiyak-ngiyak na panunumbat niya habang panay hampas sa binata.

"Sorry na. Kasalanan ko," natatawang awat nito, iniinda ang hampas niya.

Nang mahuli ang kamay niya'y inakbayan siya agad at inaya nang umalis, pero ang mga mata'y naniningkit na nakatingin sa lalaking nakatayo pa rin sa tabi ng sasakyan.

Kahit pahiyang-pahiya siya pero may kung anong pwersa ang nagtulak sa kanya para lumingon sa kinaroroonan ng estrangherong lalaki.

"Huh?"

Nakatingin ba ito sa kanila? Bakit parang sila ang pinagmamasdan nito? Bigla siyang kumawala sa bisig ni Anton as if guilty siya.

'Guilty saan?'

Napalingon uli siya sa lalaki, namula. Bakit parang narinig niya ang tawag nito?

"Amor?"

Naninindig ang balahibong binilisan niya ang paglalakad at hindi na lumingon pa.

下一章