GABI na nang makalabas sila sa kweba ng Sepir kaya wala silang pagpipilian kung'di ipagpalipas ang gabi sa gubat ng Wea. Ang gubat ng Wea ay kilala rin bilang diyamanteng gubat ng luha ng mga sirena ayon kasi sa alamat nabuo ang gubat na ito sa iyak ng kahuli-hulihang sirena isang daang taon na ang nakakalipas. Sabi sa alamat nagkagusto ang sirena sa diyos ng mga bituin kung kaya't gumawa ito ng paraan upang makasama ang kaniyang gusto ngunit sa kasamaang palad hindi ipinahihintulot ang pag-iibigan ng taga-lupa at diyos. Ang sirena ay pinarusahan ng kamatayan sa labis na hinagpis ng diyos ng bituin ay ginawa nito ang gubat na ito at nagpakamatay. Kung kaya't korteng sirena ang gubat at kilala sa mga bato na gawa sa starealú; isang diyamanteng gawa mula sa kaliskis ng sirena at sa liwanag ng bituin, simbolo ng pag-iibigang hindi binigyan ng pagkakataon.
Ngayon lamang nila napagtanto na ang layo pala ng pinagdalahan sa kanila ng Executio. Dahil ang Wea at ang kweba ng Sepir ay matatagpuan sa dulong bahagi ng kontinente at sa dulo ng dalawa ay isang lugar na hindi tiyak at pinagbabawal. Wala pang nakakabalik kung mangangahas silang lumagpas mula rito kaya walang makakapagsabi kung ano ang mayroon dito. Mayroong nagsasabi na isa raw itong portal papunta sa ibang mundo o 'di kaya tirahan ng mga halimaw. Ito raw ay ginawa ng mga diyos upang gawing babala sa sino man na ang ano mang bawal ay mananatiling bawal at ang kaparusahan ay siyang naghihintay sa gustong lumabag. Sa kaparusahan sa mga lumabag, dito rin nagsimula ang mga sinumpang nilalang na anak ng isang diyos at isang mortal na gaya ni—Xerxes.
Ngunit isa lang ang kanilang alam. Malapit sa Wea ang bayan ng Astonia kung saan makakakuha sila ng impormasyon ukol sa mahikero na pinapahanap din ng nilalang ng Sepir.
Napahawak sa kaniyang sentido si Xerxes habang nakaupo sa isang putol na puno. Sila lamang ni Spencer ang naroroon dahil nasa ilog si Kira at Violet upang manghuli ng isda para sa kanilang agahan. Malalim ang kaniyang iniisip lalo na ang napipinto niyang pagbabalik sa Titania. Alam niyang kailangan niyang bumalik hindi lang para sa kaniyang kapatid kung'di para iligtas ang bayan na kaniyang ikinamumuhi laban sa mga masasama.
Ngunit hindi pa rin nabubura sa kaniyang puso ang galit sa Titania. At parang bubugbugin ang kaniyang dequiłło kung ililigtas niya ang mga nilalang na nais niya talagang paslangin.
Madiing tinitingnan ni Spencer ang kaibigan habang ito'y nagmumuni-muni, alam nito ang iniisip ng kaibigan dahil kahit siya hindi maatim na iligtas ang bayan na dahilan ng kaniyang paghihirap. Tumingkayad siya at kinuha ang dalawang bungang hugis puso at kulay melon mula sa puno ng dreza at kinain ang isa habang lumalakad palalapit sa kinaroroonan ni Xerxes.
Umupo siya sa tabi nito at umangat ang ulo ni Xerxes upang siya ay tingnan. "Bakit ka naririto? Hindi ka ba galit sa akin? Taga-Titania ako." Hindi ito sumagot bagkus ay iniabot ang prutas kay Xerxes na halatang gulat sa inasta ni Spencer.
Kumagat muli si Spencer sa prutas at itinapon ito. "Ano naman kung ikaw ay prinsipe ng Titania? Ikaw ang nagligtas sa akin at pareho ang ating sitwasyon. May magagawa pa ba ako? Mas importante ang buong kontinente kaysa sa aking personal na emosyon. Kita mo nga ang ginawa ng nilalang ng Sepir... " tumawa ito at itinuro kay Xerxes ang pilat na korteng kidlat sa kaniyang kaliwang kilay pababa sa talukap ng kaniyang mata. Swerte nga siya na hindi siya nabulag at ito lang ang kaniyang inabot.
Tumawa si Xerxes habang gumagalaw-galaw ang buntot nito sa galak. Kinagat nito ang binigay na prutas at tumayo mula sa pagkakaupo. "Naalala mo ba ang araw na nakita mo ako sa gubat na tinitirhan mo? Binigyan mo ako ng pagkakataong mabuhay siguro kailangan din nating magbigay ng pagkakataon sa kanila," nagawa pang tumawa ni Spencer habang winiwika niya iyon at tumango si Xerxes habang pareho nilang inaalala ang araw na nagkaroon sila ng kaibigan na pareho ang galit sa Titania.
Nakatali ang isang lalaking pinaliliguan ng dugo at hapong-hapo sa isang bato. Nakaukit sa kaniyang dibdib ang sinaunang orasyong, "Qui ert vladmr ilioue ez asequipe" o nangangahulugang, "Ang katawan ng hampas-lupa ay inialay sa sino mang halimaw na nais tikman ang kaniyang dugo. " hindi alintana ang sakit sa katawan nito dahil mas masakit ang pagkawala ng mga magulang at iba nitong kababayan. Kanina pa ito sigaw nang sigaw habang patuloy na umiiyak.
Siguro nga'y tatanggapin na lamang nito ang kamatayan upang makasama ang mga magulang tutal ay wala nang natira sa kaniya. Pati ang dignidad nga'y wala na.
Nakarinig si Spencer ng kaluskos at nagsimulang umatungal at umiyak ang mga boses sa paligid. Mga boses na tila pinahirapan at pinatay nang paunti-unti, mga boses na parang nasa impyerno. Pinikit niya na lamang ng binata ang kaniyang mata at taimtim na nagdasal upang tulungan ang kaniyang kaluluwa na makatawid sa kabilang buhay kung siya ay papanaw na ngayon.
Wala raw kasi nakakaligtas sa halimaw na naninirahan sa gubat na ito—lahat ay kinukuha ni kamatayan.
Nakarinig ng yabag si Spencer. Mabibigat ang mga yabag ng kung sino na papalapit sa kaniya. Bumubulong-bulong pa ito ng mga salitang, "May bago nanamang basurang itinapon para sa akin. "
Ayaw buksan ni Spencer ang kaniyang mata. Mabuti na lamang na hindi niya makita ang sarili na namamatay. Pagod na siyang masaktan.
Naramdaman niya ang paglapit nito at ito ay napatawa. "Seryoso ba sila? Mukhang basang tuta ang ipinadala nila ngayon, mahina at hindi lumalaban. " Sa kaniyang narinig ay unti-unti niyang binuksan ang kaniyang mata at bumungad sa kaniya ang isang nakamaskarang nilalang na may matatalim na berdeng mata—mukha itong tao, hindi halimaw.
Tinanggal nito ang taling nakagapos sa katawan at malakas na itinapon ito sa kung saan. "Bilis, marami pa akong gagawin. Dagdag pasanin sa aking mga kamay kung gawin ko pang prioridad ang matagalang pagtapos sa iyong buhay, " malamig nitong wika at tinitingnan-tingnan ang kaniyang kuko mukhang naninigurado sa talim nito upang magamit sa pagpatay kay Spencer.
Tiningnan lang ni Spencer ang nilalang at lumuhod sa harap nito. "Kung papatayin mo ako, gawin mo na. Wala na namang saysay ang aking buhay. "
Tumawa si Xerxes sa naalala at humalagpak na rin ng tawa si Spencer. "Hindi pa pala kita napapasalamatan sa pagtuturo sa akin kung paano gamitin ang aking kakayahan. Pasensya na rin pala at ginamit ko ito sa kasamaan... Masiyado akong nabulag sa paghihiganti. Kahit sinabi mong huwag gamitin ito roon. Ngunit, magkatulad lang naman tayo, nagsinungaling sa isa't-isa. Ngunit sa ngayon, marami ang umaasa sa atin, marami ang mas nasaktan at namayapa habang hindi nabibigyan ng hustisya na ang sigaw ay sana naroroon tayong mga alkemista. Iyon ang pinakita sa akin ng nilalang ng Sepir. " Alam ni Xerxes ang tinutukoy ni Spencer, sa kanilang tatlo, mas marami ang pinakita kay Spencer. Kung ano ang ipinakita... Hindi niya alam ngunit napaka-bigat nito kaya nama'y nabuksan ang mata ni Spencer.
Ayaw niya munang itanong iyon kay Spencer, alam niyang magsasalita lang ito kinalaunan.
"Sa bagay ay tama ka. Marami pa tayong kailangang isipin gaya nito—" Kinuha ni Xerxes ang isang lalagyan na nasa tabi ng libro ng Executio at kinuha ang lamang varele nito.
Tumango si Spencer at tinititigan ang varele at ang laman nitong lilang likido na ibinigay ng nilalang ng Sepir. Sabi nito ay magagamit nila ito laban sa totoong kalaban pwera sa mga diyablo ng kanluran. At nararapat daw nila itong protektahan at huwag hahayaang maipasakamay ng kalaban. Ito raw ay ginawa ng aquefea ni Kira noong mapagtanto nito kung sino ang totoong kalaban at hindi nito nasabi kung sino o ano ang kalaban dahil namatay na ito.
"Ano sa tingin mo ang laman nito at ano ang ispesipiko na gamit nito?" Nilaro-laro ni Xerxes ang varele sa kaniyang kamay habang kumikislap ang ginto nitong mga mata.
"Isa lang ang alam ko, ayon sa alamat ang hisore na kasa-kasama ng mga sinaunang alkemista ay ang katangi-tanging nilalang na inoobserbahan ang lahat ng alkemista kaya maaring may alam siya. At dahil siya ay patay na maaring ang kaniyang lahi ang may hawak ng kaniyang talaarawan at maaring naroon ang sagot sa ating mga katanungan... Swerte rin tayo na ang isa sa salinlahi ng tagapagtala ay—ang mahikero ng Astonia. " Tinuro ni Spencer ang direksyon ng Astonia at kuminang ang kaniyang mga mata na para bang matagal na niyang sinusubaybayan ang mga alamat at storya.
Ngunit sino nga ba ang mahikero ng Astonia?
"Ang mahikero ng Astonia ay kilalang kriminal sa mata ng konseho. Ito raw ay dating miyembro ng konseho hanggang sa nag-aklas ito nang napatay nito ang isa sa mga pinuno ng bulwagang iyon. Ngunit sa mata ng iba, siya ay isang tagapagligtas, pumapatay ito ng mga miyembro ng konseho na nanapak ng karapatan ng mga mamayan at sa mata ng mga binibini siya ay isang kanilang diyos. Isa lamang ang palatandaan upang malaman mo kung siya ay ang mahikero—ang simbolo sa likod ng kaniyang palad na umiilaw sa tuwing magagawa mong makawala sa kaniyang illusyon at mahika. " Tumingin sa kawalan si Spencer na para bang may naalala.
Napitlag ang tainga ni Xerxes nang marinig ang pangalan ng konseho; Napakuyom ang kamao nito at lumabas ang kaniyang mga pangil. Hinawakan nito ang sariling mukha na para bang iniisip ang dating suot na maskara. Naalala niya ang mga bagay na ipinaalala muli sa kaniya ng Sepir na nagpapaalala sa kaniya na ang naroroon sa konseho ay puro—ganid at makasarili.
Malalim ang gabing iyon at ang hapong paghinga at mga yabag ng paa lamang ang naririnig. Isang binata ang tila isang daga na hinuhuli ng mga pusa habang sapo-sapo ang sugat ay tumatakbo at naghahanap ng matataguan.
"Hulihin ang lobong iyan! Tandaan niyo siya ay kaisa-isa na lang at may dugong bughaw, isali mo pang diyosa ang ina niyan! Kapag nahuli natin iyan ay siguradong mapapantayan natin ang lakas ng pinuno ng konseho!" Itinaas ng isang miyembro ang kaniyang hawak na espada at itinutok ito sa direksyon kung saan tumakbo ang binata.
"Hanapin niyo! Gamitin mo ang alam mong orasyon, Fequixo!" Lumabas mula sa likuran ng isa sa mga miyembro ang isang nilalang na may matalim na ngipin at gawa sa apoy; Lumabas sa bibig nito ang apoy at sinunog ang mga puno sa paligid. Ang dating payapa at magandang gubat ay naging tila impyerno, nagsitakbuhan na rin ang mga hayop at ang iba ay minalas at namatay.
Samantala ay nagtatago ang binata sa likod ng isang matayog na bato. Tinatakpan niya ang kaniyang bibig upang hindi makalabas ang ingay mula rito at maging dahilan ng pagkadiskubre ng mga ito sa kaniya. Puno ng dungis at dugo ang kaniyang katawan at halos binagyo na ang kaniyang puting buhok dahil sa gulo nito.
Noong napag-alaman ng kaniyang ama na siya ay buhay pa. Nakipagtulungan ito sa konseho upang isali ang kaniyang ngalan sa mga wughfi ng konseho. At dahil isa siyang sinumpang nilalang at ang isang taong-lobo; ang kaisa-isang taong-lobo, ang kaniyang ulo ay gustong-gustong mapasakamay ng mga ito dahil ang dugo raw ng isang taong-lobo ay nagpapalakas ng baitang ng kapangyarihan at nakakapagpabata.
Hindi na sana niya nanaisin na maghiganti sa Titania dahil noong naging malaya siya mula sa kaniyang ama ay naging masaya na siya ngunit hindi siya tinatantanan ng ama, nagtawag pa ng mga gudxir ng konseho upang siya ay habulin at patayin.
Sa katunayan ay pagod na siyang magtago. Wala sa bokabularyo niya ang magtago na parang daga. Pagod na siyang laging hinahabol at sinasaktan. Sawang-sawa na nga siya sa ginawa ng ama sa kaniya noon noong ginagawa niya lamang ang tama.
"Tandaan niyo rin! Magbibigay ng malaking halaga ang emperador ng Titania kung mahuhuli natin ang taong-lobo!" Narinig niya ang winika ng isa sa humahabol sa kaniya.
"Tama! Magiging kasing yaman na tayo nagkataon sa kaharian ng Vixe! "
Sumilip siya nang kaunti at nakita ang mga nagkikislapang mga mata ng mga iyon, isa lamang ang kahulugan na naroroon sa mga matang iyon—gutom sa pera at kapangyarihan. Mga matang gaya ng kaniyang ama. Naghahanda ang isa sa mga ito sa gagawing inkantasyon; Inkantasyon upang tulungang hanapin siya.
Bakit nga ba niya kailangang magtago? Bakit lagi siyang gustong hulihin? Kasalanan na bang isa siyang sumpang nilalang? Paano na lang ang mga hindi sinumpa ngunit patong-patong ang pagkakasala?
Hindi niya napigilang kagatin ang kaniyang labi sa poot hanggang sa ito ay dumugo. 'Iyon lang ba ang tingin ng mga ito sa nilalang na gustong mabuhay? Kapag tinapatan ng premyong pera at kapangyarihan ng iilan wala nang saysay ang kagustuhan ng nilalang na mabuhay dahil mas importante sa konseho ang sariling hangad? '
Ang sabi ay ang konseho ang takbuhan ng mga naapi, tagapagligtas ng mga nilalamon ng dilim at nagapagbigay ng hustisya ngunit bakit ito mismo ang nanghahamak, naninira ng buhay at dahilan ng kamatayan at kawalan ng hustisya?
Tunay nga na ang siyang may hawak ng batas ay siya pang hindi sumusunod at gumagawa ng pagkakasala.
Kinuyom niya ang kaniyang kamao at natagpuan ang sariling lumabas mula sa batong kaniyang pinagtataguan. Kumislap muli ang mga mata ng mga ito na para bang nanalo sa sugal.
"Mabuti namang ginawa mong madali ang iyong kamatayan, kriminal! Lumapit ka rito nang mapadali na lang ang iyong kamatayan, " sinenyasan pa siya nito ng salitang 'lapit' at narinig niya ang halakhakan ng mga naroon.
Tumalim ang kaniyang tingin at humugong siya nang nakakasindak; Ang kaniyang pangil ay tila nais makatikim ng dugo na nakapagpataas ng balahibo ng ibang naroon. "Ayoko nang magtago, wala naman akong pagkakasala 'di ba? Bakit niyo ako kailangang hulihin? " malamig niyang wika at nagsimulang mahinang lumakad papunta sa direksyon ng mga ito.
Nanginginig na itinaas ng mga ito ang kani-kanilang espada at inihanda ang kani-kanilang kapangyarihan. "I-Isang pagkakasala na ang buhay mo!" Lumiwanag ang gintong mata ng binata at lumabas sa kaniyang katawan ang miasma ng kaniyang kapangyarihan—nangangalit ito at sabik na sa pagkawala. Naging korteng matinik na halaman ito hanggang sa nagka-hulma ito; hulma ng isang rosas na may matatalim na ngipin at mula sa ngipin tumutulo ang kulay berde na likido—lason.
Mula sa mga nasusunog na puno, gumalaw ang mga patay na sanga at nawala ang apoy at nagsibuhay ang mga puno. Pumalibot ang mga ito sa isa't-isa at tinakpan ang maaring labasan. Tila isang kulungan ang naging hitsura nito. Kulungan na pumiit sa mga taga-konseho at sa taong-lobo na siyang may gawa nito.
Nagsimulang marinig ang mga atungal at sigawan ng mga nahihirapang nilalang sa paligid. Kung kaya nama'y nabitawan ng ibang taga-konseho ang sandatang hawak ng mga ito. Ang iba nama'y pilit na tinatapyas gamit ang kanilang espada at kapangyarihan ang matayog na piitan na gawa sa halaman. Ngunit, kahit na napuputol na nila ito ay nabubuhay lamang ito at nagkakaroon ng tinik sa mga sanga.
"Kung ako ay nagkasala na nang walang ginagawa, paano na lang ang tulad niyo na may ginagawang kalabagan?"
Narinig ang sigawan sa paligid at nagkalat ang dugo at laman. Sa gitna ng mga bangkay ay isang binatang duguan ang kamay at kuko, nabahiran na ng dugo ang kaniyang puting buhok at buntot. Mata ri'y kumikislap gaya ng buwan habang tinitingnan ang kaniyang mga napatay.
Simula noon ay nakilala na siya bilang halimaw ng bundok kamatayan. At nakilala ang gubat bilang gubat ng kamatayan o hindi kaya sumpang gubat ng mga umaatungal na ispirito. Naging halimaw lang naman siya upang pagbayaran ang mga taong may sala tulad ng mga taga-Titania at ng taga-konseho. Hindi niya na nga mabilang ilan na ang kaniyang napatay.
"Naiintindihan ko ang mahikero kung bakit galit siya sa mga taga-konseho. Nararapat lang na patayin ang mga nilalang na huwad na tagapagtupad ng batas!" Tiningnan siya ni Spencer at tinapik nito ang kaniyang balikat. Tumikhim ito at bumuntong hiniga.
"Kung makakaharap mo siguro ang mahikero ay magkakaintindihan kayo. Ngunit bago natin problemahin ang konseho na tinik sa ating mga alkemista, nararapat nating hanapin muna ang mahikero dahil hindi ito madalas mamalagi sa iisang lugar lamang ang isang iyon. Kapag nahanap mo siya at hinayaan mong makatakas ay hinding-hindi mo na siya mahahanap pa kahit ano'ng pilit mo. " Tumingin sa kawalan si Spencer na tila may naalala. Kinamot nito ang kaniyang ulo at nagbilang ng tatlo sa kaniyang mga kamay.
Bumuntong-hininga si Xerxes at napahawak sa kaniyang noo. Tumawa si Spencer at tinapik muli ang balikat ng kaibigan.
Kahit kailan pahamak talaga ang konseho.
"Tatlo lamang ang pagkakataon mo upang mahanap siya na hindi niya nalalaman na tinutugis mo siya. Lagpas sa tatlo, ay ikaw na ang tutugisin niya. Ang mga lugar na nakita raw ang mahikero ay sa Astonia, Fedroza, Saviel at ang Kora. Ngunit sabi ko nga hindi siya namamalagi sa iisang lugar lamang kaya maaring nasa ibang bayan din siya. " pagpapatuloy pa ni Spencer at tumayo mula sa pagkakaupo; Itinaas nito ang hintuturo at sumenyas na para bang magpapaputok ng baril.
"Kapag sinabi kong tutugisin ka niya, ang kahulugan non—kamatayan. Dahil iisipin niyang kapag tinutugis mo siya ay kakampi mo ang konseho. "
Hindi mapigilang mamangha ni Xerxes sa kaibigan na madaming alam. Matagal nang namamalagi si Xerxes sa kaniyang tinitirhan kaya naman wala siyang masiyadong alam ukol sa mga kaganapan sa labas. Mapalad sila na isa sa mga kasama nila si Spencer.
Napangisi si Xerxes. "Kung gayon ay madali lang pala siyang mahahanap kung tayo ay magpapatugis sa kaniya, tama? Hindi naman siguro niya tayo papatayin kung malalaman niya ang ating rason." Napangiwi si Spencer sa naiisip ng kaibigan at tumango.
"Kung kaya't unahin natin ang Astonia dahil marami tayong mapupulot ukol sa kaniya doon at kapag malaman niyang iniimbestigahan natin siya, siya na mismo ang lalapit. "
"Siguro tatanungin mo ako kung bakit marami akong alam ang tungkol sa kaniya. Iyon ay dahil—nakaharap ko na siya noon. "
----
VOCABULARY:
dequiłło- pride
varele- vial
aquefea- predecessor
hisore- historian
Fequixo- Pronto/Bilisan mo!