webnovel

IMPOSSIBLE

"Napapansin kong tahimik ka. May problema?" tanong ni Dem kay Kaye na tamilmil kumain. Ilang araw na siyang ganoon dahil pinagiisipan na niya ang pagaalis ng spell dito. Lingid dito ay naisaulo na niya ang breaking spell. Gagawa na lang ulit siya ng inverted pentagram sa sahig gamit ang uling na isinawsaw sa dugo ng itim na pusa; patatayuin si Dem doon saka sasabihin ang mga incantation para ma-break ang spell. Iyon ang mga nabasa niya sa internet na kailangang gawin. Tiwala naman si Kaye dahil effective naman ang nakuha niyang orasyon sa internet site na iyon kaya na-summon niya si Dem.

Umiling siya. "May naisip lang ako," lutang na sagot ni Kaye. Napabuntong hininga ulit siya at nakaramdam ng kakaibang lungkot. Sa tuwing iniisip niyang pakakawalan na si Dem ay ganoon ang nararamdaman niya. Bukod doon ay nakakaramdam din siya ng kahungkagan.

Pero naisip niyang wala siyang ibang choice. Wala doon ang buhay ni Dem. Alangan namang i-seal niya ito forever? Napaka-selfish noon. Isa pa, kung mananatili doon si Dem, ang gusto ni Kaye ay nagkusa ito at hindi dahil sa nasa ilalim ito ng sumpa niya.

"Kaye, what's wrong? Your aura turned... silver. You are really sad." seryosong untag ni Dem.

Napatitig si Kaye dito. Napalunok siya ng makasalubong ang mga mata nito. Bumilis ang tibok ng puso niya at doon napagtanto ni Kaye na totoong may nararamdaman na siya kay Dem. Kaya worried siya rito at ginustong pakawalan ay dahil ayaw na niya itong pahirapan. Lagi itong laman ng isip niya at kahit masakit sa kalooban, pakakawalan niya dahil iyon ang alam niyang makakabuti dito.

At nararamdaman ni Kaye na malalim ang nabuong damdamin para sa demon. Siguro, para sa iba ay isang malaking kahibangan iyon. Nahulog ang loob niya sa isang demon. Hindi iyon normal. Hindi iyon tama. Kahit kailan, alam ni Kaye na hindi iyon katanggap-tanggap pero...

Pakiramdam niya ay tama. Ni hindi na nga siya kinikilabutan sa isiping nagmamahal siya ng isang demon kesehodang ano pa ang magiging demon transformation nito. Loving Dem felt so damn right. It was impossible but it felt so true and loving him is all she ever wanted to do...

Huminga ng malalim si Kaye sa napagtanto at naramdaman. Pakiramdam niya ay sasabog na ang puso niya. Ang bigat-bigat noon at hindi na iyon maitatago pa ni Kaye ...

"D-Dem, ugh... may sasabihin ako," kinakabahang saad ni Kaye at iniurong na ang pinggan. Nawalan na rin siya ng gana. Wala siyang ibang gusto kundi ang tapatin na ito dahil sa totoo lang ay hindi na niya alam ang iisipin at gagawin. She was in love with him.

Napalunok ito saka napatango. "Okay. What is it?"

"G-Ganito—"

Napatingin sila sa pinto ng biglang may kumatok. Gustong mapaungol ni Kaye sa pagkabitin! Napaka-wrong timing naman na mayroong kumatok pa kung kailan magtatapat na siya. Napatikhim siya at napakamot ng sentido ng maulit ang katok. Sa pagkakataong iyon ay may tumawag na.

"Tao po!" anang lalaking kumakatok. Hindi pamilyar kay Kaye ang boses. Wala din siyang inaasahang bisita kaya napakunot ang noo niya sa pagtataka.

Minabuti niyang tingnan iyon. Sumunod naman si Dem sa kanya. Bago nila binuksan ang pinto, sinuot muna ni Dem ang shades para hindi makita ng tao ang mata nito.

Napakunot ang noo ni Kaye ng mapagbuksan ang tatlong tanod sa harap ng pinto niya. Ngumiti ang mga ito bagaman halatado sa mga mata ang pago-obserba. Pasimpleng tiningnan ang loob ng bahay niya saka siya tinanguan.

"Magandang hapon," bati sa kanya ng isang tanod na payat. Nasa edad singkwenta na ito. Maitim at mukhang masungit. Base sa boses nito, ito ang tumawag kanina at kumatok.

Tumango si Kaye. "Magandang hapon din, ho. Ano'ng atin?"

"Nakikilala mo ba ang mga ito?" tanong ng matandang tanod saka binigyan siya ng xerox copy ng litrato ng tatlong lalaki. Natigilan siya ng makita ang isang lalaki: ang butcher na naging abo dahil kay Dem! Rody Manotok ang pangalan. Biglang kumabog ang dibdib niya. Gayunman, hindi siya nagpahalata. Matapos tingnan ang picture ng butcher ay tiningnan niya pa ang iba. Pamilyar din sa kanya ang dalawa pero hindi niya matandaan kung saan niya nakikita.

Sinabi niya iyon sa mga tanod maliban na lang sa nangyari kay Rody. Napatango ang tatlong tanod.

"Itong dalawa, kasamahan din ni Rody. Nawawala sila. Si Rody ang nauna. Mahigit isang buwan na siyang nawawala. Ang dalawa namang kasamahan niya, sabay na nawala isang linggo ng nakararaan. Kung may impormasyon kang malalaman, pakitawagan lang kami sa numerong nakalagay sa ibaba ng picture." mahigpit na bilin ng payat na tanod.

Tumango siya. Saglit pa silang pinagmasdan hanggang sa nagpaalam na ang mga ito. Pagkasara niya ng pinto ay bigla siyang nanghina. Napaigtad siya ng maramdaman ang palad ni Dem sa balikat niya. Napatingala siya rito at kumabog ang dibdib niya ng masuyo itong ngumiti sa kanya.

"Everything will be okay," pangako nito.

"Pero—"

"Sige na. Magbihis ka na," seryosong untag nito. Magsasalita pa sana siya ng igiya na siya nito papuntang kuwarto. "Male-late ka sa trabaho niyan. Sige na. Huwag mo ng isipin ang mga nangyari,"

Napipilitan siyang tumalima. Nagbihis na siya at napapaisip pa rin. Hindi na niya nagawang magtapat dahil naging okupado na ang isip niya tungkol sa mga nangyari. Ayaw man niyang isipin, mayroong nabubuong ideya sa isip niya: kagagawan ba ni Dem ang lahat?

Agad niyang ipinilig ang ulo. Imposible iyon. Demon nga si Dem pero hindi nito gagawin iyon. Mukhang maloloko ang dalawang kasamahan din ni Rody at nasisiguro niya, kung nawala man ang dalawa ay dahil na rin iyon sa sarili nilang kagagawan.

Napatango si Kaye sa naisip. Tama. Iyon lang naman ang dahilan ng lahat. Nasisiguro niya na lalabas din ang totoo. Hindi niya dapat pagisipan ng masama si Dem. Sa loob ng ilang linggo na nakasama niya ito, nakilala ni si Dem. Alam niyang malaki na ang nabago dito at nagtitiwala siyang hindi nito magagawa ang mga ganoon bagay.

Napabuntong hininga na lang si Kaye sa naisip.

"Kawawa naman ang dalawang lalaking iyon. Pagkatapos magimbestiga ng mga taga-SOCO noong isang linggo sa quarters ng mga butcher, napagalaman nilang naginuman pa sila bago nawala. Naka-lock ang kwarto mula sa loob. Ibig lang sabihin ay hindi sila lumabas. Papaano kaya nangyari iyon? Nakakatakot naman..." ani Aling Annie—ang mayari ng karinderya habang nagtatakal ng pagkain. Si Kaye naman na nakapila para bumili ng hapunan ay matamang nakikinig habang kumakabog ng ubod lakas ang dibdib...

"Oo nga! Nakakatakot... ang sabi pa noong mayari, amoy sulfur daw ang quarters ng mga butcher nang buksan nila. Hindi nga daw nila alam kung saan galing iyon dahil wala namang sulfur na gamit ang mga lalaki doon..." ayon ng isang serbidora.

Naging balita sa buong barangay ang pagkawala ng tatlong lalaki. Ayaw man magisip ni Kaye ng iba, sa pagkakataong iyon ay naghihinala na siya. Wala siyang ibang alam na gagawa noon kundi si Dem.

At kung nagagawa nito iyon, ibig lang sabihin ay nagagamit na nito ang kapangyarihan! Hindi tuloy niya alam kung ano ang iisipin. Kung sakaling nagagamit na nga nito ang kapangyarihan, kailan pa iyon at papaano? Ah, gusto na niyang iuntog ang ulo dahil sa dami ng alalahanin.

Hindi naman nagbukas ng usapin si Dem tungkol sa mga nangyayari. Sa tuwing nagtatangka siya, iniiba nito. Obvious na ayaw nitong pagusapan iyon. Noong una, naisip niyang hindi ito kumportableng pagusapan ang mga ganoon kaya hinayaan na niya. Pero kanina ay kinutuban na siya.

Nagkaroon ng bulung-bulungan sa karinderya samantalang binabalot ng disappointment at lungkot si Kaye. Sigurado na siya kung sino'ng may gawa noon. Sino pa ba? Isang demon lang naman ang amoy sulfur! May kapangyarihan din ito at nasisiguro niyang naging abo na ang dalawang butcher dahil kinuha nito ang kaluluwa. At sino'ng demon ang pakalat-kalat ngayon sa barangay nila kundi si...

"Ay kabayo!" gulatang na saad ni Aling Annie ng mabagsak ng asawa nito ang isang buong kaldero. Napapahiyang humingi ng paunmanhin si Tolome—ang asawa ni Aling Annie. Dali-dali na nitong ipinatong ang kaldero sa mesa saka umalis. Mabuti na lang ay hindi natapon iyon. Mukhang sa pagmamadali, nabitawan nito ang kaldero. Sa pagkakaalam ni Kaye ay nagtatrabaho iyon sa isang private cementery bilang sepulturero.

"Tapos ka na?" untag ni Dem kay Kaye.

Napaigtad ang dalaga. Hindi na niya napansing sinundo na siya ni Dem sa karinderya. Saktong turn na niya para magturo ng mga pagkain. Napabuntong hininga siya at itinuon ang pansin sa nagtatakal ng pagkain. Nang matapos ay nagbayad na siya.

"Naku, kaya magingat tayong lahat. Hindi natin alam kung sino'ng may kagagawan noon. Ikaw rin, iha. Magingat ka." paalala sa kanya ng kahera saka sinuklian. Tipid siyang ngumiti dito saka umalis.

Tahimik siyang sinabayan ni Dem na naglakad pauwi. Pagdating sa bahay ay iniwan lang niya ang pagkaing binili sa mesa saka nagkulong sa kwarto. Napahawak siya sa buong ulo. Isip siya ng isip. Aaminin niya, nalilito siya. Nalulungkot. Nagtatampo...

Dahil sa lahat ng iyon, bakit iyon nagagawa ni Dem? Hindi siya naniniwala na gagawin nito ang mga iyon ng wala lang. At bakit hindi ito nagsasabi sa kanya kung may problema? Ah... hindi na niya alam!

"Kaye, open the door. Let's talk," seryosong tawag ni Dem saka kumatok.

Huminga ng malalim si Kaye. Pinakiramdam niya ang sarili kung nakahanda na ba siyang harapin si Dem. Gustong-gusto na niya itong kausapin pero hindi niya alam kung papaano magsisimula. Ah, naloloka na talaga siya...

"Kaye—"

"Nand'yan na!" sagot niya at napabuga ng hangin. Kinalma niya ang sarili. Inisip niyang once and for all ay magkaliwanagan na sila. Kailangan niyang ihanda ang sarili sa mga magiging sagot nito. Napabuga siya sa naisip.

Lumabas na siya at hinarap si Dem. Seryoso itong nakatitig sa kanya. Parang binabasa pati ang isip niya. Bumilis ang tibok ng puso niya sa titig nito at minabuti niyang kalmahin ang sarili. Hindi niya ito makakausap ng maayos at hindi siya makakapagisip kung binabalot siya ng kakaibang damdamin dito.

"Why are you acting this way? Hindi mo ako kinakausap. May nagawa ba ako?" seryoso nitong tanong at napalunok si Kaye ng makitaan ng kislap ng lungkot ang mga mata ni Dem.

"Dem, bumalik na ba ang kapangyarihan mo?" seryosong tanong niya. Kailangan niyang makumpirma iyon. Naghuhumiyaw na ang katotohanan pero gusto pa rin niyang marinig. Dahil sa kahuli-huling pagkakataon, umaasa pa rin si Kaye na may magbabago...

Natigilan si Dem hanggang sa nagkaroon ng guilt ang mukha. Lalong na-disappoint si Kaye. Napayuko siya at namasa ang mga mata. Hindi niya mapigilang masaktan sa nalaman. Itinago nito ang totoo. Nagmukha siyang tanga kakaisip na nasa ilalim pa rin ito ng sumpa niya.

"K-Kailan pa?" mabigat ang loob na tanong niya. Pakurap-kurap siya para pigilang maluha.

Napabuga ito ng hangin. "One month lang ang bisa ng spell. Huwag mong ikagalit na hindi ko sinabi iyon sa'yo dahil—"

"Dahil ano? Dahil nage-enjoy ka na paglaruan ako?" luhaang bulalas niya at napahagulgol sa mga palad. Hindi na niya napiglang sumabog ang sama ng loob dito. Ang tagal na pala nitong na-unseal! Dalawang buwan na sila nitong magkasama! Isang buwan na itong malaya! Isang buwan na siya nitong niloloko!

"Hindi iyon ang dahilan!" giit ni Dem at desperadong napaungol "Come on... stop crying..." nanghihinang pakiusap nito.

Luhaang umiling siya. Bago pa siya matunaw sa lungkot ni Dem dahil nakikita siyang umiiyak, minabuti niyang ignorahin ang mga nakikitang kabutihan nito. Hindi ba't iyon nga ang naging dahilan kaya siya nasasaktan ngayon? Umaasa siya na hindi ito kasing sama ng iniisip niya. Umaasa siya kaya hayun siya, durog na durog ang puso dahil sa ginawa nitong pagtatago sa kanya ng totoo...

"Huwag mo na akong lokohin, Dem. Ang mabuti pa, aminin mo na ang totoo," malamig niyang saad saka ito tinitigan.

Bumalatay ang hinanakit sa mga mata nito at dismayadong napailing. "You are thinking that I killed those two idiots," disappointed na pahayag ni Dem.

Bumigat ang dibdib ni Kaye. "Sino pa ba ang gagawa noon, Dem? I-Ikaw lang naman ang demon dito. Lahat ng ebidensya, i-ikaw ang tinuturo..."

"Hindi ako makapaniwala na sa lahat ng tao, ikaw pa ang nagisip sa akin ng ganyan," disappointed na saad ni Dem. Napatingin ito sa malayo. Panay ang buga ng hanging hanggang sa napailing. "You should now me better, Kaye. Amoy sulfur ang kuwarto nila dahil aaminin kong nagpunta ako doon para tingnan ang lahat. But it doesn't mean I killed them!" masamang loob na amin nito.

Naiyak na siya. Napailing siya dahil hindi niya makuhang paniwalaan ang sinabi nito. "D-Dem..."

"Kung papatay ako, dapat ikaw ang inuna ko!" singhal nito at naiyak siya sa nakikitang galit nito. Pain and anger were finally written in his eyes. Napakurapkurap si Dem. Mukhang pinigilang mamasa ang mga mata. Gayunman, bakas pa rin ang galit sa mukha nito. Namumula ang mukha nito at tainga. Mukhang hindi lang niya ito ginalit kundi nasugatan rin ang puso nito...

"You know, demons are ungrateful beings. Kunsinuman ang nag-summon, pinapatay din namin. Kaya magisip ka kung bakit hanggang ngayon, buhay ka pa," mapait nitong saad saka huminga ng malalim.

Napayuko si Kaye. Bigla siyang napahiya dahil na-realize niya na sobra niyang nasaktan at nainsulto si Dem. Naiyak siya dahil sa nakikitang sakit at sama ng loob nito sa kanya.

Napabuga ito ng hangin. "Dapat noon ko pa ito ginawa dahil pinili kong samahan ka kaysa ang bumalik sa underworld. Sa tingin ko, wala na akong lugar dito. I'll go now. Have a good life, Kaye," malamig na saad ni Dem saka pumitik.

Napaigtad si Kaye ng mawalang bigla si Dem sa harapan! Napasinghap siya at nataranta. Nawala na lang ng ganoon si Dem!

Bigla siyang napabunghalit ng iyak ng wala na siyang maamoy na sulfur at hindi na maramdaman ang presensya. Wala na talaga si Dem. Iniwanan na siya. Alam niyang hindi na ito babalik pa. Sa nakikita niyang galit at sama ng loob nito? Siguradong hindi na siya nito babalikan kahit i-summon pa niya.

Napahagulgol na lang si Kaye sa mga palad.

"Thank you, sir!" nakangiting bati ni Kaye sa supervisor na pumuri sa kanya dahil sa ganda ng performance niya. Marami daw kasi itong natanggap na magagandang feedback sa kanya mula ng pumasok siya. Palibhasa, pinaghusayan talaga niya at ginandahan ang performance kaya hayun siya, mukhang nagkaroon ng magandang resulta ang paghihirap dahil napuri siya ng supervisor.

Pinalakpakan siya ng mga kasamahan. Ang ilang katrabaho na malapit kay Kaye ay kinamayan naman siya. May mga nangantyaw na mag-blow out siya na ikinatawa na lang niya. Saglit pa silang nagtawanan hanggang sa nagsibalikan na sila sa trabaho.

Nang maisuot ang head set ay napahinga na lang ng malalim si Kaye. Masaya siya pero mayroon pa rin kahungkagan. Ah, magmula ng mawala si Dem dalawang linggo ng nakararaan ay ganoon na ang naramdaman niya. She felt incomplete and lonely.

Wala na ang lalaking laging gumigising sa kanya at naghahanda ng pagkain niya. Wala ng nagpapaalala sa kanya na male-late na siya at ang bagal-bagal niyang kumilos. Wala na si Dem. Wala na ang accidental hero niya. Wala na ang demon na bumago ng buhay niya...

Malaki ang utang na loob niya sa lalaki. Dahil dito, natuto siyang bumangon, maging matyaga at huwag sumuko. Dito siya natutong kumapit lang, laban lang at maging matatag. Naging masaya siya kay Dem. Isang demon ang naging source niya ng mga positive vibes. Nakakaloka pero iyon ang totoo.

At sa tuwing naiisip ang lahat ng iyon ay nagi-guilty si Kaye. Tama si Dem. Of all people, siya pa ang nagisip ng masama dito. Kung pagbabasehan niya ang pinagsamahan nila, alam niyang hindi nito gagawin iyon. Lahat ng ebidensya, si Dem man ang itinuturo ay hindi naman ibig sabihin na ito na ang may gawa.

She'd been a judgmental bitch, she must admit. And for that, she was truly sorry and guilty. Sa tuwing naiisip iyon, napapahiya siya sa kanyang sarili. Nahihiya rin ng todo kay Dem. Wala siyang mukhang maihaharap dito.

Nakakapagtampo lang na hindi ito naging tapat sa kanya dahil sa pagtatago nito ng totoo tungkol sa kapangyarihan. Sa puntong iyon ay lalong nalungkot si Kaye. Hanggang ngayon ay nagtatampo pa rin siya tungkol doon.

"Tara na," aya sa kanya ni Harold. Ang lalaking katabi niya sa cubicle. Bagong pasok lang ito kaya hindi na nito naabutan si Dem na bumubuntot-buntot sa kanya. Kaedad niya si Harold. Simple lang manamit at mukha. Halos kasing height din niya ito. Walang special trademark ang lalaki maliban sa mukha itong friendly.

Tumango siya at tumayo na rin. Nitong huli ay sinasabayan na siya ng mga katrabaho hanggang MRT. Pagdating doon ay magkakanya-kanya na sila ng lakad. Okay lang naman sa kanya dahil nalilibang siya.

"Kain muna tayo bago umuwi," aya ni Milly, ang isa pa nilang katrabahong sumasabay sa kanila hanggang MRT station.

"Oo nga. Dapat manlibre ang isa d'yan, eh." biro ni Harold at natawa si Kaye. Alam niyang pinariringgan lang siya.

"Oo nga!" segunda ni Milly hanggang sa nauwi sa kantyawan ang lahat habang naglalakad sila.

Napahalakhak si Kaye. "Oo na. Magwi-withdraw lang ako sandali," sagot niya saka naglakad papuntang isang ATM machine na nadaanan nila. Hinintay naman siya ng mga kasama. Gusto rin niyang paunlakan ang mga ito. Celebration na rin iyon dahil sa nagiging takbo ng buhay niya.

Nag-withdraw na siya. Matapos ay kinuha na niya ang pera at hinintay ang resibo. Nang mapatingin siya roon ay muli siyang nakaramdam ng lungkot. Naalala niya ang perang ipinahiram ni Dem. Naalala niya ang effort nito at lalo tuloy siyang napahiya sa sarili.

"Ready?" untag sa kanya ni Milly.

Napaigtad si Kaye at napakurakurap. Muntik na siyang maluha dahil sa naisip. Napabuntong hininga siya at tumalima na. Sumama na siya sa mga katrabaho na si Dem ang laman ng isip. Sana lang talaga ay mabigyan siya ng pagkakataong humingi ng sorry dito. Ipinapangako niya na oras na pagbigyan siya ng chance ay babawi talaga siya.

Sa isang restaurant sila humantong na magkakatrabaho. Sakto lang ang presyo ng mga pagkain doon kaya hindi siya nataga. Doon muna niya itinuon ang atensyon. Kumain siya kasama ang mga katrabaho at pinasigla ang sarili.

Alas diyes na silang natapos at nagpasyang umuwi. Naglakad na sila papuntang MRT station at nagkanya-kanya. Umuwi na siya na si Dem pa rin ang laman ng isip. Natagpuan na lang ni Kaye ang sarili na nilalakad ang daan papasok sa unit niya ng mapalingon sa likod ng marinig ang wang-wang ng mobile ng pulis.

Tumabi siya para makadaan iyon at napasinghap sa mga sumunod na nangyari. Hinuli si Tolome. Hindi tuloy siya makadaan dahil sa komosyon. Nagpapapalag-palag ang lalaki hanggang sa nagwala! Napaigtad siya ng pinagtulungan itong idapa sa hood ng mobile at pinosasan. Panay ang mura ni Tolome.

"Ate, tumabi ka muna!" nahihindik na tawag sa kanya ng isang sidewalk vendor at hinila siya patabi dito. Tumalima naman siya para hindi madamay.

"A-Ano ho ba'ng nangyayari?" tanong niya.

"Hay naku! 'Yang si Tolome ang sinasabing pumatay sa dalawang butcher. Matagal ng may away ang mga 'yan gawa ng loko ang mga butcher sa slaughter. Nahuli niyang sinisilipan ng dalawang butcher ang panganay na anak niya na nasa Canada na at doon nagtatrabaho. Mukhang gumanti. Humanap lang ng pagkakataon para maisagawa ang plano. Ginamit daw niya ang crematorium sa private cementery na pinapasukan para ma-cremate ang dalawang butcher na lango sa alak! Pagkatapos daw noon ay inilibing niya sa likod ng sementeryo ang mga abo. Nakita din sa sementeryo ang ginamit niyang dos por dos para ipangpukpok sa dalawang butcher. Mayroong tumestigo kaya nabunyag ang lahat!" nahihindik n imporma ng tindera sa kanya.

Napatingin siya sa lalaking pinoposasan. Nagiiyak si Aling Annie na obvious na hindi makapaniwala sa ginawa ng asawa at isinakay ang dalawa sa mobile ng pulis. Doon din niya naalala na kaya siguro nabagsak ni Tolome ang kaldero hindi dahil sa pagmamadali kundi dahil bothered ito sa nagawang krimen. Nasundan na lang ng tingin ni Kaye ang sasakyang palayo habang nanghihina dahil sa kumpirmasyon wala talagang kasalanan si Dem...

Pagdating sa bahay ay tulala si Kaye. Halos sumabog na ang ulo niya sa dami ng alalahanin hanggang sa naiyak na lang sa mga palad. Ramdam niya ang matinding pagsisisi dahil pinagisipan niya ng masama si Dem.

Papaano na siya makakahingi ng sorry dito? Ah, lalo siyang nalungkot sa naisip dahil alam niyang imposible na...

下一章