Nag-alangan siya nang mahimigan ang nginig sa boses ng kuya niya. Parang natatakot na itong mag-isa. "Don't worry. Hindi naman ako agad babalik. Aalagaan pa kita hangga't hindi ka pa tuluyang gumagaling."
Ginagap nito nang mahigpit ang kamay niya. "Sana dito ka lang sa tabi ko. Kailangan ko pang bumawi sa iyo, Liyah."
Tipid na ngumiti si Thyago. "Sige. Ako na ang magsasabi kay Saskia na hindi ka pa makakaalis dito sa Bangkok." Nagpaalam si Thyago para ayusin ang flight nito. Kailangan na kasi nitong bumalik sa Pilipinas dahil sa naiwang trabaho.
"Parang nag-iba na si Thyago," komento ni Elvin.
"Yes. Hindi na siya happy-go-lucky tulad ng dati. Responsible na siya. At hindi na rin siya playboy. Wala na siyang ibang babaeng idine-date maliban sa akin."
"Boyfriend mo na pala siya."
Inayos niya ang kumot nito. "You know how incorrigible he is. I simply couldn't ignore him. Hindi ka naman siguro kontra sa kanya, di ba?"
"Dati pa siya nagpaalam sa akin na makikipag-date sa iyo. How about you, Liyah? Mahal na mahal mo ba si Thyago?"
Tumango siya. "Marami siyang qualities na di niya basta basta ipinapakita. Pero kapag naipakita niya, mas lalo kong nararamdaman na mahal niya ako. He makes me happy, Kuya. And I never felt anything like that before."
Hindi niya nalaman ang totoong kaligayahan hanggang mahalin niya si Thyago. Mas na-appreciate niya ang mga simpleng bagay dahil dito.
"Mas masaya ka kapag kasama mo siya kaysa sa akin?"
Inakbayan niya ito. "Huwag mong sabihin na nagseselos ka? Siyempre iba ka at iba naman kay Thyago."
"But I am glad you are here again, Liyah. Huwag mo akong iiwan."
"WOW! Nakapa-sweet talaga ng kapatid ko," sabi ni Elvin nang ihain niya ang niluto niya dito para sa agahan. "Nami-miss ko na ang luto mo."
"Nami-miss na rin kitang ipagluto, Kuya. Oo nga pala. Naka-ready na rin ang damit na isusuot mo. Saka nakipag-usap na ako sa art dealer at sa antique dealer para ibenta ang mga pieces na hindi mo na kailangan."
Nalaman niyang nagkaroon ng financial problem ang kapatid niya dahil sa pagiging maluho ni Eyna. Kaya naman para makabawi ay mabuti pang mawala na ang mga mamahaling gamit na binili ni Eyna noon.
"Kung nag-isip-isip lang sana ako noon, hindi ito mangyayari. Akala ko mahal ako ni Eyna pero hindi naman pala. What's wrong with me?"
"You just love the wrong person, Kuya. At ngayong alam mo na iyon, siguro naman natuto ka na ng leksiyon mo."
"Kung di siguro ako nag-asawa, di sana magkakagulo."
Natawa na lang siya. "Huwag mo nang isipin si Eyna, Kuya. Mag-concentrate ka na lang sa practice mo mamaya."
Iyon ang unang araw ng pagbalik nito sa paglalaro ng polo. He was healed. Binigyan na ito ng clearance ng doctor para makapaglaro.
"Natatakot na ako, Liyah. Paano kung di na ako kasing galing ng dati? Paano kung wala na akong silbi?"
"Huwag kang mag-isip ng negative, Kuya. Enough of that. Gusto ko bumalik ka na sa dati. Maka-recover ka agad. I want to see the old Elvin back."
Nang makaalis ito ay nakatanggap naman siya ng tawag kay Thyago. "How is it going?" tanong nito.
"First day na niya sa pagbalik sa training. Parang hindi ko pa siya maiwan."
"Two weeks ka na diyan, Liyah."
"I know. Marami akong responsibilidad. Pero hindi ko naman maiiwan ang kapatid ko dito. He still needs me."
"I-I know." Huminga ito nang malalim. "I just wish you are here."
Kumunot ang noo niya nang may mahimigang kakaiba dito. "Thyago, may sakit ka ba? Iba kasi ang boses mo."
"It must be the signal. I have to go back to work. Don't push your self too much. I miss you, Liyah," anito at nagpaalam na.
Miss na rin niya ito. Gusto na niyang makabalik agad sa Pilipinas. Ilang araw na lang ay makaka-recover na ang kapatid niya. Magkakasama na ulit sila ni Thyago. Then they don't have to miss each other anymore.
PALAKAD-LAKAD si Liyah di kalayuan sa field habang naglalaro ng practice match ang Kuya Elvin niya. Ilang araw na mula nang huli silang magkausap ni Thyago at ilang araw na rin silang di nagkakausap. Tawag siya nang tawag pero di naman nito sinasagot. Di tuloy niya maiwasang mag-aalala dito.
"Pick up, Thyago! Oras na malaman kong may kasama kang ibang babae at ipinagpalit mo ako sa iba, lagot ka talaga sa akin," mariin niyang usal.
Sa wakas ay may sumagot. "Hello."
Boses iyon ng isang lalaki ngunit di kay Thyago. "Gusto kong makausap si Thyago. Nandiyan ba siya?" Bakit iba ang sumasagot sa tawag nito?
"This is Doctor Kester Mondragon." Ito ang resident physician ng Stallion Riding Club. "Nagpapahinga pa si Thyago. Ilang araw na siyang may sakit."
"Ha? Ano pong nangyari sa kanya?"
"Pneumonia. Napabayaan na niya ang sarili niya sa sobrang pagtatrabaho. Madadalas ang malalakas na ulan dito kaya madalas siyang mabasa sa ulan. Masama na ang pakiramdam niya pero tuloy pa rin siya sa trabaho kaya lumala."
"It could be deadly, right?" nangininig niyang usal. Kaya pala nahimigan niya ang paghingal sa boses nito noong nagkausap sila. Sabi na nga ba niya may mali.
"We are doing our best. Critical pa rin ang kondisyon niya. Kung nagpagamot sana agad siya, hindi lalala ang sakit niya."
Mangiyak-ngiyak siya matapos makausap si Doctor Mondragon. Bakit ganoon? Nagkasakit pa si Thyago kung kailan wala siya sa tabi nito. Kung naroon lang sana siya, naagapan agad niya ang lahat.
"Liyah, what's wrong?" tanong ni Elvin sa kanya.
"Kailangan kong bumalik ng Pilipinas. Kailangan ako ni Thyago."
Pinigilan nito ang braso niya. "No! Hindi ka aalis."
"Hindi pwede. May sakit siya. Paano kung basta na lang siyang mawala?"
"Mas kailangan kita kaysa kay Thyago."
Maang siyang napatitig dito. "Ano ba ang sinasabi mo, Kuya?"
"Ayokong mawala ka sa tabi ko, Liyah. Hindi ako papayag na iwan mo. Nawala na nga sa akin si Eyna, mawawala ka rin sa akin."
Nasapo niya ang noo. "Kuya, stop being childish. Pneumonia ang sakit ni Thyago. Boyfriend ko siya at kailangan ko siyang alagaan."
"Hindi mo naman kailangan si Thyago sa buhay mo. Bumaling ka lang sa kanya dahil nawala ako sa buhay mo. But I am back now, sis. Nangako ka sa akin na hindi mo ako iiwan. Sabi mo sa akin dati masaya ka nang ako ang kasama mo. Hindi mo kailangan magka-boyfriend o magkaasawa."
"Hindi na ako ang batang iyon, Kuya. Yes, I promised it but that was before I fell in love with Thyago. Iba na ang sitwasyon ngayon, Kuya. May iba na akong buhay. Nag-mature na ako mula nang malayo sa iyo. I was expecting that you'd be proud of me. At maiintindihan mo kung kailangan kong bumalik sa Pilipinas."
"Katulad ka rin ni Eyna. Hindi mo talaga ako mahal."
Matalim niya itong tiningnan. "When did you become so hungry for attention? Hindi mo pwedeng sabihin na di kita mahal. Bilang kapatid mo, di ako nagkulang ng pang-unawa at pagmamahal sa iyo. Alam ko na nararamdaman mo ang nararamdaman ko nang pigilan ko ang relasyon ninyo ni Eyna. Kung di mo kayang mabuhay noon nang wala si Eyna, hindi ko rin kayang mabuhay ng wala si Thyago."
"Paano ako? Balewala na lang ba ako sa iyo?"
"Kahit kailan, hindi nawala ang pagmamahal ko sa iyo bilang kapatid ko. Pero sa pagkakataong ito, mas kailangan ako ni Thyago."
"Kapag iniwan mo ako…"
"Ano? Maglalasing ka rin at ibabangga mo ang kotse mo? Stop it, Kuya. Huwag kang parang bata. Di pwedeng umikot na lang ang buhay natin sa isa't isa. Alam mong imposible na mangyari iyon. Kung talagang mahal mo ako bilang kapatid, iisipin mo di lang kaligayahan mo kundi pati ang kaligayahan ko."
Thyago was her life now. Kung susunod siya sa kapatid niya at pabayaan niya si Thyago, di niya mapapatawad ang sarili niya kapag tuluyan itong nawala sa kanya.
Hello! Umay na umay ka na po siguro sa author's note ko tungkol sa donation drive pero last day na po namin ito sa pagtanggap ng donations. And it is for a good cause so bawal ang kontrabida.
Just PM Team Norte Akyat For A Cause on Facebook sa gusto pong tumulong. Marami pong salamat at pagpalain pa po sana kayo.