"ALAM mo, sayang ka talaga, Marist. Kung di ka tumigil ng pag-aaral, malamang teacher ka na rin katulad ko," sabi ni Mhelai, isa sa kababata at kaibigan nila ni Mhelai. Nasa bahay siya nito para maningil sa bag na in-order nito. "Matalino ka pa mandin. Tapos may scholarship ka pa."
"Nakakapanghinayang nga. Pero di ko naman pwedeng pabayaan si Nanay. Ako na lang naman ang maaasahan niya."
Kaklase niya si Mhelai hanggang college. Kaya nakita nito ang paghihirap ng kalooban niya na iwan ang pag-aaral niya para sa nanay niya. Kahit pa sabihing scholar siya, di pwedeng pagsabayin niya ang pag-aaral at ang pag-aalaga sa nanay niya. Ang nanay na niya ang priority niya. Ito na ang buhay niya.
"Pero naiinggit pa rin ako, ha? Kasi ikaw ang nag-design ng bag na ito. Marami nga palang order pati sa mga principal at superintendent noong seminar namin. Dalhan mo daw sila," anito at ibinigay ang listahan ng order sa kanya.
Nagulat siya sa dami ng mga nakalista. "Wow! Lahat sila gusto ang bag?"
"Oo naman. Inggit na inggit nga sila nang dalhin ko sa seminar. Tapos hindi sila makapaniwala na five hundred lang ang bili ko."
"Pero three hundred fifty lang naman ang benta ko."
Kinindatan siya nito. "Okay lang. Mayaman naman sila."
"Luka-luka ka talaga. Di bale, bibigyan kita ng parte sa kikitain ko."
"Sus! Huwag na. Tulong ko na sa inyo iyon ni Tita. Saka kung sa mall ako bibili ng katulad ng bag mo, malamang mas mahal pa."
"Thank you, ha?" Natutuwa siya dahil may mga kaibigan siyang handang tumulong sa kanya. Di siya pinababayaan ng mga ito.
"Huwag nga kayong maingay na dalawa diyan!" saway ni Constancia na tutok na tutok sa TV. "Baka di ko marinig ang pangalan ko kapag nanalo ako ng grand date sa Stallion Club. Makakapag-asawa na ako ng guwapo at mayaman!"
Biglang tumabi si Mhelai dito at halos isubsob na ang mukha sa TV. "Ako rin! Dapat manalo ako dahil halos ubusin ko na ang pera ko kasa-shampoo para lang manalo sa date na iyan. At ako ang mananalo, hindi ikaw!"
Isa lang kasi ang mananalo ng grand date. Kaya nagkakandarapa ang lahat ng kababaihan. Pagkakataon na kasi ng mga ito na maging Cinderella. Ang makapag-asawa ng guwapo at mayamang prinsipe at magbago ang buhay.
"Oy, huwag kayong magsabunutan diyan!" saway niya.
"Hindi ka ba interesado sa grand date?" tanong ni Mhelai. "Hindi ba marami ka ring naihulog na entry."
"Naku! Kailan naman nagka-interes sa lalaki iyan? Pera ang habol niyan," sagot naman ni Constancia. "Iyong one million daw."
"Ang weird mo talaga!" anang si Mhelai at tumutok ang mata sa TV.
Napahikab siya nang ang susunod na ia-announce ay ang grand dream date. Bored na bored kasi siya sa award na hinihintay ng lahat. "And a winner of a four-day stay at the luxurious Stallion Riding Club to be accompanied by a gorgeous bachelor member of the club is…"
"Me! Me! That's me!" sigaw ni Mhelai.
"Heh! Ako ang mananalo!" sabi ni Constancia. "Iimbitahin ko na lang kayo sa wedding ko, mga friendships. Hindi ko kayo kalilimutan kahit mayaman na kayo."
Napasimangot siya nang tumindi ang drum roll. "Ang tagal naman niyan. Tapusin na iyan para doon na sa nanalo ng one million pesos," angal niya.
"Our winner is from Tandang Sora, Quezon City…" anang isa sa mga executive ng Stallion Shampoo and Conditioner na mag-a-announce ng winner.
Nagtitili sina Mhelai at Constancia. Taga-Tandang Sora kasi sila.
"The lucky girl is Miss… Marist Davillo!"
Natigagal siya. "Huh?"
Natahimik ang dalawa at bumaling sa kanya. Sabay napatili ang mga ito at niyakap siya. "Bruha! Nanalo ka! Nanalo ka ng grand date."
Parang nabingi siya. "Ano? Nanalo ako ng ano?"
"Grand date sa Stallion Riding Club!" pasigaw na sabi ni Mhelai.
"Hindi ako nanalo ng pera?" tanong niya.
"Hindi mo na kailangan ng pera dahil makakapasok ka na sa lupain ng mga guwapo at mayayaman!" dagdag ni Constancia. "Daig mo pa si Cinderella ngayon!"
Stallion Riding Club. Mga guwapo at mayaman. Cinderella.
Ang mga iyon ang mga bagay na kinaiinisan niya. Hangga't maari ay ayaw niyang maidikit ang pangalan niya sa mga salitang iyon. At ngayon…
Napatili siya habang sapo ang ulo. "Ayoko ng grand date! Gusto ko ng isang milyon! Gusto ko ng pera!"
Don't forget to comment, vote, and rate this chapter.
Nasa De La Salle Araneta ako sa August 28 para magbigay ng talks for Booklat. See you there.