webnovel

Chapter 22

"NAGKAUSAP kami ni Hiro kagabi nang ihatid ka. Gusto daw niyang humingi ng tawad dahil nagpanggap siya na walang alam sa English at Filipino," sabi ni Mang Elpidio habang pinapainom ito ng gamot bago siya pumasok ng eskwelahan.

Tumaas ang kilay ni Jemaikha. Alam na sa bahay na nanliligaw sa kanya si Hiro pero hindi niya inaasahan na sasabihin nito sa ama ang sekreto nito. "Sinabi po niya sa inyo?"

"Hindi daw niya masabi sa iyo na di siya marunong dahil mukhang kailangang-kailangan mo ng estudyante noon. Tumanggi na siya pero ayaw mo siyang tigilan. Kaya pumayag na rin siya. Saka pasasalamat na rin daw niya iyon sa pagtulong mo sa kanya. Hindi naman intensyonal ang paglilihim niya sa iyo at di rin daw niya gusto na maliitin ang kakayahan mo," paliwanag ng ama.

"Naniniwala po kayo kay Hiro, Tatay?"

"Minsan kailangan nating magsinungaling o magtago ng katotohanan sa iba para makatulong o kaya para di masaktan ang ibang tao. Ilang buwan nang pabalik-balik dito si Hiro sa atin. Kahit minsan di siya nagpakita ng kawalan ng respeto sa iyo. Sa palagay ko mabuti ang intensyon niya, anak. Di rin lahat ng lalaki aamin sa kasiraan nila sa pamilya ng babaeng nililigawan nila. Nirerespeto rin niya at uunawain kung ayaw ko daw sa kanya para sa iyo."

"Ano pong masasabi ninyo kay Hiro?" pigil ang hininga niyang tanong.

"Gusto ko siya para sa iyo pero nasa iyo ang desisyon. May tiwala naman ako sa iyo. At kung magiging boyfriend mo man si Hiro, naniniwala ako na priority mo pa rin ang pag-aaral mo."

Niyakap niya ang ama. "Siyempre naman po. Kaya ako nagsisikap para sa inyo na pamilya ko." Subalit nagdiriwang pa rin ang puso niya. Pasado na si Hiro sa tatay niya. At iyon lang ang signal na hinihintay niya. Gusto niya na may basbas ng ama niya.

"Jemaikha, nandiyan na si Hiro sa baba. Bilisan mo na dahil baka ma-late pa kayo. Traffic ngayon," anang tiyahin niya.

Nakangiti niyang sinalubong si Hiro at kinuha nito ang gamit sa kanya. "Aalis na po kami. Aalagaan ko po si Jemaikha," sabi ng binata.

Saka lang naging malinaw sa dalaga ang lahat ng ginawa ni Hiro para sa kanya. Di man direkta, dati pa siya nito inaalagaan. Ang mga pa-practice-practice nitong hatid-sundo sa kanya at sabay nilang pagla-lunch, pasimple nang panliligaw iyon ng binata. Wala itong ginawa kundi alagaan siya. At nitong huli ay ini-refer siya nito sa mga kakilalang foreign exchange student para turuan niya. Naniniwala ito sa kakayahan niya. Ano pa ba ang hahanapin niya dito?

Hinawakan niya ang kamay nito nang naglalakad sila papunta sa library para sa mag-research sa assignment nila. Nagulat ang binata at nilingon siya. "Bakit?"

"Salamat dahil sinabi mo kay Tatay ang tungkol sa pagpapanggap mo na walang alam sa Filipino at English para lang mapalapit sa akin."

Kumunot ang noo ng binata. "Gusto kong malaman niya ang lahat sa akin, ang totoong ako. Mahalaga sa akin ang pamilya mo dahil mahalaga sila sa iyo. Para sa akin, sila ang pamilya ko dito sa Pilipinas. Kayo. Ayaw ba niya sa akin."

"You earn his respect because you told him the truth. Di mo naman kailangang gawin iyon pero lalo ka lang napamahal sa akin sa ginawa mo."

Tumigil ito sa paglalakad at nilingon siya. "Mahal mo ako?"

Marahan siyang tumango. "Oo. Watashi no anata no daisuki-desu, Hiro-san. Mahal kita." She tiptoed and planted a kiss on his cheek.

Natigagal ang binata. Parang di pa nagsi-sink in dito na sinagot na niya ito. Ilang beses itong kumurap at saka siya hinawakan sa balikat. "A-Are you my girlfriend now?"

"Hai!" sagot niya.

"Yataaaaa!!!" sigaw nito at niyakap siya nang mahigpit. "May girlfriend na ako."

Bumulanghit siya ng tawa. Habang ang ibang lalaki ay nagbibilang ng magiging girlfriend, masayang-masaya naman si Hiro na siya ang unang girlfriend nito. She felt special, treasured and cherished.

"I will make you happy, Jemaikha," anito at kinintalan siya ng halik sa labi.

"Magiging masaya lang ako kung mag-aaral lang mabuti at di mo hahayaang ma-distract tayo ng relasyon na ito. We have our goals. Iyon ang priority natin."

"Wakarimashita. Naiintindhan ko. Alam ko na priority mo ang pamilya mo. Hindi ako magiging pabigat sa iyo o distraction. Mas gusto ko kung magtutulungan tayo na abutin ang mga pangarap natin. Maging inspirasyon tayo sa isa't isa."

Tumango na lang siya at pinisil ang kamay nito. "Salamat, Hiro."

Nagdadagdag ito ng kaligayahan sa buhay niya. Hindi na niya kailangang hingin dito ang mga bagay dahil kusa na nitong ibinibigay at ginagawa para sa kanya. She was one lucky girl. She had no plans to let him go.

下一章