"NAKU, Sir! Pasensiya na po!" sabi ni Quincy. "Kasi po akala namin wala pang tao."
Naestatwa siya nang dahan-dang lumapit sa kanila si Gino. Nakasuot ito ng uniform ng chef. Di siya makatingin nang diretso dito at yumuko sa kahihiyan. Mas malalang bangungot pa ito kaysa sa makakita ng multo.
"You must be the newbies," he said in a cool voice. Tumayo ito sa harap nila at nagpapalit-palit ang tingin sa kanila ni Quincy. "I am Chef Gino Alfred Santayana. You can call me Chef Gino. I am your head chef, kitchen manager and I own Riders Verandah's Café and Restaurant."
Ano ba naman ang napasukan ko? Ngayon, di lang siya basta guest. Siya pa ang magiging boss ko. As in BIG BOSS! It was like jumping from the frying pan to the fire. Mali yata ang desisyon niya na magsimula ng bagong buhay sa Stallion Riding Club dahil nandoon mismo ang multo na tinatakbuhan niya.
"I am Quincy Montoya. Nice meeting you, Chef!" anang si Quincy. Mabilis itong nakabawi sa nangyari at nagawa pa nitong ngumiti.
"Millicent Buencamino, Sir." Inabot lang niya ang kamay pero di ito tiningnan. Parang wala na kasi siyang mukhang ihaharap dito sa kahihiyan.
Kinamayan siya nito at bahagya pang inilapit ang mukha sa kanya. Na parang kinikilala siyang mabuti. "Ah! It is good to know that I have an exorcist in my staff. That was a very brave one, Miles," mariin nitong binanggit ang pangalan niya. Hindi siya matapang. Ngayon pa lang ay naduduwag na siyang makaharap ito. His hand was warm and it lessened the chill in her body. He was definitely not a ghost.
"Sorry, Chef! Matatakutin po kasi kami sa multo. Nakaputi po kayo kaya akala namin multo. Di po namin sinasadya na mag-eskandalo," sabi ni Quincy.
"Akala ko may reklamo kayo sa boses ko," sabi ni Gino at humalukipkip.
"Naku, Sir! Wala pong problema sa boses ninyo," sabi ni Quincy.
Malaking problema kamo ang boses niya. Sa sobrang takot niya, nagmukha tuloy siyang katawa-tawa sa harap nito. Unang araw pa ng trabaho niya.
"Medyo natakot lang kami dahil wala namang tao kanina," dugtong niya.
"Nasa private office ako kaya di ninyo ako nakita. Di ko naman naramdaman na dumating kayo dahil nasa locker room na kayo paglabas ko," paliwanag nito. "Hindi ninyo kailangang matakot. Wala pa namang incident na nagkaroon ng multo dito. We have the place blessed. Saka huwag kang matakot, Quincy. Nandito naman si Miles. Kayang-kaya niyang labanan ang mga multo."
"Good morning, Chef!" bati ng isa sa mga kitchen staff pagpasok. "Kumusta ang France? May pasalubong po ba kami?"
"Siyempre. Lahat meron," sabi ni Gino at bumaling sa kanila. "Welcome to Rider's Verandah Café and Restaurant. Welcome to Stallion Riding Club."
ANO ba kasi ang ginagawa ng kumag na ito dito pa nagtayo ng restaurant? Pwede namang sa Tawi-tawi na lang, isip-isip ni Miles habang nakatitig kay Gino. Naka-out na siya nang ipatawag siya nito sa opisina nito. Binabasa ang resume niya.
"Millicent Buencamino, twenty-two years old, graduate of Hotel and Restaurant Management in Pamantasan ng Pasig." Itinapik ni Gino ang daliri sa baba. "Bakit naisipan mong dito magtrabaho sa Stallion Club?"
"The salary and the compensations are okay, the place looks great and I want change for one thing. And I thought this is a nice place to start again." Malay ba niyang may guwapong impakto sa paraisong iyon?
Ibinaba nito ang resume at nanunukso siyang nginitian. "Hindi kaya sinusundan mo lang ako?"
Napanganga siya. "E-Excuse me?"