webnovel

Pagbabalik

Nagising si Yen at namulatan niya ang isang pamilyar na silid. Inikot niya ang kanyang mga mata. Napangiti siya nang mapagtanto niya na naroon na siya sa kwarto niya. Hindi niya maipaliwanag ang pakiramdam na sa wakas ay naka-uwi na siya. Wala siyang ideya kung gaano siya katagal na nakaratay. Pakiramdam niya ay natulog siya ng napakatagal. Hindi niya din nalaman kung paano siya dinala ni Jason. Ang tanging natatandaan niya ay hinang hina siya at tuluyang iginupo ng antok.

Unti-unti na niyang nagagalaw ang kanyang mga kamay. Ang mga aparatong malalaki na nakita niya nang siya ay gumising ay wala na at tanging dextrose nalang ang natitira. Magaan na din ang kanyang pakiramdam bagamat ang kanyang mga binti ay hindi niya pa maigalaw. Manhid ito at tila paralisado. Naalala niya ang tindi ng pagsabog. Matindi yon at sa tindi ng tama niya ay posibleng hindi na siya makalakad pang muli. Hindi nakapagtataka. Mabuti na nga lang at nabuhay pa siya. Sa palagay niya ay si Jason ang puntirya ng gumawa.

Muling nagbalik sa ala-ala ang usapan nila ni Gerald. Nabanggit nito si Gabriel at binalaan siya na may plano itong masama. Nag-iingat naman din siya talaga sa halimaw na iyon. Hindi nga lang niya inakala na gayon ang balak ng demonyo. Sumulak ang kanyang dugo. Nabuhay ang galit sa kanyang dibdib. Wala siyang kasalanan sa taong iyon. Nananahimik siya at simpleng namumuhay bilang tao. Wala siyang makitang rason para magkaroon ito ng motibo na patayin si Jason bukod sa tahasang pag tanggi niya sa pakikipag-ugnayan dito. Halata niya na may kakaibang pagnanasa si Gabriel. Bukod sa pagnanasang makalaman ay hayok din ito sa kapangyarihan. Na hindi niya nakukuha ng legal at lahat ng meron ito at narating nito ay nagmula sa katiwalian. Napaka-hayop. Nagngangalit ang ngipin ni Yen nang maalala ang mga pangyayari. Napapatanong siya kung bakit kailangan niyang danasin ang mga ganoong bagay. Wala naman siyang ginawa sa mundong ito kundi mahalin ang kanyang pamilya. Iwas na iwas nga siyang makisalamuha sa iba. Dahil ayaw niya ng atensiyon. Subalit kahit hindi yata siya umalis sa kanyang kinatatayuan, meron at meron pa ring makakapansin sa kanya. At gagawa ng eksena para masaktan siya. Ganoon ba siya kaganda? Natawa si Yen sa naisip. Dahil doon ay bahagya siyang napangiti. At sa ganong ayos siya nabungaran ni Manang nang magbukas ang pinto ng kwarto niya.

" Salamat sa Diyos at nakabalik ka. " namamasa ang gilid ng mga mata nito.

Lumapad ang ngiti ni Yen sa matanda at dahil hindi niya ito mayakap, ay nanatili lamang siyang nakatingin dito. Bakas sa mukha nito ang awa sa kanya. Pero para kay Yen ay hindi naman siya dapat kaawaan. Ok siya, buhay siya. Bagamat maaari na siyang malumpo habang buhay ay dapat pa rin niyang ipagpasalamat na nakaligtas siya sa bingit ng kamatayan. Positibo siyang tao at kahit na gaano pa kabigat at kadilim ang kanyang sitwasyon ay pipiliin niya pa rin lumaban at magpatuloy.

Naramdaman niya ang pagyakap ng huli. Tila isang ina na nangulila sa anak na matagal hindi nakita. Nag angat ito ng ulo at hinaplos ang kaliwa niyang pisngi.

" Huwag mo pipiliting kumilos. Magpahinga ka, magpalakas. Kailangan ka ni Jes. " mapait ang ngitk nito. Hindi niya alam subalit pakiramdam niya ay may mabigat itong dinadala sa dibdib. Wala siyang ibang maisip na rason bukod sa pamilya nito. Bahagya siyang napamulagat sa naisip. Hindi kaya natunton na siya ng kanyang ama??

" Nagkita kame ng kapatid ko." Panimula nito.

Sa tono nito ay ramdam ni Yen ang bigat ng loob ni Manang. Hindi siya nagsalita at patuloy lamang na naghintay ng susunod nitong sasabihin.

" P-patay na si Papa. " Bakas ang lungkot sa tinig nito.

" Pinatay siya ng hayop na Guillier na yon. " gumuhit ang galit sa mga mata nito.

" Kailangan ko umalis Yen. Gusto ko sana na alagaan ka hanggang maibalik ang dati mong lakas. Pero kailangan ako ng aking ina. Nakaratay na siya."

Katahimikan.

" Pero darating si Sheryl. Mapagkakatiwalaan mo siya. Siya ang personal na alalay ko noon. Medyo bata pa, at maliksi. At kaya ka niyang ipagtanggol dahil matindi ang training na pinagdaanan niyon. Matapat yon at sigurado akong hindi ka niya pababayaan.

Nalungkot si Yen sa narinig. Napamahal na siya kay Dorothy. Sa ilang taon nilang pagsasama ay napalapit na siya dito ng husto. Maging ang kanyang asawa at anak. Wala siuang masabi dito dahil sobrang masipag ito at naging tapat na taga silbi. Kahit na alam niya na hindi naman dapat ito naroroon. Gayunpaman ay naisip niya na may sarili din itong buhay. Hindi talaga ito maaaring manatili sa tabi niya habang buhay. Huminga siya ng malalim at ginagap ang mga palad nito.

" Salamat. " halos pabulong na sabi ni Yen at hindi na niya napigil ang pagbukal ng mga luha sa kanyang mga mata. Isa si Manang sa mga tunay niyang kaibigan. Nakaharap man siya o nakatalikod ay nananatili itong tapat sa kanya at ganoon din siya dito. Sa bawat dagok na dinanas niya sa buhay niya ay si Manang ang nagsilbing sandalan niya. Lalo sa mga panahong nanghihina siya. Bihira matagpuan ang ganitong klase ng tao.

Pinahid ni Manang ang kanyang luha.

" Loka ka, hindi pa ako mamamatay. Uuwi lang ako pero pwedeng pwede kitang dalawin dito. Isa pa may messenger naman. One call away lang si Manang. " masigla ang tinig nito. At nakangiti na hinaplos haplos ang kanyang buhok.

Pilit na ngumiti si Yen. Nalulungkot siya pero ganoon talaga, may umaalis at may dumadating. May bumabalik, at meron ding nawawala nang tuluyan. Walang permanente. Lahat nagbabago. Lahat ay pansamantala. Maging ang buhay na meron ka, sa takdang panahon ay nawawala. Tama si Manang. May messenger, may cellphone. Marami nang paraan ang kumunikasyon. Hindj niya kailangan malungkot.

Matapos ang usapang iyon nina Dothy at Yen ay nagpaalam si Manang para umuwi. Sinundo siya ni Jerry. Bago siya lumabas ng bahay ay malakas ang pag iyak ni Jes. Humabol ito hanggang sa gate.

" Naaaaanaaaang!! huhuhuhu!! wag ka alis!!"

" Nanang!!! wag mo ako iwan! Naaaaaanaaaang!! " Hindi magkamayaw ang pag iyak ni Jes. Malakas ang sigaw nito at nakakuha na ng atensiyon ng mga kapitbahay. Isa na dito si Sandra.

Naulinigan niya ang malakas na palahaw ng bata. Nakakarindi ang ingay nito kaya tumayo siya sa kinauupuang sofa para sumilip sa bintana. Sandali siyang nagmasid at nakiramdam. Nakita niya si Manang na may dalang malaking maleta. May itim na sasakyan na nakaparada sa harapan ng bahay nito. At nang maunawaan niya ang nangyayari ay napangiti siya.

" Mababawasan na ng isa ang tinik sa mga plano ko." aniya sa sarili.

Nagdidiwang ang kanyang damdamin. Ang hindi niya alam ay hindi na siya muling makakatapak sa bahay ni Jason. Nai-set na din ang security sensor dito at pangalawa siya sa mga taong bawal pumasok. Noon ay Trixie. Siya naman ngayon. Isa pa ay nai-orient na ni Manang si Sheryl na huwag hahayaang makalapit si Sandra sa kahit kanino sa kanila. Dahil ayaw nito na may tao pa muling mananakit kay Yen. Lalo na at wala siya.

Hilam din luha ang mga mata ni Dothy. Ang bigat bigat ng kanyang diddib habang nakikita niyang naglulupasay si Jesrael sa sahig. Awat-awat ito nang ama pero hindi pa rin ito magkamayaw sa kakapalahaw ng iyak. Parang dinudurog ang kanyang puso habang papa-alis ang kanilang sasakyan. Subalit dahil sa sitwasyon ng kanyang ina, ay kailangan niyang magpaalam.

Kahapon ay sumulpot si Gerald sa bahay ni Yen. Kasama si Jerry. Agad niyang niyakap ang kapatid at nagpasalamat siya dahil sa pagliligtas nito kay Gerald. Maganda ang samahan nilang magkapatid. Noong araw ay si Jerry lamang ang nakaka-alam ng kanyang pagri-rebelde sa kanyang mga magulang. Ngunit ni minsan ay hindi ito nagsumbong at lagi pa siya nitong pinagtatakpan. Si Jerry lamang ang pinagkakatiwalaan niya sa bahay nila noon. At si Sheryl na palagi niyang kasama sa kahit saang lakad. Kaya alam niya na mahusay si Sheryl sa labanan. Maliksi ito bagamat maliit at hindi mo aakalain na kaya nitong kumitil ng buhay sa ilang saglit lamang. Mahusay din itong makisama at solid ang katapatan nito sa kanya. Tomboy si Sheryl pero dahil malaki ang respeto niya sa relehiyong kinabibilangan ay hindi nagpasya siyang mamuhay mag isa at hindi na naisip mag asawa. Katulad niya. Tatanda na siyang mag-isa. Alam niyang magiging malungkot pero mas mabuti nang tumandang mag-isa kaysa magkaroon ng asawang halang ang kaluluwa. Bukas ay magkikita sila ni Sheryl bago ito pumunta sa bahay nina Jason at Yen.

" Malungkot ka? " tanong ni Jerry.

Hindi siya sumagot.

" Nasa bodega si Gabriel. Itinago ko para meron kang laruan. "

Napalingon siya sa kapatid. Saka niya napagtanto na babalik na siya bilang Dorothy. At si Dorothy noon ay isang babaeng malupit. At walang awa. Pero hindi na ngayon. Dahil habang buhay na niyang babaunin ang pagmamahal na dinanas niya sa tahanang iyon. Demonyo siya noon. Dahil hindi siya marunong magmahal at hindi niya naranasang mahalin. Subalit sa poder ni Yen, ay nadanas niya ang magkaroon ng pamilyang totoong nagmamalasakit at nagmamahal. Marahil sa kanyang pagbalik ay magtatayo na lamang siya ng ampunan. Tirahan ng mga batang katulad niya na pinagkaitan ng pagmamahal ng magulang. Ipinikit ni Dothy ang kanyang mata, hanggang sa makatulog siya. Sa kanyang pagmulat ay nasa harap na siya ng mansiyon, kung saan siya dumanas ng sobrang kalungkutan noon.

Maligayang pagbabalik. Aniya sa sarili.

Parang si Manang Doray ang gagawan ko ng kwento sa susunod. Palagay mo? Pwede noh?? hehe

Salamat ho sa suporta sa mga comments. Salamat din ho sa power stones na bumubuhay ng aking energy.

Sana bigyan niyo ko hihi.

lablab

nicolycah

nicolycahcreators' thoughts
下一章