webnovel

Chapter 20

Third year high school si Charisse nang una niyang makita si BJ. Nasa hospital ang kuya niya nun at nagkataon na siya ang nakatokang magbantay dito. Linggo ng hapon nang dumating si BJ at ang daddy niya. Nagulat pa nga ang kuya niya nang makitang kasama nito si BJ. Ayon sa kanya, bihira nilang makita si BJ na makihalubilo sa kanila. Siguro ay napilit lang ng kanyang ama na sumama sa pagdalaw sa kanya sa hospital.

Ilang araw din na hindi nakapasok ang kuya niya noon. Nagka-dengue ito. Naalala pa niya nung mag-alok ng tulong ang amo nito para pambayad nila sa hospital. At siya din daw ang kumausap sa mga tauhan niya para mag donate ng dugo para sa kuya niya. Akala nga nila mawawala na ang kuya niya nung minsang bumaba ng husto ang platelet nito. Buti na lang at naagapan ng mga doctor.

Napakaswerte nga ng kuya niya at napakabait ng boss niya. Isang beses lang sumama si BJ sa hospital. At sa tuwing dumarating ang daddy nito ay hinahanap siya ng mga mata ni Charisse. Ngunit lagi siyang nabibigo dahil nakalabas na lang ng hospital ang kuya niya ay hindi pa rin ito nagpakita ulit.

Hindi nga rin niya maintindihan kung bakit. Hindi naman siya yung tipo ng tao na naniniwala sa love at first sight. Ang tanong, love nga ba? Hindi pa naman siguro, sabihin na nating simpleng paghanga lang. Iba naman kasi ang karisma nito. At sa edad nya anong alam niya sa love? Basta gusto lang nya itong laging nakikita. Parang musika sa kanyang pandinig sa tuwing nababanggit ang pangalan nito gusto niyang lagi itong pinag-uusapan. Kaya simula nun ay lagi na niyang kinukulit ang kuya niya tungkol dito. Gusto niyang lagi itong nagkukuwento, at ang nakakabagot ay wala man lang itong maikwento.

"Hindi naman kami laging magkasama nyan." Katwiran ng kuya niya. "Yung daddy niya ang ipinagmamaneho ko at hindi siya. May sarili siyang sasakyan kaya may sarili siyang lakad at may sarili siyang buhay. Aalamin ko pa ba yun?"

"Eh kahit ano na lang kuya. Sige na, basta magkuwento ka. Kelan yung birthday niya, anong paborito niyang pagkain o di kaya yung madalas niyang ginagawa. Sige na." Pangungulit ni Charisse.

"Wala nga akong alam. Ano bang akala mo sa akin, tsismoso?"

"Ay ganito na lang kuya. Dalhin mo yung slum book ko at pa fill-up-an mo sa kanya." Suhestiyon ni Charisse na parang kinikilig pa.

"Ano!?" Gulat na sabi nito. "Pambihira."

"Sige na kuya please."

"Anong akala mo dun high school? May pa slum book ka pang nalalaman."

"Ok lang yun kuya. Sige na."

"Ayoko nga. Kung gusto ikaw na magbigay at mag sabi sa kanya." Paismid na sagot nito.

"Talaga kuya? Sasamahan mo ako?" Nagniningning ang mga matang sagot niya.

"Seryoso ka talaga!?" Hindi pa rin makapaniwalang bulalas nito.

"Kuya naman eh. Gusto ko siyang maging kaibigan kaya simulan natin sa slum book para makilala ko siya." Sabi niyang may pakindat pa.

"Sige. Pero ikaw ba gusto niyang makilala?" Sarkastikong sagot nito.

"Aray naman."

"Aray ka dyan. Ano bang nakita mo dun at giliw na giliw ka?"

"Pogi eh. At saka mukha naman siyang mabait."

"Mukha lang mabait yun. Hindi naman sa pang-aano pero kabaliktaran ang ugali nun sa tatay niya."

"Bakit po? Ano bang ugali nun? Pakiramdam ko naman ay mabuti siyang tao."

"Basta masama. Maghanap ka na lang ng ibang crush."

"Ayoko nga." Kibit balikat niyang sagot at sumandal sa upuan. Nag-iisip.

"Saan nga ulit siya nag-aaral kuya?" Bigla niyang tanong.

"At bakit naman? Pupuntahan mo dun?"

Ngumiti siya. Natatawa siya sa naisip niya.

"Aba, babaeng ito. Tumigil ka Charisse ha. Sa tingin mo talaga papansinin ka nun?"

"Kuya makikipagkaibigan lang naman ako."

"Kahit na. Saka mapili sa kaibigan yun. Hindi ka papasa dun."

"Si kuya naman hindi marunong sumuporta."

"Suporta para ano? Para magpakatanga ka?"

"Hindi naman po. Alam mo kuya, ngayon lang ako nakakita ng ganoong klaseng tao sa buong buhay ko." Naningkit ang mga mata ng kuya niyang nakatingin sa kanya. "Totoo po."

"Ang OA mo. Magtigil ka nga!"

"Kuwentuhan mo na kasi ako kuya."

"Hindi ka rin makulit ano?"

Ngumiti siya. "Uy papayag na yan. Papayag na yan." Siniko-siko pa niya ito.

"Pumasok ka na nga sa kwarto at mag-aral. Matutuwa pa ako."

"Ay..."

"Anong ay? Ang bata bata mo pa kung anu-ano na iniisip mo. Magtapos ka muna ng pag-aaral bago mag boyfriend."

"Pagkatapos ng high school?"

"Anong high school? College!"

"Hala, kelan pa yun?"

"Aangal ka? O huwag ka na mag-aral ngayon sayang lang yung gastos." Pananakot nito.

"Hala. Ito na po papasok na. Mag-aral na po."

Wala siyang nagawa kundi ang sumunod. Wala rin naman siyang mapapala dito, limitado ang kuwento. Gayunpaman, araw-araw pa rin niya itong kinukulit. Hinihintay niya itong dumating galing sa trabaho at nagpapakwento. Nalulungkot siya kapag sinabi nito na hindi niya nakita o naabutan sa bahay. Mas maaga itong umalis keysa sa tatay niya at late na rin kung umuwi. Ilang buwan na lang at gagraduate na ito sa kursong Political Science sa pinakasikat na unibersidad.

Pinakasikat na paaralan na tanging ang mga matatalino lang at mayayaman lamang ang nakakapag-aral. Minsan ay naisip din niyang mag-aral doon. Kaso lang ay wala silang pambayad sa tuition fee. Entrance exam pa nga lang siguro ay siguradong bagsak na siya. Aminado naman siyang mahina talaga ang utak niya. Dati ay gusto niyang mag trabaho agad pagka graduate ng high school pero ngayon ay parang gusto niyang mag-aral at makapagtapos. Gusto niyang makatulong sa mga magulang pero naisip niya na mas makakatulong siya kapag nakapagtapos siya ng pag-aaral.

Naging inspirado siya sa pag-aaral at kahit medyo mahina ang utak niya ay hindi naman siya kulelat. Naging pursigido siyang makapagtapos. Nung una ay nagulat ang mga magulang niya sa ipinakita niyang determinasyon sa pag-aaral. Hindi kasi siya yung tipong nag-aaral pagdating sa bahay. Tinatapos lang nya ang mga gawaing bahay at saka siya mangangapitbahay. Gabi na siya kung umuwi at pahirapan ang gising sa umaga. Lagi niyang sinasabi na pumasa lang siya ay okay na. "Diploma lang naman ang hinahanap kapag nag-aapply ka ng trabaho at hindi nakasulat dun ang grado mo kaya hindi nila malalaman. Nasa sipag yan at masipag ako!" Ang lagi niyang sagot kapag pinagsasabihan siya ng mga magulang at mga kapatid kaya hinayaan na lang siya. Ang mahalaga ay pumapasok siya sa mga klase niya at hindi gumagawa ng mga bagay na magpapahamak sa kanya.

Nung taon ding yun ay grumaduate si BJ bilang cum laude. Mas lalo siyang humanga dito. Hindi lang basta may hitsura, matalino pa. Pakiramdam niya ay proud na proud siya sa achievement nito. Tuwang tuwa siya at bumili pa siya ng card para dito. Pinag-isipan niyang mabuti ang isusulat. Gusto niya sana ay English ang pagkasulat kasi Englishero ito kaya lang natatakot siyang magkamali sa spelling at lalo na sa grammar. Baka pagtawanan lang siya nito kaya pinili niyang isulat ito sa Tagalog. Mas masasabi pa niya ang lahat ng gusto niyang sabihin. Pero....bilang kaibigan lang. Nakikipagkaibigan.

Hawak hawak niya ang card na nakatago sa kanyang likuran at kinakabahang lumapit sa kuya niya na nakaupo sa sala nila. "Kuya, papasok na po kayo?"

"May ibang lakad ako. Wala akong pasok ngayon."

"Ha!? Bakit po? Hindi naman Linggo ngayon bakit wala lang pasok?" Nagtatakang tanong ni Charisse.

"Wala sina sir, nakabakasyon sa Japan." Nakangiting tugon nito.

Napawi ang kaba na nararamdaman niya. Napalitan ito ng lungkot at panghihinayang.

"Ganun po ba? Grabe talaga pag mayaman 'no kuya. Makakapunta kahit saan nila gusto."

"Siyempre, hindi naman problema sa kanila ang pera. Hindi kagaya sa atin na kailangan magbanat ng buto para lang may maihain sa hapagkainan. Ang mapait kaunti lang yung kinikita." Malungkot na pahayag nito.

"Hayaan mo kuya, kapag ako nakapagtapos tutulungan kitang makabalik sa pag-aaral. Isang taon na lang kuya at magtatapos na ako. Pwede na po kayong bumalik sa pag-aaral."

"Hindi na siguro cha." Malungkot na sabi nito.

"Hindi pwede kuya. Tumigil ka para makapagtapos kami ni ate. Nagsakripisyo ka para sa amin. Gusto ko matapos mo kahit hanggang high school lang." Mangiyakngiyak na sabi ni Charisse.

"Ano ka ba matanda na ako." Nakangiting sagot ni Renante para naman maibsan ang kadramahan sa paligid. "At saka hindi ko na iniisip yun, ok na ako sa trabaho ko." Alo niya sa kapatid.

"Hindi nga po pwede kuya. Basta po, promise yun."

"Hindi na. Nalipasan na ako ng panahon. Ang gusto ko, matapos ninyo ang pagkokolehiyo."

"Oo naman po kuya. Mag-woworking student ako para hindi nyo na ako alalahanin. Magtatapos po ako ng college, promise ko po yan."

"Masaya na akong makita kayong magtatapos. Hindi man ako, ang mahalaga ay kayo."

Niyakap ni Renante ang kapatid. Mahal na mahal niya ang mga kapatid kaya mas pinili niyang tumigil sa pag-aaral para mag trabaho na lang at makatulong at matustusan ang kanilang pag-aaral. Hindi kasi sila kayang pag-aralin ng mga magulang nila ng sabay.

Marami ng napagdaanang trabaho si Renante bago pa siya nakapasok bilang personal driver ng daddy ni BJ. Kahit papaano ay nakadagdag kita din siya para maitawid ang kanilang pangangailangan araw-araw. Hindi naman kasi kalakihan ang sahod ng kanyang ama at hindi ito sasapat sa mga gastusin lalo na at nagbabayad pa sila ng upa sa tinutuluyang bahay.

"Tahan na. Saka na natin pag-usapan yan kapag nakapagtapos ka na. At sa susunod na taon pa yun." Tinapik niya ang balikat nito. Ngumiti naman si Charisse. "Oo nga 'no."

"Kaya nga. Teka, bakit mo tinatanong kung papasok na ako?"

"Ay hindi pala nakalimutan." Natawa na lang si Charisse. "Wala po." Nahiya siya kaya bigla siyang tumalikod. "Late ka na po kasi." Pagdadahilan niya at lumakad, na hindi man lang lumingon.

"Talaga? Yun lang ba?" Sigaw ng kuya niya na hindi kumbinsido.

"Opo."

"Yung crush mo hindi mo ba babatiin?"

"Hindi na po, masaya na yun!" Sigaw niya na hindi tumigil sa paglalakad hanggang sa makarating sa kwarto nila ng ate niya. Ngiting-ngiti naman si Renante habang pinagmamasdan ang naaasar niyang kapatid. Hindi man lang ito lumingon at isinara agad ang pinto. "Ano kayang nangyari dun?" Sabi niyang napapailing na lang.

Itinapon ni Charisse ang bitbit na card. "Nagpakapagod pa ako!" Sumalampak siya sa higaan. Maya-maya pa ay nakatalukbong na siya ng kumot at umiiyak. Hindi niya alam ang dapat niyang maramdaman. Malulungkot, magdaramdam, manghihinayang, mahihiya, maawa sa sarili o magdadalamhati ay hindi niya alam. Ang alam lang niya ay gusto niyang umiyak kaya umiyak siya. Ang bigat kasi sa dibdib.

Nang mahimasmasan ay naisip niya kung bakit nga ba siya umiyak. "Bakit nga ba?" Tanong niyang bumangon. Dinampot ang card at maingat na inipit sa kanyang notebook. "Kung hindi kita maibibigay ngayon eh di sa mga susunod na araw na lang. Pwede pa namang bumati kahit late na." Sabi niya habang hinahaplos ang card. "At kung hindi man ako mabigyan ng pagkakataon na bumati sa kanya ngayon, sa susunod na lang ulit." Napatitig siya sa hawak na card. "Ikaw lang ang regalo ko, at nasa Japan siya. Patunay na magkaiba ang aming mundo. Nakakalungkot pero totoo. Haay...pero teka lang parang ang OA ko yata, di naman ako girlfriend ni hindi kami magkaibigan." Natawa na lang siya. Iniligpit ang card at lumabas ng bahay. Oras na para rumampa sa mga kapitbahay.

FOURTH YEAR

Pinagtatawanan pa rin siya ng kuya niya sa tuwing kinukumusta niya si BJ. Nag-aaral ulit ito. Kumukuha ng kursong Law sa parehong unibersidad. Pangarap daw kasi nito ang maging abogado. Mas lalong humanga si Charisse dito. "Ang galing naman niya!" Ang madalas na sinasabi niya sa kuya niya na sinasalungat naman nito. "Kuya, humahanga lang naman ako."

"Aba'y ewan ko sa'yo."

Basta. Kahit ano pa ang sabihin ng kuya niya ay idol pa rin niya si BJ.

Graduation nila nang una niyang makilala si Ruby na naging girlfriend ng kuya niya. Magaan agad ang loob niya dito at naging malapit nga sila sa isa't isa. Si Ruby ang madalas na nagkukwento sa kanya tungkol kay BJ. Naaaliw siyang nakikinig sa mga kwento nito ngunit sa dulo ay laging pareho ang sinasabi nito at ng kuya niya tungkol kay BJ. Minsan ay napapaisip siya kung gaano nga ba kasama ang ugali nito?

At ngayon ay magkasama sila sa isang bahay. Ngayon niya napagtanto na totoo ang sinabi ng kuya niya. Nakakapanghinayang na malaman na ang iniidolo mo ay kabaliktaran ng inaasahan mo. Masakit marinig mismo sa kanya na mahina ang utak niya at tatanga-tanga siya. Masakit na siya mismo ang makasaksi at makaranas sa pagiging manhid at walang puso nito.

Kung nakapagpatuloy ba siya sa kolehiyo ay andito siya ngayon? Malamang ay wala. Siguro ay nag-aaral siya at hindi naging katulong. Kung hindi lang siguro nagkasakit ang tatay niya ay nasa paaralan siya ngayon. Kaso hindi talaga lahat ng plano natin ay nasusunod. Di bale, 17 pa lang naman siya at marami pa siyang pagkakataon.

Naalala niya na malapit na nga pala ang birthday niya. Pag nagkataon, makakasama pa niya ang masungit na boss sa birthday niya. Napabuntong hininga siya. "Pag minamalas ka nga naman."

下一章