webnovel

Ravenium Demon

AKALA NI LEXINE ay tuluyan nang namatay ang halimaw. Subalit habang nangingisay si Manong Ben ay may isang kakaibang uri ng species ang lumabas mula sa bibig nito. Tila isa `yong centipede na mas maraming paa. Mahigit isang talampakan ang haba niyon at kasing taba ng hita ng tao habang nababalutan ng nakadidiring slime ang buong katawan niyon. Mabilis na gumapang sa lupa ang species at unti-unting lumobo ang likuran. Nabiyak ang gitna niyon at unti-unting lumabas roon ang isang ulo. Nanghina ang buong katawan ni Lexine at pakiramdam niya ay malapit na siyang mahimatay.

Tuluyang lumabas ang isang halimaw mula sa species. Buto't balat ang katawan nito. Nasa pitong talampakan ang taas. Mahaba ang mga braso nito na umaabot hanggang sa tuhod. Ang malaking kamay nito ay may tatlong mahahabang mga daliri at matutulis na kuko. Wala itong mata, ilong at tenga. Unti-unting napunit ang tissue muscles nito sa mukha hanggang sa tuluyang bumuka nang malaki ang bibig nito. Halos kalahati na ng mukha nito ang nabiyak. `Di mabilang ang matutulis na pangil sa bibig na paikot hanggang sa ngalangala nito. Habang lumabas naman ang mahaba nitong dila na tila sumasayaw na ahas. Tila gripo na walang tigil ang pagtulo ng itim nitong laway.

"Tss... ravenium demon," bulong ni Night.

Muling sumugod ang halimaw at mabilis na sinunggaban ang binata. Pumaibabaw ito habang pinagkakalmot ang huli. Sunod-sunod na sinangga ni Night ang bawat atake ng demon. Tinadyakan ito ng binata sa dibdib at tumilapon ang katawan nito palayo. Tumama ito sa malaking punong kahoy dahilan upang mabiyak iyon sa dalawa. Muling bumangon ang halimaw. Malakas itong humiyaw at mabagsik na sumugod pabalik kay Night. Hinumpas ni Night ang espada at hiniwa ang kaliwang balikat ng halimaw. Gumulong ang putol nitong braso sa putikan.

Mas lalong nagwala sa galit ang demon at muling tinalon ang binata. Nagpagulong-gulong ang dalawa hanggang sa umabot ang mga ito sa bangin.

"Night!" sigaw ni Lexine. Agad siyang tumakbo at sinundan ang mga ito. Nagpatuloy ang dalawa sa paggulong sa pababang lupa hanggang sa tuluyang nahulog ang mga ito sa rumaragasang ilog. "Night!"

Nawala ang dalawa. Masyadong malakas ang agos ng tubig. Kahit anung hanap ng mga mata niya ay hindi pa muli umaahon ang mga ito. Ang lakas ng kabog ng dibdib niya. Paano kung may nangyari masama kay Night?

Ilang sandali pa ang lumipas at pinanghihinaan na siya ng loob nang bigla umahon ang ulo ni Night. Habol-habol nito ang hininga at panay ang pag-ubo ng nainom na tubig. `Di napigilan ni Lexine ang pagguhit ng malaking ngiti sa labi nang makitang maayos ito. Naglaho ang mabigat na batong nakadagan sa dibdib niya.

Tumingala sa kanya si Night at kahit basang sisiw ay hindi pa rin naaalis ang nakaloloko nitong ngisi. "Na-miss mo naman agad ako! "

Ang tuwa niya ay mabilis na napalitan ng inis. Talaga bang walang pinipiling oras at lugar ang kayabangan nito sa katawan? Gusto niya itong ingudngod pabalik sa tubig. Bubulyawan niya sana ito nang biglang tumalon ang halimaw mula sa ilalim ng ilog na malaki ang pagkakabuka ng bibig.

"Night!"

Tumalsik ang dugo. Napapikit si Lexine sa labis na takot. Ilang sandali siyang nanatiling ganoon hanggang sa unti-unti niyang dinilat ang mga mata. Nanlamig siya sa nasilayan.

Parang fish-ball na nakatusok ang dibdib ng halimaw sa talim ng mahabang espada ni Night. Tila gripo na tumutulo ang itim nitong dugo. Nangisay ang katawan nito at `di nagtagal ay binalot ito ng nagliliyab na apoy. Unti-unti itong nasunog hanggang sa maging abo ito at nilipad ng hangin.

下一章