"CELINA..."
"A-ah, s-sige, tatawag na lang ako sa ibang araw... Kailangan ko na pong ibaba 'tong phone." Hindi na hinintay pa ni Celina ang sagot ng kausap sa kabilang linya ng telepono't mabilis na itinago ang cellphone sa kanyang likod. "D-dad..."
"Sinong kausap mo?" Maingat nitong isanara ang pinto paglabas ng silid.
"Ahm... w-wala po. Doon po iyon sa pinag-apply-an kong kompanya. By the way, nakatulog na po ba si mommy?" Pag-iiba niya ng usapan. Hindi na nito dapat pang malaman na kinukulit pa rin siya ni Nanay Martha tungkol kay Ashton. Nag-aalala na rin kasi ang mga ito sa biglaang pag-iiba ng ugali ng lalaki.
Ngunit, baka mag-alala lang ulit ang kanyang ama't isipin na magugulo na naman ang kanilang buhay. Kaya hanggat maaari ay iniiwasan niyang mapag-usapan ang kanyang asawa.
"Yes, Anak. Medyo bumubuti na rin ang kondisyon niya ngayong nandito ka na. Kumusta nga pala ang paghahanap mo ng trabaho?"
Napasimangot siya bigla sa tanong ng kanyang ama. Ilang kompanya na rin kasi ang pinagpasahan niya ng resume sa nakalipas na isang linggo matapos tuluyang makawala sa poder ni Ashton.
Oo. Isang linggo na ang matuling lumipas pero sadyang hirap siyang matanggap. Kesyo, wala na raw bakante, tatawagan na lang siya, o overqualified naman sa posisyong ina-apply-an niya. Kung tutuusin ay pinag-aagawan pa nga siya noon ng ilang mga kompanya dahil sa galing niya sa interior designing. Ngunit, ewan ba niya ngayon kung bakit parang lahat na lang nang nangyayari sa buhay niya'y puro kamalasan.
Nakita ng kanyang ama ang lungkot sa kanyang mukha, kaya naman kaagad nitong hinagod ang kanyang likod upang payapain ang loob. "Ganyan talaga sa umpisa anak. Pasasaan ba't matatanggap ka rin sa trabaho. Matalino ka kaya! At sigurado akong pag-aagawan kang muli ng mga employers."
"Sana nga po, Dad..." Ngumiti na lang siya. Tama naman ang kanyang ama. Baka masyado lang siyang napi-pressure sa paghahanap ng pagkakakitaan, kaya hindi na niya maipakita ng maayos sa mga employers ang totoong siya.
Masyado siyang atat at maikli ang pasensya. Paano ba naman kasi... malapit na naman ang susunod na chemotherapy ng mommy niya. Kaya kailangan na niyang kumita kaagad ng pera para doon.
"Celina..."
"H-ha?" Biglang nagseryoso ang mukha ng kanyang ama.
"Magpakatatag ka lang." Pansin niyang hindi lang iyon ang gusto nitong sabihin. Pero parang may gumugulo sa isipan ng kanyang ama't nagdadalawang isip kung magsasalita pa o hindi na.
"D-dad, m-may problema po ba?"
"W-wala anak. A-ahm... kailangan ko na palang bumalik sa office. Ikaw na muna ang bahala sa mommy mo." Humalik ito sa kanyang pisngi at tuluyan nang umalis bago pa man siya muling makapagsalita.
Napabuntong-hininga na lamang siya. Kahit pa sabihing kasama na niya ang kanyang mga magulang ay bakit parang hindi pa rin siya masaya? Naroon palagi ang takot sa bawat isa sa kanila.
REYNOLDS' RESIDENCE
"HINDI! Hindi maaaring wala pa rin siyang malay hanggang ngayon!" Dumagundong ang malakas na sigaw ni Emilia Reynolds sa loob ng silid kung saan nakaratay ang comatose na anak na si Jessie.
Kaya nilang pondohan ang lahat ng gastusin sa pagpapagamot nito kaya naman nagpasya ang mga itong sa bahay na lang nila i-confine ang binata.
"Hon, calm down. He's gonna be fine. Magigising din siya. Ang sabi ng kanyang doktor, malaki pa ang chance na magkamalay siya..." pang-aalo ni Jon Reynolds sa kanyang asawa. Maging ito'y lubos ding nalulungkot sa sinapit ng anak. At sa araw pa ng kaarawan nito.
"But... I can't stand it anymore, Jon! Mahigit isang linggo ng walang malay si Jess after the accident." Malala ang pagkabagok ng ulo ng binata na naging resulta nang pagka-comatose nito. "How was your investigation about the case of my son?" Sa halip na makinig sa asawa'y baling ni Emilia sa kanyang secretary.
Agad namang lumapit ang lalaki at inilahad ang folder ng reports na hawak.
Mabilis naman itong kinuha ni Emilia at binulatlat ang mga larawang kuha sa CCTV footage ng gabi ng party.
"May kasama siyang isang babae nang umalis siya noong gabi ng party," panimula ng lalaking sekretarya.
"And who is this woman?!" Halos malamukos na ang ilang mga larawang hawak ni Emilia sa pagduduro ng imahe ng babaeng naroon. "Where did she go? Bakit wala siya no'ng ma-rescue si Jessie?"
"I... I know her..." anas ni Jon nang makilala ang babaeng nasa larawan. "Siya ang asawa ng bunsong Gamara."
"Do you mean... a-asawa ni Ashton?" Todo ang pagkakakunot ng noo ni Emilia. Puno ito nang pagtataka.
Bahagya lamang tumango si Jon bilang pagsang-ayon.
"Haliparot na babaeng iyon! Bakit siya kasama ng anak natin? Ano ang kaugnayan niya kay Jess?" Lalo pa tuloy itong naghuramintado. Hindi nito maiwasang isiping may relasyon ang kanyang anak sa babaeng iyon.
"Madam, ang sabi rin ho ng security... Sumunod din kaagad sa kanila si Ashton noong gabing iyon. At mukhang nagmamadali," muling saad ng sekretarya. "Nagtanong-tanong din ako sa lugar ng aksidente at ang sabi ng ilan... mabilis daw ang pagpapatakbo ni Sir Jess ng sasakyan. Mukhang nakikipagkarera siya sa isang itim na kotse, na sa tingin ko'y sasakyan ni Mr Ashton Gamara."
"So, hindi lang isang ordinaryong aksidente ang nangyari. May foul play! Gusto kong pa-imbestigahan ito sa mga pulis!" mariing turan ni Emilia. Mahigpit din nitong naikuyom ang mga kamay sa galit.
"Masusunod po, Madam."
NAGMAMADALI si Celina patungo sa silid ng kanyang ina. Dala ang mga niluto niyang pagkain para rito. Alam niyang gutom na ang ina at ang luto niya ang pinakahihintay nito. Siya man ay nasasabik na ring sabayan ito sa pagkain. Lalo pa siyang nagugutom dahil sa mabangong amoy ng ulam na dala niya.
Ngunit, bago pa man siya makarating sa silid ng kanyang ina ay natanaw na niya ang isang pamilyar na lalaki. Mataman itong naghihintay at nakapamulsa pa habang nakasandig sa pader ng pasilyo. Porma't pangangatawan pa lamang nito'y kilalang-kilala na niya. Dahilan upang biglang mapawi ang mga ngiti sa kanyang labi.
Sandali siyang natigilan. Hindi malaman kung tutuloy pa siya sa paglalakad o tatakbo na lang paalis upang magtago. Ngunit, bago pa man siya makagawa ng hakbang ay napansin na siya nito. Sabik itong lumapit sa kanya at hindi na siya binigyan pa ng pagkakataong umalis.
"Celina... can we talk?" anito.
"Kuya Al, w-what are you doing here?"
"Nanggaling ako sa bahay niyo kahapon... and they said, you're here."
"So, nagpunta ka dito para pauwiin ako? Ngayong tinigilan na ako ng kapatid mo, ikaw naman ang mangungulit sa'kin? Alam mo ba ang mga pinaggagagawa niya sa'kin at sa pamilya ko? Do you even have an idea why are we here? Why we suffered a lot?" singhal niya. "You know what? Nagsasayang ka lang ng oras mo dahil hinding-hindi na ako babalik pa do'n! You better go now..."
"Celina, hindi ako nagpunta dito para dagdagan pa ang mga paghihirap niyo ng pamilya mo. Alam ko kung gaano ka naghirap, nagtiis, at nagdusa sa kamay niya. I know all of that! In fact, I'm here to offer you a proposal..."
Tinaasan niya ito ng kilay. Hindi niya mabasa sa mukha ng lalaki ang gusto nitong sabihin. Pero, hindi maikakaila ang guhit ng hiya at pag-aalangan sa mga mata nito. "Proposal?"
"Si Ashton... mahigit isang linggo na siyang hindi pumapasok sa opisina..."
"So?"
"Celina, look. Alam mo kung gaano kahalaga para sa amin ang sister company na pinapatakbo ni Ashton. Alam mong hindi ko magagawang maupo na lang at panoorin itong bumagsak."
"The hell I care?!" Tinalikuran niya ito't akma na sanang aalis nang muli siya nitong harangan.
"Let me finish first! Please..." Hinawakan nito ang magkabila niyang braso. Mahigpit iyon at mukhang walang balak na bitawan.
"Kuya Al, problema niyo na iyon! Kung malugi man ang kompanya niyo dahil sa hindi pagpasok ni Ashton sa opisina... wala na akong pakialam pa do'n!"
"Baka nakakalimutan mong nagtatrabaho sa kompanyang iyon ang daddy mo."
Bigla siyang natigilan sa sinabi nito.
"Alam mo bang siya na ang gumagawa ng lahat ng trabaho ni Ashton ngayon? Hindi mo ba napapansin na halos doon na tumira sa opisina ang daddy mo sa dami nang inaasikasong papeles?"
Kung sabagay, pansin nga niyang madalas na aligaga ang kanyang ama at parati nang umuuwi ng hating-gabi. Madalas na rin niya itong hindi nakakasalo sa almusal.
"Celina, I need your help..."
"Anong gusto mong gawin ko? Kausapin ko si Ashton na pumasok sa opisina na parang kinder na kailangan pang ihatid ng mommy niya sa school?! Sa tingin mo kaya makikinig siya sa'kin?"
"He seems okay. But, he doesn't remember me... He doesn't remember anything... anyone! Celina, I think, nagka-amnesia siya. Hindi ko lang alam kung anong dahilan. Ngayon... nagkukulong na lang siya sa bahay niyo," paliwanag nito. Bakas sa mukha nito ang pag-aalala. Ngunit, hindi para sa kapatid kundi para sa kompanya. "At gumagawa ng kung anu-anong ka-wirduhan!"
Ilang ulit niyang ibinukas-sara ang bibig. Ngunit, tila wala siyang maapuhap na sasabihin. Doon lamang niya napagtanto ang kakaibang ikinilos nito noong huli silang magkita. Totoo nga pala talaga ang mga sinabi sa kanya ni Nanay Martha. Pero, anong nangyari sa kanya?
...to be continued