NANG MARATING NI Map ang balay ay napaupo siya sa gilid ng pintuan. Ngayon lang niya naramdaman ang pagod mula sa ginawang pagtawag sa Sigwa. Nilapitan siya ni Blake. May dala itong bulak at gamut.
"'Pag nalaman ni Kid ang ginawa mo, yari ka," ani Blake habang dahan-dahan itong tumalungko sa tabi ng kaibigan. Makirot pa rin ang sarili niyang mga sugat, ngunit mahalagang magamot din ang sugat ni Map.
"Kung malalaman niya," sagot ni Map habang tinutupi ang damit at maipakita kay Blake ang hiwa sa kanyang balat.
"Tsk," ang sabi ni Blake. "Kung lumalim-lalim pa 'to…"
"'Wag mo nang ipaalam sa kanya."
Hindi pinansin ni Blake si Map. Patuloy ito sa paglalagay ng gamot sa sugat ng kaibigan. "Malapit sa ugat, o."
"Malayo sa bituka 'yan…"
Napailing lang si Blake.
"Hindi alam ni Kid na natutunan kong hawiin ang hangin. Mas mabuting hindi na niya malaman," ang patuloy ni Map.
"Tayo-tayo na nga lang ang magkakakampi, gusto mo pang maglihim sa kanya?" May kaunting inis sa tinig ni Blake.
Ngumiti lang si Map.
"Bahala ka," ani Blake. "Hindi pwedeng pare-pareho tayong nasusugatan… Paano tayo lalaban niyan?"
"Mabilis namang gumaling 'yung sa 'yo," sabi ni Map sabay hagod sa likod ni Blake. Napapiglas tuloy ang kaibigan.
"A! 'Wag mong hawakan… Tatamaan ka sa akin!"
Napahagikgik si Map.
"Kaya mo? May lakas ka pa?"
"Pasukin ko 'yang isip mo, gusto mo?" Nanglilisik ang mga mata ni Blake.
Napataas ng kamay si Map upang itago ang mukha sa kaibigan.
"In your dreams."
"Ang dami mo sigurong sikreto, 'no?"
Inilabas lang ni Map ang dila niya.
"Akala mo naman hindi ko alam mga sikreto mo," nangingiting sabi ni Blake habang marahang itong tumayo. Agad siyang tinulungan ni Map ngunit napaaray ito dahil napuwersa ang balikat na may laslas.
"Tahiin na natin 'yang damit mo, baka makita pa ni Kid na nasira 'yan. Mapipilitan ka pang magsinungaling."
Tumango si Map at hinubad ang damit.
"Mapulon…" ang mahinang tawag ni Blake.
"Hmmm?"
"'Wag mo nang ulitin 'yun, ha? Baka sa susunod hindi lang sugat ang abutin mo…"
"Magpapatalo ba ako sa 'yo? Sa dami ng natamo mong sugat sa katawan… Dapat patas lang tayo."
"Sira-ulo ka talaga… Lagot ka sa manager mo 'pag nakitang marami kang peklat."
"Tingin mo naman maghuhubad ako sa stage?" sagot ni Map sabay sayaw nito habang pinaiikot ang hinubad na damit sa isang kamay.
Binato ni Blake ng bulak si Map. Hindi niya maintindihan kung paano niya naging kaibigan ang tangang ito.
NAKALUHOD SA HARAP ni Kidlat ang mga guro ng Linangan: si Hagibis, ang malaking guro, si Mayumi, ang guro nila sa pagsulat, si Lakan na may hawak na tangkay ng halamang gamot, at si Paul, na siyang nakita ni Dian na tumawag sa hangin. Sa tabi ni Paul ay may isa pang gurong babae na hindi pa -nakikilala ni Dian. Sa gitna nila ay ang administrador na si Agtayabun na nanatiling nakatayo, ngunit nakatungo.
Sa hiya ay napapunta sa gilid si Dian. Ngayon lang siya nakakita ng ganitong sitwasyon. Akala niya'y pagagalitan sila ng mga guro, ngunit mukhang si Kidlat pa ang kumakastigo sa mga ito. Naalala niyang si Kidlat ang Pinuno ng mga Maginoo at marahil kailangan itong gawin ng mga guro upang ipakita ang kanilang paggalang, kahit pa labag ito sa kalooban nila.
Sumenyas nang bahagya si Kid at tumayo na ang mga guro.
"Inaasahan na natin na mangyayari ito," ang panimula ni Agtayabun na sinagot naman ng pagtango ng mga guro. "Kailangan lang natin na higpitan pa ang seguridad ng paaralan."
"Wala po bang ibang paraan? Para tayong nakakulong dito," ang tahimik na sambit ni Kid. Halos pabulong ito.
Napatingin ang lahat kay Kid. Pinagpatuloy lang niya ang pagsasalita nang mahina.
"Alam na po natin na darating sila… Pinag-usapan na natin ito… At sinabi po ninyong mas mabuting dito tayo sa Linangan dahil--"
"Mas mabibigyan namin kayo ng proteksyon. Lahat kayo," ang sabad ni Agtayabun, sabay inilipat nito ang tingin kay Dian. "Mas mahihirapan tayo kung matutunton ng Silakbo ang mga tahanan ninyo…"
Nagtaas ng kamay si Hagibis.
"Saan man kayo itago ng mga magulang ninyo, kaya pa rin kayong matunton ng Silakbo. Mas mahirap kung sabay-sabay silang lulusob at wala naman tayong paraan na ipagtanggol ang mga kabataan…"
Nagtaas din ng kamay si Mayumi.
"Sumasang-ayon din ako rito…. At ito rin naman ang pinagkasunduan ng mga matatanda. Naniniwala ako sa kanilang karunungan."
"Hindi ba," ang marahang sabi ni Kid, "mas madali po para sa kanila na lusubin tayo kung nasa iisang lugar lang tayo?"
Pilit na kinakapa ni Dian ang tono ni Kid. Kinagagalitan ba niya ang mga guro?
"Iyon ay kung wala tayong proteksyon," ang mabilis na sagot ni Agtayabun. "Ngunit alam naman ninyo na protektado ng salamangka ang Linangan. Hindi tayo magagawang lusubin ninuman."
Nagtaas ng kamay ang babaeng guro na hindi pa nakikilala ni Dian.
"Makapangyarihan ang salamangka natin, ngunit kung bibigyan natin ng pagkakataon ang Silakbo, hindi natin maipagtatanggol ang lahat ng narito."
Nagkatinginan ang mga guro. Napatingin si Dian sa nagsalita. Natatakpan ng anino ng mga puno ang mukha ng babaeng guro. Malalim ang titig nito sa lupa.
"Prof A.," ang sabi ni Agtayabun. Tila pinatatahimik niya ang babaeng guro. Ngunit nagpatuloy ito sa pagsasalita nang nakapokus pa rin ang mga mata sa lupa.
"Kung bibigyan natin ang Silakbo ng mga tukso… Kunwari… magpapakita tayo sa lagusan… Marahil… marahil lang naman… gumawa sila ng mga hakbang na ikasisira ng mga proteksyon natin, para lamang… hindi ko alam… makapasok sila at makuha ang nais nilang kunin."
Ngayon nama'y bumaling ang tingin ng lahat kay Dian.
Napansin iyon ni Kid.
"Sinabihan ko si Dian na magkita kami sa lagusan," ani Kid sa ngayo'y mas malakas na tinig.
Binuksan ni Dian ang bibig upang pabulaanan ang mga sinabi ni Kid, ngunit inunahan siya nito. Mariin ang pagsambit nito ng mga salita.
"Gusto ko sanang ipakita sa kanya na inilalagay ko sa balon ang sarili kong sandata, para hindi niya isipin na hindi patas ang pagtingin natin dito sa Linangan." Habang sinasabi iyon ni Kid ay inilabas niya ang kanyang punyal na may gintong hawakan. "Hindi ko sukat akalain na ganito ang mangyayari."
"Kaya nga dapat nating tulungan ang isa't isa," sabad ni Agtayabun. "Para sa ikabubuti ng lahat."
"Para na rin po siguro maging patas tayo," ani Kid, "bigyan po ninyo ako ng kaparusahan ng tulad kay Dian."
Napanganga si Dian. Hindi pa ba parusa ang ipakasal sa isa't isa nang wala namang nararamdamang pagmamahal?
Katahimikan.
Ilang minuto ang lumipas at nakatingin ang lahat kay Agtayabun, habang naghihintay ng pasya ng matanda.
"Ano ba ang patas na parusa?" ang sabi ni Agtayabun matapos itong mapag-isip. "Bilang Pinuno, ikaw ay haharap sa mga nakatatanda… Ngunit si Dian… hindi ba bilang kanyang magiging kabiyak, ay mas may karapatan ka na magpasya ng kanyang parusa?"
Nanglaki ang mga mata ni Dian. Si Kid ang magbibigay sa kanya ng parusa? Pwede bang expulsion na lang? Expulsion na lang, please.
"Kung iyon po ang nararapat."
Kung iyon ang nararapat… paulit-ulit ang mga katagang iyon sa isip ni Dian at 'di niya namalayan na nakaalis na ang mga guro at naiwan siyang katabi si Kid. Nagsimula nang dumilim ang paligid at lumabas na rin ang ilang alitaptap.
"Mabuti na lang," ang sabi ni Kid. Binasag nito ang pagmumuni-muni ni Dian.
"Mabuting ano?"
"Mabuti na lang na 'di ka nasaktan. Na hindi ka nakuha ng Silakbo," ang sagot ni Kid.
"Hindi ba ikaw 'yung pakay nila?"
Napangiti si Kid. Kumikinang ang mga mata nito.
"Kaya mo ba ako pinagtanggol?"
"Feeling ka."
Napabuntong hininga si Kid.
"Akala ko talaga…" sabi nito.
"Akala mo ano?"
"Iiwan mo ako rito," sagot ni Kid. "Ang tagal kong hinintay na makita ka… Makausap…"
Hinaplos ni Kid ang suot niyang Simbolo na Bakunawa.
"Marami rin akong tanong, Dian," patuloy ni Kid. "Kung hindi naman makakasagabal sa 'yo… pwede mo ba akong samahan dito sa Linangan? Kasama natin si Mapulon… Pati 'yung isa kong kaibigan, si Bulalakaw. Samahan mo kami na hanapin 'yung mga sagot."
Naglagablab na ang mga sulo sa paligid at tuluyan nang nagtago sa dilim ang araw.
"Paano ka? Haharap ka sa mga matatanda?"
"Nag-aalala ka ba sa akin?" ang tukso ni Kid.
"Feeling ka talaga. Hindi ba pwedeng curious lang ako?"
"Kailangan kong gawin 'yun…"
"At 'yung parusa ko?"
"Mukhang ayaw mo namang gawin 'yung inatas sa 'yo na paglilinis sa balay."
"Please, 'wag naman 'yun."
Ngiti lang ang isinagot ni Kidlat.
~oOo~