Matagal na nakaupo si Jun Wu Xie sa lamesa. Ang nakakasulasok na katahimikan sa paligid
niya ay nagdulot sa kaniya ng pagkataranta. Ang itim na pusa ay lumapit sa kaniya at tumalon
sa kaniyang braso.
Biglang may isang malakas na kalabog ang narinig sa di kalayuan. Napataas ng ulo si Jun Wu
Xie, ang pag-aalala ay nabanaag sa kaniyang mga mata.
"Gusto mo bang tingnan kung ano iyon?" tanong ng itim na pusa habang itinaas nito ang
kaniyang paa sa manggas ng damit ni Jun Wu Xie.
Marahang tumayo si Jun Wu Xie at naglakad patungo sa kung saan nanggaling ang kalabog.
Nang makarating si Jun Wu Xie sa silid ni Fan Zhuo, ay tahimik lamang siyang nakatayo ng
isalang sandali. Lahat ay tahimik sa loob ng silid at ng buksan niya ang pintuan, bahagya niyang
naamoy ang dugo. Nakatayo sa loob ay si Gu Li Sheng na tumingin sa kaniya, ngunit binaling
ang sulyap sa iba ng hindi na niya malaman ang tamang salita na kaniyang sasabihin.
Pumasok sa Loob si Jun Wu Xie at nasilayan niya ang pamilyar na likod na nakaharap sa kaniya.
Nakaupo si Fan Zhuo sa isang sulok ng silid, nakatalikod siya kay Jun Wu Xie at pinapaliguan
niya si Lord Meh Meh.
Nagkaroon na ng pagbabago ang kalagayan ni Lord Meh Meh at nagagawa na rin nitong ibukas
ang kaniyang mga mata. Malinaw na sumulyap ito kay Jun wu Xie sandali bago lumingon kay
Fan Zhuo na nakatalikod kay Jun Wu Xie, at buong lakas na pinili magpakawala ng mahinang
unga.
"Meh..."
"Iwan mo muna kami." sabi ni Jun Wu Xie nang makita niya ang nakakalat na piraso ng mga
basag na porselana sa sahig malapit sa paa ni Fan Zhuo, napagtanto niya na marahil iyon ang
dahilan ng malakas na kalabog kanina.
Tumango si Gu Li Sheng at lumabas na ng silid, dahan-dahan niyang isinara ang pintuan.
Sa loob ng silid, tanging si Jun Wu Xie at Fan Zhuo na lamang ang natira.
"Ang aking kapatid… Maayos ba siya?" walang maririnig na pagbabago sa boses ni Fan Zhuo
ngunit hindi makita ni Jun Wu Xie kung ano ang ekspresyon nito sa mukha.
"Hindi maayos." sagot ni Jun Wu Xie.
Nanigas ang likod ni Fan Zhuo nang marinig iyon.
"Mapapagaling mo ba siya? Nagawa mo akong malunasan, tama?"
"Hindi ko pa siya lubusang nakikita." tapat na sagot ni Jun Wu Xie, bumikig ang kaniyang
lalamunan habang sinasabi iyon, tila hindi sa ganoong paraan niya iyon gustong sabihin, ang
mga salita na malamig at tila walang pakiramdam.
"Little Xie."
"Hmm?"
"Nagmamakaawa ako. Kailangan mo siyang pagalingin." ang boses ni Fan Zhuo ay labis na
nagmamakaawa.
"Sige."
Hindi gumalaw si Fan Zhuo. Nakatalikod pa rin ito kay Jun Wu Xie, ang kaniyang kamay ay
hawak ang maliit na katawan ni Lord Meh Meh, habang patuloy niyang pinaliliguan si Lord
Meh Meh.
"Kaya hiniling mo na maiwan ako upang alagaan si Lord Meh Meh dahil nalaman mo na ang
balita bago ka umalis?"
"Oo."
"Hindi mo hinayaan na malaman ko kaya mas minabuti mo na mag-isa kang bumalik upang
malaman muna kung anong nangyayari?"
"Oo."
Isang bahaw na tawa ang pinakawalan ni Fan Zhuo, ngunit mararamdaman na walang
kasiyahan doon, tanging pait at kawalan ng pag-asa, isang tawa na mapapakislot ang puso
ninuman.
"Bakit mo sinasabi lahat ng ito sa akin ngayon?"
Saglit na natahimik si Jun Wu Xie bago marahang nagsalita: "Tanging ikaw lamang ang kayang
magpatunay na inosente si Fan Jin."
"Nasaan si Ah Jing?"
"Ikatlong palapag, pangalawang silid." Dinala ni Jun Wu Xie si Ah Jing at Gu Li Sheng sa
parehong tirahan kung nasaan si Fan Zhuo. "Hindi mo ba itatanong kung nasaan si Fan Jin?"
Umiling si Fan Zhuo.
"Hindi ko kayang makita siya." Ang boses ni Fan Zhuo ay magaspang na at halos hindi na
maintindihan, parang pinilit lamang iyon palabasin sa kaniyang lalamunan.
Hindi sumagot si jun Wu Xie. Naglakad siya patungo sa harap ni Fan Zhuo, at sa wakas ay
nakita ang ekspresyon ng mukha ni Fan Zhuo. Ang anyong iyon ay hinding-hindi malilimutan ni
Jun Wu Xie sa kaniyang buhay!
Puno ng kadiliman na matatakot ang sinuman na lumapit.
Dinala niya ang itim na pusa sa braso ni Fan Zhuo, binaba ni Jun Wu Xie ang kaniyang sarili at
niyakap si Fan Zhuo, nilagay niya ang ulo ni Fan Zhuo sa manipis niyang balikat.
"Iiyak mo."
Hindi nagsalita si Fan Zhuo. Ginawa niya ang lahat upang itago ang kaniyang tunay na
nararamdaman, itago ang kaniyang emosyon...
Ngunit ramdam ni Jun wu Xie na ang suot niya sa bandang balikat ay basa na...