Bumaba si Jun Wu Xie galing sa pagkakasakay sa likod ng black beast. Buong loob nitong sinabi kay Jun Qing: "Uncle, hindi ko ibibigay ang Soul Jade, 'wag niyong bubuksan ang kabaong."
"Ano?" Gulat na tanong ni Jun Qing.
Bigla namang sumigaw si Long Qi, nagulat sa nakita!
"Panginoon! Tignan niyo ito!"
Binuksan nito ang kabaong ni Jun Gu at gulat na gulat sa nakita.
Agad namang tumakbo ang tatlo palapit.
Sila din ay nasurpresa sa kanilang nakita. Pare-pareho silang natigilan.
"Paano nangyari ito?" Hindi pa rin nakakabawi si Jun Xian sa kaniyang pagkagulat.
Ang gwapong lalake ay payapang nakapikit. Nang makita ito ng Rui Lin Army na naroroon ay nagulat din. Hindi maipaliwanag ang kanilang nararamdaman sa mga oras na ito.
Sampung taon!
Sampung mahabang taon!
Hindi nila nakita ang mukhang iyon sa loob ng sampung tao at naniniwala silang hindi na nila muling makikita ang mukhang iyon nang kanila itong ilibing. Tinanggap na nilang ang mukhang iyon ay sa alaala na lang nila makikita.
Hindi nila inaasahang pagkalipas ng isang dekada mula noong ilibing nila ito ay ganoon pa rin ang itsura nito. Para lamang itong mahimbing na natutulog.
Sa loob ng isang dekada, ang buhay ay tatanda ang itsura. Ngunit ang lalaking kanilang tinitingnan ay walang pagbabago sa itsura.
Kung anong itsura nito nang ilibing nila ito ay walang pinagbago. Ang malatanso nitong kulay, ang itim nitong buhok ay maayos pa ring nakaporma. Sa bibig nitong bahagyang nakaawang ay ang kalahati ng clear green jade. Nakapatong ang kamay nito sa dibdib, hawak ang espada nitong katulong nito sa pagpapanalo ng bawat laban.
Umilaw ang espada ng masinagan ito ng buwan. Kahit na isang dekada itong nakalibing, matalas pa din ito gaya ng dati.
Pigil ang luha nina Jun Xian at Jun Qing sa kanilang nakikita.
Hindi talaga tumanda ang itsura nito sa kabila ng sampung taon nitong pagkakalibing. Sa katunayan nga ay parang mas bumata pa ito.
"Paano nangyari ito? Sampung taon... Paanong hindi nabulok ang katawan nito." Parang may bumikig sa lalamunan ni Jun Xian nang bumalik sa kaniyang alaala ang nangyari sa nakalipas na sampung taon.
Dinanas nila ang pait nang pagkawala ni Jun Gu. Samantalang ito ay nanatiling payapa.
Hindi pangkaraniwan ang ganitong pangyayari. Isang katawang matagal nang namatay ay hindi nabulok at naagnas sa loob ng sampung taon, depende na lang kung itinago nila ito sa isang napakalamig na lugar. Sa ilalim ng niyebe o yelo sa oras na ito ay namatay.
Ang katawan ni Jun Gu ay inilibing sa ilalim ng lupa.
Nawala sa isip nilang lahat ang sadya nilang jade nang makita nila ang katawan ni Jun Gu. Silang lahat na naroon ay nagsipunas ng luhang tumulo sa kanilang mga mata.
Maaaring nilisan nito ang mundong ito, ngunit hindi ang kanilang puso.
Napako naman ang tingin ni Jun Wu Xie sa katawan ng kaniyang ama. Halo-halo ang kaniyang emosyon.
Kaunti lamang ang pagkakahawig ni Jun Gu at Jun Qing. Si Jun Qing ay mas kamukha ng ama nito samantalang si Jun Gu naman ay halos sa ina nito nagmana.
Matangos na ilong, gwapong mukha.
Si Jun Wu Xie naman ay kuhang-kuha ang itsura ng kaniyang ama.
Nang mamatay si Jun Gu ay bente-otso anyos lamang ito.
Sampung taon ang nakaraan ay bente anyos lamang si Jun Qing at sa nakikita nila ngayon, mas bata nang tignan si Jun Gu.