Ang sitwasyon ni Jun Qing ay hindi kasing lala tulad ng ipinahihiwatig ng marami. Dahil sa ang lason ay nanuot sa bone marrow, at dahil nililinis ng binhi ng lotus ang mga buto, inilalabas naman nito ang mga lason sa balat kasabay ng pawis. Bago pa tuluyang matapos ang proseso ng paglilinis, maaaring magdulot ng kalituhan na ito ay sanhi ng pagkalason na umabot hanggang sa puso, dahilan upang magresulta ito sa kamatayan.
Ngunit sa katunayan ay hindi ito tunay na mapanganib!
Pinatihaya ni Jun Wu Xie si Jun Qing upang matulungan itong maging mas banayad ang proseso ng paglilinis ng katawan. Kumuha siya ng karayom mula sa kaniyang lagayan at saktong itinusok sa pangunahing meridian point. Nagpatuloy siya hanggang sa iba pang bahagi upang mabuksan ito at mapabilis ang pagdaloy ng dugo at mapabilis ang proseso upang matapos na rin ang kaniyang paghihirap.
Dahil nakatuon ang buong konsentrasyon ng dalaga sa pag-aampat ng lunas gamit ang kaniyang mga karayom, hindi niya napapansin ang mga kaganapan sa kaniyang paligid. Nang una niyang kumuha ng karayom ay hindi naiwasan ng lalaking tagapaglingkod na lumapit upang pigilan siya. Ngunit maging si Jun Xian ay nabigla at hinarangan niya ito.
Nanatili silang nakatayo sa tabi ng kama habang pinapanood ng tahimik ang dalaga na bihasa at saktong binubuksan ang mga meridian. Sabay-sabay nilang natunghayan ang paglaki ni Jun Wu Xie kung kaya't hindi nila inakalang ang kaniyang kasanayan sa medisina ay ganito kahusay.
"Maghanda ng sampung kalan sa silid at isara ang mga pintuan at bintana." Ang mahinahong utos ng dalaga.
"Anong pinaplano mo? Tiyuhin mo siya! Hindi mo ba nakikita? Mamamatay na siya!" Angal ng lalaking tagapag-lingkod. Hindi na niya nagwang pililan ang sarili. Mahina na ang katawan ni Jun Qing, at ang katawan nito ay naliligo na sa pawis, ngunit nais pa rin niyang ikulong ito sa loob ng silid na may sampung kalan?!?
"Hindi ako nakikipag-usap sa mga hangal." Ang tanging sambit ni Jun Wu Xie matapos niya itong tingnan.
Hindi niya inalintana kung gaano ito nakayayamot manalita. Bitbit ang pusang itim sa kaniyang bisig ay saka siya umalis.
Walang anumang naging problema sa naging proseso ng paglilinis kay Jun Qing, ngunit ang kaniyang katawan ay mahina at matagal nitong hindi nagamit ang kaniyang mga binti. Ang kaniyang lamang-loob ay wala sa ayos, kung kaya't magawa man niyang malinis ang buto ni Jun Qing, kinakailangan pa rin niyang tulungan itong ibalik ang dati nitong pangangatawan o higit pa! Sa ngayon, ang kaniyang pangunahing layunin ay mailabas ang mga lason sa kaniyang katawan sa pinakamabilis na pamamaraan.
Agad siyang nagmadali upang makuha ang panimpla sa pagpapatatag at pampalakas ng panloob na bahagi ng katawan.
Sa silid ni Jun Qian ay makikita ang pagkainis sa mukha ng lalaking tagapag-lingkod habang ang mukha ni Jun Xian ay hindi maipinta.
Nahihirapan man si Jun Xian sa situwasyon, ngunit nang makita niya ang kalagayan ni Jun Qing ay agad niyang ipinag-utos ang bilin ni Jun Qu Xie. "Ihanda ang sampung kalan! At siguraduhing nakasara lahat ang mga pintuan at bintana!"
"Lin Wang, hahayaan mo nalang bang paglaruan ng Munting Binibini maging ang buhay niya?" Hindi siya makapaniwala sa naging hatol ni Jun Xian.
Napabuntung-hininga si Jun Xian. "Narinig mo ang lahat ng sinabi ng mga manggagamot. Lahat sila ay nagsabing walang paraan upang malunasan pa siya. Lahat sila ay sumuko sa kaniya. Ngayong may katiting na pag-asa, gaano man ito nakakatawa ay gagawin ko. Iisa na lamang ang natitira kong anak at hindi ko hahayaang mawala na lamang siya sakin ng basta-basta. Kahit na ito pa isa sa isang milyon, panghahawakan ko ang pagkakataong iyon."
Para siyang itinulak sa kawalan at halos mawalan na ng pag-asa. Sa ngayon, handa siyang makipag-sapalaran, dahil pagkatapos ng lahat, wala nang mawawala pa, hindi ba?
Nang matunghayan niya ang kahusayan ng apo sa paghawak ng karayom, nabuhayang siyang muli ng loob. Mas nanaisin niyang isugal ang lahat sa kaniyang pamilya!
"Ipagkakatiwala mo ang lahat-lahat sa kaniya? Kamakailan lang ba siya nawili sa medisina? Labis-labis na 'to! Buhay ang pinag-uusapan natin dito! Hindi ba't kasalukuyang nananatili sa Palasyo ng Imperyo ang alagad ng Soberano ng angkan ng Qing Yun? Kahit hindi sumang-ayon ang Kamahalan, dadalhin ko siya rito!" Pakikipagtalo pa niya.
Umiling lang si Jun Xian. "Malala ang pagkalason ni Jun Qing. Maging ang Soberano ng angkan ng Qing Yun ay walang nagawa noon, ano pa ang aasahan ko sa isang alagad lamang? Para saan pa na kaladkarin mo siya papunta rito? Wala na ring saysay…"