"Hmm… batid ko ang mangyayari… pero kahit kainin mo ito, magagawa pa rin nitong bumalik muli." Mahinang sabi ng munting lotus.
"Bahagi ng iyong katawan ang mga talulot?" Paglilinaw ni Jun Wu Xie.
Tumango ang munting lotus.
"Ibig sabihin, kapag pumitas ako ng iyong talulot, parang hinihila ko na rin ang iyong bisig?"
Muling tumango ang munting lotus.
Natahimik si Jun Wu Xie sa kaniyang narinig.
Kung kailan natuklasan niya ang halaga nito, saka niya rin natuklasan ang mala-kanibalismo nitong pamamaraan, bagay na ni minsan ay hindi pumasok sa kaniyang isipan. Kahit na sabihin pang ang batang ito ay ang putting lotus, ngunit dahil sa kaniyang kasalukuyang kaanyuan,hindi maiwasang ituring siyang isang tunay na tao ng dalaga. Dahil dito, nananatili itong walang kabuluhan para sa dalaga.
"Sandali lang! Meron pa ako nito!" Bulalas ng munting lotus habang hawak-hawak nito ang kaniyang tapis. Maya-maya pa ay iniabot nito ang kaniyang nakatikom na kamao kay Jun Wu Xie.
Dahan-dahang niyang binuksan ang kaniyang palad and makikita ang limang mumunting binhi.
"Ano ang mga ito?" Tanong ni Jun Wu Xie.
"Ito ay mga binhi ng lotus!" Sagot ng munting lotus habang kumkislap ang kaniyang mga mata.
"Hindi man kasing-bisa ng pagkain ng mga talulot ang maidudulot nito, makakatulong ang pagkain ng mga binhi para mapatibay ang mga buto ng sinumang kumain nito. Kaya rin nitong tulungang maibalik ang pagkadalisay ng isang bone marrow pero hindi nito maibabalik sa dati ang bahaging litid at kalamnan." Patuloy pa niya.
"Lilima lang?" Nakataas ang kilay na patanong ni Jun Wu Xie. Ang magkaroon ng ganitong kakayanan ay napakahalaga rin.
"Lima na lamang ang natitira sa akin sa ngayon. Magagawa kong lumikha ng isa pang binhi kada buwan. Kinain na ng iba ang karamihan, tanging ang limang ito na lamang ang aking naisalba." Nahihiyang sagot nito.
"Sila?" Hindi madali para kay Jun Wu Xie ang unawain ang munting lotus dahil sa kaniyang pamamaraan ng pananalita. Gayunpaman, malaking bagay pa rin ang isang binhi sa isang buwan.
Napaisip si Jun Wu Xie matapos nitong itago ang mga binhi ng lotus. Bagaman at walang kakayanang makipaglaban ang kaniyang contracted spirit, ang kaniyang kakayanang makaunawa at makaramdam ay kahanga-hanga. At ang mga binhing ito, hindi man kasing-bisa ng elixir, ay may malaking maidudulot sa pagpapaunlad ng isang pangangatawan. At ito, ang higit sa lahat na kaniyang kinakailangan sa kasalukuyan.
Maging siya, si Jun Xian, o si Jun Qing man, lahat sila ay kinakailangang paunlarin ang kani-kanilang pangangatawan.
Ang mga gamot pangundisyon ay mayroong mga limitasyon, bukod pa rito ang mga posibleng epekto matapos ito inumin. At ang mga butong bahagi ang pinaka-mahirap malunasan. Ang mga binhing ito ang tiyak na lunas para sa unang hakbang.
Sa matibay na pundasyon ng mga buto, mas mapapadali ang pangungundisyon ng isang katawan.
At ang pagkakaroon ng isang contractual spirit ay nangangahulugan ding magagawa na rin niyang linangin ang kaniyang kakayanan kahit na hindi magagawang makipaglaban ng munting lotus. Sa pagkakataong ito, sa sarili na lamang siya umaasa!
Ang munting lotus ay nananatiling balisa habang hinihintay ang lubusang pagtanggap sa kaniya ni Jun Wu Xie. Kabado, hanggang sa makita niya ang pagtango sa kaniya ng dalaga.
Napaluha sa saya ang munting lotus nang malaman niyang tinatanggap na siya ni Jun Wu Xie, kung kaya't sumumpa siya sa kaniyang sarili na magiging isang mabuting contractual spirit ito at gagawin ang lahat para sa kaniyang bagong mistress.
Masugid na sinuri ng dalaga ang halaman mula nang matuklasan nitong ang bawat bahagi ng kaniyang katawan ay may kaniya-kaniyang lunas. Ang kaniyang dugo at laman ay sadiyang kapaki-pakinabang, na maging ang isang katawan ay kaya nitong parang bago muli. Maging ang mga luha ay sapat upang magamit pangundisyon ng dugo ng isang nagsasanay.
Wala man itong kakayanang lumaban, ngunit masasabi pa rin niyang ito ay isang napakahalagang kayamanan.