webnovel

Kabanata 37

Kabanata 37

Muli akong napatingin sa lumang bahay namin nang sandaling makalabas ako mula roon. Napahigpit ang hawak ko sa backpack na nakasabit sa likuran ko.  Hindi ko akalaing matapos ang labing-anim na taon ay lilisanin ko rin ang lugar na ito.

Hindi ko gusto ang umalis sa Doña Blanca. Syempre, dito na ako lumaki at nagkaisip. Mahalaga na sa akin ang lugar na 'to. Para sa'kin, isa ito sa mga bagay na hinding-hindi maiaalis sa pagkatao ko. Habambuhay na itong nakakatak sa puso't isip ko. Nakakalungkot nga lang na kailangan ko nang umalis.

Mayamaya pa'y naramdaman kong may kamay na pumatong sa kaliwang balikat ko.

"Anak, nagpapasalamat ako at nakapag-decide ka na na sumama sa amin," sabi ni Ma'am Isabelle sa akin.

Dahan-dahan akong umikot paharap sa kanya at sinalubong ako ng matamis niyang ngiti. Ginantihan ko naman 'yon ng tipid na ngiti. Dahil sa pagkausap ko kay Tita Maricar at sa dalawa kong kaibigan, napagtanto ko rin na hindi ako dapat magalit kay Ma'am Isabelle. Siya naman ang totoo kong nanay. Siya na lang ang natitirang pamilya na meron ako.

Tsaka isa pa, wala na rin naman akong ibang mapupuntahan pa. Tama sila. Masyado pa akong bata para harapin ang buhay nang mag-isa. Baka hindi ko kayanin. Hindi naman pwede na palagi na lang akong umasa sa tulong ng iba.

"S-Sorry nga po pala," nahihiyang sabi ko sa kanya.

"Huh? For what?" tanong naman niya.

"Nahihiya po kasi ako sa inyo, e. Ako na nga po 'yung may kasalanan sa inyo, ako pa po 'yung may ganang magalit," sagot ko sabay yuko.

Isa rin 'yon sa mga napagtanto ko. Kung tutuusin, sila 'tong dapat may galit sa'kin. Pero sa kapal ng mukha ko'y ako pa itong nagtaboy sa kanila.

"Anak, 'wag mo nang isipin 'yon. Ang mahalaga, magkakasama na tayo ngayon," nakangiti namang sagot ni Ma'am Isabelle sa akin.

"Ma'am Isabelle, sigurado ka po bang okay lang po na kunin n'yo ako? Hindi po ba magagalit ang pamilya n'yo? Baka po hindi nila ako tanggap." Bago ko pa mapigilan ang sarili ay naitanong ko na ang mga agam-agam ko kay Ma'am Isabelle.

"E, syempre sa una, hindi pa sila uh, masasanay. Pero don't worry. Makakasundo mo rin sila eventually. Kaya 'wag ka nang matakot, hmm?" pagpapanatag niya ng kalooban ko. "At tsaka, 'wag mo na 'kong tawaging Ma'am Isabelle. Tawagin mo na lang akong Mom or Mommy."

Tahimik akomg tumango-tango.

"Let's go? Mahaba pa ang biyahe natin," anyaya niya sa'kin.

Sa huling sandali ay pinasadahan ko ng tingin ang bahay namin. Siguradong mami-miss ko ang lugar na 'to.

"Wag kang mag-alala. Papayagan naman kitang bumisita dito, e," sabi ni Ma'am Isabelle sa akin, kaya napalingon ako sa kanya. Naiilang pa rin akong tawagin siyang mommy.

Isang tango lang ulit ang isinagot ko sa kanya, pagkatapos ay sumunod na ako sa kanyang sumakay sa loob ng malaking van nila. Ako na sana ang magpapasok ng mga gamit ko roon, kaya lang ay mabilis akong tinulungan. Nailang pa nga ako nang tawagin niya akong "ma'am". Sa tanang buhay ko'y noon ko lang yata naranasang pagsilbihan ng ibang tao.

Kahapon ay nagpaalam na ako sa mga kaibigan ko. Kay Danica, kay Jacob at maging kay Yngrid at kina Mang Lando. Ibinigay ko na rin kay Yngrid ang pinahiram niya sa'king pera noon. Kagabi rin ay nakausap ko sina Tita Olivia. At kanina, nang dumating sina Ma'am Isabelle, ay nakapagpaalam akong muli kay Tita Maricar sa huling pagkakataon. Mangiyak-ngiyak pa siya nang yakapin niya ako.

Tahimik lang ako habang nasa biyahe kami. Hindi man lang ako makaimik dahil kahit sa sarili kong nanay, hindi pa masyadong palagay ang loob ko. Naglalaro din ang isip ko kung ano'ng buhay ang naghihintay sa akin. Magiging masaya kaya ako doon sa pamilya ni Ma'am Isabelle? Paano kaya nila ako itatrato?

"So, sabi mo sa'kin, hindi ka nakapagtapos ng pag-aaral?" Si Ma'am Isabelle na ang bumasag ng katahimikan sa pagitan naming dalawa.

"A, o-opo. Hindi na po kasi talaga kinaya, e. K-Kaya hindi rin po ako masyadong nakakaintindi ng English," nahihiyang sagot ko.

Nakakahiya kasi mayaman sila. Alam kong hindi man lahat, pero karamihan sa kanila ay mapanghusga sa mga taong 'di nakapagtapos ng pag-aaral. Lalo na ang mga 'di nakakaintindi masyado ng English. Nakakahiya. Ang layo-layo ng katayuan ko sa pamilya nila.

Masuyo naman niyang sinuklay ang buhok ko. Para bang isang nanay na nagpapakalma sa musmos niyang anak.

"Naiintindihan ko." Ngumiti siya sa akin. "Ipapasok na lang kita sa home school. Then, iko-continue natin ng college. Kahit anong course na gusto mo."

Nagliwanag ang mga mata ko dahil sa sinabi niyang 'yon. Totoo ba? Makakapag-aral na ako?

"T-Talaga po?" excited na tanong ko.

"Syempre naman. Anak kita, e. Kaya dapat lang na gawin ko 'yon. Magmula ngayon, lahat ng gusto mo, makukuha mo na," tugon niya, kaya napangiti na rin ako, kahit pa hindi pa rin lubusang nawawala sa puso ko ang takot at kaba.

"Salamat po nang marami, Ma'a—Mommy," sinserong sabi ko sabay ngiti. Ang ideya na matutupad ang pangarap kong makapagtapos ng pag-aaral ay sapat na para magpasaya sa'kin sa kabila ng lahat.

Matapos 'yon ay kinuwentuhan pa ako ni Ma'am Isabelle tungkol sa pamilya niya: kay Sir Frederick, kay Ma'am Mercedes, at kay Celeste na bunso niya. Pero mas kilala raw 'yon na Celestia na siyang screen name nito. Pati na rin ang nanay niya na doon din nakatira sa bahay nila. Si Ma'am Adelina. Inunahan niya akong istrikto raw ito, pero 'wag raw akong masyadong matakot dito.

Nang tumagal ay tumahimik na kaming muli, kaya't napagpasyahan kong matulog na lang muna. Mukhang matagal pa kasi bago kami makarating sa bahay nila. Malayo rin kasi ang El Rico sa Doña Blanca.

* * *

Nagising ako nang marinig ang pagkalabog ng pintuan ng van nila Ma'am Isabelle. Bakit ba hindi ko pa rin siya matawag na Mommy kung 'di ko siya kausap?

Unti-unti kong minulat ang mga mata ko at tumingin sa paligid. Nakita ko si Ma'am Isabelle na nag-aayos ng buhok niya habang nakaharap sa isang maliit na salamin. Wala naman na ang driver ng van. Siya siguro 'yung bumaba.

Nandito na kaya kami?

"Oh, you're awake," saad ni Ma'am Isabelle nang mapatingin sa akin. Itinabi na rin niya ang salamin sa maliit na bag niya. "Sakto. Nandito na tayo."

Nanigas ako sa kinatatayuan ko nang marinig ko 'yon. Bigla-bigla ay para bang gusto kong bumalik na lamang sa Doña Blanca dahil sa takot kong harapin ang pamilya niya—ang pamilyang minsan na akong kinamuhian. Ang pamilyang muntik ko nang sirain.

Napapitlag na lang ako nang maramdaman kong hinawakan ni Ma'am Isabelle ang kaliwang kamay ko. Napaawang ang mga labi ko't napatingin nang diretso sa kanyang mga mata.

"Wag kang matakot. Kasama mo ako," sabi niya sabay ngiti pa sa akin. Siguro, paraan niya ito para pakalmahin ako. "Tara na."

Bumukas ang pintuan ng van at tumambad sa amin ang isa pang tauhan nila. Parang nakahanda ito para alalayan kaming dalawa. Si Ma'am Isabelle naman ay hinila ako palabas mg van. Nabitawan niya lang ako nang abutin niya ang kamay ng tauhan dahil tinulungan siya nitong bumaba ng van.

Nang makababa si Ma'am Isabelle ay inilahad din ng tauhan ang kamay niya sa'kin, ngunit hindi ko 'yon inabot.

"Kaya ko na po," nahihiyang sabi ko rito. Tumango na lamang ito at inilagay ang dalawang kamay sa likuran.

Nang tuluyang makababa'y napanganga na lang ako sa nakita ko sa aking harapan. Hindi ko mapigilan ang mapahanga sa napakaganda't napakalaking bahay na nakikita ko ngayon. Mas malaki pa ito sa bahay ng mga Lorenzino!

Nang ilibot ko ang paningi  ko'y halos puro naglalakihan at naggagandahang mga berdeng halaman ang makikita sa paligid. Sa likuran naman namin, sa tabi ng van, ay may isang fountain. Sa pinakatuktok niyon ay isang lalaking anghel na may dalang pitsel na siyang pinagdadaluyan ng tubig.

Hindi ako makapaniwala na magmula ngayon ay dito na ako titira. Sa ganito kalaki at kagarbong bahay.

"Welcome to Dela Rama-Olivarez Mansion," magiliw na bati sa akin ni Ma'an Isabelle.

Para naman akong naputulan ng dila at hindi nakasagot kay Ma'am Isabelle. Hindi pa rin kasi ako makapaniwala hanggang ngayon. Parang kanina lang ay nando'n pa ako sa napakaliit naming bahay. Pagkatapos ngayon ay para akong nasa palasyo.

Ilang sandali pa ay bumukas ang malaking pintuan nilang kulay tsokolate. Dalawang katulong nagbukas noon.

"Halika," sambit ni Ma'am Isabelle.

"A-Ang mga gamit ko po?" tanong ko nang maalala ko ang iilan kong mga gamit.

"Nando'n na sa loob," sagot ni Ma'am Isabelle.

Bagamat nagulat ay hindi na lang din ako umimik at sumunod na lang kay Ma'am Isabelle na mas nauna nang maglakad sa akin.

Bago tuluyang makapasok sa pintuan ay umakyat muna kami sa tatlong baitang na hagdanang parang marmol. Nang umakyat kami roon ay narinig ang pagyapak ni Ma'am Isabelle dahil sa sapatos niyang may takong. At noong makalapit kami sa mismong pintuan ay yumuko sa amin ang mga katulong nila.

Hindi ko maiwasang maalala ang sarili ko noon. 'Yung mga panahong naninilbihan pa ako sa bahay ng mga Lorenzino. Parang dati lang, ako ang yumuyuko sa mga amo ko. Ako ang nagbibigay galang. Pero ngayon, ako na ang niyuyukuan.

Nakakapanibago. Parang nasa loob ako ng isang panaginip.

"Finally. . ."

Isang babaeng may kaedaran ang unti-unting lumalapit sa amin. Medyo may katabaan siya at may kaiksian ang buhok. Pero makinis ang balat niya at halos wala pang kulubot. Nakasuot din siya ng itim na roba na may disenyong mga pulang rosas.

Simple man ang suot na damit ay may mga alahas naman siya sa katawan, na naging dahilan upang magsumigaw ang kanyang pagiging mayaman. Bukod pa roon ay halata rin ang pagiging istrikta at masungit niya.

"Maureen, she's your Lola Adel. Adelina Dela Rama, my mother," pagpapakilala ni Ma'am Isabelle sa kanya.

"K-Kamusta po," natatakot na bati ko sa kanya. At kahit pa nakayuko ako ay dama ko ang pagkilatis niya sa akin.

Napakagat na lamang ako sa labi ko. Alam kong ayaw niya sa akin. Ayon sa kwento ni Tita Maricar, siya ang nagdala sa akin sa Doña Blanca at nagbigay sa tatay ko. Ibig sabihin, ayaw niya ako sa mundo nila. Pero, salamat na rin at nakilala at nakasama ko si Itay dahil sa kanya.

Ngayong nandito na akong muli sa pamilya nila, ano kayang gagawin niya sa akin? Ituturing na kaya niya akong apo?

"So you're my daughter's illegitimate child," saad niya matapos ang ilang sandali.

"Ma. . ." Kahit sa boses ni Ma'am Isabelle ay dama ko rin ang takot niya. Siguro'y masyado nga talagang istrikta si Ma'am Adelina.

"Well. . ." Nagulat ako nang hawakan ni Ma'am Adelina ang pisngi ko at dahan-dahan akong pinaharap sa kanya. "You look a lot like Isabelle. But we still have to do a DNA test. Just to make sure."

Para naman akong nabunutan ng tinik nang bitawan ni Ma'am Adelina ang mukha ko at tuluyang tumalikod sa akin. Sinundan ko siya ng tingin hanggang sa maupo siya sa isa sa mga upuan sa salas nila.

Dahil doon ay saglit ko ring napasadahan ng tingin ang loob ng bahay nila. Napakaganda talaga nito at tila pinagplanuhang maigi ang bawat detalye. Halatang-halata na pinagkagastusan nang malaki ang bahay na ito.

"Oh well. . ." Nalipat muli kay Ma'am Isabelle ang tingin ko nang magsalita siya. Nakapatong ang dalawa niyang kamay sa magkabilang gilid ng upuang inupuan niya. Pang-isang tao lang kasi iyon. "Welcome to our world."

Ni hindi man lamang siya ngumiti sa akin nang sabihin niya 'yon. Ramdam na ramdam kong ayaw pa rin niya sa akin, kaya hindi ko mapigilang itanong sa sarili ko; tama ba talaga na pumunta ako rito?

"Excuse us, Ma. I'll bring her to her room," sabi naman ni Ma'am Isabelle sa kanya. Hula ko ay paraan niya na rin 'yon upang maiwasan na namin si Ma'am Adelina.

"Oh, sure," sagot naman ni Ma'am Adelina sabay bukas ng TV nila gamit ang remote.

Iginiya naman ako ni Ma'am Isabelle paakyat sa taas ng bahay nila. Ang hagdan nila ay malaki at magarbo. Kahit yata pitong tao ang sabay-sabay na umakyat ay pwede. Para talagang sa isang palasyo. Kulay tsokolate rin ito at halos parang salamin na ito sa kintab. Ilang bote kaya ng barnis kaya ang ipinahid rito?

Ang dingding naman ay may mga nakasabit na mga painting, na mas nakadagdag sa ganda nito. Mayroon din silang malaking ilaw na sa mga TV ko lang nakikita. Hindi ko alam kung ano'ng tawag doon.

Sa taas naman ay marami pa ring mga kwarto. Ang unang kwarto ay nasa gilid. Ang pangalawa, pangatlo at pang-apat ay magkakahanay. Ang pang-anim at pang-lima naman ay magkatabi rin sa kabilang dulo. Ang kulay ng bawat pintuan ay tsokolate rin na may magagarang disenyo na ang pintura naman ay puti. Pati ang mismong door knob ay magara ang disenyo at kulay ginto pa.

Ilan ba silang nakatira rito at napakarami nilang kwarto? Mayroon pa nga yata sa ibaba.

"Here's your room," sabi ni Ma'am Isabelle at binuksan ang pintuan ng pangatlong kwarto.

Sa hindi ko mabilang na pagkakataon ay muli akong napanganga nang makita ang loob ng kwarto. Napakaluwang noon at parang isang bahay na ang katumbas! Dalawa o tatlong beses yata itong mas malaki sa dati naming bahay.

"So, for now, white lang muna ang kulay ng walls niya. Pero, kung gusto mong palitan, pwede naman. Sabihin mo lang sa'kin," sabi pa ni Ma'am Isabelle.

Hindi ako nakasagot at diretsong nagtungo sa malaking kamang nandoon. Kulay puti ang kama, pero ang kulay ng makapal na kumot na nasa ibabaw no'n ay parang orange na parang brown. Nasa gilid naman ng kama ang mga gamit ko.

Nang maupo ako sa dulo noon ay nadama ko kung gaano kalambot iyon. Para akong nakaupo sa malaking bulak!

"Ayos lang ba sa'yo?" tanong pa ni Ma'am Isabelle sa akin.

"Sobra-sobra pa nga po ito," sagot ko naman habang patuloy pa rin ang paglibot ng paningin sa kwarto.

Bahagya namang natawa si Ma'am Isabelle. "Dapat masanay ka na. Dahil simula ngayon, you're one of us."

Isang tipid na ngiti lamang ang iginanti ko sa kanya.

"I left a big space here para, kung sakali, paglagyan ng walk-in closet mo," sabi pa niya mayamaya.

"Wa—a-ano po?" takang tanong ko.

Natawa siyang muli. "Walk-in closet. Halika, papakita ko sa'yo kung ano'ng hitsura no'n."

Tumayo ako at sinundan si Ma'am Isabelle. Dinala niya ako sa katabing kwarto kung saan halos puro dilaw ang makikitang disenyo.

"Celestia loves color yellow," sabi ni Ma'am Isabelle pagkapasok namin, sabay bukas ng ilaw doon.

May isang malaking picture frame na nasa dingding. Picture 'yon ni Celestia na nakasuot ng dilaw na gown. Habang nakamasid ako roon ay napagtanto kong may pagkakahawig nga kaming dalawa. Mas mabilog nga lang ang mga mata niya.

"Halika dito." Napatingin ako kay Ma'am Isabelle nang magsalita siya. Mabilis naman akong lumapit sa kanya.

May binuksan siyang makitid na pintuan na kulay dilaw din, at pagpasok namin ay tumambad sa akin ang napakaraming sapatos na iba-iba ang hitsura at kulay.

"S-Sa kanya po lahat ng 'yan?" hindi makapaniwalang tanong ko. Para akong nasa isang tindahan ng mga sapatos!

"Oo. Gano'n kasi talaga ang mga artista. 'Yung iba, bigay. 'Yung iba, binili. 'Yung iba naman, galing sa mga minomodel niyang brands," paliwanag ni Ma'am Isabelle. Napatango-tango naman ako.

Kasunod noon ay ipinakita pa sa'kin ni Ma'am Isabelle ang napakaraming damit ni Celestia. May estante rin doon na puro mga magaganda at mamahaling bags. Ang katabi naman noon ay may mga make ups. Hula ko nga'y hindi niya nagagamit lahat nang 'yon. Sa may pinaka-gitna naman ay may salamin na may mga ilaw sa palibot nito. Sa harap noon ay may isang upuan na kulay itim.

"Ang ganda po pala. . ." nasambit ko na lang.

"Masyado na kasing marami ang mga gamit nila, kaya kailangan ng ganito. Mero'n din akong gan'to tsaka si Mercedes," sabi pa ni Ma'am Isabelle.

Sabay naman kaming napatingin sa pintuan nang bumukas iyon. Iniluwa noon si Celestia na nakaayos pa at parang galing sa isang show. Nakakulot pa ito at nakasuot ng magarang damit na kulay lila.

"Mom," sambit niya.

"Celestia! Nand'yan ka na pala. This is your sister, Maureen. I've already told you about it, right?" Pinakilala ako ni Ma'am Isabelle sa kanya.

Hindi ko mabasa sa tingin niya kung naiinis ba siya sa akin o naiilang. Pero nang magtama ang paningin namjn ay siya na ang kusang nag-iwas. Inilipat na lang niya sa nanay niya ang tingin.

"Mom—" napalunok siya. "Can please go out for a while?"

"Say hi to your sister, at least," sabi pa ni Ma'am Isabelle sa kanya.

Napabuntong-hininga naman siya. "Mom, please. Magpapalit pa 'kong damit."

"Fine."

Wala na kaming nagawa ni Ma'am Isabelle kung hindi ang lumabas na lang sa walk-in—basta, kung ano man ang tawag do'n. Tuluyan na rin kaming umalis sa kwarto niya at uling bumalik sa kwarto ko.

"Pagpasensyahan mo na lang sana si Celestia, ha? Gano'n lang talaga sa umpisa," paumanhin sa akin ni Ma'am Isabelle.

"Naiintindihan ko po," sabi ko na lang.

"Oh, sige. Magpahinga ka na lang muna," sabi pa niya.

Tumango-tango na lang ako. Matapos 'yon ay lumabas na siya ng kwarto ko. Naiwan naman akong nakaupo lang sa dulo no'n.

Habang nakaupo roon ay naalala ko ang bawat tingin nila sa akin—ang tingin sa akin noon ni Mercedes nang una nila akong puntahan sa Doña Blanca. Ang mapanghusgang tingin ni Ma'am Adel sa akin noong nakita niya ako. At ang huli ay ang pag-iwas sa akin ni Celestia.

Iisa lang ang sinasabi ng mga 'yon sa akin—hindi nila ako gusto rito. Hanggang kailan kaya ako tatagal sa mansyon na 'to kung gano'n?

Itutuloy. . .

Mayroon din silang malaking ilaw na sa mga TV ko lang nakikita. Hindi ko alam kung ano'ng tawag doon. (Chandelier)

Kulay puti ang kama, pero ang kulay ng makapal na kumot na nasa ibabaw no'n ay parang orange na parang brown. (Rosewood)

Chương tiếp theo