Ilang araw rin ang lumipas nang iwan si Theo ni Rina kaya napuno na naman ng bangungot ang buhay niya.
Katatapos pa lamang niyang harapin ang problema nang malamang pinagkaisahan siya ng buong pamilya subalit may nadagdag na naman. At katulad ng palagi niyang ginagawa, nagkulong na naman siya sa kuwarto niya, walang ganang kumain o uminom man lang ng tubig.
"Tito Eduardo, ikaw pala ang nagpadukot sa 'kin noon," bulong niya sa sarili nang magbukas siya ng phone noong tangka sana niyang tatawagan si Rina. Kaya lamang ay hindi na niya natuloy iyon nang sunod-sunod na may nag-notif sa kanyang phone. Maraming nagme-mention sa kanya at naka-tag sa kanya kaya naman nabalitaan niya rin ang tungkol kay Dominador habang sinisiwalat nito ang lahat sa pulisya.
Napakabilis ng balita lalong-lalo na sa mga kilalang personalidad at pamilya sa lugar nila. Dahil nga kilala ang Ledesma, marami ring mga tao mula sa San Pascual ang nagnanais na manghimasok sa mga ganap sa pamilya. Maging ang mga pulisya sa kanilang lugar ay may pakialam din sa mga nangyayari sa Ledesma. Iyon din ang dahilan kung bakit napakabilis kumalat sa social media ang lahat ng sinabi ni Dominador.
Hindi lang iyon, mayroon pang mismong video habang sinasabi ni Dominador ang lahat ng katotohanan sa police station kaya naman maging ito ay hinahabol na rin ng mga reporters upang ma-interview.
Ang Ledesma na kilala sa San Pascual ay nakilala pa sa ibang kalapit na bayan dahil sa mainit na issue na iyon. Pinaghalong positibo at negatibo ang komento sa buong pamilya. Ang dating hinahangaan dahil sa malinis na pangalan, ngayon ay inuulan ng maraming kritisismo.
Samantala, si Theo na nag-iisa sa mansion nang nalaman ang lahat ay nabigo na naman sa pagbibigay ng tiwala. Buong akala niya ay ayos na sila ng pamilya pati ng kanyang Tito Eduardo pero mayroon pa rin palang tinatago sa kanya ang tiyuhin.
Napahawak sa sintido si Theo. Wala na nga ang babaeng minamahal niya, nadagdagan pa ang problema kaya kahit sino naman siguro ay mawawalan na ng gana sa buhay.
Nakaupo sa sahig si Theo nang araw na dumating sina Cliff, Caridad, Eduardo at Armando sa mansion. Nakayukyok si Theo sa kama nang datnan ng lahat.
"Anak," bungad ni Armando pagkapasok sa kuwarto ni Theo. Mabuti na lamang hindi naisipan ni Theo na i-lock ang pinto kaya nakapasok sila.
"Bakit na naman kayo nandito?"
"Sorry anak kung binigo ka na naman namin..."
"Theo, pamangkin...patawarin mo rin ako," singit ni Eduardo.
Nakapag-usap na ang magkapatid na sina Armando at Eduardo tungkol sa ginawa ni Eduardo noon na pagpapadukot kay Theo. Sa una ay nakitaan pa ng galit si Armando sa kapatid subalit sa huli ay isinantabi niya muna iyon alang-alang sa anak na si Theo dahil sigurado siyang nasaktan na naman nilang lahat ito. Naisip rin ni Armando na marahil nag-iisa na naman sa mansion si Theo dahil tiyak na galit na rin si Rina sa nalaman sa nagawa niya kaya agad-agad din siyang nagpasyang puntahan ito matapos nilang harapin ang sandamakmak na interview.
"Pawatad anak, totoong ako ang nakabangga sa ama ni Rina...hindi ko 'yon ginusto anak pero alam kong kailangan ko pa ring managot sa batas. Patawad, Theo..."
Matapos ang lintayang iyon ay tumalikod na si Armando para lumabas sa silid ni Theo. Hindi na siya umaasang mapapatawad pa siya ng anak dahil sa dami na niyang kasalanan dito. Ang tanging magagawa niya na lang ay ang tanggapin ang mga parusa na dapat sa kanya.
"Mahal, saan ka pupunta?" tanong naman ni Caridad.
"Matagal ko na dapat ginawa 'to. Mukhang maayos naman na ang hotel...at mukhang maayos na rin ang pamilya na 'to kahit wala ako. Iiwan ko na kayo para harapin lahat ng kasalanan ko. Mahal, ikaw na ang bahala sa lahat, kay Theo at sa hotel..."
Nangilid ang luha ni Caridad at garalgal na nagsalita. "Mahal...sigurado ka na ba sa desisyon mo? Sigurado ka na ba na iiwan mo kami?"
"Kailangan...kasalanan ko kung bakit nawalan ng ama si Rina, tama lang na makulong ako."
"Sandali, Armando..."
Palakad na sana muli si Armando nang magsalita naman si Eduardo. "Sasama ako sa 'yo. Kailangan ko ring pagbayaran ang kasalanan ko sa pamilyang 'to. Matagal ko na rin dapat 'tong ginawa pero pinangungunahan lang ako ng takot..."
Nakayuko si Eduardo habang nagsasalita, si Cliff naman ay lumapit sa ama at tiningnan ito nang mabuti kung seryoso rin ito sa sinabi.
"Dad..."
"Sorry, Cliff. Nag-failed ako bilang ama sa 'yo, nag-failed ako sa pagma-manage sa hotel at higit sa lahat, nag-failed ako sa buong pamilya. Ako talaga ang may kasalanan kung bakit unti-unting nadudungisan ang pangalan natin. Nang dahil sa mga ginawa ko noon, nang dahil sa inggit, nang dahil sa mga desisyon ko na hindi ko man lang pinag-isipan kung ano ang magiging consequences, nasira ko ang pamilya. Nang dahil sa kagustuhan kong magulo sina Armando, nadamay ang lahat at dahil din do'n ay para ko na ring trinaydor ang buong angkan natin. Tama lang din na makulong ako."
"Dad...alam ko naman lahat 'yon, e...pero hindi ko sinabi dahil mahalaga ka sa akin. Ayaw kong mawalan ng dad. Hinihintay ko rin kasi na ikaw mismo ang umamin. Kaya kung ano ang magiging desisyon mo, na sa 'yo pa rin ang suporta ko. Salamat dahil ikaw ang naging dad ko..."
Napangiti si Eduardo sa narinig sa anak. Matagal na panahon na pala siyang naiinggit sa bagay na hindi niya naman dapat kinaiinggitan samantalang ang regalo na ibinigay sa kanya o ang taong ibinigay sa kanya ay hindi man lang niya napansin. Si Cliff na kanyang anak, mayroon pala siyang napakabuting anak pero ni hindi man lang niya iyon na-appreciate dahil naka-focus siya sa bagay na wala siya kung kaya't patuloy siyang naiinggit.
"Salamat Cliff," aniya at niyakap ang anak. "Patawad anak kung hindi kita napahalagahan. Kung kailan magkakalayo na tayo ay doon ko pa lang na-realized na ikaw pala ang matagal nang regalo ng Diyos sa 'kin para sumaya ako. Maswerte ako na nagkaroon ako ng anak na katulad mo..."
"Ako rin, Dad."
"Bisitahin mo ako, a..."
"Syempre naman, Dad..."
"Bisitahin mo kami ng Tito Armando mo..." Nilingon ni Eduardo ang pamangkin na si Theo na nakayukyok pa rin. "Patawad, pamangkin...haharapin ko na ang kasalanan ko sa 'yo..."
Tinapik-tapik ni Eduardo ang balikat ni Theo at ni Cliff pagkatapos ay sumunod na rin kay Armando na bumababa na sa hagdan.
Nang sina Theo, Caridad at Cliff na lamang ang nasa loob, lumapit si Caridad sa anak na si Theo.
"Anak...masyado nang maraming nangyari sa 'yo rito. Gusto mo bang lumipat muna ng lugar para malayo ka rin sa mga issue sa pamilya natin? May alam akong lugar na tahimik anak at malayo sa mga taong walang ibang ginawa kundi ang pag-usapan ang buhay ng ibang tao. Gusto mo bang pumunta ro'n?"
Hindi sumagot kay Caridad si Theo. Nanatali pa ring nakayukyok si Theo sa kama. Nagbibingi-bingian sa mga sinasabi sa kanya.
"Sabihin mo lang sa 'kin kung gusto mo. Kung gusto mong mag-isa, pwede mo ring gawin 'yon doon...pero kung okay lang sa 'yo, gusto rin sana naming bumisita sa 'yo roon."
Nang hindi marinig nina Caridad at Cliff ang sagot ni Theo, napagpasyahan na lamang nilang iwan na muna ito sa silid.
Samantala, sa bahay naman ni Rina ay seryoso pa rin ang usapan ng mag-ina. Nakaupo ng tuwid si Rina, walang emosyong makikita sa mga mata niya habang hinihintay ang sasabihin ng ina.
"Ma, ano 'yong sasabihin mo?"
"Matapos kasing mamatay ng dad mo, nanghingi ako ng tulong para mahanap ang nakabangga sa kanya..."
"Tapos ano'ng nangyari, Ma?"
"Nakahanap ako ng taong nagmalasakit sa atin...nasaksihan niya rin kung paano nabangga ang papa mo dahil naglalakad siya sa sidewalk ng oras na 'yon..."
Huminga nang malalim ang ina ni Rina.
"Ang sabi niya...naka-green light na raw pero nagpatuloy pa rin sa pagtawid ang papa mo..."
Natulala si Rina sa sinabi ng kanyang ina. "Ibig-sabihin...kasalanan din ni Papa?"
Tumango-tango si Rosita. "Parehong may kasalanan sina Armando at ang papa mo. Kasalanan ng Papa mo na tumawid siya kahit 'Go' na ang mga sasakyan, ang kasalanan naman ng daddy ni Theo ay ang hindi nito pagtulong sa papa mo..."
"Pe-pero, bakit naman tatawid si Papa? Nagmamadali ba siya nang sobra?"
Napayuko si Rosita. "May kasalanan din ako nak..."
"Ma, bakit? Ano'ng kasalanan?"
"Naalala mo ba na may sakit ako ng araw na 'yon?"
"Opo, Ma."
"Pinilit ako ng papa mo na pumunta sa hospital pero tumatanggi ako kasi wala naman tayong pera. Nag-alala nang sobra sa 'kin ang papa mo kaya nagmadali siya at naghanap ng pera para may ipambili ng gamot sa 'kin. Nagpaalam siya ng araw na 'yon sa 'kin na manghihiram ng pera pagkatapos ay dadalhin niya ako sa hospital. Pakiramdam ko ako talaga ang may kasalanan anak kasi masyadong balisa ang papa mo no'n nang umalis lalo na nang makita niya akong walang tigil sa pag-ubo. Pagkatapos no'n ay natataranta na siyang lumabas para maghanap ng pera."
"Hindi, Ma....wala ka hong kasalanan. Masyado ka lang hong mahal ni Papa kaya lahat gagawin niya para mapabuti ang kondisyon mo..."
"Oo anak, iyon na lang din ang sinasabi ko sa sarili ko."
Naputol ang usapan ng mag-ina nang tumunog ang phone ni Rina. Agad niyang tiningnan kung sino ang caller subalit hindi iyon naka-register sa contacts niya.
"Sandali lang, Ma," pagpapaalam niya sa kanyang ina bago sinagot ang phone.
"Hello?"
"Rina..."
"Sino ho sila?"
"This is Dr. Steve."
Nanlaki ang mata ni Rina nang malaman kung sino ang kausap. "Dr. Steve, paano mo nalaman ang number ko?"
"Mahabang kwento, Rina. May itatanong lang ako sa 'yo..."
"Ano 'yon?"
"May ideya ka ba kung nasaan si Theo ngayon?"
Napakunot-noo si Rina. Ilang araw na siyang wala sa mansion at paano naman niya malalaman kung nasaan ito? Wala nga rin siyang balita rito.
"Wala ba sa mansion?"
"Ang sabi ng mga guwardiya, wala na raw si Theo sa mansion. Nag-aalala lang ako kay Theo dahil sa nangyari. Alam kong mag-isa lang siya sa mansion kaya gusto ko sana siyang bisitahin pero hindi naman ako pinapapasok ng mga guwardiya at sinabi pa sa akin na wala na raw si Theo sa mansion..."
"Te-teka? Hindi ba alam ng guwardiya kung nasaan ngayon si Theo?"
"Hindi rin daw nila alam...basta umalis raw si Theo kahapon pa."
"Saan naman kaya magpupunta si Theo?"
"Wala talaga akong ideya, Rina. Nagbabakasakali rin ako na alam mo kaya kita tinawagan. Nag-aalala ako kay Theo. Kapag may nalaman ka, sabihin mo agad sa 'kin...Rina...Rina....nand'yan ka pa ba?"
Hindi na nasagot ni Rina si Dr. Steve dahil para bang bumigat ang kanyang kamay kaya naibaba niya nang kusa ang hawak na phone. Nakatanaw siya sa malayo habang iniisip kung saan maaaring magpunta si Theo.
Iniwan niya ang lalaki nang padalos-dalos. Nakakalungkot na sinabi niyang mahal niya ang lalaki pero sa huli ay hinayaan niya lamang itong mag-isa. Nasabi niya noon kay Theo na hindi na niya ito hahayaang mag-isa pero sa huli ay binigo niya ang lalaki. Pinabayaan niya si Theo na harapin lahat ng problema nang mag-isa. At dahil sa hindi niya muna pinag-isipan ang ginawa, mukhang mawawala na nang tuluyan sa kanya si Theo.
Hindi na namalayan ni Rina na dumadaloy na pala ang mga luha sa kanyang pisngi. Naging makasarili siya noong oras na iniwan niya si Theo. Masyado siyang nagpadala sa galit niya para sa ama nito. Wala naman talagang kasalanan si Theo subalit dinamay niya rin ito sa galit niya.
'Nasa'n na kaya si Theo?'
Isa lang ang pumapasok sa utak ni Rina sa oras na iyon. Napakasama niya para iwan si Theo nang gano'n kadali. Kahit na nagmakaawa sa kanya ang lalaki ay umalis pa rin siya.
"Anak ayos ka lang ba?" tanong ng kanyang ina.
"Mama...si Theo...wala na sa mansion," sabi niya sa ina at ang kaninang luha na dahan-dahan lamang sa pagbagsak ay napalitan na ng paghagulgol. "Umalis na si Theo, Ma..." Hindi na niya napigilan ang sarili niyang yakapin ang ina. "Umalis na si Theo...sana 'di na lang ako umalis. Iniwan ko siya kaya tuluyan na rin siyang nawala..."
"Shhh, Rina, anak...kung mahal mo talaga si Theo, puntahan mo siya ngayon na..."
"Pero baka galit na rin siya sa 'kin ngayon dahil iniwan ko siya...baka galit na siya sa 'kin kaya siya umalis."
"Kung mahal ka talaga ni Theo, kahit umalis ka pa ay tatanggapin ka niya ulit. Kaya ano pang hinihintay mo ngayon? Hanapin mo na si Theo. Puntahan mo na siya kung nasaan man siya..."
Humiwalay ng yakap ang ina ni Rina sa kanya para pahirin ang mga luha sa kanyang pisngi. Tiningala nito ang kanyang mukha at sinabi sa kanya nang mata sa mata ang salitang nagbigay lakas ng loob at ng pag-asa na muli silang magkikita ni Theo. "Puntahan mo na si Theo anak, sigurado akong hinihintay ka lang niya."
Tumango-tango si Rina at tumayo nang tuwid. Buong akala niya ay matured na siyang mag-isip at kaya niya nang magdesisyon nang mag-isa, iyon pala ay kulang na kulang pa ang pang-unawa niya tungkol sa pag-ibig. Kailangan niya pa rin pala ng payo mula sa kanyang ina dahil hindi pa rin ganap ang kanyang pananaw sa isang relasyon. Marami pa siyang hindi alam at marami pa siyang dapat malaman at sigurado siya na ang ina niya ang makatutulong sa kanya na paunti-unting matutunan ang mga bagay na hindi pa sakop ng kanyang pang-unawa. Oo ang ina niya, dahil mas marami na itong naging karanasan kumpara sa kanya.
Nagpapasalamat siya na nasa tabi niya palagi ang kanyang ina upang suportahan siya at upang bigyang linaw rin ang mga gumugulo sa kanya. "Ma, salamat...pero iiwan ko muna kayo...hahanapin ko si Theo."
"Sige, anak. Naniniwala akong magkikita kayo muli..."
"Opo, Ma..." Pagkasabi noon ni Rina ay humalik siya sa noo ng ina at nagmadali nang lumabas.
"Mag-iingat ka anak," pahabol pa ng kanyang ina nang nasa labas na siya.
Matapos ang isang pagtango ay tuluyan na siyang umalis.
Hello mga ka-Encha, malapit nang matapos ang "Enchanted in Hell". Salamat sa mga nagbasa hanggang sa huli. I love you all! ^_^