webnovel

Chapter 67

Dumaan ang nakakabinging katahimikan sa pagitan nila hanggang sa bumuga ng malakas na buntong-hininga si Vladimir bago pagak na tumawa.

"Talagang seryoso na si Vincent sa pagkakataong ito. Kung noon ay tila nilalaro niya lang, ngayon ay animo'y buhay at kamat*yan na ang kalaban niya. Sige, Uncle, nalalapit na rin lang ang koronasyon, mas maiging bago iyon ay matapos na itong ating kinakaharap na laban. Magsisidatingan na ang ating mga kasangga kaya mas mainam na maipulong natin sila ng mas maaga. Sasabihan ko na sina Alastair na ihanda ang isang parte ng palasyo para sa kanila," wika ni Vladimir na sinang-ayunan naman ni Luvan.

Nang gabing iyon ay hindi nakasama ni Elysia na matulog ang binata, naging abala ito sa pagpulong sa kaniyang mga pangunahing Heneral at mensahero. Kinabuksan naman ay tinungo naman ni Elysia ang lugar nila Raion kasama ang mga bata. Muli ay iniwan niyang naglalaro sina Ruka roon habang kausap naman niya ang magkakapatid.

"Nakahanda na rin tayo prinsesa, nasa bayan na rin sila at naghihintay lamang ng utos na magmumula sa'yo," saad ni Raya. Tumango si Elysia at iniaabot ang limang liham dito.

"Ibigay mo ito sa bawat isa sa kanila. Nariyan nakasaad ang mga unang hakbang na gagawin nila at mga kailangan nilang paghandaan," utos ni Elysia at mabilis naman iyong ikinubli ni Raya sa kaniyang damit.

"Masusunod, prinsesa. May iba ka pa bang ipag-uutos? Kung wala na , aalis na ako para maaga nilang matanggap ang liham mo," wika ni Raya.

"Wala na, sige na ihatid mo na iyan." Umiiling na sagot ni Elysia at mabilis na naglaho naman si Raya sa paningin nila. Nagkatinginan naman si Raion at Kael bago sabay na nagkibit-balikat.

"Prinsesa, narinig ko ang kuwento ni Florin tungkol sa mga demi-beast, totoo ba na darating sila?" tanong ni Kael.

"Oo, sa isang linggo raw, bakit Kael, nasasabik ka rin bang makita sila?" balik na tanong ni Elysia sa binata.

"Ang totoo niyan prinsesa, hindi pa man kami napangalanan ni Haring Vladimir, ang nais talaga namin ay mapabilang sa mga Demi-beast. Ang problema lang, nabugay ang angkan namin malayo sa kanila at hindi namin alam kung alam ba nila ng nabubuhay kami dito sa mundo. Kung tutuusin kasi, magkalapit ang aming mga lahi, ang kaibahan nga lang, mas matimbang ang pagiging tao namin sa kanila." Paliwanag naman ni Raion. Nangingislap pa ang mga mata nito habang nagsasalita. 

"Ganoon ba, mukhang hindi lang pala ako ang nag-aabang ng pagdating nila. Hayaan niyo kapag dumating na sila sa palasyo, ipapatawag ko kayo. Malay niyo naman kilalanin ng mga demi-beast ang uri niyo bilang kaibigan nila," nakangiting wika ni Elysia. 

Habang hinihintay nila ang pagbabalik ni Raya ay pinag-usapan naman nila ang tungkol sa mga bagay na nauna na nilang pinlano. Natuwa naman si Elysia nang malaman na unti-unti nang nagkakaroon ng bunga ang kanilang ginagawa. LIngid kasi sa kaalaman ni Vladimir, bukod sa paghahanda nila sa palasyo ay palihim ring bumuo si Elysia ng grupo na magsisilbing tagapamagitan at magiging tulong nila sa oras ng kagipitan. Binubuo ito ng mga nilalang na hindi matagal nang nakakausap ni Elysia gamit ang liham na siya namang inihahatid ni Raya.

Si Raya na ang nagsilbi niyang mensahero, dahil sa kakayahan nitong maglakbay na hindi natutunugan ng kahit sino. Maging ang mga bantay sa border ng Nordovia ay hindi nakakatunog, kung kaya't malayang nakakalabas-pasok si Raya dito.

Sa kasalukuyan ay mayroon ng apat na grupo ang lihim na naitatag si Elysia, hindi ito alam ni Vladimir lalong-lalo na ng iba pa nilang kasama. Tanging siya, at ang magkakapatid na Kael, Raion at Raya lamang ang nakakaalam. Maging si Florin na siyang kaniyang tagapayo ay walang kaalam-alam rito. 

Sa isip-isip kasi niya, mas maiging kakaunti lamang sila ang may alam upang hindi rin ito malaman ng kanilang mga kalaban. Ang itinatag naman niyang mga kawal sa ilalim niya ang magsisilbing lihim na suporta ng Nordovia sa oras ng kagipitan. Tuso ang kanilang mga kalaban, marapat lamang na maging tuso rin sila.

Sa pagsapit ng gabi ay maagang nagpahinga si Elysia. Hating-gabi nang maramdaman niya ang pagtabi ni Vladimir sa kaniya. Bahagya niyang iminulat ang kaniyang mata at nakita pa niya itong hinuhubad ang suot nitong kapa.

"Tapos na ba ang pagpupulong niyo?" Mahinang tanong niya at napalingon naman sa kaniya ang binata.

"Nagising ba kita? Oo, tapos na, bukas sasalubungin naman natin ang pagdating ng ibang angkan ng mga bampira na nasa panig natin. Magpahinga ka na ulit." Malumanay na wika ni Vladimir. Tumabi ito sa kaniya at hinatak siya papalapit sa kaniya. Marahan siyang pinahiga nito sa braso at tinapik ang kaniyang balikat bago siya ikinulong sa mainit nitong yakap.

Hindi na umimik pa si Elysia at isinubsob na lamang ang pisngi sa mainit na dibdib ng binata at hinayaan ang sarili niyang muling makatulog.

Sa pagsapit ng umaga ay nakamulatan niya ang ganoong posisyon nila. Napakunot pa ang noo niya nang makitang mahimbing pang natutulog si Vladimir habang yakap-yakap siya.

"Prinsesa, dumating na si Raya." Bulong ni Lira sa kaniya. Tumango lang siya at marahang inialis ang pagkakayakap ng binata sa kaniya. Hinayaan niya itong magpahinga at dahan-dahan nang nilisan ang higaan upang makapaghanda.

Hindi pa man nag-aalmusal ay mabilis na nilang tinungo ang bayan nina Raion. Naabutan niya ang mga itong nagtitipon sa bahay nila at seryosong nakatingin sa isa't isa.

"Ano ang balita Raya?" Bungad niya sa mga ito, pagkapasok niya sa bahay. Si Lira naman ay agad na lumapag sa ibabaw ng mesa at naupo.

"Magandang balita prinsesa, nakapasok na ang iilan sa ating mga tao, matagumpay na silang nakahalo sa mga mamamayan ng Nordovia at ano mang oras ay nakahanda na sila." Nakangiting balita ni Raya. Inilabas nito ang mga liham na siya namang sagot sa pinadala ni Elysia kamakailan.

"Magaling Raya, mabuti naman at maayos na silang nakarating. Siguraduhin niyong, maibibigay sa kanila ang mga kailangan nila. Mamaya, magbibigay ako ng mga ginto upang magamit nila, Raya, Raion kayong dalawa na ang bahala sa pamumudmod nito sa kanila, sumabay na rin kayo sa pagbabalik ko sa palasyo, para makuha niyo na agad ang mga ginto." Utos ni Elysia.

"Paano naman ako, ano ang gagawin ko?" Tanong ni Kael.

"Sasamahan mo ako mamaya, tutunguin natin ang bayan ng mga Yuri."

"Prinsesa, bakit mo pupuntahan ang mga Yuri? Hindi ba't sabi-sabi mapanganib sila?" sabad ni Raion . Bakas sa mukha nito ang pag-aalala.

"Susubukan ko silang hatakin sa panig natin." Simpleng tugon ni Elysia at nasapo naman ni Kael ang noo niya. Pinandilatan din niya ang dalaga.

"Bakit may mali ba sa sinabi ko?" Nagtatakang tanong ni Elysia. Nagtatakang tiningnan niya ang mga mukha ng magkakapatid na tila hindi maipinta.

"Malaki, hindi mo ba alam kung gaano kapanganib ang pumunta sa lungga ng mga Yuri? Tapos gusto mo pang makipag-usap sa kanila. Nahihibang ka na." Bulalas ni Kael.

"Kael ang bunganga mo, prinsesa pa rin ang kausap mo."

"Pa—pasensiya na, nadala lang ako." Sambit ni Kael at napakamot pa sa ulo.

"Prinsesa, baka puwede mo munang pag-isipan, wala pang nakakalapit sa lungga ng mga Yuri at nakakabalik ng buhay, siguro naman ayaw mong mawalan ulit ng ina ang mga batang inampon mo." Pangkukumbinsi naman ni Raion. Iling at ngiti lang ang tinugon ni Elysia bago tinapik ang mga balikat nila.

"Nakapagdesisyon na ako, kaya kong protektahan ang sarili ko laban sa mga Yuri." Sagot naman ni Elysia at sabay na nasapo ng dalawa ang kanilang noo habang si Raya naman ay pigil pa rin ang tawa.

Kalaunan ay wala ring nagawa si Raion, sinunod pa rin nila ang utos ni Elysia habang si Kael naman ay nakasunod lang sa kaniya.

Lulan sila ng kani-kanilang mga kabayo at kasalukuyan nilang tinatahak ang masukal na daan patungo sa kagubatan.

Nasa pusod ng gubat ang tirahan ng mga Yuri, nabanggit ito ng kaniyang ina nang makausap niya ito sa kaniyang panaginip. Ang mga Yuri ay dating mensahero ng mga manunugis, kabilang ang mga ito sa uri ng mga elf ngunit ang kaibahan lang ay kayumanggi ang kulay ng kanilang balat habang ang kanilang mga buhok naman ay kulay pilak. Berde rin ang mga mata nila at higit na mas malalaki ang pangangatawan ng mga ito kumpara sa mga ordinaryong elf na nakikita niya.

Mailap sa kahit anong nilalang ang mga yuri at tanging ang mga manunugis lamang ang nakakakita sa kanila o nakakasalamuha nila. Ito rin ang dahilan kung bakit malakas ang loob niyang hanapin ang mga ito.

Walang nakakaalam sa ugnayang ito maliban sa mga manunugis, ngunit simula nang mawala ang kaniyang mga magulang, ay nabuwag rin ang samahan ng mga manunugis at muling nagkubli sa pusod ng gubat ang mga Yuri.

Tanghaling-tapat nang marating nila ang pusod ng gubat. Bumaba sa kabayo si Elysia at inilibot niya ang kaniyang paningin. Mula sa kaniyang kinatatayuan ay nakita niya ang isang mataas na puno na halos di na niya makita ang dulo. Napakalaki din nito at halatang matanda na, ngunti sa kabila mg katandaan nito at nananatili itong matikas at matayog na nakatayo sa gitna ng iba pang mga puno. Kakaiba rin ang punong iyon dahil sa tila kumikislap nitong dahon na umuusbong sa katawan nito.

"Ito na nga ang puno. Mula rito limangpung hakbang pakaliwa at anim na pung hakabang pakanan." Naglalakad na wika ni Elysia habang seryosong binibilang ang kaniyang bwat hakbang. Nang matapos ang kaniyang pagbibilang ay namangha pa siya nang masipat niya ang bungad ng isang matandang kuweba.

Chương tiếp theo