webnovel

Chapter 38

Marahan ang ginagawang paglakad ni Elysia sa pasilyo. Nakayuko at tila malalim ang iniisip, naguguluhan kung paano ba niya pakikitunguhan at haharapin ang mga ito.

 Nang marating niya ang bukana ng pintuan palabas ay malakas na buntong-hininga ang kaniyang pinakawalan. Tuloy-tuloy siyang naglakad palabas at doon bumungad sa kaniya ang mga nakaluhod na pigura nina Raion at ng mga kapatid niya.

Si Kael ang unang nag-angat ng mukha at nagtama ang kanilang mga mata. Kumunot ang noo ni Elysia at humalukipkip. Nang muling magyuko ng ulo si Kael ay Raion naman ang naglakas ng loob na nag-angat ng kaniyang mukha.

"Prinsesa, masaya kaming nasa maayos na kalagayan ka na. Patawad sa inasal ng aking mga kapatid," wika ni Raion.

"Bago ko nilisan ang Fagaras, nag-iwan ako ng mensahe kay Kael. Hindi na ako mangingialam sa mga desisyon niyo. Anong hangin naman ang nagdala sa inyo rito?" seryosong tanong ni Elysia. Napalunok naman si Raion at napatingin kay Kael na halatang napasikdo.

"Isang hindi pagkakaunawaan ang nangyari prinsesa. Alam naming sa kabutihan namin ang iyong ginagawa, matagal na rin naming napag-usapan ng mga kapatid ko ang tungkol sa pagpapatala, at ang paglabas ng tatlo kong kapatid ay pagkukusa nila dahil na rin sa pag-uudyok ni Kael." Nakayuko pa ring wika ni Raion. Butil-butil ng pawis ang namumuo sa ulo nito dahil sa kaba.

Napatingin naman si Elysia kay Kael at napangisi. Nang makasalubong pa lamang niya nang araw na iyon si Kael, alam niyang ito ang puno't-dulo ng lahat.

"Gawin mo lang kung ano ang makakagaan ng loob mo Ely, alam kong hindi mo sila kayang pabayaan." Napalingon si Elysia sa nagsalita. Nakita niyang nakatayo sa likuran niya si Vladimir at nakangiti ito sa kaniya.

Tumango naman siya at ngumiti.

"Handa na ba kayong magpatala sa aklat ng talaan?" tanong ni Elysia. Nag-angat ng mukha si Raion at tumango.

"Handa na kami."

"Bago mo ako sagutin itanong niyo muna sa sarili niyo kung handa kayong mag-alay ng dugo upang mapabilang sa mga Nordovian. Lahat ng nasa talaan ay nag-alay ng dugo." muling wika ni Elysia at nanlaki naman ang mata ng mga ito.

Napangisi naman si Vladimir at tila nakaramdam ng kilabot ang mga naroroon.

"O, bakit? Nagdadalawang-isip na ba kayo?" Nakangiting tanong ni Elysia. Katahimikan ang namayani sa buong paligid at nagkatinginan silang lahat.

Makaraan ang ilang minutong katahimikan ay muling nag-angat ng mukha si Raion.

"Kung iyon ang kailangang gawin, handa akong mag-alay ng dugo." Saad ni Raion na sinundan naman ng iba pang kalalakihan at sumunod naman sina Raya.

"Paano kung sabihin ko na buhay ni Kael ang kapalit?" Tanong ni Elysia, bigla namang napaangat ang mukha ni Kael habang nanlalaki naman ang mga mata ni Raion at Raya.

"Bakit?" Nagsusumamong tanong ni Raion. Bakas sa mga mata nito ang gulat at lungkot.

"Dahil gusto ko. Hindi ba't desisyon din naman niya ang nagdala ng kapahamaka sa mga kapatid mo. Dahil rin sa kaniya ay kamuntikan nang maglaho ang angkan niyo. Sa tingin mo, ano ang mangyayari sa inyo kung nagkataong walang lunas ang sakit na dumapo sa kanila? Makaligtas man kayo sa kuko ng kamatayang dulot ng sakit hindi sa ganti ng mga bampira. Kung nagkataong walang lunas, maging ako ay wala na. Sa tingin mo mabubuhay pa ang angkan mo kung nagkataon?" Paliwanag ni Elysia at napipilan si Raion. Umurong ang dila nito dahil tama ang lahat ng tinuran ni Elysia.

"Isang buhay para sa katiwasayan ng lahat, siguro naman hindi kalabisan ang hinihingi ko?" Tanong ni Elysia. Muling namayani ang nakakabinging katahimikan. Ilang sandali pa, tumayo si Raion, buo ang loob na tumingin sa kanila. Sinundan ni Raya at ng iba habang naiwang nakaluhod at nakayuko si Kael sa lupa.

"Gaano man kalaki ang kasalanan ni Kael, kapatid pa rin namin siya. Kung mamamat*y siya para sa amin, mas maigi pang sama-sama kami. Mas nanaisin pa naming mabuhay sa pagdurusa kaysa mabuhay kami nang kulang ng isa." Mariing wika ni Raion. Napaangat ang kilay ni Elysia at tinapunan ng tingin si Kael na nananatiling nakayuko ang ulo.

"Gano'n ba, kung gayon, makakaalis na kayo." Utos ni Elysia at tumalikod na. Saktong pagtalikod niya ay tumayo si Kael at umalingawngaw ang boses niya.

"Sandali!"

Muling napalingon si Elysia at napahalukipkip. Mariin siyang tumingin sa binata at hinintay ang susunod nitong sasabihin.

"Pumapayag ako. Buhay ko para kapalit ng kaginhawaan ng buhay ng mga kapatid ko. Kung sasapat ang buhay ko para tubusin sila, ikatutuwa ko iyon." Sigaw ni Kael.

"Ano ba'ng pinagsasasabi mo Kael? Nababaliw ka na ba?" Galit na tanong ni Raya.n

"May kasalanan ako, Raya. At ito lang ang nakikita kung paraan uoang makabawi ako sa inyo. Walang kapatawaran ang nagawa ko, at marapat lamang na ako'y maparusahan."

"Pero Kael, marami ang malulungkot, hindi mo ba iniisip ang maiiwan mo? Paano na kami?" Tanong ng isang babae.

"Buo na ang desisyon ko, hindi niyo na ako mapipigilan." Mariing giit ni Kael at lumapit sa mga kawal na naroroon. Isinuko niya ang kaniyang sarili at animo'y tanggap na nito ang kaniyang sasapiting kapalaran.

Parehong napangiti si Vladimir at Elysia, nakuha ng dalaga ang mga salitang nais niyang marinig.

"Dalhin na sila sa pagdarausan ng seremonyas. " Utos ni Elysia na agaran din naman sinunod ng mga kawal. Maging sina Raion ay pinasunod na rin doon. Walang naiwang kahit isa sa mga kauri ni Raion. Sabay-sabay silang naglakad patungo sa isang malawak na silid kung saan napapalibutan ng mga natatanging dekorasyon na maging si Elysia ay ikinamamangha niya.

Gawa sa purong bato ang buong paligid, makulay rin ang mga malilit na batong nakadikit sa dingding ng gusaling iyon. Sa gitna ay naroon ang kalis na nakalagak sa isang gintong mesa, sa tabi naman nito ay ang aklat na siyang talaan ng mga pangalan ng nilalang na nakatira sa Nordovia.

Sa pagitan ng pinaglalagakan ng aklat at kalis ay nakatayo naman si Florin kasama si Arowen. Habang nakaupo naman si Vladimir sa kulay gintong upuan na naroroon. Marahang lumapit doon si Elysia at naupo sa tabi ni Vladimir.

Nakamasid lang si Elysia habang tinitipon naman ng mga kawal ang grupo ni Raion sa gitna. Nakapila ang mga ito simula sa pinakabata patungo sa pinakamatanda sa kanila. Nasa hulihan si Raion, pumapangalawa kay Kael na siyang nasa pinakadulo.

"Magsisimula na ba sila?" Tanong ni Elysia.

"Mayamaya, kapag natapos nang bigkasin ni Arowen at Florin ang mga kataga ng ritwal, magsisimula na ang sandugo." Saad ni Vladimir.

Agad na pumainlalang ang napakagandang boses ni Arowen at Florin sa buong silid, tila awit iyon na hindi maintindihan ngunit ang himig nito'y tumatagos sa kani-kanilang mga puso. Unang pinalapit ang mga bata at isang elf rin ang sumugat sa palad. Marahang bumagsak ang dugo nito sa kalis na naglikha ng nakakasilaw na liwanag. Nang mawala ang liwanag ay siya namang pagbuklat ng mga pahina ng aklat.

Mula roon ay kitang-kita ni Elysia ang paglitaw ng pangalan ng bata. Ganoon rin ang nangyari sa iba hanggang sa maging si Raion ay nagawa na ring maitala sa talaan.

Nangibabaw naman ang luha ng kalungkutan sa silid nang lahat ay mapatingin kay Kael na ngayon ay hawak pa rin sa mgakabilang kamay ng dalawang kawal na bampira.

Pwersahan siyang kinaladkad ng mga ito sa harap ng talaan at pinaluhod.

Nag-iyakan naman ang mga kapatid ni Kael at hindi na rin napigilan ni Kael ang mapaluha. Kitang-kita ni Elysia ang saya ng binata sa kabila ng mga luha nitong malayang naglalandas sa mga mata.

"Kuya Kael. Huwag mo kaming iwan." Umiiyak na sigaw ng mga batang kasama nila. Dahil sa sigaw na iyon ay humagulgol ng iyak si Kael. Hindi niya magawang lingunin ang mga ito dahil lalo lamang itong nasasaktan.

Sa muling paghudyat ng kalimbang na hawak ni Arowen ay siya namang paghatak ng kawal sa kamay ni Kael. Nang maramdaman niya ang talim ng punyal na humiwa sa palad niya ay napamulagat siya. Nakita pa niya ang pagpatak ng kaniyang dugo sa kalis at ang pagliwanag nito. Nang lingunin niya ang aklat ay nakita niya ang pagtala ng pangalan niya roon at lalo lang siyang napaiyak.

Hindi naman makapaniwala si Raion at maang na napatingin kay Elysia. Napangiti ang dalaga at kinawayan ang binata. Gumanti ng ngiti si Raion at mabilis na tumakbo sa kinaroroonan ni Kael at niyakap ito.

"Pagsubok lang ang lahat, dahil natuwa ang hari at si prinsesa Elysia sa sagot mo, Kael, malaya ka pa ring mamumuhay kasama ang pamilya mo. Walang buhay na hinihingi ang pakikianib niyo kundi ang walang hanggang niyong katapatan sa ating kaharian." Anunsyo ni Arowen sa malamyos nitong boses.

Sabay-sabay na lumuhod ang mga ito sa harap ni Vladimir at Elysia at nagbigay pugay.

"Simula sa araw na ito, ang katawagang isinumpang nilalang kayo ay iwawaksi na. Simula ngayon ang angkan niyo ay tatawagin ng Bestura at malaya kayong makakapamuhay sa kahit saang sulok ng Nordovia nang tahimik at walang pangamba. Mula rin sa araw na ito, ay tataglayin niyo ang tatak ng Nordovia bilang patunay ng inyong pagkakakilanlan." Dagdag na anunsyo ni Arowen.

Sa pagtatapos ng seremonya ay nagyakapan ang mgakakapatid at paulit-ulit na nagpasalamat kay Elysia at Vladimir.

Chương tiếp theo