webnovel

Chapter 20 (Finale)

Sa muling pagmulat ni Alex ng kanyang mga mata ay natagpuan niya ang sarili na nasa loob ng kanyang kwarto sa base nila Marcus. Nakaupo naman sa tabi ni si Celestia na tila may malalim na iniisip.

"Tatlong araw, at muli na akong mahihimlay. Ngayong tapos na ang aking misyon, kailangan ko nang bumalik sa lugar kung saan ako nanggaling." Wika nito.

Marahang bumangon si Alex at napayuko. Napatingin siya sa braso niya at sa kanyang mga kamay. Wala na ang mga sugat na minsan niyang ginawa roon.

"Tatlong araw? Napakabilis naman Celestia." Wika ni Alex at napatulo ang luha ni Celestia. Wala siyang magagawa sa bagay na iyon dahil naayon ito sa sumpang minsan niyang iginawad sa kanyang sarili.

"Hindi mo pa oras Alex, pero hihintayin kita sa lugar na iyon. Pagdating ng panahon at kinailangan mo nang magpahinga, naroroon lang ako at naghihintay sayo. " Wika naman ng dalaga.

Bahagyang tumango si Alex at hindi na niya napagilang yakapin si Celestia. Nang maramdaman ni Celestia ang init ng yakap ng binata ay doon na bumuhos ang emosyon ng dalaga. Pumalahaw ito ng iyak na tila ba hindi nito nais ang mga mangyayari sa kanya.

"Ayoko, Alex. Nais kung dumito sa inyo. Makasama ka at makasama ang pamilya mo. Sa maikling panahong nanatili ako sa buhay niyo ay nasanay na akong maging masaya. Ayoko nang mag-isa ulit. Ayoko nang manatili sa lugar na iyon, isang malamig na lugar at wala akong nakikita kundi ang kulay putik na mga tanawin." Iyak ng dalaga habang nakayakap sa binata.

"Ayoko nang mag-isa Alex. Natatakot ako." Mahinang wika ng dalaga. Tahimik lang na niyakap ni Alex si Celestia dahil maging ito ay hindi alam ang kanyang sasabihin uoang maibsan ang takot at lungkot na nararamdaman nito.

Ilang sandali pa ay tuluyan na ding tumahan si Celestia.

"Hindi mo naman kailangan umalis at bumalik roon. Magpapahanda ako kay Kuya Marcus ng isang lugar na maari mong paghimlayan. Isang lugar na makakasama ka namin. Celestia, hindi ka na nag-iisa ngayon. " Wika ni Alex at hinimas ang ulo ng dalaga.

Tumango naman si Celestia bilang pagsang-ayon sa plano nito.

Sa pagdaan nga ng huling dalawang araw na iyon ay naging abala ang grupo ni Marcus sa paggawa ng lugar na paghihimlayan ni Celestia. Matiyagang ipinaliwanag ni Alex ang sitwasyon na iyon sa kanyang mga magulang lalo na sa kanyang ina dahil ito ang mas malapit sa dalaga.

Tulad ng kanyang inaasahan ay napaiyak at sobrang nalungkot naman si Marsha sa kanyang mga nalaman.

"Ma, darating ang araw na kailangan ko din mahimlay sa tabi niya. Malamang sa mga panahon iyon ay wala na din kayo at nag-iisa na rin ako sa buhay. Kaya huwag ka nang malungkot. " Wika ni Alex at tumango si Marsha. Niyakap nito ang anak at hinimas ang mukha nito.

"Alex, madadalaw ba natin si Celestia?"

"Araw-araw, Ma. Doon na tayo titira para may kasama siya. Ayaw na niyang mag-isa kaya ito lang ang naiisip kong paraan. " Sagot naman ni Alex.

Tuloy-tuloy ang pagtulo ng luha ni Marsha habang tumatango.

Sumapit ang ikatlong araw, ang araw kung saan mahihimlay nang muli si Celestia. Kasalukuyan silang nakaupo sa isang malawak ng berdeng damuhan na napapalibutan ng mga naggagandahang bulaklak.

"Napakaganda dito Alex." Nakangiting wika ni Celestia. Namimitas ito ng mga ligaw na bulaklak at isinisilid iyon sa laylayan ng suot-suot niyang bestida. Nakangiti naman si Alex habang pinapanood ito sa kanyang ginagawa. Walang kapares ang pagkakataong iyon dahil iyon ang unang beses na nakita niyang nakangiti si Celestia na tila walang anumang pinoproblema.

"Oo, napakaganda. " Wika naman niya habang tulalang nakatitig lang sa maaliwalas na mukha ng dalaga.

"Salamat at dito mo ako dinala."

"Sabi ko naman sayo diba. Hindi ka na mag-iisa. Pagod na rin naman ako sa buhay sa siyudad kaya mas maigi na itong dito sa probinsya. Tahimik, malinis ang hangin at walang problema. Sila Mama at Papa ay tuwang-tuwa rin sa bago nating titirhan." Wika niya at natawa naman ang dalaga. Nagpatuloy lang ito sa pamimitas ng bulaklak hanggang sa mapuno niya ang kanyang bestida. Ilang sandali pa ay narinig na nila ang pagtawag ni Marsha mula sa tinutuluyan nilang bahay. Magdadapit-hapon na nang mga oras na iyon kaya agad na din silang umuwi.

Sabik na tumakbo papauwi si Celestia upang salubungin si Marsha.

"Tita, tingnan mo, napakarami kong nakuhang bulaklak." Wika niya at matawa naman si Marsha.

"Aba'y napakagaganda nila hija. Halika at iayos natin iyan sa higaan mo. " Wika ni Marsha. Inakay na nito ang dalaga patungo sa isang kwarto sa dulo ng bahay na iyon. Pagpasok nila sa kwarto ay may dalawang higaang gawa sa bato ang naroroon.

Mabilis na inilatag ni Marsha ang mga bulaklak na nakuha ng dalaga sa isang higaan at maluha-luhang inayos ang unan doon.

"Napakaganda po Tita." Bulalas ni Celestia. Dahil sa sinabing iyon ng dalaga ay hindi na napigilan ni Marsha ang kanyang pag-iyak. Niyakap niya ng mahigpit si Celestia at nangusap dito ng kung anu-ano. Napangiti naman si Celestia at gumanti ng yakap dito.

"Maraming salamat sa pagmamahal Tita. Napakabuti ng puso niyo. Hindi ako nagsising nakilala ko kayo at nakasama. Kahit sa maikling panahon ay naramdaman ko ang pagmamahal niyo sa akin."

"Salamat dahil dumating ka sa buhay namin Celestia. Magpahinga ka na. Lagi mong tatandaan na habang nabubuhay kami ay mananatili kaming kasama mo dito sa lugar na ito. Ito ang ating magiging tahanan magpa hanggang sa walang hanggan. " Wika naman ni Marsha at marahang pinahid ang luha sa pisngi ni Celestia.

Tumango naman ang dalaga at doon ay nahiga na. Pumasok na sa kwarto si Alex, dala dala ang isang bungkos ng bulaklak at inilagay iyon sa tabi ng higaan ng dalaga. Ngumiti si Alex at inayos ang mahabang buhok ni Celestia sa higaan.

"Magpapahinga ka na? Hintayin mo lang ako Celestia. Susunod din ako agad. Habang hindi pa dumarating ang oras na iyon, asahan mong araw-araw ay dadalhan kita ng mga bulaklak dito sa kwarto." Wika ni Alex at ngumiti si Celestia.

"Alam ko, hihintayin ko ang araw na iyon Alex. Maraming salamat dahil makakatulog akong hindi mararamdaman ang lamig ng pag-iisa." Sambit ni Celestia at dahan-dahan nang napapapikit ang mga mata.

"Good night Celestia. Nawa'y maging matiwasay ang iyong pamamahinga. "Wika pa ng binata at kinintalan ito ng halik sa noo.

Tuluyan na ngang nakatulog si Celestia at baon nito ang masasayang alaala niya kasama si Alex at ang pamilya nito. Sa huling pagkakataon ay naramdaman ni Celestia ang mabuhay ng masaya at kahit sa gitna ng mga unos at pagsubok ay may nasandalan siyang pamilya at mga kaibigang maasahan niya.

Lumipas pa ang maraming taon, at dumating ang araw na isa-isa na ring nagpaalam ang mga magulang ni Alex hanggang sa mag-isa na lamang siyang naninirahan sa bahay na iyon. Araw-araw ay dinadalhan niya si Celestia ng bulaklak at patuloy niyang nililinis ang kwartong iyon. Tulad na rin ng ipinangako niya rito. Tuwing umaga naman kapag wala siyang ginagawa ay nasa bayan siya upang makisalamuha sa mga taong naroroon. Namuhay si Alex bilang isang ermetanyo na naninirahan sa isang liblib na lugar.

Hanggang sa makilala niya ang batang si Gio. Ulilang lubos na si Gio at palaboy-laboy na ito sa kalsada nang makita ni Alex. Madungis, payat at tila ba isang sakiting bata. Iniuwi niya ito sa bahay niya at pinaliguan at pinakain. Noong una ay tila ilag sa tao si Gio hanggang sa kalaunan ay naging malapit na rin ito sa kanya.

Minsan isang araw ay ipinakita ni Alex ang kwarto kung saan naroroon si Celestia. Namangha naman si Gio dahil sa napakaganda ng kwartong iyon at napakaganda ng babaeng natutulog doon.

"Sino po siya?" Tanong ni Gio sa bata nitong boses. Nasa sampong taong gulang pa lamang si Gio noon.

"Siya si Celestia, isang mandirigmang prinsesa. Gio, darating ang panahon na ako man ay hihimlay sa lugar na ito. Nais ko sanang habang nabubuhay ka ay dalhan mo ng mga bulaklak ang lugar na ito." Wika ni Alex at napatingin lamang si Gio dito.

"Matutulog ka din kagaya niya?" Inosenteng tanong ni Gio.

"Oo, maaasahan ba kita Gio?" Nakangiting tanong ni Alex.

"Oo naman po. Kahit sa ganitong paraan man lang ay makabayad ako sa pagkupkop niyo sa akin. " Sagot ni Gio at napangiting muli si Alex.

At dumating na nga ang araw na iyon. Nasa edad bente-uno si Gio nang tuluyang humimlay si Alex sa tabi ni Celestia. Tulad nang ipinangako nito ay araw-araw nagdadala ito ng bulaklak sa loob ng kwartong iyon. Namuhay ng tahimik si Gio hanggang sa nagkapamilya siya at naging tradisyon na sa kanilang pamilya ang pagdadala ng bulaklak sa kwartong iyon. Simula sa kanya hanggang sa kanyang naging mga anak at anak ng mga anak niya. Nagpatuloy ang tradisyong iyon sa paniniwalang muling magigising ang mga ito sa pagsapit ng takdang panahon.

Lumipas man ang matagal na panahon. Tumatanda at nangamatay man ang lahat ng tao sa kanilang paligid subalit nananatiling silang payapang natutulog sa lugar na iyon na punong-puno ng init at kapayapaan. At ang mga taong nag-aalaga sa kanilang katawan ay patuloy na nabuhay ng masaya at sagana sa buhay.