webnovel

XXIII

Lumukot ang ilong ni Maia dahil sa hintuturong paulit-ulit na tumutusok sa iba't-ibang bahagi ng kaniyang mukha.

"Ikaw ba ay gising na?"

Iminulat niya ang kaniyang mga mata. Galing sa isang imahe ng babae na kaniyang naaaninag ang tinig na iyon. At napabangon siya nang mapagtanto kung sino ang babaeng kasama. "Malika?!"

Nakaupo ito sa kaniyang harapan at nakatuon ang atensyon sa kaniya, ang luntian nitong mga mata ay tila lumalim pa ang kulay kumpara sa kaniyang huling kita dito. "Aking hindi inakala na ikaw ay magigising sa lugar na ito," malumanay nitong sambit.

𝘓𝘶𝘨𝘢𝘳 𝘯𝘢 𝘪𝘵𝘰?

Kumunot ang kaniyang noo kasabay ng paglibot ng kaniyang mga mata sa paligid at siya ay hindi makapaniwala sa nangyayari. Bukod kay Malika at sa makapal na hamog, wala na siyang ibang makita. "N-Nasaan tayo? Ano'ng lugar ito?"

"Hindi ko alam."

"Hindi mo alam?!" Gulat niyang ibinalik ang tingin dito na ang tinig ay walang katiting na pakialam.

Katahimikan ang bumalot sa kanilang dalawa at nang mapagtanto ni Maia na walang balak si Malika na sumagot at basagin ang katahimikang iyon, ibinuka niyang muli ang kaniyang bibig. "Hindi mo alam. Okay. Pero... nandito ka, tama? Kung... Kung gayon, hindi ka nawawala. Ibig-sabihin may paraan pa na makaalis ako---"

"Hindi ako tiyak sa bagay na iyan," pagputol nito sa kaniya. "Sa katunayan, ako ay walang ideya sa kung ano ang nangyayari ngayon; kung tunay ba na ako ay nandito... o bahagi na lamang ng alaala ng aking katawan. Ang tanging bagay na aking natitiyak..."

Panandalian itong huminto at may itinuro sa tabi ni Maia. At nang kaniyang lingunin ang tinuturo nito, agad siyang tumayo at umatras. Isang malaking salamin ang biglang lumitaw sa kaniyang harapan at ang mukhang kaniyang nakikita ay ang mukha pa rin ni Malika.

"A-Ano... A-Ano'ng ibig s-sabihin nito? B-Bakit---N-Nandito ka... kaya... kaya bakit...?"

"Katulad ng aking nasabi, aking hindi rin lubos na maunawaan ang nangyayari," simula nito kasabay ng pagtayo rin nito. "Marahil ay isa na ring patunay iyan na ikaw na ang tunay na nasa loob ng aking katawan. Ngunit hindi ba na iyo nang nalaman ang katotohanang iyon kani-kanina lamang?"

Natigilan si Maia kasabay ng pagkakaroon ng mga linya sa kaniyang noo. Tinitigan niya si Malika na nakatitig pa rin sa kaniya, mataimtim ang ekspresyon nito. "Katulad ng iyong pagsilip sa aking nakaraan... pati na rin sa aking mga damdamin at isipin, ako ay ganoon din sa iyo." Huminga ito ng malalim. "At alam ko rin na iyong nais na ilayo ako sa Palasyo Raselis... sa buong kaharian ng Aguem."

Panandaliang bumilog ang kaniyang mga mata bago niya muling ikinubli ang gulat na nadama. Inasahan na niya ito. Na alam rin nito ang kaniyang mga ginagawa at na malalaman din nito ang lahat ng mga bagay na kaniyang balak gawin. Ang hindi niya inasahan ay ang sitwasyon nila ngayon.

Umasa siya na malalaman nito ang lahat kapag nakabalik na ito sa katawan nito... Sa sitwasyon na maayos na ang kalusugan at kaluluwa nito.

Ngunit ngayon, napakabigat ng hangin sa paligid. At iyon ay dahil sa katotohanang alam nilang pareho na sila ay hindi na makababalik sa kanilang mga katawan...

Na pareho silang naghihintay na lamang sa tuluyang pagtigil ng tibok ng puso ni Malika.

"Ako ay hindi tiyak kung iyong alam o hindi," pagpapatuloy nito, may lamig sa mga mata nito na hindi niya maiwasang mapansin. "Ngunit sa kaibuturan ng aking puso, aking nais ihiling sa iyo na ang paghihiganting aking nais ay iyong bigyang katuparan at kung maaari ay patayin mo silang lahat."

Halos mapako siya sa kaniyang kinatatayuan at ang kakaibang kilabot at nginig sa kaniyang katawan nang kaniyang nabasa ang talaarawan nito ay bumalik sa kaniya.

Ang galit na mayroon ito ay dala-dala pa rin nito. At ngayon na nasa kaniyang harapan ito, damang-dama niya ang galit na iyon na halos pakiramdam niya ay kaniya iyon. At natatakot siya dahil doon.

Sapagkat kung tunay na hilingin nito sa kaniya na maghiganti, sa kaniyang palagay ay malaki ang posibilidad na kaniyang magagawa ang bagay na iyon.

"Aking nakita ang iyong nakaraan kaya lubos ko ring nalalaman ang iyong kakayahan..." Panandalian itong huminto bago nagpatuloy na dumagdag sa kilabot na kaniyang nadarama mula sa galit nito. "...bilang si Mia. Kaya tiyak ako na iyong magagawa ang aking nais nang walang kahirap-hirap."

Napalunok siya. Hindi niya akalain na maging ang pangalang kaniyang ginamit sa samahan ay malalaman nito. Ngunit kung tunay na nakita nito ang kaniyang nakaraan, hindi na iyon imposible. Sapagkat ang kaniyang pagiging rebelde, pagiging si Mia, ay napakalaking bahagi ng kaniyang nakaraan.

Bumigat ang kaniyang katawan at ang kaniyang pangamba tungkol sa sinasabi nito ay lalong naging posible.

𝘚𝘦𝘳𝘺𝘰𝘴𝘰 𝘣𝘢 𝘴𝘪𝘺𝘢? 𝘏𝘪𝘩𝘪𝘭𝘪𝘯𝘨𝘪𝘯 𝘣𝘢 𝘵𝘢𝘭𝘢𝘨𝘢 𝘯𝘪𝘺𝘢 𝘯𝘢 𝘱𝘢𝘵𝘢𝘺𝘪𝘯 𝘬𝘰 𝘢𝘯𝘨 𝘮𝘨𝘢---

"Ngunit sa kadahilanan ring iyon kaya hindi ko tunay na magagawang hilingin iyon sa iyo."

Hindi niya lubos na maunawaan si Malika ngunit aaminin niya na lumuwag ang kaniyang paghinga at tila siya ay nabunutan ng malaking tinik sa lalamunan sa pagbawi nito sa mga sinabi. Ngunit kasabay rin niyon ay ang hindi niya maiwasang pagpansin sa kalungkutang bumalot dito.

Katulad ng galit na mayroon ito, damang-dama niya ang pagsikip ng dibdib at lalamunan nito, ang mabigat na pakiramdam nito sa sikmura dahil sa lungkot...

At pag-iisa.

Nais niya sanang lumapit dito at yakapin ito, sabihin dito na magiging maayos rin ang lahat ngunit hindi niya magawa. Sa hindi maipaliwanag na dahilan, pakiramdam niya ay hindi niya dapat gawin iyon. Marahil dahil alam niyang walang maayos sa mga nangyayari at maaaring para dito, natapos na ang lahat at hindi naayos.

Binigyan siya nito ng tingin na tila alam nito ang kaniyang nasa isip bago ito umikot at humarap sa kanan nito kasabay ng pag-ihip ng hangin at pagkakaroon ng malawak na baybayin kung saan tanaw na tanaw nila ang isang malawak na karagatan.

"Aking nakita ang uri ng buhay na iyong pinagdaanan. At aking masasabi na walang-wala ang aking mga pinagdaanan kumpara sa mga iyon. Kaya hindi kita pipigilan."

Nilingon siya nito at sinalubong ang nagtataka niyang tingin. "Kung iyong nais na magpakalayo-layo, nasa iyo ang aking suporta at ikaw ay may pahintulot mula sa akin na gamitin ang lahat ng alahas o gamit na iyong kakailanganin."

Napangiwi siya sa sinabi nito. "Uh... T-Tungkol diyan, gusto ko sanang humingi ng paumanhin."

Ngumiti ito na hindi umabot sa mga mata nito. "Ayos lamang. Aking naiintindihan kung bakit iyong nagawa ang bagay na iyon. Isa pa, ikaw ay tama. Mas makabubuti kung ako ay lalayo na lamang." Tumingin muli ito sa harapan nito, sa manipis na linya na humahati sa kalangitan at karagatan, habang humalukipkip na tila ay niyayakap nito ang sarili. "Ang sa akin lamang, sana ay aking napagtanto ang bagay na iyon noon pa. Marahil kung nagkataon, aking nagawang mabuhay ng masaya."

Tumahimik ito at ilang sandali lamang ay napansin ni Maia ang pagdaloy ng luha sa mga pisngi nito. "Pagod na ako. Pagod na pagod na akong magbayad ng mga kasalanang aking hindi nagawa."

Mayamaya ay lumapit ito sa kaniya at hinawakan ang kwelyo ng kaniyang damit na kaniyang ikinagulat, may lungkot at galit sa mga mata nito. "Iyong lubos na alam, hindi ba?! Iyong alam na hindi ko tinulak si Selina?! Na hindi ko siya ninakawan?! Na kahit kailan... Ni minsan sa aking buhay, hindi ako kumuha ng hindi akin?! Hindi ako magnanakaw! At hindi ako sinungaling! Sila... Sila... Sila ang nagsisinungaling. At... A-At---"

Tila naubusan ng lakas ang mga binti nito at napaluhod. At hindi na pinigilan ni Maia ang sarili at sumunod siya dito upang tuluyan itong yakapin habang nagpatuloy ito sa pagsasalita sa kabila ng pag-iyak nito. "Ako rin ay nasaktan! Noong mawala si Selina... ako rin ay nawalan! K-Kaya bakit?! Bakit ako ang may kasalanan?! Bakit ako ang kanilang sinisisi?! Wala akong kasalanan!" Isinubsob nito ang mukha nito sa kaniyang dibdib at humagulgol. "Bakit nila ako sinisingil?! Para saan?!"

Hinigpitan ni Maia ang pagkakayakap dito. "Alam ko," bulong niya dito. "Alam ko ang lahat. Wala kang kasalanan... at hindi ka sinungaling. Sigurado ako doon. Sigurado ako sa bagay na iyon."

Hinimas-himas niya ang likod nito sa pag-asang tunay nitong maramdaman ang kaniyang presensya. Na sa ngayon ay nandito siya at hindi ito nag-iisa. Hinayaan niya itong umiyak nang umiyak upang gumaan kahit paano ang mga dalahin nito sa dibdib. At sa bawat pag-iyak nito, pakiramdam niya ay para iyon sa kanilang dalawa.

Kung bakit, hindi niya lubos maipaliwanag. Marahil dahil iisa na lamang sila ng katawan o marahil ang pag-iyak nito ay isang bagay na nais niya para sa kaniyang sarili.

Lumipas ang sandali at lumayo sa kaniya si Malika at hindi niya maitago ang kaniyang gulat nang makita na ang batang Malika na ang kaniyang kaharap---ang sampung taong gulang na si Malika.

Gamit ang maliit nitong braso, pinunasan nito ang mga luha nito bago inangat ang tingin sa kaniya. "Tunay ba na iyong alam? Tunay ba na ikaw ay naniniwala sa akin? Pakiusap. Iyong sabihin ang katotohanan."

Kumirot ang puso ni Maia para sa batang nasa kaniyang harap. Napakaliit nito, mahina... at walang kalaban-laban... Na tila isang maling bagay na kaniyang masabi ay madudurog ang puso nito. At ayaw niyang gawin iyon. Ayaw niyang dagdagan pa ang kirot at sakit na nararamdaman nito.

Marahan siyang tumango. "Alam ko. At... At naniniwala ako sa iyo."

Ngumiti ito sa kaniya sa kabila ng muling pagtulo ng luha nito. Isang ngiti na tila puno ng pag-asa. Na tila ang mga salitang kaniyang binitiwan ang siyang kailangan nito upang makahinga.

At marahil ay totoo iyon.

Marahil iyon lamang ang tunay na kailangan nito. Na may isang taong makikinig at maniniwala dito.

Binalik niya ang ngiti nito sa kabila ng namumuong bara sa kaniyang dibdib at lalamunan. "At napakagaling ng ginawa mo sa mga nagdaang taon. Naging matapang ka... at tiniis mo ang lahat. Hindi ko man masasabi na tunay na magiging maayos ang lahat---"

"Hindi," pagputol nito sa kaniya habang mabilis na umiling-iling. Tumayo ito at gamit ang maliit nitong katawan... maliit nitong mga braso ay niyakap siya nito nang mahigpit. "Nagkakamali ka. Maayos na ang lahat. Naging maayos ang lahat sapagkat ikaw ay nandito na. Naniwala ka sa akin at ngayon... ngayon ay hindi na ako mag-isa. Kaya maraming salamat."

Tila lalong kumapal ang bara sa kaniyang lalamunan at bumigat ang kaniyang dibdib. At may namumuong kunsensya sa kaniyang kalooban na mabilis lumalalim.

"Ikaw na ang bahala," pagpapatuloy nito. "At sana ay makahanap ka ng maganda at mapayapang lugar kung saan ka magiging malaya."

Nanlaki ang kaniyang mga mata bago unti-unting kumalma ang kaniyang ekspresyon. Tunay nga na alam nito ang nasa kaniyang kalooban.

Sa lahat ng pangyayaring ito... at sa kaniyang mga pinagdaanan, iyon ang kaniyang pinakahihiling---ang lumaya.

Makalaya sa sakit, kaguluhan, at sa lahat ng katanungan ng kaniyang isipan.

Inangat niya ang kaniyang mga kamay upang yakapin rin ng mahigpit ang maliit na katawang nakayakap sa kaniya. "Salamat... at sana ay patawarin mo ako."

Ramdam ni Maia ang pagngiti ni Malika. "Aking naiintindihan at ako ang nagpapasalamat." Huminga ito ng malalim bago nagpatuloy sa napakahinang tinig...

"Paalam."

Chương tiếp theo