webnovel

XIX

"Enid, marahil ay ituro mo na lamang sa akin ang daan patungo sa hardin? Ayoko pang bumalik sa bulwagan."

Napalitan ng pagtataka ang kaba na bumabalot sa mukha ng Punong Katiwala dahil sa kaniyang sinabi. "T-Tiyak po ba kayo, Binibining Malika? Hindi po ba na pinababalik kayo agad ng Mahal na Punong Lakan?"

Pinunasang muli ni Maia ng telang basa ng tubig ang bahaging dibdib at kaliwang balikat ng kaniyang bestido na hanggang ngayon ay amoy alak pa rin. "Enid, hindi ko man inaasahan ang pangyayaring ito sa akin, ngunit kung magiging totoo lamang ako ay ipinagpapasalamat ko ito."

"B-Binibini?"

Sandali siyang natigilan nang marinig ang matanda sapagkat hindi niya inaasahan na lalabas sa kaniyang bibig ang tunay na nadarama. Na sa kabila ng katotohanang natapunan at nabasa ang kaniyang damit, nakilala niya ang mga taong hinding-hindi niya dapat pagkatiwalaan at nagawa niyang makalabas sa bulwagang iyon na puno ng mga taong... hindi niya dapat pagkatiwalaan.

Ibinalik niya ang tingin kay Enid na parang wala siyang sinabing maaaring maging bagong paksa ng mga usapan tungkol kay Malika. "Maingay. Maingay sa silid na iyon dagdag pa na puno iyon ng mga ma---"

Mabuti at napigilan niya ang sarili bago sabihin ang salitang, 'maginoo' na maaaring magpalala pa sa una niyang nasabi ngunit ngayon ay hindi niya alam kung ano ang dapat sabihin. Hindi niya alam kung ano ang nangyayari sa kaniya ngunit tila ay wala siya sa sarili. Marahil ay dahil kung nasaan siya sa kasalukuyan.

"Ma... Ma..." Tumikhim siya. "D-Dagdag pa na... 𝘮𝘢𝘴𝘢𝘮𝘢 ang aking pakiramdam at b-basa pa itong aking bestido." Nakahinga siya ng maluwag nang matapos ang kaniyang pangungusap bago siya nagpatuloy na kumbinsihin ang katiwala na dalhin siya sa hardin sapagkat kailangan niyang makaalis dito.

Nilibot niya ang mata sa maganda at magarang silid-pahingahan ngunit may naglalakihang 𝘴𝘢𝘭𝘢𝘮𝘪𝘯 sa dingding habang kaniyang iwinawasiwas ang isang kamay. "Hindi ko rin kayang manatili sa silid na ito. Maganda at 𝘵𝘢𝘩𝘪𝘮𝘪𝘬 dito, oo, ngunit..." Umiling-iling siya habang nag-iisip ng magandang idadahilan sa pangalawang pagkakataon. "...mas aking nanaisin na tumingin sa kalangitan at mga bituin at mga bulaklak kaysa sa mga aranya o pader... o sa... s-sa a-aking mukha."

Mabilis na tumango si Enid, marahil ay natakot sa kaniyang tuluy-tuloy na pagsasalita. "Aking lubos po na naiintindihan, Mahal na Binibini."

Hindi tiyak ni Maia kung natanggalan ba siya ng tinik sa dibdib sa narinig o kailangan niyang ihanda ang sarili sa mga susunod na araw sapagkat maaaring maging pagrereklamo o pag-iinarte ang naging dating ng kaniyang mga sinabi sa Punong Katiwala.

At ngayong binalikan niya ang mga sinabi, hindi ba na para nga siyang nagrereklamo?

Halos bumuntong-hininga siya. Noong una, akala niya ay magagawa niyang 'magpakabait' at maghintay sa silid na tutunguhin ngunit hindi naman niya inasahan na papasok siya sa isang uri ng silid kung saan kaniyang makikita ang napakalaking paalala na ang katawan at mukhang mayroon siya ay hindi kaniya, na siya ay nasa ibang mundo, at hanggang ngayon ay wala pa rin siyang malinaw na kasagutan sa kung ano ang tunay na nangyayari.

At hangga't wala siyang sagot, hindi pa rin niya magagawang makita ang repleksyon sa salamin.

At isang bagay iyon na hindi niya maaaring sabihin kay Enid. Mabuti na nga lang na ang tanging nadarama niya ngayon ay hindi siya mapakali sapagkat kung siya ay inatake ng sakit ng katawan o mas malala ay hinimatay, mas malaking problema pa iyon.

Mabilis na naglakad na siya palabas ng silid, hinihiling na sana ay hindi ikalat ng matanda ang pag-uusap nila o kung mangyari man iyon ay hindi nito dagdagan ng kung anu-anong kasinungalingan ang kaniyang mga sinabi. Pumasok sa kaniyang isip na pagbantaan ito sa pamamagitan ng apo nito ngunit hindi magiging mabuti iyon. Mapasasama lamang lalo si Malika.

Maghihintay na lamang siya sa mangyayari at hanggang doon na lamang ang kaniyang magagawa. At kung iisipin rin naman, ang pinakamalala na siguro na magiging usapan ay binangga niya ang tagapaglingkod kaya siya nabuhusan ng alak at dahil sa kaniyang inis ay pinagsisigawan niya ang lola nito na nagkataong isa sa mga Punong Katiwala rin ng palasyo.

𝘖𝘩... Napaisip ng ilang saglit si Maia. 𝘏𝘪𝘯𝘥𝘪 𝘣𝘢 𝘮𝘢𝘴𝘢𝘮𝘢𝘯𝘨 𝘣𝘢𝘭𝘪𝘵𝘢 𝘪𝘺𝘰𝘯?

Bilang bisita sa Palasyo ng Hari, may karapatan ba siya na sigawan ang mga tagapaglingkod nito?

Tila hinalukay ang tiyan ni Maia. Mukhang pumangit lang ang kaniyang sitwasyon. At kailangan niyang makaisip ng hakbang sa kung ano ang maaaring gawin ng Hari sa kaniya. 𝘗𝘪𝘯𝘢𝘢𝘨𝘢 𝘬𝘰 𝘣𝘢 𝘢𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘮𝘢𝘵𝘢𝘺𝘢𝘯 𝘯𝘪 𝘔𝘢𝘭𝘪𝘬𝘢?

"Uh, Binibini?" pagkuha ni Enid sa kaniyang atensyon na agad niyang nilingon. Halos mapaatras naman ito at malinaw pa rin ang kaba sa mukha nito.

At muli, naliwanagan si Maia. Tama. Kumpara sa mga tagapaglingkod sa Palasyo Raselis, takot kay Malika si Enid. Marahil ay dahil sa apo nito ngunit mukhang hindi ito gagawa ng kahit ano upang kalabanin siya. At sa pagkakataong doble-kara ito katulad ni Rusilla, hindi ito patuloy na hihingi ng paumanhin sa kaniya. Kanina pa na dalawa lamang sila at kung may galit rin ito sa kaniya, tiyak siyang pinakita na nito iyon.

Hindi kaya na nag-iisip lamang siya ng sobra-sobra? Hindi niya alam kung dahil ba na halos tatlong taon na siyang namumuhay ng normal o dahil nasa ibang katawan siya, ngunit tila ang kakayahan niyang magbasa ng tao at sitwasyon ay tila mahina at mali, at ang kakayahan niyang kalimutan ang mga alalahanin at personal na problema ay mahirap gawin.

"Bakit po?" tanong niya kay Enid habang pilit na ibinabaon ang mga maling napapansin sa sarili.

May ilang segundong katahimikan bago ito huminga ng malalim at nagsalitang muli. "Ipag... pasensya niyo po sana ang aking kapangahasan ngunit... may kalamigan na po sa labas ngayon kaya... hindi po... hindi po makabubuti para sa inyo na magtungo sa hardin. Lalo na po kung masama ang inyong pakiramdam." Huminga muli ito ng malalim." Uh... May ibang hilig po ba kayo na nais niyong gawin? Marahil ay kung inyo pong nanaisin na... maghintay sa silid-aklatan?"

Napakurap ang mga mata ni Maia sa narinig at agad siyang umikot upang humarap sa Punong Katiwala habang nagpatuloy naman ito ng mabilis. "O kaya ay isa po sa mga silid-tulugan? T-Ta... Tahimik rin po sa mga silid na iyon."

"Sa silid-aklatan," diretso niyang sagot.

Isang beses na tumango si Enid na tila ay naubusan ng dugo, bago ito yumuko at inilahad ang palad sa kabilang direksyon. "Dito po tayo, Binibini."

Nagsimulang maglakad muli si Maia at tila gumaan ang pakiramdam ng kaniyang katawan. Sa dami ng kaniyang iniisip kanina, hindi niya akalain na may igaganda pa ang kaniyang gabi. Ang akala niyang misyon na naudlot ay matutuloy pala sa mas maganda pang pangyayari.

Hindi lang basta silid-aklatan ng isang Punong Lakan ang kaniyang papasukin kundi ay silid-aklatan ng Pamilya ng Hari. Napakalaking pagkakaiba niyon at isang pagkakaiba na pabor sa kaniya.

Mas malaki ang tyansa na makikita na niya ang hinahanap na kasagutan tungkol sa kalahati ng kaluluwa ni Malika at maaaring makahanap rin siya doon ng sagot at paliwanag sa nangyari sa kaniya, kung paano siya napunta dito, at kung paano siya makababalik.

Dagdag pa sa lahat ng iyon, hindi niya kailangang pumasok dito na parang isang magnanakaw. Imbitado siya sa Palasyong ito. Isa siyang bisita.

Bisita, na sa kabilang banda, ay may nakakabit na maraming sabi-sabi, naging sentro ng maliit na gulo kanina, at bisitang dahil sa pangyayari kanina ay hindi nagawang humarap at magbigay-galang sa buong pamilya ng hari.

"Dito po, Mahal na Binibini."

Tumigil sa pag-iisip ang kaniyang utak at ganoon din ang paglalakad ng kaniyang mga binti. At sa kaniyang kaliwa ay ang napakalaking pinto ng silid-aklatan. Tahimik at dahan-dahang lumapit si Enid upang pagbuksan siya ng pinto kasabay ng muling pagpapatuloy ng pag-iisip ng kung anu-ano ng kaniyang utak. Sa pagkakataong iyon, pinigilan niya ang Punong Katiwala.

"Uh... Enid," Tinitigan niya ito ng mabuti, determinado na makita kung may binabalak itong iba. "Ayos lang ba na ako ay pumasok dito?"

"O-Opo, Binibini," may kaba ngunit mabilis na tugon nito.

Ayaw mang pansinin ni Maia, nagdadalawang-isip na siya kung ang kabang nadarama ng Punong Katiwala ay dahil sa mga alam nito kay Malika o dahil may binabalak itong hindi maganda.

"M-Maraming maginoo po, lalo na po ang mga lakan, na... na madalas pong magtungo dito sa tuwing bibisita sa Mahal na Hari at sa Mahal na Prinsipe," pagpapatuloy nito. "Ngunit dahil po sa pagdiriwang ngayon, wala pong tao dito kaya makapagpapahinga po kayo dito ng t-tahimik."

𝘜𝘩-𝘩𝘶𝘩. 𝘒𝘶𝘯𝘨 𝘨𝘢𝘺𝘰𝘯, 𝘮𝘢𝘨-𝘪𝘴𝘢 𝘭𝘢𝘯𝘨 𝘢𝘬𝘰?

Alam niyang dapat siya ay matuwa doon dahil madali niyang magagawa ang kailangan niyang gawin nang mabilis ngunit hindi niya maiwasang maisip kung patibong ba ito.

Tila masyadong umaayon sa kaniya ang pagkakataon na kung iisipin ay ibinigay sa kaniya ng Punong Katiwala. At hindi maalis sa kaniyang isip na maaaring makalipas lamang ng ilang sandali pagkapasok niya ay bigla na lamang siyang maakusahan ng pagnanakaw o kung ano pang paglabag.

Nangyari na ang ganoon kay Malika noon at malaki ang posibilidad na mangyaring muli. At---

𝘈𝘵 𝘣𝘶𝘮𝘢𝘭𝘪𝘬 𝘭𝘢𝘯𝘨 𝘢𝘬𝘰 𝘴𝘢 𝘱𝘢𝘨-𝘢𝘢𝘭𝘢𝘭𝘢 𝘬𝘰, bulong niya sa isip.

Nandito na siya at may pagkakataon na siya na makahanap ng mga sagot. Kung may plano man ang Punong Katiwala sa kaniya, wala siyang magagawa kundi lumaban at ipagtanggol ang kaniyang sarili---si Malika. Kailangan niya lamang mag-ingat at pakiramdaman ang paligid. Sa oras na mapansin niyang may kakaiba, kaya niyang patulugin ang kung sinong lalapit sa kaniya at kaya niyang tumalon sa bintana upang makalabas. Walang problema.

O kaya, at ang mas hinihiling ng kaniyang sarili, ay marahil na pinaglalaruan lamang siya ng kaniyang isipan at wala namang masamang balak si Enid.

Binuksan nito ang pinto at kahit masasabi ni Maia na nakakita na siya ng marangyang palasyo dahil sa mga Raselis, kakaiba pa rin talaga ang karangyaan na mayroon ang Hari. Pumasok siya, kasunod niya ang Punong Katiwala. Sa kabila ng paglalim ng gabi, maliwanag na maliwanag ang silid-aklatan dahil sa mga aranya na naglalakihan at gawa sa brilyante. Nagtataasan ang mga kisame na may napakagaganda at napaka-detalyadong disenyo. At ang mga istante ay puno rin ng aklat na wala siyang makitang espasyo. Habang ang mga kanape at mesa ay gawa sa mga mamahaling materyales na may mga disensyo na ginamitan ng ginto.

Isang silid lamang ito sa buong Palasyo ng Hari ngunit dito pa lamang ay puno na ng 'kayamanan'. Ngunit kung sabagay, sino pa ba ang magmamay-ari ng yaman ng buong Kaharian ng Aguem kundi ang namumuno dito, hindi ba?

"N-Nais niyo po ba na dalhan ko kayo ng makakain at maiinom, Mahal na Binibini?"

Ibinaba ni Maia ang tingin sa Punong Katiwala. May kaba pa rin ito ngunit hindi na katulad kanina. Marahil kaya dahil nagawa na nitong papuntahin siya dito?

"Hindi na kailangan ngunit maraming salamat," simple niyang sagot habang ang kaniyang mata ay patuloy sa pag-obserba sa magiging kilos at reaksyon nito. "Agad rin akong babalik sa bulwagan kapag natuyo na ang aking damit."

Yumuko ito. "Nauunawaan ko po, Mahal na Binibini. Kung inyo pong mamarapatin..."

"Alam ko na kailangan mo na ring bumalik sa iyong tungkulin kaya walang problema. Maaari ka nang lumabas."

Lumalim ang pagkakayuko nito at nang magdesisyon siya na mukhang wala naman itong balak, tumalikod na siya dito upang simulan ang kaniyang paghahanap. Ngunit hindi pa siya nakakadalawang hakbang ay tinawag siya nitong muli.

"Binibining Malika?!"

Huminto si Maia at hinarap ito. Ang kaba nito ay tila naglaho at mas seryoso na ang dating nito, ngunit hindi maikakaila na hindi pa rin ito kumportable.

"Alam ko po na naging paulit-ulit po ang aking mga sinabi," simula nito. "Ngunit nais ko pa rin pong humingi ng paumanhin. At sa pagkakataon pong ito, dahil po sa aking inasal. Nahihiya po ako na aking naipakita sa inyo ang aking kaba at pagkabalisa... dahil po sa nangyari...sa nagawa ng aking apo at... at---" Pumikit ito bago sinalubong ang kaniyang tingin. "Kaya po, nais ko rin pong magpasalamat sa inyo. Maraming salamat po sa inyong pang-unawa at pasensya."

Hindi inasahan ni Maia ang mga sinabi nito at aaminin niya noong una na siya ay kinabahan ng kaunti dahil wala siyang kahit anong ideya sa maaari nitong sabihin. Ngunit ngayon ay lalo lang niyang napatunayan na wala talaga itong balak na masama kay Malika. Ginagawa lang nito ang tungkulin nito sa alam nitong tama habang may pagnanais na protektahan ang apo nito.

"Wala pong anuman," medyo alanganin niyang simula. "At... maraming salamat rin po. Sa iyong pagiging... tapat. At sa... s-sa pagdala sa akin dito." Sandaling inikot ni Maia ang tingin sa tila kumikinang na silid-aklatan. "Aaminin ko po na mas pipiliin ko ang silid na ito kaysa sa kahit anong hardin sa kahit anong oras."

Bumilog ang mga mata ng Punong Katiwala at yumuko ng malalim." N-Naku po, Binibini, akin lamang pong ginagawa ang---"

"Enid," pagpigil at pagkuha niya sa atensyon nito. Nang muli itong tumayo, doon lamang siya nagpatuloy, sa mas seryosong tinig, "Maraming salamat."

Kumalma ang ekspresyon sa mukha nito at huminga ng malalim. "Wala pong anuman."

Binigyan niya ito ng maliit na ngiti. "Hindi po ba na mas magandang bigkasin ang mga salitang iyan?" tanong niya. "Masarap sa pandinig. Tunog na kayo ay nakatulong."

Unti-unting nanlaki muli ang mga mata nito sa pagkabigla na tila ay hindi ito makapaniwala sa narinig at sa nasabi. Hindi niya mapigilan ang paglapad ng kaniyang ngiti at matapos niyang salubungin ang mga mata nito, nagpasya na siyang maglakad palayo at simulan ang kaniyang misyon.

Chương tiếp theo