webnovel

X

"B-Binibini, ipagpaumanhin niyo po sana ang aking sasabihin," simula ni Yara nang makaakyat sila sa ikalawang palapag ng bahay. May dalawang silid lamang dito at kasalukuyan silang nasa pasilyo. "Hindi ko po masasabi na isa akong ganap na mananahi at wala pa pong maginoo ang nagsuot ng aking mga gawa. T-Tiyak po ba kayo na ang nais niyong kunin na mananahi ay ako?"

"Oo naman," mabilis niyang sagot. "Iyon ay kung ayos lamang sa iyo."

Ilang segundo na tila ay prinoseso nito ang kaniyang sinabi bago ito tumindig ng maayos at tinitigan siya sa mga mata. "I-Isang malaking karangalan po iyon, Mahal na Binibini. A-Akin pong pangarap na masuot ng isang tulad niyo ang kahit isa man lamang sa mga bestido na aking gawa."

Nagbigay ng maliit na ngiti si Maia dito sa kabila ng hindi niya lubusang pag-intindi sa sinabi nito. Mali. Malinaw sa kaniya ang sinabi nito. Ang bagay na hindi niya naintindihan ay ang kinang sa mga mata nito nang sabihin nito ang salitang, 'pangarap'.

Marami na siyang nakilala, nakasalamuha, at naobserbahan na tao na may mga pangarap. May nais na maging manggagamot, maging guro, inhinyero, mang-aawit, o sa sitwasyon ni Yara na taga-disenyo ng mga damit. At ang mga taong iyon ay tila may hindi maipaliwanag na kinang at lakas... at puno ang mga ito ng pag-asa.

Iyon ang hindi niya lubusang maintindihan. Ano ba ang pakiramdam ng may pangarap? Ano ba ang pangarap? Ano ba ang maaari niyang masabi na nais niyang gawin?

Hindi niya masagot ang mga iyon. Hindi noon at hindi rin ngayon.

Sapagkat sa buhay na mayroon siya, ang pagkakataon na mangarap ay isang bagay na hindi niya nagawa.

Tumikhim si Maia at inalis ang tingin kay Yara. "Kung gayo'n, mayroon ka na bang mga gawang bestido na maaari kong makita?"

"Ah, opo, Inyong Kataasan!" masiglang sagot nito na tila kahit paano ay nasanay na sa presensya ni Malika. Tinuro nito ang isa sa mga silid. "Doon po tayo, Binibini."

Tinungo ni Maia ang silid na tinukoy nito at bumungad sa kaniya ang dalawang bestido na nakasuot sa mga manikin. Ngunit ang nakapukaw sa kaniyang atensyon ay ang bestido na kulay luntian na nakahiwalay at nasa sulok ng silid. Malaki ang kaibahan nito sa mga damit ni Malika at sa lahat ng damit ng mga kababaihan sa mundong ito.

Nilapitan niya ito at sinuri. Gawa sa sutla ang bestido maliban sa bahagi ng dibdib at maliit na bahagi ng punyos na gawa sa itim at makapal na puntas. Ang tanging disenyo nito ay ang mga kulay ginto na mga linya na makikita sa punyos, sa may bahagi ng dibdib patungong baywang ng bestido, at ang pulang bato na nakadikit sa may bahaging leeg ng bestido. At ang disenyo sa balikat ay isang 𝘦𝘱𝘢𝘶𝘭𝘦𝘵𝘵𝘦 na kulay ginto rin.

Bukod sa mga iyon, hindi rin gaanong malobo ang palda ng bestido na ito. Hindi siya mahihirapan sa paglalakad kung ito ang kaniyang isusuot.

Humarap si Maia kay Yara na mukhang nagtataka. "Ipinagbibili niyo po ba ang bestidong ito?"

Nanlaki ang mga mata nito na tila ay hindi tiyak sa narinig. "B-Binibini? Uh... H-Hindi... Hindi... po."

"Hindi?" kunot-noong tanong niya. "Ah... Sa inyo po ba ang besti---"

"H-Hindi po, Binibini," agad na putol nito sa kaniya habang mabilis na umiling-iling.

Lalong lumalim ang mga linya sa kaniyang noo at mabagal siyang naglakad palapit dito. "Uh... May may-ari na ang bestido?"

"W-Wala po."

Huminto sa paglalakad si Maia at tinitigan nang mabuti ang nakatatandang babae. "Kung gayon..." Tinuro niya ang bestido sa kaniyang likod gamit ng kaniyang hinlalaki. "...para kanino o para saan ang bestidong iyon?"

Nahihiyang yumuko si Yara at hinimas-himas ang palda ng suot na damit bago mahinang sumagot. "Wala po."

Tumaas ang dalawang kilay ni Maia at tinitigan ito. Makalipas ang ilang segundong katahimikan, ibinaling niya ang tingin kay Mindy na tila ay namumutla, dahilan upang kumunot muli ang kaniyang noo.

Akala ba nito ay magagalit at sisigawan niya si Yara?

Ngunit kung sabagay, kung si Malika ang nandito ngayon, maaaring nagawa na nito ang bagay na iyon.

Bumuntong-hininga siya at ibinalik ang tingin sa mananahi. "Maaari ba na iyong ipaliwanag ang iyong ibig sabihin?"

Nawala ang kaba ni Mindy kasabay ng pag-angat ng ulo ni Yara upang tumingin kay Maia. Huminga ito ng malalim bago nagsalita. "P-Paumanhin po, Binibini ngunit... m-maaari po ba akong m-magtanong?"

Nagtataka man ay nagkibit-balikat si Maia. "Walang problema. Ano iyon?"

Tumayo ito nang maayos at tumikhim. "Nais niyo po ba na bilhin ang bestidong iyon?"

Kumiling ang ulo ni Maia sa kanan kasabay ng pagliit ng kaniyang mga mata. "Oo. Kaya aking tinanong kung iyon ay iyong ipinagbibili."

"Paumanhin po, Binibini!" natatarantang sambit nito. "Ngunit luma na po ang bestidong iyon. Halos magpipitong buwan na po nang matapos ko iyon at--- at... at napakapayak pa po." Sandaling lumingon ito kay Mindy bago muling tumingin sa kaniya. "Nabanggit po sa akin ng inyong taga-silbi kung para saan po ang bestidong inyong kailangan. At ang bestidong iyon po ay hindi po nababagay sa Palasyo ng Hari."

Naglakad ito patungo sa maliit na mesa at kinuha ang isang aklat-sulatan. "Maaari ko naman po kayong gawan ng mas magandang bestido. May mga disenyo po ako dito na maaari niyo pong pagpilian... kung... kung may matipuhan po kayo, Binibini."

Lumapit si Maia kay Yara at inilahad niya ang kaniyang palad upang hingin ang aklat-sulatan na hawak nito na agad naman nitong binigay sa kaniya.

"Maaari ba tayong maupo, Yara?"

"A-Ah... Opo. Paumanhin po, Binibini," tila nahihiyang sambit nito habang itinuro sa kaniya ang isa sa mga munting upuan sa silid. "Hindi niyo naman po kailangang magpaalam."

Hindi sang-ayon si Maia sa huling sinabi nito ngunit nagpasya na lamang siyang huwag iyon pansinin at naupo, ang aklat-sulatan nito ay ipinatong niya sa kaniyang mga hita.

Hinimas niya ang ibabaw ng aklat-sulatan at tinitigan ang nakatatandang babae. "Yara, nakatitiyak ako na magaganda ang lahat ng iyong iginuhit dito kahit hindi ko ito buklatin." Nilingon niya ang luntiang bestido na nasa sulok ng silid. "Patunay na ang bestidong iyon. Maganda... Elegante... At katulad ng iyong sinabi, tunay na napakapayak."

Binalik niya ang tingin kay Yara na may lungkot sa mukha nito at nagpatuloy siya, "Payak... ngunit elegante."

Gulat na itinaas nito ang mukha at binigyan ito ni Maia ng maliit na ngiti. "Sapat na dahilan upang iyon ay aking isuot."

Dahan-dahang bumilog ang mga nito at tila ay kuminang ngunit biglaang nawala. "Ngunit kulay luntian po ang bestido, Binibini..."

"May mali ba sa kulay luntian?" may pagtatakang tanong niya.

Nagsalitan ng tingin si Yara at Mindy, at nakaramdam ng kaunting pagkabalisa si Maia. Tila ay mali na natanong niya ang bagay na iyon. Sana lamang ay hindi maging dahilan iyon upang maghinala si Mindy sa kaniya.

Tumikhim si Yara. "Uh... H-Hindi po ba na ang ibig sabihin ng luntiang damit ay pagkainip, Mahal na Binibini? Tiyak po ba kayo na iyon ang kulay na nais niyo para sa piging?"

Sandaling natahimik si Maia. Hindi niya naisip ang bagay na iyon sa kabila ng katotohanan na alam iyon ni Malika.

Tinignan niya ang dalawa pang bestido at halos umasim ang kaniyang mukha. Kulay dilaw at rosas ang mga iyon. Masasayang kulay. Dagdag pa na sobra ang pagkalobo ng mga palda ng mga ito.

Hindi niya masasabi na pangit o hindi kaaya-aya ang dalawang bestido dahil tunay na napakaganda ng disenyo ng mga ito ngunit mukhang mabigat sa katawan ang mga ito. Mahihirapan siyang kumilos at isang bagay iyon na kailangan niyang maiwasan.

Tiyak siya na nasa piging ang lahat ng taong kailangan niyang iwasan lalo na ang mga binatang posibleng maging kabiyak ni Selina.

Paano na lamang niya maipagtatanggol si Malika kung kahit ang pagtakbo ay hindi niya magawa nang maayos?

Marahan siyang tumango. "Oo," walang emosyong tugon niya. "At dahil nasa usapin tayo ng kulay, hindi ba ay kapayapaan rin naman ang ibig-sabihin ng luntian?"

Sa totoo lang, wala siyang pakialam sa ibig-sabihin ng kulay sa mundong ito at wala rin siyang pakialam sa sasabihin ng iba. Kung iisipin, kung iyon talaga ang ibig-sabihin ng kulay luntian, tama lamang na iyon ang kulay ng kaniyang bestido dahil tiyak naman siya na pagkainip lamang ang kaniyang mararamdaman sa pagdalo sa piging na iyon---Mali.

Kung may kulay na tunay na magpapakita ng kaniyang nadarama para sa piging na darating, iyon ay ang kulay itim. Labis na kalungkutan at pagluluksa.

Na hindi niya maaaring maisip na piliin o gawin. Dahil kung nagkataon, maaaring makita iyon bilang isang pag-iinsulto sa buong panghan at maaaring maparusahan pa si Malika ng isang daang hagupit ng latigo. Magandang ideya kung harap-harapan siyang nagrerebelde ngunit isang malaking pagkakamali para sa kaniyang mga plano.

Isa pa, kung tunay na may ibig sabihin ang bawat kulay...

"𝘔𝘪𝘢, 𝘮𝘢𝘨𝘢𝘯𝘥𝘢 𝘢𝘯𝘨 𝘨𝘳𝘦𝘦𝘯." 𝘒𝘶𝘮𝘪𝘬𝘪𝘯𝘢𝘯𝘨 𝘢𝘯𝘨 𝘮𝘨𝘢 𝘮𝘢𝘵𝘢 𝘯𝘪 𝘒𝘢𝘭𝘪 𝘯𝘢 𝘵𝘪𝘭𝘢 𝘢𝘺 𝘬𝘪𝘯𝘶𝘬𝘶𝘮𝘣𝘪𝘯𝘴𝘪 𝘴𝘪𝘺𝘢 𝘯𝘢 𝘮𝘢𝘯𝘪𝘸𝘢𝘭𝘢. "𝘕𝘢𝘣𝘢𝘴𝘢 𝘬𝘰 𝘯𝘨𝘢 𝘴𝘢 𝘪𝘴𝘢𝘯𝘨 𝘸𝘦𝘣𝘴𝘪𝘵𝘦, 𝘵𝘩𝘢𝘵 𝘨𝘳𝘦𝘦𝘯 𝘪𝘴 𝘤𝘢𝘭𝘮 𝘢𝘯𝘥 𝘱𝘦𝘢𝘤𝘦𝘧𝘶𝘭. 𝘈𝘵 𝘬𝘢𝘵𝘶𝘭𝘢𝘥 𝘯𝘨 𝘯𝘢𝘵𝘶𝘳𝘦 𝘵𝘩𝘢𝘵 𝘤𝘰𝘯𝘷𝘦𝘺𝘴 𝘨𝘳𝘰𝘸𝘵𝘩 𝘢𝘯𝘥 𝘱𝘳𝘰𝘴𝘱𝘦𝘳𝘪𝘵𝘺, 𝘨𝘳𝘦𝘦𝘯 𝘮𝘦𝘢𝘯𝘴 𝘸𝘦𝘢𝘭𝘵𝘩 𝘢𝘯𝘥... 𝘢𝘯𝘰 𝘯𝘢 𝘯𝘨𝘢 𝘣𝘢---𝘈𝘩----"

Marahang umiling si Maia upang alisin ang alaala ng kaibigan sa kaniyang isipan bago nagpatuloy. "Iyon ang aking nais. Isa pa..."

Isunuksok ni Maia ang kaniyang kanang kamay sa kaliwang punyos ng kaniyang suot na bestido at nang inilabas niya ito ay may hawak na siyang dalawang papel na nakatupi sa apat. Inabot niya ang mga ito kay Yara. "Ito ang aking tunay na pakay sa iyo."

Magalang na tinanggap nito ang mga papel at tinignan, ang mga noo nito ay unti-unting nagkaroon ng mga guhit. "Binibini, kakaibang kasuotan po ito."

Tumango si Maia. Siyempre para sa kaniya, hindi naman kakaiba ang 𝘫𝘦𝘢𝘯𝘴 at 𝘧𝘪𝘵𝘵𝘦𝘥 𝘭𝘰𝘯𝘨 𝘴𝘭𝘦𝘦𝘷𝘦𝘴. Ngunit sa mundong ito, ang ganitong uri ng damit ay hindi pa nakikita. Mayroong mga katulad nito dito tulad ng mga damit na isinusuot sa pangangaso at pangangabayo ngunit ang istilo at hapit ay ibang-iba.

Masasabi niyang masyadong mapangahas ang pagsusuot ng ganitong uri ng damit sa tila makalumang mundong ito. Ngunit wala naman siyang balak isuot ito sa harap ng ibang tao.

Huminga siya ng malalim at seryosong tinitigan si Yara. "Hangga't maaari sana ay nais ko na ilihim mo ang tungkol sa damit na ito. Walang dapat makaalam o makakita diyan, maaari ba iyon?"

Umupo ito ng tuwid at isang beses na tumango. "Naiintindihan ko po, Binibini."

"Mabuti. Kung gayon, maaari ba na simulan mo na kaming sukatan?" tanong niya.

May pagtataka sa mukha ni Yara ngunit agad din itong tumayo. "O-Opo, Binibini! Kukunin ko lang po ang panukat at pati na rin ang bestido upang inyo na pong masukat."

Makalipas ng ilang sandali ng pagsukat niya sa bestido at pagkuha ni Yara sa sukat ng kaniyang katawan, lumabas si Maia sa isang sulok ng silid na hinaharangan ng kurtina at agad na binaling niya ang tingin kay Mindy. "Mindy, pumasok ka na."

"B-Binibini?" naguguluhang tanong ni Mindy habang si Yara na nakasunod kay Maia ay tila nabigla rin.

"Pumasok ka na upang masukatan ka na rin," paglinaw niya dito.

Tila gulung-gulo ang isip ni Mindy at nakatitig lang sa kaniya. "Masukatan po? P-Para saan po, Binibini?"

Bumuntong-hininga si Maia at bumaling kay Yara na nasa kaniyang likod, puno ng linya ang noo nito. "Para sa kaniya ang ikalawang damit na aking ipinapatahi."

Lumiwanag ang mukha ni Yara at tila ay gumaan ang pakiramdam sa narinig. Marahil dahil ang ikalawang damit na pinapatahi ni Maia ay hindi balot na balot.

Walang manggas, payak at ang bestidong iyon ay may haba na aabot lamang hanggang gitnang bahagi ng mga hita ni Mindy. Ngunit tiniyak niya rin na may kasamang maiksing korto iyon upang kung sakaling dumating ang panahon na luluhod muli si Mindy na ang noo ay nakadikit sa sahig, hindi na ito makikitaan ng kaluluwa.

Kung siya lang, papagawan niya nalang ng isang bestido si Mindy na katulad ng mga suot ng mga malalayang tao sa mundong ito katulad na lamang ng suot ni Yara. Isa itong lagpas tuhod na bestido na kulay putik, may manggas na hindi aabot sa siko, at walang kahit anong disenyo. Ngunit mukhang napaka-kumportable kaysa sa mga isinusuot ni Mindy.

Ngunit pinigilan niya ang sarili na gawin iyon dahil naisip niya na maaaring magbigay pa iyon ng problema sa dalaga.

Sa mundong ito, mababago lamang ang katayuan ni Mindy sa lipunan kung ikakasal ito sa taong mas mataas ang antas kaysa dito at doon lang ito maaaring makapagsuot ng damit na katulad sa malalayang tao. At sa napansin niya sa mundong ito, mahihirapan si Mindy na makahanap ng lalaking handang magpakasal dito.

Naisip niya na maaaring kapag pinagsuot niya si Mindy ng mga ganoong damit, lalo lamang itong mapag-initan sa palasyo. Kung siya nga na inampon ng mga maginoo ay nakararanas ng pang-aapi, tiyak niyang mas matindi ang nararanasan ni Mindy.

"B-Binibini?!" Lumapit si Mindy sa kaniya. "Hindi ko po magagawa iyon," natatarantang sambit nito, ang mukha nito ay puno ng takot at pag-aalala.

Naglakad siya patungo sa munting upuan at naupo. "Mindy, hindi ko ginagawa iyan para sa'yo. Nais ko na makakita ng magagandang bagay sa paligid ko ngunit ang pang-araw-araw mong kasuotan ay ginagawa iyong imposible." Tinitigan niya ito. "Kaya makinig ka na lamang."

Natigilan at agad na yumuko si Mindy. "Ma---Masusunod po, Mahal na Binibini!"

Nagpakawala siya ng malalim na paghinga nang tuluyang sumara ang kurtina sa harap nila Mindy. Minsan naiisip na lang niya kung hanggang kailan lang tatagal ang mga pagdadahilan niya sa tuwing may ipagagawa siya dito na taliwas sa mga nakasanayan nito. Ang tanging ipinagpapasalamat niya lang sa pagiging 'Maginoo' ni Malika ay ang katotohanang mas pipiliin ni Mindy na sundin na lamang ang mga inuutos nito kaysa ang magtanong.

"Malayong-malayo po kayo sa aking mga naririnig, Mahal na Binibini."

Halos matigilan si Maia sapagkat hindi niya inaasahan ang tinig na narinig...

Hindi niya inasahan sapagkat wala siyang narinig na yabag ng mga paa.

Chương tiếp theo