webnovel

CHAPTER 13: A NEW LIFE

"Captain Xuuuu!"

Mula sa malayo ay dinig na ang matining na boses ni Lieutenant Eisha at Leigh. Bitbit nila ang mga basket na may lamang pagkain para sa mga captains at lieutenants na a-attend sa ceremony ngayong araw.

Napadako naman ang tingin sa kanila ni Captain Xu at ngumiti.

"Eisha, Leigh, mukhang madami kayong gawain ngayon ah." Puna niya.

Agad namang nagreklamo si Eisha dahil masisira daw ang buhok niya na ipinaghanda niya pa para lamang sa okasyon ngayon. Ngunit natawa na lamang sina Captain Xu at Lieutenant Leigh saka nag-aya ng pumunta sa lugar kung saan gaganapin ang seremonyas.

Napakasaya ng mga tao at sa paligid ay maririnig ang mga tawa ng mga bata't matatanda. Tunay ngang unti-unti ng nakakamit ng Hiyosko ang kapayapaan.

Tila unti-unti na ring nakakalimutan ng lahat ang bakas ng kadiliman. Ilang dekada na ang nakalipas at tanging isang alaala na lamang ang bumubuhay sa panahong iyon.

Nang makarating na sina Captain Xu sa pagtitipunan ay naroroon na sa isang table malapit sa entablado ang mga captain at kanilang mga lieutenant. Ang Captain-Commander naman ay nasa itaas na ng entablado upang magbigay ng mensahe.

Ang mga magtatapos naman ay nasa ibaba at nakalinya habang nakatingin sa matipunong Captain-Commander na nagbibigay ng mensahe.

"Matagal na panahon ang iginugol ng bawat squads upang mapanatili ang kapayapaan na ito. At hinihiling ko na sana ay maging inspirasyon niyo ang bawat isa upang magpatuloy kayong protektahan ang lugar na ito at ang mga taong naninirahan dito. Lahat kayo ay nagsumikap at nakarating sa kung ano kayo ngayon, sana'y wag ninyong sirain ang tiwalang ibinibigay sa inyo ng mamamayan. Gawin niyo ang makakaya niyo. Hindi ko man sinasabi na i-alay niyo ang buhay ninyo para sa bayan, ngunit manatili sana kayong buhay upang pumrotekta at sugpuin ang kalaban. Itanim ninyo sa mga puso niyo ang pagmamahal na meron kayo sa lugar na ito. At wag ninyong kalilimutan. Ngayon, idinideklara ko na kayo ay opisyal ng nakapagtapos sa Akademya ng Hiyosko. Maligayang pagtatapos!" Captain-Commander

Yumuko siya kaya naman sumunod na din ang pagyuko ng mga nagtapos. Matapos ay puno ng hiyawan at nagsimula ng tawagin ng mga squad lieutenants ang pangalan ng mga nakapasa sa squads nila. Bagama't ang iba ay nailipat sa ibang squad base sa kakayahan nila, sila ay nanatili pa ding positibo. Ngunit may mga ibang hindi nagustuhan ang mga nalipatan nilang squad, hindi na rin nila nagawang magreklamo at tinanggap na lamang ang resulta ng kanilang pagsusulit.

Bago matapos ang seremonyas ay may kaunting mensahe ang ibang captains. Matapos ay nagkaroon ng salu-salo.

May mga lamesa sa gilid habang sa gitna ay maaaring magpakitang gilas ang mga nakapagtapos sa pagsayaw o kahit na anong talento.

Napapailing na lamang si Captain Masashi habang umiinom ng sake.

"Wag lamang may kapalit ang kasayahang to." Aniya.

Inakbayan siya ni Lieutenant Ren at natawa.

"Captain Masashi, hindi ako sanay na masyado kang negatibo sa mga bagay."

"Naninigurado lang. Hahaha! Hindi na bale, basta't kasama ko ang sake." Aniya saka uminom ng madami na ikina-ubo niya naman. Napairap na lamang ang Lieutenant niya at maarteng uminom ng sake.

"Siguraduhin mo pong hindi naaapektuhan ang schedule ko. Madami pa tayong paperworks at madami ka ding uminom. Isipin mo naman po ang squad natin ng hindi sila gumagaya sa pagkatamad mo po." Masungit na sambit ng Lieutenant niya na diniinan pa ang salitang "po".

Hindi naman nasaktan o nagalit ang Captain kundi natawa sa sentimento niya. Totoo naman iyon ngunit hindi niya lamang mabago ang nakagawian.

"Pasensya na, Lieutenant. Masyado lang masarap ang sake para tanggihan ko."

"At kelan pa inalay ng sake ang sarili sayo? Baka mamaya ma-stress pa si Visha at hindi ka tulungan sa paperworks. Ikaw din~" Panakot ni Lieutenant Eisha saka tumawa. Tumawa na din ang ibang nakarinig sa panakot ni Eisha kaya naman napakamot na lamang ang Captain.

Humupa na ang pagtawa at lumapit naman si Leigh kay Ren saka bumulong.

"Napaka seryoso ni Captain Zeid. Mukhang stress na naman sa resulta ng pagsusulit. Kaunti lamang ang tinanggap ng squad niyo, tama?"

Humiwalay si Ren kay Captain Masashi saka tinignan si Leigh. Tumango siya at napahawak sa baba niya para mag isip.

"Napakataas ng standard ngayon ni Captain. Iyon talaga ang problema kapag mas kadalasang naaatasan ang squad namin na kumilos sa labas ng Hiyosko." Sagot ng Lieutenant saka napadako ang tingin sa Captain niya na kausap na ngayon si Captain-Commander.

"Pakiramdam ko tuloy, pati ngayon ay problema pa din ng Hiyosko ang pinag uusapan nila. Iba ka talaga Captain Zeid." Isinuntok pa ni Lieutenant Leigh ang kamao sa hangin at tila nagkaroon ng bituin sa mata niya.

Napailing na lamang si Lieutenant Ren saka kumain na. Nagpatuloy naman ang kasiyahan hanggang sa umabot na ang hapon. Tumayo si Captain Zeid at nagbalak na pumunta ng quarters upang ipagpatuloy ang natitirang mga trabaho na naghihintay sa kaniya.

Sa nakalipas na dalawang dekada, naging mas mahigpit ang squad 4 sa pagtanggap ng mga bagong myembro.

Ang nakaraan naman ay unti-unti na ding naglalaho sa mga isip nila. Mas naging determinado ang kagaya ni Zeid na gawing mas mapayapa ang lugar nila. Upang sa mga susunod na henerasyon ay hindi na maulit pa ang mga naranasan nila.

Ngunit maging siya ay hindi alam kung kelan ba matatapos ang panganib. Walang kasiguraduhan.

Napatingin siya sa itaas at pinagmasdan ang palubog na araw.

23 YEARS AGO

"Ang galing naman! Captain ka pala ng squad 4? Balita ko kayo ang mas madaling nakakaresponde sa city. Kasi diba... Nasa gitna ang quarters ng squad 4? At saka balita ko din napakagaling mong captain!" Mangha na mangha na sambit ni Mira saka tinignan si Zeid. Nakapinta sa mukha ni Mira ang saya at mangha.

Napakunot lamang ng noo si Zeid at hindi siya pinansin. Naiinis lamang siya kapag nakikita niyang masaya si Mira sa sitwasyon nila habang siya ay hindi matanggap na ikinasal siya sa babaeng hindi niya naman gusto, walang delikadesa, lampa, mahina at... NAPAKADALDAL.

"Nahhh Zeid, bakit pala gusto mong maging captain?" Tanong na naman ni Mira at umupo sa upuan na nasa gilid ng table niya.

Napahinto si Zeid at tinignan siya.

"Tumahimik ka na nga, nagtatrabaho ako. TSK." Iritadong sambit ni Zeid saka nagpatuloy sa pagbabasa.

Hindi naman nagalit o ano si Mira. Ngumiti siya at pinagmasdan si Zeid.

"Alam mo, gusto ko na sa mga susunod na henerasyon, magkaroon na ng kapayapaan. Yung hindi na kailangan maghirap ng bawat isa para lang mabuhay. Yung walang takot sa mga puso natin kapag lalabas tayo. Gusto kong tumingin sa palubog na araw na hindi iniisip kung gigising ba ako kinabukasan o hindi. Kapag dumating ang araw na iyon, siguro kahit na lumisan ako ng biglaan, tatanggapin ko na lang. Dahil alam kong may mga tulad mo na poprotekta sa mga susunod na henerasyon. Dahil kampante na ako na kahit siguro panandalian lang ay mararanasan nila yung mga bagay na ipinanalangin ko." Nakangiting sambit ni Mira na nagpahinto kay Zeid. Napadako ang tingin ni Zeid kay Mira na agad namang namula.

Napabuntong hininga na lamang si Zeid ng maalala niya iyong panahong iyon.

"Kahit siguro pansamantala... nangyare na ang gusto mong kapayapaan... Mira."

---

Nagpatuloy ang masiglang buhay sa Hiyosko at sa iba pang lugar sa labas. Ngunit upang mapanatili ang ganitong buhay ay kinakailangang dumoble ang pagiging alerto ng mga squad members. May mga ipinapadala na mga teams para sa expedition na siyang umaaktong opensa sa labas ng Hiyosko. Sa ganoong paraan ay hindi manganganib ang mga village sa labas ng Hiyosko. May mga mages din na nasa iba't ibang nayon upang magpanatili ng barrier.

Bawat taon naman ay may espesyal na pagsusulit para sa mga taong gustong pumasok sa squads. Sa pagsusulit na ito, hindi na kailangan pang galing ka sa akademya ng Hiyosko para sumali. Kung may potensyal ka ay pipiliin ka ng squad captains upang maging myembro ng squad nila. Ngunit kung gusto mo talagang sumali sa squad ngunit hindi ka nakapasa, wala kang magagawa kundi mag palakas pa o mag enroll sa akademya.

At ngayong taon nga ay mayroong gaganaping pagsusulit sa arena. Espesyal ang taon na ito dahil may mga bibisitang lord, duke, duchess at iba pang mga ma-implowensyang tao. Kaya naman napaka-busy ng lahat sa paghahanda. Maging si Captain Masashi ay walang takas, siya ang nakikipag-usap sa mga bibisita at nag ayos ng iba pang bagay.

Nang matapos nila ang preperasyon ay kaniya kaniya din silang nag-report ng mga progress nila.

Matapos ang nakakapagod na araw ay napabuntong hininga na lamang si Eisha at napabusangot.

"Kung hindi lang ako papatayin ni Captain Kiro, hindi ko gagawin ito." Aniya na ikinatawa ni Lieutenant Ren saka inakbayan siya.

"Kailangan niyong maka-recruit ng madaming mag eexam ngayon. Kung hindi, magiging kawawa ang squad 8 ngayong taon." Pang aasar niya.

Napakurap naman siya at napatingin kay Ren.

"Kesa naman sa inyo na halos 10 lamang ang pumapasok kada taon. Nasobrahan ata ang pagsala ni Captain Zeid sa mga aplikante."

Napakamot naman si Ren at natawa.

"Kahit naman pumili ako ng madaming aplikante, babalik pa din kay captain ang trabaho at syempre... pipiliin niya ang talagang alam niyang deserving."

"Speaking of Captain Zeid, nandyan na siya. Bahala ka na dito at babalik na ko sa quarters. May duty pa ako ngayong hapon at bukas ng alas-nuebe ang simula ng exam. Bye!" Nagmamadaling umalis si Eisha habang naiwan naman si Ren na napapailing.

Lumapit siya sa captain at nag-usap sila patungkol sa mga magpapatrol bukas upang mapanatiling safe ang arena pati na din ang mga mamamayan.

"Siya nga pala captain, paano ang misyon tungkol dun sa ihahatid na supplies sa Poz?"

"Ikaw na ang bahala." Sagot lang ni Zeid saka nauna ng maglakad.

Napanganga naman si Lieutenant Ren sa narinig.

"C-captain? Bukas ay.."

"Kung gusto mong makahabol, agahan mo ang paghatid ng supplies."

Napakurap na lamang ang Lieutenant at napakamot.

"Mukhang kailangan kong gumising ng maaga bukas."

Chương tiếp theo