"Mommy ano pong nangyayari? " tanong ng labindalawang taong gulang na si Alex ng marinig ang malakas at nagsisigawang mga boses mula sa loob ng study room ng kanyang mga daddy isang gabi.
"Anak, bakit gising ka pa? 'Di ba sabi ko matulog na kayo. " Sa halip ay sagot ng mommy niya.
"Tulog na po sila. Hindi po ako makatulog kaya lumabas muna ako ng kwarto para magtimpla ng gatas," sagot niya. "Bakit po nag-aaway sila daddy? "
"Anak, halika doon tayo sa kusina at ipagtitimpla kita ng gatas," sabi ng mommy niya sabay hawak sa kanyang kanang braso at akayin papunta sa kusina. Nang makarating sila sa kusina ay pinaupo muna siya ng kaniyang mommy bago ito nagtimpla ng gatas. Tahimik lang sila hanggang iabot na sa kanya ang basong may lamang mainit na gatas bago ito umupo sa isa sa mga bakanteng upuan at tiningnan siya.
"Mom? " Nagtatakang tanong niya dahil nanatili itong tahimik na nakatitig sa kanya.
"Anak, alam kong alam mo ang kakaiba nating pamumuhay at kaugalian kahit bata ka pa. Hindi ba? "
"Opo. "
"At dahil apat kayo. Quadruplets. Ay sa iisang babae lang kayo magkakagusto? "
"Tulad ni daddy Noel at daddy Ian? Kaya dalawa ang daddy namin?"
"Oo. Tulad ng mga daddy ninyo."
"Pero bakit po?"
"Para maging balanse ang lahat at hindi magdulot ng gulo. Dahil kapag nagkawatak-watak kayo maaaring maging masama ang isa at gumawa ng mga bagay na sisira sa mga buhay natin at maging ng ibang tao na hindi natin katulad. "
"Eh, bakit po nag-aaway sila daddy Noel at daddy Ian? " Napabuntonghininga muna ang mommy niya bago sumagot.
"Dahil nangyari na ang bagay na kinatatakutan ng lahat. Dahil nagiging sakim na ang daddy Noel mo at gusto na rin niyang sakupin ang lugar ng mga tao. " Malungkot na sagot nito.
"Po? Paano niya gagawin 'yon? "
"Alex, anak. Sinasabi ko ito sa 'yo para kapag malaki ka na at nasa tamang edad na kayo ay alam mo na ang gagawin mo para hindi mangyari sa inyo ang nangyayari sa mga daddy n'yo ngayon. "
"Opo. "
"Kapag naging masama ang tulad natin nagagawa nilang kontrolin ang mga tao at pasunurin sa mga gusto nila. Pwede nilang utusan ang mga ito na gumawa ng masama. Magnakaw, pumatay o kahit ano pa. At isa pa kapag tuluyan kang nagpalamon sa kasamaan magbabago na rin ang mga gawi mo tulad ng pagkain. Hindi na natural na pagkain ang kakainin mo. " Paliwanag ng mommy niya.
"Po? Ano pong ibig ninyong sabihin? Ano nang kakainin kapag naging masama na? " Halata ang pagdadalawang-isip ng mommy nya bago sumagot.
"Hindi na normal ang pagkain dahil ang hahanapin na ng katawan nila ay sariwang laman at dugo ng tao. " Napasinghap si Alex sa narinig. At parang masusuka pa.
"Totoo po ba 'yan? " Tumango ang mommy nya bilang sagot. "Paano na po 'yan? Kailangan nating pigilan si daddy Noel bago pa siya tuluyang maging masama." Natatarantang sabi ni Alex at akmang tatayo ng muling magsalita ang mommy niya na nagpayanig sa mundo niya.
"Huli na a-anak..." Mahinang sabi nito sa garalgal na tinig.
"Ba-bakit po? " Kinakabahang tanong nya.
"Kaya sila nag-aaway ngayon dahil nahuli ng daddy Ian mo ang daddy Noel mo na pumatay at kumain ng tao...kanina... " At tuluyan ng napahagulgol ang kaniyang mommy. Kaya sa halip na tunguhin ang kinaroroonan ng kaniyang mga daddy ay nilapitan na lang niya ito at niyakap ng mahigpit.
"Ano na pong mangyayari kay daddy Noel? " Mahinang tanong ni Alex.
"Kailangan siyang parusahan... Pero dahil hindi kayang gawin ng daddy Ian mo na parusahan siya ng kamatayan dahil kapatid niya pa rin ito ay paaalisin na lang siya rito sa lugar natin at ipatatapon sa malayong lugar. "
Natahimik si Alex nang marinig ang isinagot ng kaniyang mommy. At ang unang pumasok sa isip niya ay ang magiging reaksiyon ng kaniyang mga kapatid dahil walang kamalay-malay ang mga ito sa nangyayari.
---
At tulad nga ng sinabi ng kaniyang mommy kagabi ay pinaalis ang daddy Noel nila kinaumagahan sa harap ng lahat maging nang mga kapatid niya na wala nang ibang nagawa kundi ang umiyak. At pagkatapos ay gumawa ng isang orasyon ang mga nakatatanda upang maging proteksiyon sa kanilang buong lugar upang hindi na basta-basta makapasok ang kahit na sino tao man o kauri nila.
At nang matapos ang lahat ng iyon at makauwi na sila ay doon lang ipinaliwanag ng kanilang mommy at daddy Ian ang dahilan ng pagpapaalis kay daddy Noel. Kaya tumigil na rin ang mga ito sa pag-iyak nang napagtanto ang kasamaang nagawa ng daddy Noel nila.
Matapos ang pangyayaring iyon ay ramdam niyang may nagbago sa kanilang mga magulang. Ramdam niyang hindi na kumpleto ang mga ito dahil sa pagkawala ni daddy Noel.
Kaya naman para maibsan kahit papaano ang lungkot na nararamdaman ng mga ito ay nagpasya ang kanilang mga magulang na magpunta sa ibang lugar upang sandaling magbakasyon at pansamantalang makalimot.
Na sinang-ayunan naman nilang magkakapatid upang kahit papaano ay bumalik ang sigla ng kanilang mommy.
Muling naging maayos at tahimik ang mga lumipas na panahon at inakala nilang pangmatagalan na iyon. Pero isang araw ay nakatanggap ang pamilya nila ng isang sulat ng pagbabanta.
At nakalagay roon na sa oras na matagpuan nilang magkakapatid ang babaeng itinakda para sa kanila ay babalik ito para kunin ang babae at gamitin laban sa kanila.
Kahit walang nakalagay na pangalan nang nagpadala ay kilalang-kilala na nila kung sino ang maaaring magpadala ng ganoong klase ng sulat.
At dahil nagkataong wala ang kanilang mga magulang nang ipadala iyon ay tanging silang magkakapatid lang ang nakakaalam niyon. At dahil alam nilang mayroong harang ang kanilang lugar ay kampante silang hindi mangyayari ang banta.
~ PRESENT ~
Ngunit lingid sa kaalaman naming magkakapatid ay mayroong lihim ang harang na sadyang hindi ipinaalam ng aming mga magulang.