webnovel

Chapter 39: Mom Don't Do That Again

NAPAIYAK na lamang ang ginang ng makita niya ang itsura ng anak ng matagumpay niyang inilabas ito sa kanyang sinapupunan

"Ang ganda ng anak natin, Veronica" Magiliw na saad ng asawa ni Veronica ng makita nito ang kanilang anak

Hindi sumagot si Veronica sa halip ay pinagmasdan niya lang ng mabuti ang kanilang panganay na anak na babae,

Limang taon na din silang nagsasama ni Everio at gusto na nilang magkaroon ng supling na lalaki, ng malaman nilang buntis siya ay sobrang saya nila. Hindi sila makapaniwalang dalawa na buntis nga siya sa una nilang anak

"Baby, nandito na si Daddy—" Tuwang tuwa na saad ni Everio sa kanilang anak

"Ilayo mo 'yan sa'kin. Ayoko sa kanya—" Nanghihinang sambit ni Veronica at iniwas ang tingin sa bata

Ramdam niyang natigilan si Everio sa narinig niyang salita na lumabas sa kanyang bibig. Gumuhit ang pagtataka sa mukha nito at hindi magawang ialis sa kanya ang mga matang puno ng katanungan

"Veronica—"

"Ilayo mo sa'kin ang batang 'yan, ayoko sa kanya Everio." Bulalas niya dito

Hindi sumagot si Everio sa utos ng kanyang asawa sa halip ay kinuha nito ang bata at lumabas sa kanilang kwarto

Napabuntong hininga na lamang si Veronica

No'ng ipinagbubuntis niya ito ay masayang masaya siya at hindi na siya makapaghintay na makita ito. At ng kabuwanan na niya ay abot hanggang langit ang kanyang dasal na sana ay walang masamang mangyayari sa kanilang dalawa ng anak

Nang makita ni Veronica ang pagmumukha ng sanggol ay naturang bigla na lang siyang umayaw na angkinin ito. Hindi kasi nakapasa sa kanya ang itsura nito—malayo sa inaasahan niyang maging diyosa ito sa ganda

"Ba't mo ginawa iyon Veronica, anak mo siya. Ba't ayaw mo na sa kanya?" Bungad ng ina ni Veronica ng makapasok ito sa kwarto nila ni Everio

"Hindi ko siya gusto Ma, hindi siya maganda ayokong may itim na balat ang mukha ng anak ko." Sagot naman niya sa tanong ng kanyang ina

"Tanggapin mo siya Veronica, anak mo siya—niyo ni Everio. H'wag mo ng pangarapin na mas may maigaganda pa ang anak mo. Dugo at laman niyo iyan, h'wag kang gumaya sa mga nakikita mo sa iyong paligid dapat ay marunong kang makuntento" Payo sa kanya ng ina

Hindi ulit siya sumagot dito

Ayaw na ayaw talaga niya doon sa bata. Parang laruan lang ito na bigla na lang siyang nagsawa at gusto na naman ng bago

"Basta Ma, ayaw ko sa kanya. Ayokong makita ang pagmumukha niya—"

"Pwede bang tumahimik ka?! Ang ingay ingay mo!" Sigaw ni Veronica sa kanyang anak na iyak ng iyak

Hindi pa din ito tumigil sa kakaiyak at mas nagalit pa ng husto si Veronica, maikli lang ang pasensiya niya sa batang matigas ang ulo at mahirap patahimikin

"Everio! Patahimikin mo nga 'tong anak mo, baka ano pang magawa ko dito!" Tawag niya sa kanyang asawa na nasa labas at nagsisibak ng kahoy

"Bakit? Ano ba ang nangyayari?" Humahangos na pumasok si Everio galing sa labas naliligo ito sa sariling pawis at basa na din ang pang-itaas na damit nito

"Patahimikin mo itong anak mo, naiingayan ako. Baka ano pa ang magawa ko diyan." Bulalas ni Veronica at dali-daling tinungo ang pintuan

Lumapit naman si Everio sa kanilang anak at nagpunas muna ng pawis at hinubad ang basang damit

"Jen, anak tahan na. Tahan na, nandito na si Papa" Pagpapatahan nito sa anak nila

"Ano ka ba naman Veronica?! Nagugutom si Jen, magpasuso ka naman sa anak natin!" Pagalit na tinawag siya ni Everio

"Ayoko! Kung gusto mo ikaw na lang ang magpasuso diyan, magtimpla ka ng gatas at ipadede mo diyan sa anak mo!!" Sigaw ulit ni Veronica na nandoon na sa labas

Hindi na lamang nag-abalang sumagot si Everio sa halip ay isinama niya ang anak sa kusina at dali-daling gumawa ng gatas para ipangsuso dito

"Maghintay ka muna ng ilang segundo Jen ah, naghahanda pa si Papa ng ipangdede mo...." Kausap ni Everio sa kanyang anak na babae

"Pakibantayan si Jen, mamamalengke ako." Bilin ni Everio ng makatulog na ang anak nila pagkatapos niya itong pinabottled-fed kanina

"Babantayan ko ang isang 'yan. Ikaw na lang kaya, kung gusto mo isama mo na lang—" Himotok ni Veronica at sinuklay ang buhok gamit ang mga daliri

"Veronica, pati pagbabantay sa anak natin hindi mo pa magawa? Grabe ka naman, maawa ka naman sa anak natin. Kay Jen! Kailangan ka niya!" Pagpapaintindi nito sa kanya

"Kung kailangan niya ako—hindi ko siya kailangan. Sakit sa ulo lang 'yang batang iyan," Sagot na naman niya dito

Hindi naman sa ayaw niya sa mga bata sadyang nawawalan lang talaga siya ng gana na alagaan si Jen dahil nga hindi ito maganda at hindi nito nasunod ang nais niya na gayahin ang isa sa mga diyosa

"Bantayan mo si Jen, natutulog na naman siya eh. Hindi na 'yan iiyak—" Bilin ulit nito at nilagpasan lang ang asawa

Nakakuyom ang dalawang kamao na sinundan ni Veronica si Everio ng tingin. Naiinis siya dito dahil inutusan na naman siyang bantayan na naman si Jen

Tiningnan niya ang anak na nasa loob ng kuna at mahimbing na natutulog. Sa oras na iiyak na naman ito at madidisturbo siya, lagot talaga 'tong batang 'to sa kanya

Ilang oras din na nakaupo si Veronica sa pang-isahang sofa habang nagbabasa ng libro at hinintay si Everio na maka-uwi. Biglang uminit ang kanyang ulo ng umiyak na naman si Jen

Tumayo sa pagkakaupo si Veronica at pinuntahan ang anak

"Pwede bang tumahimik ka ha?! May ginagawa ako—disturbo ka!" Sigaw niya sa kanyang anak

Umiyak pa lalo si Jen sa pagsigaw niya dito. Malalaki ang mga luhang tiningnan siya ng anak na nakahiga pa din sa loob ng kuna

Masama naman ang tinging ipinukol niya kay Jen. Galit na galit siya dito at gusto niya na itong despatsahin ngayon din

"Sige, umiyak ka pa ng umiyak diyan. Itatapon na talaga kitang bata ka." Bulalas niya pa at sinabunutan ang sarili

Parang naintindihan naman ni Jen kung anong sinabi ng kanyang ina dahil bigla na lang itong tumahimik at pinagmamasdan siya. Ibinalik naman ni Veronica ang mga mata kay Jen

Gayon pa din ang ginawa ng anak, tiningnan lang siya nito mata sa mata at parang may kung anong damdamin na humaplos sa kanyang matigas na puso. Pero hindi niya hahayaang malunod siya nito

Iniwan niya si Jen na nag-iisa at lumabas ng bahay patungong bayan

"Saan ka ba galing ha?!" Bungad ni Everio kay Veronica ng madatnan ng kanyang asawa na walang tao sa kanilang bahay

"Wala, nagpapahangin lang—" Baliwalang sagot naman ni Veronica at nilagpasan ang asawa

"Nagpapahangin? Mas inuna mo pa talaga ang magpahangin kesa sa bantayan itong anak natin? Anong klase kang ina ha!" Sigaw nito sa kanya

Dahan-dahan namang nilingon ni Veronica si Everio na ngayon ay yakap yakap si Jen na mahimbing na ulit ang tulog

"Ba't ka ba nangingialam ha? Anong gusto mong gawin ko, palagi na lang dito sa bahay? Magkulong hanggang sa pumuti na ang mga mata ko kakabantay diyan sa anak mong sobrang ingay?!" Sigaw din ni Veronica pabalik sa asawa

"H'wag ka ngang magsalita ng ganyan? Si Jen ang pinag-uusapan natin dito." Tumataas ang boses na saad ni Everio sa asawa

"Kung ayaw mo ng gulo edi ikaw na ang magbantay diyan sa anak mo, bwesit!" Hindi nagpapatalo na sagot ni Veronica at iniwan ang kanyang mag-ama sa balkonahe

"Tahimik!" Bulyaw ni Veronica kay Jen ng marinig na naman niya na umiiyak ang anak

Nasa banyo kasi siya at naliligo ng bigla na lang umiyak ang kanyang anak dahil sa nakagat ito ng lamok. Hindi kasi nila ipinapasok sa kulambo si Jen dahil nagkakarashes ito

"Ano ba Jen! Tumahimik ka pinasasakit mo talaga ang ulo ko!" Sigaw niya pa ng mabuhat na niya ito

Sinigaw sigawan niya ang bata sa harap ng pagmumukha nito. Hikbi ito ng hikbi at namumutla na ang mga labi sa kakaiyak

"Humanda ka sa'king bata ka," Sabi niya pa at inilagay sa maduming sahig si Jen pagkatapos ay pumasok siya sa kwarto at dali-daling nagbihis

Nang makabihis na siya ay basta basta niya lang kinuha si Jen na parang isang manika at binuhat ito na parang hindi niya ito anak

"Para wala ng sakit sa ulo sa bahay, mas mabuting itapon na lang kita. Ang pangit pangit mo na nga pabigat pa." May diin sa bawat salita na naibulalas ni Veronica

Nang makaabot siya sa lumang tulay ay inihagis niya ang anak na si Jen na parang isang basura. Tiningnan niya ito hanggang sa lumubog ito sa maingay na sapa

Hindi man lang siya nakonsensiya sa ginawang kalapastanganan. Bago siya umalis ay tiningnan niya muna ang sapa na ngayon ay maingay pa din at naglalabas ng usok dahil sa sobrang lamig ng panahon

"Veronica, nasaan si Jen? Nakita mo ba siya?" Natatarantang tinanong siya ni Everio at pabalik balik na pumasok sa kanilang kwarto at sa kwarto ni Jen

"Hindi ko alam?" Kibit balikat na sagot niya at parang wala lang

"Hindi mo alam? Nagpapatawa ka ba, ikaw lang naiwan dito kasama si Jen. Tapos hindi mo alam kung nasaan siya?" Nagtatakang usal ni Everio

"Hindi ko nga alam? Ba't ba ako ang tinatanong mo tungkol sa anak mo!!" Naiinis na tugon niya dito

"Alam kong alam mo kung nasaan ang anak natin Veronica, ikaw ang iniwanan ko sa kanya—" Giit ni Everio sa kanya

Naihilamos na lamang ni Veronica ang kanyang dalawang kamay sa mukha at nanlilisik ang mga matang tiningnan ang asawa

"Hindi ko nga alam! Ano ba ang ibig mong sabihin sa hindi alam ha? Bobo ka ba? Oh, sadyang tanga ka lang?!" Sigaw niya dito

Sinampal siya ni Everio dahilan para pumutok ang gilid ng kanyang labi

"Huwag mo akong pagsalitaan ng ganyan Veronica. Ginagawa ko lang ang nararapat para mahanap ang anak natin! At ikaw, parang wala lang sa'yo na nawawala si Jen? Wala kang kwenta!!"

"Anak mo lang Everio, anak mo lang!!"

Makalipas ang ilang araw na paghahanap kay Jen ay hindi talaga nila ito natagpuan. Pagod na pagod na si Everio na maghanap sa kanilang nawawalang anak, gusto niyang sisihin si Veronica sa nangyari pero hindi niya magawa

Wala siyang karapatan na sisihin ito dahil wala siyang ebidensiya na magpapatunay na pinabayaan lang nito ang kanilang anak sa loob ng bahay habang siya ay naliligo

Hanggang sa lumipas ang limang buwan na pagdadalamhati, nabuntis ulit si Veronica. At napag-alaman nilang babae na naman ito

"Veronica, alagaan mo iyang mabuti. Ayokong mawala si Jennylie" Bulalas ni Everio at hinaplos ang bagong silang na anak nila

"Oo, naman! Mahal na mahal ko itong si Jennylie." Sagot naman ni Veronica at hinalik halikan ang pisnge ng kanilang anak

Noong si Jen pa ang kanilang anak ay hindi talaga matanggap tanggap ni Veronica na iba ito sa mga batang palagi niyang nakikita sa bayan. Para kasi itong sinumpa dahil may malaking itim na balat ito sa mukha at napapangitan siya sa itsura ng anak at ng magsilang siya kay Jennylie ay labis labis ang kanyang sayang nararamdaman dahil nagagandahan siya dito

Natupad na ang nais niyang maging katulad ito sa isa sa mga diyosa. Ang ganda ni Jennylie, maputi ang kanyang balat, matangos ang kanyang ilong may kakapalan ang kanyang maiitim na kilay at malarosas ang kanyang manipis na labi

Sumapit ang kaarawan ni Jennylie at sampung taon gulang na ito, makikita na talaga sa itsura ni Jennylie na malapit na itong magdadalaga dahil matured na ito mag-isip dala na din sa kanyang pananamit. Sobrang bait na ito na tipong hindi marunong magalit sa kanyang kapwa

"Jennylie, magbihis ka. Pupunta tayo ng bayan" Utos ni Veronica sa anak na sinunod naman kaagad nito

Nang makabihis na ito at lahat lahat ay nilisan na nila ang kanilang bahay

Nang dahil sa may kalayuan ang kanilang bahay sa bayan ay kailangan pa nilang dumaan sa isang tulay kung saan itinapon ni Veronica ang anak niyang si Jen

Bigla na lang napayakap ng mahigpit si Jennylie sa bewang ni Veronica ng nasa gitna na sila ng tulay

"Jennylie, anak! Anong nangyayari sa'yo?" Nag-aalalang tinanong ni Veronica si Jennylie

"M-ma? Paki-usap h'wag mo ng gawin ulit 'yun." Takot na takot na bulalas ni Jennylie at hindi magawang tingnan si Veronica

Salubong ang dalawang kilay na pinasadahan ni Veronica si Jennylie at tinanong na naman ito

"Ano? Hindi kita maintindihan?" Gulong gulo na sagot naman niya

"Just please Mom, don't do that again. H'wag mo na akong itapon ulit—maganda na ako." Umiiyak na bulalas nito at mas hinigpitan pa ang pagkakayakap kay Veronica

Doon lang naintindihan ni Veronica kung anong ipinapahiwatig nito, kaya pala kapag dumadaan sila sa tulay ay nanginginig ito at hindi makatingin ng diretso sa bawat gilid

"J-Jen? Ikaw ba 'yan?" Naluluha na ding bulalas ni Veronica

Hindi sumagot si Jennylie sa tanong niya basta iyak lang ito ng iyak sa bewang niya na parang ayaw na nitong malayo sa piling niya

"Jen, s-sorry." Hinging tawad niya sa anak at niyakap din ito pabalik

Namatay si Jen—pumalit si Jennylie. Ang mukha lang ang nagbago sa kanyang anak pero ang puso at kaluluwa nito ay si Jen pa din na hindi niya kayang mahalin at tanggapin

"S-sorry, sorry." Paulit-ulit na hingi niyang tawad sa anak

Malaki ang kasalanan niya dito—kung alam niya sana ay hindi na niya dapat iyon ginawa. Kinakain siya ng konsensiya niya ngayon at hindi niya mapapatawad ang kanyang sarili

"Mama, maganda na ako. H'wag mo na akong itapon" Humihikbing usal ni Jennylie na halos hindi na makahinga sa sobrang iyak

"H-hindi na Jennylie, hindi ko na ulit gagawin 'yun. Patawarin mo ako anak ko—" Nagsisisi niyang pagsusumamo dito

Kahit na napatawad na siya ng kanyang sariling anak hindi niya pa din makakalimutan ang ginawa niyang kabaliwan dito. Hindi siya makatulog sa gabi dahil sa sinabi ni Jennylie na siya pa din si Jen ang kinamumuhian niyang anak dito

Pinili ulit nitong mabuhay kahit mag-iba na ang itsura niya ang tanging gusto lamang ni Jen ay mahalin siya ng kanyang ina katulad ng pagmamahal nito kay Jennylie

Chương tiếp theo