Lumuhod si Gu Jingze at hinubad ang suot na sapatos ni Lin Che para tingnan kung may pasa ba doon.
Nahihiya namang pinanood ni Lin Che si Gu Jingze na hawak-hawak ang kanyang paa. "Uy, mabaho ang paa ko! Buong araw akong nakasapatos at hindi pa ako nakaligo."
Tumingin sa kanya si Gu Jingze. "Okay lang. Hindi din naman ako nagreklamo noong nasa mukha ko ito. Kung talagang nandidiri ako sa paa mo, baka naitapon na kita paalis sa kama noon!"
Napangiti siya. "So, bakit naman hindi ka nandidiri?"
Hinaplos ni Gu Jingze ang kanyang paa. "Wala namang point kung mag-iinarte ako eh nasa iisang bahay lang ako kasama ng isang tulad mo. Mas mabuti pang sanayin ko nalang ang sarili ko."
Maya-maya'y isinuot muli nito ang kanyang sapatos.
Nanatili pa ring nakaupo sa shopping cart si Lin Che. Ngumiti siya kay Gu Jingze at sinabi, "Itulak mo na. Ayoko pang bumaba."
"Ang tamad mo talaga."
Bagama't umaarte itong tutol, itinulak pa rin nito ang cart.
Nakaupo lang doon si Lin Che habang panay ang utos kay Gu Jingze.
"Gusto ko ang talong na 'yon doon."
"Ah, parang gusto ko ng chips."
"Gu Jingze, bilis-bilisan mo namang magtulak. Tingnan mo. May discount doon oh!"
Nag-eenjoy si Lin Che sa ginagawa samantalang naiinis namang nagtutulak si Gu Jingze. Pero parehong masaya ang kanilang mga mukha habang naglilibot doon. Naiinggit namang nakatingin sa kanila ang mga tao.
Nagkomento pa ang iba, "Nakakainggit naman ang babaeng iyon. Alagang-alaga talaga siya ng boyfriend niya!"
"Ba't ka naman maiinggit. Tingnan mo nga ang mga hitsura nila. Napakaganda ng babae diba. Kung siya ang girlfriend ko, talagang ganyan din ang gagawin ko."
"Ano ka ba? Hindi mo rin ba nakita ang mukha ng lalaki? Sobrang gwapo niya!"
"Oo nga. Pero alam mo, parang pamilyar ang lalaking 'yon."
"Akala ko 'yong babae ang parang familiar."
"Ah ewan! Basta pareho silang maganda't gwapo. Bagay na bagay silang dalawa."
Dahil sa sobrang excitement, hindi nila namalayan na mapupuno na pala nila ang tatlong malalaking bag ng mga pinamili nila.
Si Gu Jingze mismo ang nagdala ng lahat ng mga bag na iyon palabas. Inalok siya ng tulong mga staff na nandoon pero tumanggi siya't sinabi na siya nalang ang magbibitbit papunta sa sasakyan.
Nag-alok din ng tulong si Lin Che, "Bigay mo sa'kin ang isa. Tulungan na kita."
Tumanggi rin si Gu Jingze, "Sa liit ng mga kamay na iyan, hmmm wag nalang!"
Napasimangot si Lin Che pero habang pinapanood niya ito na bitbit ang kanilang mga pinamili ay hindi niya maiwasang hindi mapahanga sa karisma't kakisigan nito.
Kusa siyang napangiti sa isiping iyon at sumakay na sa sasakyan.
Pagdating nila sa bahay ay napasimangot na naman si Lin Che nang magsisimula na siya sa pagluluto.
Nagsuot siya ng apron pero medyo kinakabahan siya dahil hindi talaga siya magaling sa paggamit ng kutsilyo.
Mula sa gilid ay tahimik na nanonood sa kanya si Gu Jingze at natutuksong tulungan siya.
Lalo na sa tuwing mumuntikan ng dumikit ang talim ng kutsilyo sa daliri ni Lin Che. Parang tatalon ang puso niya sa kaba.
"Okay, okay. Tutulungan na kita sa paghiwa ng mga gulay," hindi na nakatiis na sabi ni Gu Jingze.
"Hindi na kailangan. Kaya ko naman ito. Tingnan mo oh, medyo gumagaling na ako sa paggamit ng kutsilyo. Napakabilis ko talagang matuto… Aray ko…"
Napangiwi si Lin Che. Nadulas ang kanyang kamay at nasugatan ang kanyang daliri.
Nahulog sa sahig ang kutsilyo dahil sa kanyang pagkabigla. Mabuti nalang at maliit lang iyon kaya diretso lang itong bumagsak sa sahig. Pero ganoon pa man, nakakakaba pa rin iyon kung sakaling tumama man sa paa niya.
Mabilis na lumapit si Gu Jingze at hinawakan ang kanyang kamay. Maraming dugo ang lumalabas mula sa nasugatang daliri.
Hinaplos ni Gu Jingze ang daliri niya. "Ikaw talaga… Sinabi ko na sa'yo na ako na ang gagawa nun."
Pagkasabi nito ay direktang inilagay ang daliri ni Lin Che sa bibig nito.
Pinagmasdan ni Lin Che ang mga kilay nito habang sinisipsip ang kanyang daliri. Napakainit sa pakiramdam. Ramdam niya ang dila nito na marahang humahaplos sa daliri niya.
Nakatayo lang siya doon at tahimik na nakatitig kay Gu Jingze. Habang nakatingin sa mga mata nito ay biglang nag-init ang kanyang mukha.
"Marumi…" Panay mga gulay ang hawak niya kanina kaya naisip ni Lin Che ang marumi ang kanyang daliri na nasa bibig nito.
Pagkatapos sipsipin nang huling beses ay binitiwan na ni Gu Jingze ang kanyang daliri. Tiningnan nito nang maigi kung may dumudugo pa.
Kinuha nito ang first aid kit at tinakpan ng band-aid ang sugat.
Nakasimangot na tiningnan ni Gu Jingze si Lin Che at pinaupo sa gilid. "Diyan ka na lang. Maupo ka lang diyan. Hindi ka talaga nag-iingat. Huwag kang aalis diyan."
"Pero ang pagkain…"
Tiningnan ni Gu Jingze ang recipe. "Ako na ang magluluto."
"Ah… Nakakahiya naman." Masaya siya dahil hindi na siya magluluto pero nahihiya siya dito dahil sa pangako niya.
Kinuha ni Gu Jingze ang kutsilyo at nagsimula na sa paghihiwa. Nilingon niya si Lin Che at sinabing, "Ayokong magpatuloy ka pa sa pagluluto dito dahil baka mamaya, sunugin mo pa ang buong bahay."
". . ." Inirapan siya ni Lin Che. "Ikaw ang may kasalanan nito. Ikaw naman kasi ang nagrequest na magluto ako!"
Nilingon siya uli ni Gu Jingze, "Ang sabihin mo, napakatanga mo lang talaga. Huwag ka ng gumawa ng ibang dahilan."
Mabilis ang mga kilos ni Gu Jingze. Naghihiwa ito ng mga gulay habang nakatingin sa recipe. Katulad na katulad ng nasa libro ang hugis at hitsura ng mga hiniwang sangkap.
"May recipe na nga pero palpak pa rin ang ginawa mo. Napakahina talaga niyang utak mo."
Pinanood lang ni Lin Che ang pagluluto nito. Para itong isang modelo. Hindi siya makakatanggi.
Sumandal si Lin Che sa may counter habang nasisiyahang pinapanood si Gu Jingze. Bigla siyang may naalala, "Ah, oo nga pala. Natatandaan mo pa ba ang manager ko, si Yu Minmin?"
"Oo naman, siyempre."
"anong ibig mong sabihin diyan sa 'oo naman, syempre' mo?"
"Bakit? Sa tingin mo ba'y katulad mo ako na mahina ang memorya?"
". .. " Pakiramdam ni Lin Che ay palagi nalang siyang dina-down nito.
Hindi nalang nagkomento si Lin Che. "May nangyari kasi sa kanya nitong araw lang."
Habang nagpiprito ay nagtanong si Gu Jingze, "Ano'ng nangyari?"
Pahayaw na ipinaliwanag ni Lin Che kay Gu Jingze ang nangyari at nagpatuloy, "Sa tingin ko'y napakahusay na tao ni Miss Yu."
"Ba't mo naman nasabi iyan?"
"Napakagulo ng pamilya niya pero napakahusay niya pa rin sa trabaho. Binibigay niya talaga ang kanyang best para walang makaalam sa ganoong sitwasyon ng bahay nila. Sa tingin ko'y ganito dapat ang isang propesyonal, hinihiwalay ang personal na buhay at ang trabaho. Siguro kung hindi pa kami masiyadong naging close tulad ngayon, tiyak na hindi ko malalaman na ganito pala ang nangyayari sa kanya."
Nag-isip nang malalim si Gu Jingze at medyo bumagal ang kanyang kilos.
Pero, agad din namang bumalik ang pokus niya sa pagluluto.
Hindi nagtagal ay inihain na niya ang pagkain.
"Ito, tikman mo 'to." Sabi ni Gu Jingze.
Tiningnan iyon ni Lin Che. Mukhang masarap. Kinuha niya ang kanyang chopstick at nag-aalangang sumubo.
Hindi niya inaasahan na sobrang sarap pala nun.
Namamanghang tiningnan niya si Gu Jingze, "Huwag mong sabihin sa'kin na marunong ka palang magluto."
Sumagot si Gu Jingze, "First time kong magluto ngayon."
"Imposible!"
Pinunasan ni Gu Jingze ang kamay at inihanda ang isa pang pagkain.
"Sinunod ko lahat ng instruction sa recipe. Kaya syempre, tama din ang kalalabasan."
"Pero ginawa ko rin iyan noon. Bakit magkaiba ang lasa?"
"Ibig sabihin, hindi ang recipe ang problema. Ikaw. Ikaw ang may problema. Napakabobo kaya hindi na ako magtataka."
". . ."