webnovel

Dumalaw si Mo Huiling

Huminto sa paglalakad si Lin Che para lingunin ito. "Lagi na tayong nagkikita. Hindi mo na kailangang tawagin ako ng Miss Lin. Hindi ako komportable."

Tumigil saglit si Gu Jingze at tumango rin. "Okay, Lin Che."

Makahulugan ang kanyang tingin dito. "Ano man ang nangyari ngayon ay hindi na ulit mangyayari... hindi naman talaga siya pumupunta dito palagi. Hindi pa siguro siya masyadong nakakapag-adjust ng kanyang emosyon kaya ganon."

"Oh, okay lang 'yon. Kahit saang banda, naiintindihan ko naman kung bakit siya nagagalit. Kung ako siya, hindi ko rin talaga mapipigilan ang sarili ko. Talagang susugod ako para suriin ang aking kaaway, kaya naiintindihan ko talaga siya. Mag-focus ka nalang sa relasyon mo sa kanya."

Itinaas ni Gu Jingze ang kanyang kilay. Habang pinagmamasdan niya itong nauutal na magpaliwanag, lumalim ang kanyang tingin bago muling ibinaba ang kanyang ulo.

Kinabukasan...

Sinundan ni Lin Che si Yu Minmin sa venue kung saan gaganapin ang audition.

Malamig na sinabi sa kanya ni Yu Minmin, "Ang seryeng ito ay isang mythological drama na nakabatay sa isang nobela, kaya medyo mabigat ang background nito. Ang bidang lalaki ay si Gu Jingyu at ang bidang babae naman ay si Mu Feiran. Ang role na pag-aaudition-an mo ay isang supporting role bilang ghost hunter. Isa ito sa mga mahahalagang roles, kaya mas mabuti kung makuha mo ang role na'to.

Naiintidihan namang tumango si Lin Che. Bagama't pakiramdam niya na kadalasan ay hindi ibinibigay sa kanya ang ganito kagandang role, hindi rin naman siya nabibigyan ng pagkakataon na makapag-audition noon. Kaya, inaabangan niya talaga nang sobra ang audition na ito.

"Nagpapasalamat talaga ako sa ating company na binigyan ako ng ganitong pagkakataon," sabi niya.

Binigyan naman siya nito ng makahulugang tingin.

"Hindi na kailangang sabihin pa 'yan. Ikaw mismo ang nagbigay nito sa'yong sarili. Sa totoo lang, hindi ako masyadong umaasa sa'yo, pero dahil nandito naman din tayo, sana pagbutihin mo ang iyong audition."

Tumango si Lin Che. "Opo. Gagalingan ko, Ms. Yu."

Sanay na sanay na si Lin Che sa ganitong uri ng audition. Pinili niyang magsuot ng maikling dress na blue at nag-ayos ng sarili. Looking fresh and clean, matiyaga siyang nakatayo at naghintay sa may venue.

"Next, Lin Che."

Mula sa loob ay narinig ng director at ng staff ang pangalan at nagsimulang tingnan ang kanyang portfolio. Bilang isang di-kilalang artista, talaga namang refreshing ang kanyang dating. Pero, ang ganito kahalagang role ay hindi basta-basta ibinibigay sa mga baguhan. Baka isa na naman itong artista na isiningit lamang sa pila ng isang investor.

Ganito ang iniisip ng director habang walang pakialam na nagsisindi ng sigarilyo.

Subalit, nang itaas niya ang kanyang ulo, agad niyang napansin ang isang babae na mukhang tunay at totoo. Ibinaba nito ang ulo at magalang na yumuko sa director. Nang tumingin ito sa itaas, mapapansin ang kulay-rosas nitong mukha. Ang kanyang mga mata ay parang isang lawa na bahagyang nagpapa-alon-alon at nang humaplos ang liwanag ng ilaw sa kanyang magandang mukha, nag-iwan ng malamig na anino ang kanyang mga pilikmata sa ibabang bahagi ng mga talukap nito. Ang kanyang labi ay gaya ng mga talutot ng cherry blossoms. Kaya nitong makapag-anyaya sa pagnanasa at makapagdulot ng kabalisahan sa puso ng sinuman.

Sa industriyang ito kung saan karamihan ay naka-plastic surgery, bihira na lang talaga ang makakita ng batang artista na natural lang ang ganda.

Mabilis niyang tiningnan at sinuri ang portfolio nito.

Lin Che, 23, babae. Talagang baguhan pa lang siya. Ang ilan sa mga roles na ginampanan niya ay halos walang mga pangalan.

Ngunit, ang angkin nitong kagandahan habang nakatayo doon ay hindi kaagad malilimutan.

Tumahimik ang buong silid. Sa sobrang tahimik, para bang maririnig ang tunog ng isang karayom na nahulog. Ang atensiyon ng lahat ay nakatuon sa napakagandang dilag na nasa entablado. Nakasuot ng kulay-blue na dress, ang mga naroroon ay parang nangakahulog sa isang ilog na patuloy na nalulunod at wala ng pag-asang makaahon pa.

Nandoon din si Lin Li para mag-audition. Nang hilain nito pabukas ang kurtina, nakita niya si Lin Che sa gitna at napataas ang kanyang kilay. Habang tinitingnan niya ang reaksiyon ng lahat, hindi niya maiwasang mag-isip na kapansin-pansin nga ang ganda ni Lin Che ngayon.

Kailan pa nagsimulang gumanda ang babaeng ito?

Huminga nang malalim si Lin Che at binigkas ang ilang linya na kanyang hawak. Nang matapos na, pakiramdam niya ay hindi naging maayos ang kanyang performance kaya hindi siya masyadong confident. Itinaas niya ang kanyang ulo upang tingnan ang mga naroroon ngunit lalo lang siyang nahiya. Pinapagalitan niya ang kanyang sarili dahil pumalpak na naman siya. Simula noong makapagtapos siya sa drama academy, marami na siyang audition na sinalihan. Nasanay na siya sa ganitong kabiguan, noon pa man.

"Director, tapos na po ako sa aking performance."

"Okay." Hindi siya tiningnan ng director dahil abala ito sa pagsusuri ng kanyang portfolio.

Tahimik namang lumabas si Lin Che.

Pero bago pa man siya makaalis doon, nilapitan siya ni Yu Minmin. Mukha itong masaya na parang hindi makapaniwala sa narinig, "Lin Che, ikaw ang napili para sa role na ghost hunter bilang si Chen Yihan. Bumalik ka doon at ihanda mo ang iyong sarili. Ang kompanya na ang bahalang gumawa ng contractual arrangement para sa'yo."

Akala ni Lin Che ay mali ang kanyang narinig kaya hindi kaagad siya nakasagot.

Siya ang napili? Hindi siya makapaniwala.

Nung una, hindi naman siya masyadong umaasa, pero ngayon, pakiramdam niya nanalo siya sa lotto.

"Maraming salamat, Ate Minmin. Babalik na ako do'n at ihahanda ang aking sarili."

Tiningnan ulit siya nang makahulugan ni Yu Minmin bago ngumiti. "Okay. Bumalik ka na doon at maghanda na."

Hindi niya talaga inaasahan na mapipili siya ngayon. Napakahirap ng role na ito at maraming mga artista ang sumubok para makuha ito habang siya ay isa lamang baguhan.

Napakasaya ni Lin Che nang dumating sa bahay; subalit, pagpasok niya palang sa loob, kaagad niyang nakita ang isang babae na nakaupo sa isang couch na kadalasang ginagamit ni Gu Jingze.

Nandito si Mo Huiling.

Kahit hindi man totoo ang kasal nila ni Gu Jingze, napaka-awkward pa rin sa kanya ang makaharap si Mo Huiling.

Sana sa susunod, pumili naman si Gu Jingze ng ibang lugar kung saan makakapag-date silang dalawa. Napaka-akward naman ng ganito.

Pero nandoon naman din si Mo Huiling, ngumiti na rin siya at binati ito. "Hi, nandito ka pala. Mauna na ako sa loob. Hindi niyo na kailangang mag-abala pa."

Tumayo si Mo Huiling at ngumiti nang mapakla. Tiningnan nito si Lin Che at sinabi, "Bakit ka umaalis at parang iniiwasan ako? Balang araw, magkakaharap din naman tayo ah."

Ano?

Hindi makapaniwala si Lin Che. Pero, napansin niya kaagad ang talim sa mga titig nito. Napaka-obvious.

Tumingin si Mo Huiling kay Lin Che. "Kahit pa sinabi sa'kin kahapon ni Gu Jingze na pinilit lang siya ng kanyang pamilya na magpakasal sa'yo, hindi ko pa rin alam kung anong paraan ba ang ginamit mo para makuha ang loob ng mga Gu. Pero, gusto ko pa ring linawin ang lahat sa'yo. Bata pa lang kami, magkasama na kami ni Jingze. Nagmamahalan kaming dalawa simula pa man noon. Hinding-hindi kami mapaghihiwalay ng kung ano man 'yang binabalak mo. Sana naman maintindihan mo ang iyong posisyon. Alam kong mabait si Jingze, pero may iniingatan siyang reputasyon at katungkulan. Mas makabubuti sa'yo kung maintindihan mo na hindi mo siya kayang maabot!"

Dahil dito, kaagad nawala ang maganda nitong impresyon sa kanya.

Habang nakatingin sa mayaman at mahinhing babae sa kanyang harapan, nang-uumay na tumawa si Lin Che. "Tutal nasabi na ni Miss Mo na pinagkakatiwalaan mo siya nang sobra, then hindi mo na kailangang sabihin pa ang lahat ng ito sa'kin. Makakaasa ka, Miss Mo. Hindi ko rin ginustong pakasalan siya. Aksidente lang ang lahat. Hindi ako makikialam sa inyong relasyon. Sabi mo pa nga, nagtitiwala kayo sa isa't-isa. Please, patuloy ka lang magtiwala sa kanya."

Nang mapansing hindi nagpapatinag si Lin Che, nagdilim bigla ang mukha nito. "Oo, nagtitiwala ako sa kanya pero hindi ko kayang burahin ang katotohanang naiiba siya. Napakarami ng babae ang nagpakita ng interes sa kanya. Hindi ikaw ang una o ang huli. Miss Lin, binabalaan kita na mag-iingat ka. Ako at ako lang ang mahal ni Jingze. Hinding-hindi siya mapapabago ng kahit sinong babae. Pag nalaman kong may ginawa ka sa kanya, hinding-hindi kita mapapatawad."

Nagwalang-bahala lang si Lin Che.

Hi po. Kumusta po kayo? How's your reading? Feel free to comment down po. Masaya po akong mabasa ang inyong mga komento.

a_FICTION_atecreators' thoughts
Chương tiếp theo