webnovel

Daddy Lucas (Finale: Lucas)

"Kain lang, Kuya. Mukhang napagod ka sa viaje ah." wika ni Lucho habang nasa hapag-kainan silang tatlo.

"Oo eh. Alam mo namang halos limang oras din ang viaje mula atin hanggang dito." sagot ni Lucas. "Hmmm. Sarap nitong pagkain niyo brother ah."

"Talaga? Itong baby ko ang nagluto niyan." tugon ni Lucho at saka sabay akbay kay Addy.

"Kaya pala. Unang tikim ko pa lang pamilyar na sa'kin 'yung lasa eh." halos mabilaukan naman si Addy sa narinig.

"Ahhh. Ano... baby, excuse me. Punta lang akong CR. Me... medyo nasamid lang ako."

Hindi mapakali si Addy ng mga sandaling iyon. Una, hindi niya akalain na ang ikinekwento pa lang kapatid ni Lucho ay si Lucas na dati niyang housemate. Halos pukpukin niya ang sarili kung bakit hindi niya kaagad nakita angg resemblance nila, kung bakit hindi niya napansin na parehas Antonio ang surname nila. Halos panawan siya ng kanyang ulirat ng sandaling magtagpo muli ang kanilang mga mata. Hindi niya alam ang dapat maramdaman. Napatawad na niya si Ivan ngunit si Lucas, hindi niya pa alam. Hindi niya pa sigurado.

"Oh, ayos ka lang? Hindi ka na nakabalik sa lamesa kanina." Si Lucas ang bumungad kay Addy pagkalabas nito ng banyo. Naghuhugas ito ng plato. "Si Lucho ba? Lumabas. Bumibili ng alak. Magba-bonding kami eh. Ang tagal na rin kasi. Sana okay lang sa'yo."

"O...oo naman."

"Gusto mo... sali ka sa'min?" parang natuklaw ng ahas si Addy nang marinig iyon. Akala niya'y wala ng epekto sa kanya ang mga antics na ganoon ni Lucas ngunit andoon pa rin pala. Sa kabilang banda, wala namang ibang ibig sabihin si Lucas ngunit napansin niyang tila naging uncomfortable si Addy.

"Ah... ano, hindi na. Sige, pasabi na lang kay bab... kay Lucho nasa unit ko lang ako. May kailangan lang akong tapusin sa school. Sige, babye."

***

"Anong plano mo kay Zoe at Zaijan, Kuya?" wika ni Lucho habang umiinom ng alak.

"Hindi ko nga alam, 'tol eh. Sa totoo lang, hindi ko ba alam kung paano magsisimula ulit. Ang hirap pala. Pero alam ko namang hindi ko sila dapat pabayaan eh. Kaso ang totoo, clueless talaga ako sa mga mangyayare. Nakakatakot pero wala naman akong choice. Nakakatakot pero hindi ko dapat ipakita, hindi dapat ako magpasindak kasi paano na 'yung pamilya ko." nakatingin sa kawalang sabi ni Lucas.

"Hanga nga ako sa'yo 'tol eh. Ang lakas mo. Ang hirap ng pinagdaanan at pagdadaanan mo pero kinakaya mo naman. Pero 'tol, siguro ang gusto ko lang sabihin, wala namang masama maging mahina minsan, walang masama makaramdam ng takot, kaya nga kami andito diba? Kasi alam mo, hindi naman sa lahat ng oras kaya nating dalhin ang sarili natin. Kaya kami nandito."

Napatingin ng makahulugan si Lucas kay Lucho. Nakatingin din ito sa kanya. Sa hinaba-haba ng panahon na naging malakas siya, parang sinasabi ng sarili niya na pwede niyang ibaba muna ang mga armas na ipinalibot niya sa sarili niya ng matagal na panahon upang magmukhang malakas. At hindi nagtagal ay unti-unti nan gang tumakas ang mga mabibigat na emosyon sa kanyang sarili sa anyo ng mga luha.

" 'Wag kang mag-alala, Kuya. Bumuti man o lumala man 'yang pinagdadaanan mo, kakampi mo naman ako lagi."

Naging mabuti ang epekto sa dalawa ng kanilang pag-uusap. Nanumbalik ang koneksyon nila sa isa't isa na panandaliang nanlamig dahil sa paglayo ni Lucho. Ginamit nila ang pambihirang pagkakataon na ito upang magkwentuhan at magkumustahan kung anu-ano na nga ba ang nangyare sa kanilang dalawa sa loob ng mahabang panahon nagkawalay sila. Marami pa silang napag-usapan.

***

"Haaaaay. Sa wakas! Natapos din. Nakakapagod, pero kakayanin. Para sa pamilya." wika ni Lucas habang inaayos ang mga gamit at naghahanda pabalik sa condo unit ng kapatid.

Habang nagba-viaje papunta sa paroroonan, hindi niya hindi maiwasang isipin at matawa sa sitwasyong kinasasangkutan niya ngayon. Sa dinami-dami ba naman ng taong magugustuhan ng kapatid niya, si Addy pa. Si Addy na naging malaking parte ng buhay niya at ng kanyang pagbabago. Si Addy na nagpamulat at nagparanas sa kanya ng maraming bagay. Kung sa totoo, hindi niya naisip pa na muli silang magkikita. Sa laki ng Pilipinas at sa gulo ng Maynila, hindi niya akalaing magpapanagpo pa ang kanilang mga landas at sa hindi pa inaasahang pagkakataon.

Kitang kita niya kung paanong mailang sa kanya ang binata. Sa loob ng anim na buwan nilang pagsasama ay kahit papaano, nakilala na niya ito. Alam niya kung kalian ito kumportable at hindi kumportable. Alam niya kung kalian ito nahihiya at kung kalian ito palagay. At simula ng dumating, bakas nab akas sa mga kilos at mata nito ang pangingilag... na kanyang naiintindihan ngunit ikinakalungkot.

Sa totoo lang, nasa sa kay Addy ang lahat ng dahilan upang siya ay kagalitan, wika ni Lucas sa kanyang isip. Iniputan niya sa ulo ang kasama sa bahay dati at tinuhog pa niya ang magkasintahan, sanhi upang sila'y magkawalaan. Sa totoo lang, hindi niya naisip na pwede pa lang humantong sa ganoon ang mga bagay bagay. Basta ang alam niya lang noon, magpakasasa sa kasarapan, kahit pa bawal. Ngunit totoo nga ang kasabihan. Ibang maningil ang tadhana. Pwedeng matagalan, pero hindi pwedeng hindi ka dadatnan.

Nadatnan niya si Addy na nagluluto ng hapunan nila sa unit ni Lucho. Mukhang wala pa ang kasintahan nito.

"Haaaaay! Nakakapagod. Mabuti naman natapos ko na itong kailangan kong isubmit sa main office." ngunit walang natanggap na tugon si Lucas mula kay Addy. "Ang bango niyang niluluto mo ah. Ano 'yan?" pero tila nakikipag-usap lang siya sa hangin.

"Kumusta ka na, buddy? Graduate ka na? Ang laki na ng pinagbago mo ah." totoo naman, malaki na talaga ang ipinagbago ni Addy simula pa nung huli nilang kita. Mas naging defined ang katawan nito at pumusyaw din ang kulay. "Grabe, parang dati lang hindi ka ganyan kagwapo ah ngayon mukha ka ng bigtime. Nakaka—"

"Pwede bang tumahimik ka na?"

"Ba... bakit? May nasabi ba akong mali? Na-offe—"

"Seryoso ka ba? Tinatanong mo ako kung may nasabi kang mali?" sakto namang natapos n ani Addy ang pagluluto kaya pabalang niyang ibinagsak ang pinaglutuan sa banggerahan. "Lahat ng sinasabi mo, mali! Lahat ng ito, mali! Itong sitwasyon na 'to? Maling mali!" napahilamos na lang si Addy ng kamay sa kanyang mukha. "Putang-ina. Alam mo 'yon? Putang-ina. Kung makapagsalita ka parang wala lang ah? Parang walang nangyare? Parang wala kang kasalanan? Parang wala kang nasaktan? 'Kumusta ka na Addy, ang laki na ng pinagbago, graduate ka na ba?'. Eh putang-ina, wala ka ng pakialam don. Oo malaki na talaga pinagbago ko, at isa sa pagbabagong nangyare sa buhay ko ay nung umalis ka." napayuko na lang si Lucas na nadinig.

"Alam mo hindi ko rin talaga maintindihan itong tadhana eh ano. Okay na ako eh. Nakakamove-on na ako sa mga nangyari dati. Unti-unti na akong naniniwala na kaya ko na ulit magsimula ng bago. At sa totoo lang, nasa proseso na ako. Excited na nga ako, eh alam mo 'yon? Excited na akong grumaduate mula sa ka-miserablehan na kinasadlakan ko nung nagkanda-leche leche ang buhay ko isang taon na ang nakakaraan." napabuntong hininga na lang si Addy. "Pero ano 'to? Ano na naman 'to? It's just too soon eh, ano 'to pumapapel ka na naman?"

"Addy... sorry. Alam kong nagulo ko 'yung niyo ni Ivan dati dahil sa katarantaduhan ko at handa akong akuin 'yung pagkakamali na 'yon." pagpapaliwanag ni Lucas.

"As you should! Mukhang nagbago ihip ng hangin ah. Parang nung dati lang ako 'yung sinisisi mo ng buong buo kung bakit tayo napunta sa ganito pagkatapos ngayon, heto? Sorry? Sorry... sorry din. Sorry kung hindi ko na kayang maniwala sa mga sinasabi mo." punong puno ng emosyon na sagot ni Addy.

"Addy... alam ko naging tarantado ako dati pero ngayon, han---" hindi pinatapos ni Addy si Lucas.

"Ano ba talagang pakay mo, Lucas ha? Utang na loob naman. Okay na ako eh. Okay na kami. 'Wag ka ng manggulo pa. Alam ko kapatid ka ni Lucho pero sana naman lumugar ka. Nanggugulo ka na naman eh. Bakit, wala ka na ulit ma-kantot sa Quezon? Tigang ka na naman?!"

Sasagot sana si Lucas upang ipaliwanag ang lahat ngunit biglang bumukas ang pinto at iniluwa nito si Lucho kasama ang anak nito.

"Ohhh? Okay lang kayo? Kanina pa kayo dito?" tanong ni Lucho.

Dali-dali namang nagtanggal ng apron si Addy at inihanda ang hapag-kainan. Nanatiling nakatingin lang si Lucas kay Addy. Nang matapos ihanda ang hapunan...

"Baby... alis muna ako. May mga gagawin pa kasi ako eh. Nasa unit lang ako. Kita na lang tayo bukas."

Mabilis pa sa alas-kwatrong lumabas ng unit si Addy. Nagkatinginan naman si Lucas at Lucho.

***

Kinaumagahan...

"Paano 'tol? Uuwi na ako sa Quezon. Wala na akong gagawin dito eh." pagpapaalam ni Lucas sa kapatid.

"Hindi ka na ba talaga mapipigilan 'tol? Ang bilis mo naman eh. Dito ka muna. Wala ka namang iintindihin dito eh. Na-miss lang kita ka-bonding." sagot ni Lucho.

"Na-miss din kita 'tol, pero kailangan ko na talagang umuwi eh. Hinihintay na ako ng mga pamangkin mo at saka... pupuntahan ko pa si Lia bukas."

"Ahhh. Oo ng apala, 'tol. Siya sige. Ikumusta mon a lang ako sa pamangkin ko ha. Pakisabi makikita na nila ang pinaka-pogi nilang tito sa mga susunod. Ako naman ang uuwi sa'tin." wika ni Lucho.

At unti-unti nan gang naglakad palayo si Lucas.

Samantala, pagkauwi ni Lucho ay nadatna niya si Addy sa kanyang unit. Bakas sa hitsura nito na marami itong iniisip at maraming bumabagabag sa kanya. Kaya naman minabuti niyang tabihan ito at kumustahin.

"S... si Kuya Lu... Lucas mo? Naka-uwi na?" nag-aalangang tanong ni Addy kay Lucho.

"Oo eh. Iniintay na siya ng mga anak niya." napansin ni Lucho na hindi palagay si Addy. "Okay ka lang? Bakit parang may gumugulo sa'yo, baby?"

"Ah ano... wala 'to." pagdedeny ni Addy at saka naglabas ng pekeng ngiti.

"Come on. You know you can tell me everything. Dali, makikinig ako."

Tiningnan muna siya ni Addy ng mga ilang segundo at saka napagpasyahan ni Addy na sabihin dito ang buong katotohanan. Aniya, bilang kaniyang nobyo ay nararapat lamang na malaman nito ang lahat patungkol sa kanya, lalo na ang namagitan sa kanila ng kapatid nito. Kung ano man ang mangyari, masakit man o mabuti ay kailangan niyang tanggapin.

"Siguro napapansin mo na medyo ilag at hindi ako okay kapag nanjan 'yung kuya mo. Ang totoo kasi niyan..." napabuntong hininga si Addy bago niya sabihin ang totoo. "...ang totoo kasi, may nangyari na sa amin dati... dating dati pa. Hindi lang isa, hindi lang dalawa... kung hindi maraming beses." ngunit nanatiling nakatingin lang kay Addy si Lucho. "So...sorry, baby. Hi... hindi ko talaga alam na siya 'yung sinasabi mong kuya mo. Hindi ko rin naman kasi akalain kasi sa laki ba naman ng mundo siya pa pala 'yung sinasabi mong kapatid mo."

"Pero bilang nobyo mo, karapatan mong malaman ang lahat ng ito." sinimulan nga ni Addy ang paglalahad ng kwento sa nobyo. Detalyado. Kumpleto. At walang halong panglilinlang. Kung minsan ay bakas pa dito ang kahihiyan sa pagkekwento ngunit kinaya niya dahil gusto niyang maging tapat sa nobyo. Nang matapos ang kanyang kwento ay unti-unting bumuhos ang luha ni Addy. "So...sorry, baby. Sorry talaga. Sorry kung nilihim ko. Sorry sa inasal ko. Maiintindihan ko kung... kung hi...hindi mo na ako kayang tanggapin, o kung kailangan mo munang lumayo. Alam ko--"

Ngunit ginawaran lamang ni Lucho si Addy ng isang masuyong halik. Pagkatapos nito'y ikinulong ni Lucho si Addy sa kanyang mga palad at buong puso niya itong kinausap.

"Salamat, baby. Salamat." kitang kita ang pagtataka sa pagmumukha ni Addy. "Salamat kasi ipinagkatiwala mo sa akin 'yung past mo kahit gaano kahirap. Nakita ko 'yung struggle mo sa pag-alala ng mga bagay na nangyari sa inyo ni kuya, pero ginawa mo pa rin... para sa akin. Salamat." tuluyan nang umagos ang luhang kanina pa pinipigilan ni Addy. "At kung ang ikinakatakot mo ay baka mabawasan ang pagmamahal ko sa'yo, nagkakamali ka. Sa totoo lamang ay mas lalo akong humnga sa'yo, mas lalo kitang minahal. Sana mas napaaga 'yung dating ko sa buhay mo para hindi mo na kinakailangan pang pagdaanan 'yung masasakit na bahagi ng nakaraan mo. Pero nahuli ako eh." pagpapatuloy nito. "Okay na rin siguro 'yon. At least, nandito na ako. At ang tanging mapapangako ko lang sa'yo, hindi man maging perpekto ang relasyon natin pero araw-araw pa rin kitang pipiliin, okay man tayo o hindi."

***

Sa totoo lang ay tila nabunutan ng tinik sa dibdib si Addy ng mga sandaling iyon. Parang nakahinga siya ng maluwag. Ngunit ang mas ikinagulat niya ay alam na pala ng nobyo ang lahat bago pa sila muling magkita ni Lucas. Nai-kwento na palang lahat ni Kuya Lucas niya ang nangyari sa kanila noon at humingi rin ito ng paumanhin. Kahit ilang beses sabihin ni Lucho na wala naman itong dapat ihingi ng tawad sa kaniya dahil hindi pa naman sila noon, ay humingi pa rin ito ng tawad dahil paniguradong magugulo sila kapag nagpangita silang muli. At iyon nga ang nangyari.

"Pero alam mo, baby. Alam ko sobrang sama ng ginawa ni Kuya sa inyo, kay Ate Lia... pero pakiramdam ko naman, sa lahat ng pinagdaanan niyang masasakit nitong nakaraan, pakiramdam ko naman nakabayad na siya." nagtaka si Addy sa tinuran ni Lucho.

"Masasakit?"

"Oo." at napagdesisyunan ni Lucho na ibahagi kay Addy ang ilan sa mga pinagdaanan ni Lucas matapos ang insidente kahit ayaw ipasabi ng kanyang kuya. "Matapos kasi 'yung nangyari sa inyo, kaagad din siyang bumalik ng Quezon dahil bukod sa doon na siya destino ulit, ay malapit ng manganak si Ate Lia. Ngunit iba siguro talaga ang naging epekto sa kanya ng mga karanasan niya sa Maynila kaya naman kahit nasa Quezon, hinanap-hanap niya 'yung naranasan niya sa Maynila." napabuntong-hininga si Addy sa narinig. Kahit papaano'y alam niya na siya ang nagpakilala kay Kuya Lucas niya ng ganoong gawain kaya pakiramdam niya ay isa siya sa dapat sisihin sa pagbabago nito.

"Kilala mo naman si Kuya kapag nililibugan hindi ba?" nanlaki ang mata ni Addy. "Oo, tama ang nasa isip mo. Kahit nasa Quezon na siya, may iba pa siyang tinitira lalo na at buntis si Ate Lia. 'Yung bagong assistant sa opisina nila na lalaki, parang nahalata niyang panay ang tingin sa kaniya. Inakit niya hanggang sa may mangyari sa kanila. Mga ilang beses pa daw nangyare iyon... sa opisina nila madalas, pero misan nagmomotel sila." pagpapatuloy nito. "Noong mga sandaling iyon, dahil nga may kalokohan si Kuya... madalas gabi na siya umuuwi. Naghihinala na pala si Ate kaya minsan, naisipan niyang puntahan si Kuya sa opisina at doon niya nakita 'yung pagtataksil ni Kuya sa kanya."

Napatakip ng bibig si Addy. Hindi niya lubos maisip ang sakit na nararamdaman ng kanyang Ate Lia ng mga panahong iyon. Nakakatawa nga dahil sumisimpatya siya sa kanyang Ate Lia ngayon ngunit noong siya ang nagpapakasasa sa asawa nito ay hindi niya iyon naisip.

"Ayon, samakatuwid, naeskandalo sila... nag-resign 'yung office staff at umalis si Ate Lia sa bahay nila kahit pa ka-buwanan na niya. Nalaman na lang ni Kuya isang araw na isinugod si Ate Lia sa hospital dahil manganganak na. Akala ni Kuya ay maayos na ang lahat pagkatapos manganak ni Ate pero sadyang mapaglaro ang tadhana." pagpapatuloy ni Lucho.

***

"Zoe... Zaijan! Bilis na. Hinihintay na tayo nina Mommy mo, tsaka ni Lolo at Lala niyo. On the way na rin sina Tito Pogi mo." pag-aariya ni Lucas sa mga bata.

May selebrasyon kasi sila ngayong araw at magkikita sila ni Lia at ng mga magulang nito. Pauwi rin si Lucho pati na rin si Addy. Halos wala pa nga siyang tulog dahil busy siya sa pagluluto, ngayon naman hindi siya magkamayaw sa pagbibihis sa mga bata. Nang masiguradong ayos na ang lahat ay kaagad na silang nagtungo sa lugar kung nasasaan sina Lia at ang mga magulang nito.

Habang binabaybay ang daan ay hindi nito maiwasang hindi magbalik-tanaw sa mga nangyari. Aaminin niyang ang dami niyang natutunan sa lahat ng kaniyang pinagdaanan at pinalakas siya nito ngunit kung pupwedeng ibalik ang dati ay pipiliin niya sanang gawin ang tama. Natutunan niya kasi ang mga bagay-bagay na kailangan niyang matutunan sa marahas na paraan.

Hindi nagtagal ay nakarating din sina Lucas sa lugar na napag-usapan. Nakita niya doon ang mga magulang ni Lia ganoon din ang ilang kaibigan. Nandoon na rin si Lucho at Addy at base sa mga tingin ni Addy, mukhang kakagaling lang nito sa pag-iiyak. Nginitian na lang niya ito ng pilit sapagkat hindi ito ang oras para sa mga ganoong bagay. Kaagad na tumakbo ang mga bata sa kanilang lolo at lola. Siya naman ay binigyan lang ng isang tango ng mga ito. May kaunting galit pa sa puso ng mga ito ngunit unti-unti na namang nawawala.

Naging busy ang lahat. Nagkwentuhan. Naghalkhakan at higit sa lahat... kumain. Maya-maya pa, habang busy ang lahat ay naisipan ni Lucas na puntahan si Lia. Mga ilang hakbang lamang ay narating nito ang kaniyang puntod.

"Kumusta ka na, Hon? Okay ka ba jan?" napatawa siya ng kaunti. "Ang tagal mo na rin pala jan 'no? Hehe. Buti ka pa... samantalang ako dito...nahihirapan." at kahit na anong pigil ay tumulo ang mga luha niya. "Mi...minsan nga gusto ko ng sumuko, minsan gusto ko ng sumunod jan... kasi ang hirap eh. Ang hirap ng mag-isa... ang hirap ng wala ka."

"Pero siguro deserve ko 'to... deserve kong mahirapan, sa laki ba naman ng kasalanan na nagawa ko sa lahat ng mga tao... lalong lalo na sa'yo. At saka kapag nakikita ko 'yung mga bata, naaalala kita. Naaalala ko 'yung mga pangarap natin para sa kanila. Kaya kahit pagod na ako... kahit parang ayaw ko na, laban pa!" wika nito habang pinupunas ang luhang walang tigil sa pagpatak.

Maya-maya pa ay may naramdaman siyang yabag ng mga paa sa likod niya. Nang kaniya itong lingunin ay nakita niya si Addy, walang patid ang pagbuhos ng luha. Nang siya ay tumayo, nagulat na lamang siya ng bigla itong yumakap sa kanya at saka humagulgol. Hindi na rin niya napigilan ang sarili at napayakap na rin ito pabalik at saka umiyak. Kay tagal na rin simula nung may yumakap sa kanya at mayroon siyang balikat na naiyakan.

"Kuya... Kuya... sorry. Hindi ko alam. Sorry, kuya." hagulgol ni Addy.

"Ano ka ba... wala kang dapat ihingi ng paumanhin. Wala kang kasalanan. Ako itong dapat humingi ng tawad sa'yo kasi ang laki ng kasalanang nagawa ko sa'yo. Sa... sana dumating 'yung panahon na..."

"Okay na kuya. Okay na." wika nito habang patuloy pa rin ang pagluha. "Pasensya ka na kung natagalan bago kita mapatawad. Pasensya ka na sa inasal ko nung nasa Maynila ka pa. Pasensya na kasi dahil sa galit ko, hindi ko napansin na may ganito na palang nangyayari sa'yo. Sorry, Kuya." at muli silang nagyakapan.

Habang nakayakap ay nakita niyang papalapit sa kanila si Lucho. May ngiti sa mga labi nito at ng ito'y tuluyang makalapit, inalo nito ang dalawa. Nang maghiwalay sila sa pagkakayakap...

"Ku...kuya, nalaman ba ni ate 'yung tungkol sa..."

" 'Yung sa atin? Hindi. Hindi ko nasabi sa kanya. Pero sa totoo lang balak ko na aminin lahat noon eh." wika nito. "Pero dahil ayan, sinabi mo na... yari ka. Alam na niya." at nagtawanan silang tatlo.

"Ate... si Addy ito. Pasensya ka na ha? Alam kong malaki ang naging kasalanan ko sa'yo at hindi ko alam kung paano ko mababayaran iyon. Pati na rin sa'yo Kuya. Ako ang naging mitsa ng pagbabago mo. Pero sana... mapatawad niyo ako."

***

Minsan, nakakagawa talaga tayo ng mga bagay na hindi natin akalain na siya din palang sisira sa atin sa huli. Parte ito ng pagiging tao natin sapagkat hindi naman talaga tayo perpekto. Mas mainam pa nga ang mga pagsusulit sa eskwelahan sapagkat doon, kailangan mo munang mag-aral upang may matutunan at pagkatapos ay saka ka susubukin. Ngunit sa buhay ay baliktad. Kailangan ka munang subukin, bago ka matuto.

Gaano man tayo naging masama noong nakaraan ngunit nainiwala akong nilikha ang tao na likas na mabuti. May kakayahan ka pa ring magbago. Huwag mong kalimutan na ikaw ang may hawak ng buhay mo. Kagaya ni Lucas, gaano man kagago noon, ngunit nagawa niyang unti-unting makaahon. Mahirap ang proseso. Hindi ito isang gabi lamang at pakiramdam mo'y kaya munang muli. Ito ay araw-araw na desisyon. Araw-araw mong pipiliin ang mas mabuting bersyon ng sarili mo hanggang sa tuluyan nang maging ikaw ito.

Kaya sa mga taong nakakagawa ng mali, palagi niyong tatandaan na ang mali ay inyong ginawa, hindi ang iyong pagkatao.

Alam kong may mga tanong pa rin sa inyong mga isip kahit na nagwakas na ang kwentong ito. May nakatagpo kaya si Lucas na bagong pag-ibig? O 'di kaya'y nagtaksil kaya muli si Addy? O baka naman pinagsaluhan ng magkapatid si Addy? Minarapat kong hindi na isulat ang lahat ng tungkol dito dahil ito ay pawang kalabisan na. Ang inyong malilikot at pilyong imahinasyon na lamang ang makakasagot kung ano na nga ba ang susunod para kay Lucas.

*WAKAS*

Ang kwentong ito ay muling binuksan hindi lang upang kilitiin ang mga mapaglarong imahinasyon ng mga mambabasa kung hindi upang magbigay aral na rin. Akin na muling isasara ang kwento ngunit sana ay manatili ang mga aral ng mga bawat karakter sa kwento.

Maraming salamat sa muling pagpapatuloy sa inyong imahinasyon kay Lucas... ang ating Daddy in the City.

Chương tiếp theo