webnovel

Buddy ol' Pal

"Kung kelan naman nagmamadali…" nausal ni Joyce sa sarili habang nakapila sa counter sa isang convenience store.

Walong tao pa ang nasa unahan niya papunta sa mismong cashier. Ang iba'y ilang piraso lamang ang dalang items samantalang may mangilan- ngilang nasa grocery basket pa ang mga pinamili. Hindi pa man lamang siya nakakaisang branch sa mga branches na nakatakda niyang i-audit ngayon. Nasiraan kasi ang bus na sinasakyan niya at hindi naging madali para i-transfer sila sa ibang sasakyan dahil sa rush hour ng mga oras na iyon. At sa sobrang tagal ng kaniyang binuno sa pagbibiyahe pa lamang mula Quirino Ave. papuntang Makati, heto't hindi pa tapos ang kaniyang kalbaryo. Sa isang bottled water na bibilhin niya dala ng sobrang uhaw ay aabutin pa yata siya ng kalahating oras bago ito mabayaran. Isang buntong hininga ang kaniyang pinawalan.

"Ow, never mind,.." bulong niya sa sarili bago umalis ng pila saka ibinalik ang bibilhin sanang inumin sa chiller.

Batid niyang gagahulin na siya sa oras para matapos ang limang branches na kaniyang pupuntahan ngayon. Kailangan pa niyang maglakad at umakyat sa isang footbridge para tumawid saka maglakad ulit bago masapit ang isang branch. Mabilis niyang tinungo ang pintuan ng nasabing convenience store na para bang nagkukumahog. Agad niyang kinabig ang glass door upang lumabas habang nakatingin sa kanyang wrist watch mag- aalas nuwebe y medya na. Dahil hindi nakatingin sa kaniyang daraanan ay bigla niyang nakabanggaan ang lalaking papasok naman sa entrada ng tindahan.

"Ooops! I'm sorry,…" halos magkasabay nilang bigkas sa isa't- isa.

Napatingin ang lalaki sa kaniya at siya rin naman dito. Sa pagtatagpo ng kanilang mga mata ay tila bahagyang naging mabagal ang pag- inog ng mundo. Tila nawala lahat ng distractions, pansamantalang tumahimik na parang tanging sila lamang at walang ibang taong nasa paligid. Hindi siya maaaring magkamali, ang taong nasa harap niya ngayon ay ang kaniyang kababatang si Benjie. Bagaman ay malaki na ang pinagbago ng hitsura nito sixteen years ago ay nababanaag niya ang facial features na sigurado siyang ito lamang ang nagmamay-ari. Sa mahabang panahon noong bata pa siya na kasama ito sa halos lahat ng paglalaro na ginagawa ay hindi niya ito maaaaring makalimutan. Ang dati niyang playmate. Ang kasama niya sa paghahabulan, pagbibiruan at pagtatawanan. Paano nga ba niya malilimutan ang mga kasiyahang pinagsaluhan nilang dalawa.

Titig na titig ito sa kaniya na para bang sinusuring mabuti kung kilala siya nito. May pagkunot ito ng noo at halos magsalubong ang mga kilay nito sa pagsisino sa kaniya.

"J-joyce…?" tila nag-aalangang banggit nito sa pangalan niya.

"Benjie, Benjie dela Cruz?" nakangiti niyang tanong rin dito.

Nang mabanggit niya ang pangalan nito ay saka lang ito nakakibo sa pagkakatayo. Nasapo nito ang noon ng masigurong siya nga ang babaeng tinutukoy. Tila ba sa tagal ng panahon ay hindi ito makapaniwalang magkikita pa silang muli. Sa sobrang kasabikan ay natapik niya ito sa kanang bicep nito. Sa paglapat ng kaniyang palad dito ay damang- dama niya ang nanlalaban nitong mga laman na para bang tumapik siya sa isang uri ng matigas na kahoy.

"Hoy, kumusta ka na?!" tanong niya rito.

"Wait, lets move a little bit here on the side…" wika nito.

Dahan- dahan itong napahawak sa mga braso niya saka may pag-iingat na iginiya siya sa bandang gilid sa labas ng tindahan. Tila kasi nagiging obstruction sila ng mga customers sa daanan na hindi na rin niya napansin sa sobrang excitement. Tila nakaramdam siya ng kaunting pagkapahiya sa nangyari ngunit hindi naman ito binigyang- pansin ng huli. Damang- dama niya ang init ng mga palad nito sapagkakadait sa kaniyang balat. Tila may elektrisidad na tumaloy sa kaniyang buong katawan sa mga sandaling iyon.

"Ikaw ba, kumusta ka na?" balik tanong nito sa kaniya. "I never knew that this day will come, I'm, I'm so happy to see you…"

Bakas na bakas niya ang sinseridad sa mukha ng kausap. Napakatamis ng ngiti nito at tila magneto ang mga mata nitong tumititig sa kaniya. Hindi rin maitatangging napakakisig nitong tingnan. Sino ba naman ang mag-aakalang ang dating patpatin niyang kalaro ngayo'y kahanga- hanga ang tikas ng katawan. Hindi man niya aminin pero humahanga siya sa kabuuan ng lalaking kaharap niya sa mga oras na ito.

"Saan ka na nakatira ngayon?" tanong niya.

"Sa Mandaluyong pero dito ang work ko sa Makati." sagot nito. "Ikaw ba, dito ka din ba nagtratrabaho?"

Sa pagkakabanggit nito sa salitang trabaho ay parang saka lamang nagbalik ang kaniyang ulirat na siya nga pala ay may mga naka linyang trabaho para sa araw na ito. Tila nanghinayang siya sa sandaling pakikipag-usap sa lalaki. Nais pa niya itong makausap sana ng matagal. She knew they got a lot of catching up to do but it seems that time would not allow them.

"No, meron lang akong branch na pupuntahan dito and I should be in there by now pero naabala ako kasi nasiraan 'yung bus na sinakyan ko papunta rito…"

"Uhhmm…, saan ba 'yun? Pwede kitang ihatid. May kotse naman akong dala."

"Wait, I think you have somethin'to buy inside." sabi niya. "Bumili ka muna, hintayin na lang kita dito…"

"Maybe later." sagot nito. "Ihahatid na muna kita para hindi ka na maghintay."

'That's so nice of you…', nais niya sanang sabihin dito damang- dama niya ang concern nito sa kaniya.

Tila nabawasan ang kaniyang pangamba sa trabaho ng magprepresinta itong ihatid siya sa pupuntahan. Ang isang black Toyota Vios sa parking space ng convenience store ang tinutukoy nitong sasakyan. Tila asensado na ang kaniyang kababata sa loob- loob niya at nakapundar na ng kotse. Lalo siyang nakaramdam ng paghanga rito. Isang taon lang ang tanda nito sa kaniya ngunit parang napakalayo na ng kanilang agwat pagdating sa antas ng pamumuhay. Pagdating sa kotse ay pinagbuksan siya ng pinto nito sa passenger seat. Ewan ba pero pakiramdam niya ay napakagaan ng katawan niya sa mga oras na iyon. Puno ng kasiyahan ang kaniyang kalooban. It's almost euphoric she would say.

"Saan ba iyong branch na pupuntahan mo?" tanong nito habang minamaneobra ang sasakyan.

Hindi siya agad nakasagot. Napasulyap kasi siya sa katabi habang nakahawak sa manibela. Lalaking- lalaki ang dating nito. Ang tindi ng atraksyong hatid ng kabuuan nito sa kaniya. Maging ang samyo ng mamahaling pabango nito'y nagdadala sa kaniya sa ibang dimensyon. The smell is too sexy to describe.

"Ahh, d'yan sa Ayala Branch." matipid niyang sagot.

Pansamantalang katahimikan ang namagitan sa kanilang dalawa. Napakabuti ng lalaki sa kaniya. Sa kabila ng huling naganap sa pagitan nilang dalawa noong mga bata pa sila. Ang pangyayaring tinuldukan ang kanilang pagiging magkalaro. Isang bagay na tila naging daan upang ganap siyang mawalan ng isang kaibigang sana'y makakasama pa niya habang sila'y lumalaki. Sa totoo lang, matagal na niyang gustong makabalita dito. May pag-sesearch siya sa social media ng pangalan nito ngunit hindi niya masumpungan. Gusto niyang makaharap ito at makausap higgil sa isang bagay na hanggang ngayon ay patuloy na bumabagabag sa kaniyang konsensya.

"Ang nanay mo, si Aling Rose, kumusta na siya?" biglang tanong niya rito.

"Uhmm, she's not doing well, may sakit siya,.." sagot nito bago bumaling sa kanya. "She's in stage 4, lung cancer…"

"I'm sorry…" sagot niya. "Iyong mga kapatid mo, kumusta na sila?"

"Okay naman. Tapos na sila pareho sa college. Pero wala pang work kasi pinakiusapan ko munang sila ang mag- intindi kay mama. Saka na lang muna sila maghanap ng trabaho kapag okay na si mama." 'Or kapag patay na si mama.'

Natatanaw na niya ang branch na pupuntahan mula sa dashboard ng sasakyan. Alam niyang maaaring ito na ang una't huli nilang pagkikita ni Benjie kayat naisip niyang bago man lamang bumaba sa sasakyan ay masabi na niya ang bagay na dati pa niya gustong- gusto na sabihin dito. Nilingon niya muna ito. Tila napakahirap na ilabas ng kaniyang bibig ang mga katagang sasabihin ngunit alam niyang ito ang magpapalaya sa matagal na niyang kinikimkim na guilt sa kaniyang sarili.

"B-Benjie, bago ako bumaba gusto ko sanang magso-"

"Ito na ba 'yun? Ayala branch, I'm sure this is it, right?" putol nito sa kaniyang sasabihin na tila hindi nito narinig.

"Y-yeah…"alanganing tugon niya sa kabila ng pagkakaudlot ng kaniyang sasabihin. "Thanks…"

"So, what can I say, see you around, sana magkita pa tayo ulit." nakangiting sambit nito.

"O-oo, ako din…" sagot niya.

Tila nag-aalangan siyang bumaba ng sasakyan sa pagkakabitin ng kaniya sanang sasambitin dito kanina. Alam niyang ito na ang tamang panahon upang ganap ng mawala ang bigat sa dibdib na kaniyang matagal ng dala-dala. Ngunit parang hindi ito ang tamang pagkakataon. Pero hindi siya papayag na mawalang saysay ang pagkikita nilang ito. Marahil hindi nga ito ang angkop na panahon para doon. Kaya kailangang hindi maputol ang komunikasyon nilang dalawa upang doon ay kaniya ng maihingi ng tawad ang ginawa rito.

"Wait,.." biglang sabi niya rito. "Do you have a facebook account? You know, just in case I need a ride again…"

"Hahaha," tawa nito sa biro niya. "Yeah, I have. Search mo lang, 'Bladed Benjie…'

Kaya naman pala hindi niya makita- kita ang pangalan nito sa fb ay iba pala ang ginagamit nitong pangalan.

"Whoa, that's sharp, huh? Sige, i-add mo ako ha, kapag nag-request ako sa iyo…" sagot niya ritong nakangiti.

"Naman,.. ikaw pa ba?"

"Salamat ulit sa paghatid."

"No big deal… bye,…"

Tuluyan na nga siyang bumaba ng sasakyan at hinatid na lamang ng tingin ang lalaki na kumaway muna sa kanya bago muling pinaandar ang sasakyan. Natutuwa siya na hindi mapuputol ang kanilang ugnayan sa araw na ito. Pagdating niya ng bahay, ang paghahanap sa account ng lalaki ang unang- una niyang gagawin, pangako niya sa sarili. Naging napakaikli ng kanilang pag-uusap. Tila ba nabitin siya sa kanilang kumustahan. Napakarami pa niyang gustong itanong at sabihin. Lalong- lalo na ang paghingi ng tawad dito.

Habang nagmamaneho naman si Benjie ay nagpupuyos siya sa galit. Sa dami ng taong kaniyang makakasalamuha ay ang taong pinaka-kinasusuklaman niya ang kaniyang makakaharap. Tila sinadya ng tadhana na magpanagpo sila sa hindi inaasahang pagkakataon. Hindi niya iyon napaghandaan kayat hindi niya maitatangging nabulaga siya. Tila naumid ang kaniyang dila na ipamukha rito ang kamaliang ginawa sa pamamagitan ng masasakit na salita. Galit na galit siya na hindi man lamang nakanti o nalapatan ng kaniyang palad ang mga pisngi nito upang sampalin.

Sa lahat marahil ng taong nagbintang sa kaniya, ito ang gustong- gusto niyang bawian. Sa kabilang banda, alam niyang mas maganda ang nangyari. Matagumpay niyang naitago ang kaniyang poot dito. Naging kampante itong kasama siya. Katunayan, hiningan pa siya nito ng impormasyon upang manatiling may ugnayan sa pagitan nilang dalawa. Marahil ay talagang gusto nitong humingi ng paumanhin sa kaniya kaugnay sa ginawa nito pero hindi niya ito binigyan ng pagkakataon.

"Huh, at balak mo pang mag- sorry," mag- isa nitong kinakausap ang sarili. "No way! Kailangan mo munang magbayad!"

Hindi sinasadyang napadiin ang kaniyang kamay sa busina ng sasakyan.Todo ang kaniyang inis na halos nanginginig ang kaniyang mga palad. Nagngangalit ang kaniyang mga ngipin at ang kaniyang mga kilay ay tila sungay na handang manuwag. No words can describe how much he hate the girl. Sa pagkakataong ito'y nagkaroon siya ng mas magandang plano. Naisip niya na tama lang na hindi siya nagpakita ng masamang asal dito. Napangisi siya sa larawang nabuo sa kaniyang isipan.

"Sige, maglalaro ulit tayo… gusto kong maglaro ulit tayo. The game is on, Joyce…. "

Chương tiếp theo