Halos maihi ako nang mapilit ako ni H na sumakay sa roller coaster. Sobrang takot ako sa heights pero sabi niya:
"Nakahinto na ang oras, KJ ka pa rin?"
Kaya ito, halos bumaliktad ang tyan ko pagkababa.
Sobrang saya ka tropa nito ni H. Parang tingin ko namaster na niya talaga kung papano kumilos sa nakahintong oras. Pagtapos kong medyo mahimasmasan sa pagsuka, nagpahinga muna kami sa mga rides at naisipan naming kumain sa malapit na food court.
"H, diba, kikilos lang ang mga bagay kapag hawak ko? Papano kapag nagbato ako ng bagay, gano kalayo bago mag apply sa kanya yung nakahintong oras?" tanong ko. Sobrang curious ko sa ganto.
"Bakit di mo subukan?" sagot niya na nag abot sakin ng pinggan na nasa harapan niya. Kinuha ko ang plato at binato sa ere na parang frisbee. Malayo ang narating nito pero nagtuloy tuloy lang ang lipad ng plato hanggang mabasag sa lupa.
"Hindi nakabase sa distansya. Nakabase sya sa gusto kong mangyari." pagyayabang niya.
"Bakit mo pa pinabato sakin kung sasagutin mo din pala." natatawa kong tanong.
"Alam ko lang na matutuwa ka magbato ng mga bagay bagay. Haha" maloko niyang sagot.
Confirmed na X-men 'to si H, pero nagtanong na din ako.
"X-men ka ba?" parang tangang tanong ko. Pang tanga yung tanong ko pero seryoso ako.
"Kung anong gusto mong itawag sakin, bahala ka. Hahaha. Gusto ko lang malaman mong sobrang nerd mo para yan ang una mong maisip sakin. Haha" tawanan naman ang naging reaksyon naming dalawa sa sagot niya.
Sobrang saya magkaron ng break sa lahat ng bagay. Walang office, walang bawal, walang iisipin kung may pera pa ko, walang ibang taong iisipin at higit sa lahat, may kasama akong genie na may unli-time. Hindi ko na kailangan ng wish, nandito na sa mundo lahat ng gusto ko.
"Alam mo, hindi ka naman takot sa mataas e" biglang sabi niya habang naglalakad kami palabas ng Theme Park. Naka suot sya ng wizard hat habang nainom ng shake. Mas lalo pa syang nagmukang timang nung nag suot sya ng malaking bilog na salamin na pang nerd kasi si Harry Potter daw sya.
"Hala, nakita mo ba kung pano ako nagsuka pagtapos tayo paikut-ikutin sa ere. Tapos, dude, yung unang pababa, tingin ko naihi ako sa pantalon - natuyo lang" paliwanag ko, habang naka suot ng wizard hat at nainom ng shake. Mas muka din akong tanga kasi naka Harry Potter glasses din ako.
"Takot kang mahulog. Magkaiba yun." sagot niya.
"Malamang, what goes up, will go down, diba? Boom, argument won. Hahaha" pagyayabang ko dahil may alam akong matalinong linyahan.
Sumagot lang sya ng "Hmmm" tapos biglang binato yung shake niya sa ere tapos nag snap. Huminto sa ere yung shake niya kahit naka kalat ang shake dahil lumabas sa baso.
"The shake begs to differ, good sir." patawa niya.
"Napaka daya mo." pabiro ko syang sinuntok sa balikat.
Pakiramdam ko nagkaron ako ng kuya kay H. Bigla akong nagkaroon ng tunay na kaibigan. Kailan ba ko huling nagkaron ng kaibigan? Kelan ako nawalan ng tiwala sa mga tao? Hindi ko na maalala.
Bakit ako naging ganito ka makasarili?
"Dude, gusto kong masubukang mag drive!" bigla kong naisip. Hindi din nag atubili si H na pumunta sa pinaka malapit na kotseng nakita namin sa labas. Binuhat niya palabas ng kotse yung driver at mga gamit nito para daw "magaan".
"Mag seatbelt ka lang kasi pwede ka pang mamatay dito." paalala ni H habang nasakay sa passenger's seat.
Pagtapos niyang sabihin sakin kung papano at kung nasaan ang andar, ang preno, kung saan kinokontrol ang bilis at wag na wag akong babangga ng tao dahil pwede silang mamatay parin, sinubukan ko nang paandarin yung kotse.
Inarangkada ko ang kotse sa malawak na parking at pinaandar ng paikot ikot bago ko dinala sa kalsada. Ang sarap sa pakiramdam. Binilisan ko ng binilisan. Gusto kong subukan yung ginagawa nila sa Fast and furious na biglang nililiko ung kotse para huminto. Mabilis na mabilis na kami. Sobrang iresponsable ng ginagawa ko pero papanong hindi ako maeengganyong gawin yun kung tuwang tuwa pa si H sa mabilis na andar ng kotse.
"Iliko mo na! Sept!!!" sigaw niya. Bigla kong niliko yung kotse para huminto, pero imbis na tumigil, nasobrahan sa bilis kaya lumipad sa ere yung kotse na nagpabaliktad nito sa pagtalsik. Sa ganung bilis, siguradong iikot ikot kami.
Gusto kong sabihing "halos naihi ako sa takot" pero para sa katotohanan, kailangan kong tanggalin yung salitang "halos".
Isang palakpak ni H ang nagpahinto sa kotse habang nakalutang. Nagkatingin kaming dalawa habang nakabaliktad. Pinahinto niya ang oras ng hawak kong kotse kaya nakahinto lang 'to ngayon sa ere.
Ang lakas ng tawa niya nang makitang niyang namumutla ako. Kahit sino naman mamumutla.
Over-Powered na X-men si H. Pinilit kong lumabas sa kotseng nakalutang. Tinalon ko pa yung medyo mataas na kinahintuan nito. Nagsuka lang ako ulit pagkalapag ko sa lupa.
"Sobrang awesome nun!" sigaw ko pagtapos kong magsuka. May kakaibang pakiramdam ang kalayaan. May kakaibigang pakiramdam ang pagiging carefree. Sobrang sarap maging malaya sa consequences.
"Anong susunod na gusto mong gawin?" tanong niya.
Ang dami pa naming napuntahan. Mahabang oras sa arcade. Sinubukan ko ring tumira sa mansyon na nakita namin. Yun ang ginawa naming headquarters. Lahat ng bagay na gusto ko, dun ko nilagay. Inisip ko na akin na muna ang mansyon na yun.
Isang beses naisip ko ring pumunta sa studio ng mga artista. Gusto kong magpa picture kay Sarah G. Crush na crush ko si Sarah kaya hindi na din ako nahiyang magpasama kay H papunta dun. Ang dami ding artista ang nakita ko kaya nagpa picture na din ako sa kanila. Mahilig si Mama sa mga artista kaya matutuwa yun kapag may picture ako ng mga paborito niyang artista.
Medyo problema lang kasi halos lahat sila hindi nakangiti. Alam niyo yung itsura ng mga taong nakuhaan ng litrato ng stolen at hindi sila handa. Halos lahat sila ganun. Bukod sa mga katulad ni Jolina na saktong nakangiti habang may kausap. Pinlit kong pihitin ang mga pisngi nila para makangiti pero lalo lang silang nagmukang timang.
Tumagal ang panahon ng ganito, hinayaan ni H na nakahinto ang oras hanggat gusto ko. Tinanong ko sya kung kelan tatagal na nakahinto, sabi niya lang "wag kang mag alala, magsabi ka lang sakin kapag ibabalik ko na sa dati".
Sa tagal nang nakukuha ko ang mga gusto ko - natuto na kong mag drive kaya hindi ko na sya kinailangan. Nag-aral na din akong mag operate ng mga rides sa theme park kung sakaling gusto kong maglaro at sumakay sa rides, nilagyan na din kasi ni H ng mode na pwedeng remote ang control para kahit ako ang nakasakay pwedeng ako na ang mag operate. Nag aral din akong mag operate ng mga sinehan para makapanuod ng palabas na gusto ko - nagkahiwalay din kami ni H.
Nag stay sya sa gitna ng malawak na damuhan ng isang park. Puntahan ko na lang daw sya kapag meron akong kailangan. Minsan pinupuntahan ko sya kapag gusto ko lang ng kausap at malapit na kong mabaliw na ko ng mag-isa.
Masarap din kausap si H. Madami syang kinukwentong alam niyang mga buhay ng mga tao. Alam niya lahat ng mga kwento nila. Na kwento niya rin ang buhay ng mukang hiniram niya ngayon para makita ko. Kwento ng Pastor na madaming pinagdaanan sa buhay. Pastor na nakakaintindi sa iba.
"Kumuha lang ako ng tao sa isip mo para makita mo ko dito bilang tao. Taong posibleng na kilala mo na dati, o makikilala mo palang" paliwanag niya sa Pastor-look niya. Kung sa totoo lang, wala akong pakealam kung anong looks niya. Astig sya sa paningin ko, kaya kahit tindero sa palengke ang itsura niya o magpa final interview, ok lang.
Ang dami kong nagawa habang nakahinto ang oras. Ang dami kong napuntahan. Halos lahat kaya ko nang makuha. Naglagay ako ng madaming pera sa bahay para kay Mama para kung sakaling mag start ulit yung oras. Hindi na niya iisipin ang manghingi sa tatay ko. Madami na syang pera. Magreresign na din ako para mag negosyo kami ni Mama. Kahit anong negosyo. Sa dami ng pera ngayon na meron kami, hindi na problema yun.
Dumating ang panahon na nagsasawa na ko. Ready na kong bumalik ang oras. Nagawa ko na lahat ng gusto kong gawin. Hindi ko alam na dadating ang panahon na sasabihin kong sawa na ko sa lahat ng bagay sa mundo. Nakakapagod din pala ang magpahinga. Tapos na ang bakasyon, ready na kong lumaban ulit. This time, sobrang equip na ko sa buhay.
Nagdala ako ng sandamakmak na gamit sa bahay para sa paglabas ko sa isang tibok(ganito gustong tawagin ni H 'tong lugar na 'to). Nang madala ko na lahat ng gusto ko. Pumunta ako kay H.
"Oh, napadpad ka dito, kelangan mo ulit ng kausap?" tanong niya.
"Oo sana, pero hindi na lang ikaw ang gusto kong kausap." pagsisimula ko.
"Ready na kong bumalik ang oras." diretso ang sagot ko sa kanya.
"Sigurado ka?" tanong niya.
"Oo. Medyo nakakasawa na din ang ganito. Ready na kong magkwento tungkol sa ganitong nangyari sakin kay Mama. Nagsulat na nga ko ng libro tungkol sa lahat ng ginawa ko." pagmamalaki ko habang pinakita ang makapal na notebook na ginawa kong journal. Alam ko boring mag journal, pero subukan mong magkaron ng unli-time, maiisipan mo ding magsulat.
"Ohhh. Tungkol dun." nag-iba ang tono ni H. May halong pagkadismaya ang boses niya.
"Hindi ka na makakabalik." casual lang ang sagot niya. Parang guard na nagsasabi lang sakin na hindi ako pwedeng pumasok dahil wala akong ID.
"Anong ibig mong sabihin hindi na ko makakabalik? Diba kaya mong paandarin na yung oras? Sabi mo sakin kaya mo diba? Magsabi lang ako sayo kapag ready na kong umandar ulit ang oras? Ano tong hindi ako makakabalik?" pagkalito at galit ang naramdaman ko.
"Oo naman. Kaya kong ibalik. Kaso, hindi mo ba naisip kung gaano kabilis ang tibok mo kumpara sa normal na oras?" mahinahon ang paliwanag niya.
"Nasa loob tayo ng isang tibok ng normal na puso. Tingin mo sa loob ng isang normal na tibok, nakailang tibok ka na simula nang pumasok ka dito?" pagpapatuloy niya. Hindi nawala ang ngiti niya habang nakatingin sakin.
"Ang ibig kong sabihin sa kung handa ka nang lumabas eh, lumabas. As in, lumabas. Haha" kilabot ang umandar sa batok ko sa sinabi niya.
Para akong binuhusan ng malamig na tubig habang nakatayo sa gitna ng damuhan. Nanlumo ako sa galit at takot sa mangyayari. Nakailang milyong tibok ng puso kaya ako sa loob ng isang tibok ng normal na puso ng tao?
Sasabog ang puso ko kapag nagsimula ulit ang oras. Mamamatay ako kapag nagsimula ulit ang oras. Lahat ng inipon ko, lahat ng dala dala ko sa bahay namin, walang kwenta na lahat yun.
Mamamatay na ko.
"Wa.. wala bang… ibang paraan?" parang nabuhol ang dila ko sa takot. Napalitan ang tingin ko ng pagka mangha sa taong nasa harapan ko. Ang dating mabait na Pastor na kasama ko, ang tinuring kong kaibigan - napalitan ng halimaw. Halimaw na naka formal attire at nakangiti sakin.
Tama ako nung simula palang, halimaw ang narinig kong nagtumba ng ref sa office.
Kailangan kong mapilit na mahanap ang tao sa kaibigang nasa harapan ko. Kailangan kong bumalik kay Mama. Kailangan kong mag sorry. Ibalik mo ko sa boring kong opisina kasama ang mga boring kong problema.
"H, akala ko, tropa tayo..." Takot na takot akong mamatay. Hindi pa ko handa. Pagkatapos ng lahat ng nakuha ko, hindi pwede.
"Hindi ko sasabihing wala. Hindi ko sasabihing meron. Mangyayari ang gusto kong mangyari." madiin ang pagkakasabi niya.
Sa ngayon, nakatayo ako sa harap ng isang OP na X-men. Wala akong kapangyarihan panlaban sa kanya. Wala akong ibang solusyon. Sobrang walang kwenta ang lakas ko. Pagtapos ng cool adventures naming dalawa, aabot kami sa ganitong twist of events.
Surprise villain si bwiset.
"Aalis ka, kasi bored ka na? Edi ngayon gawin nating mas exciting ang 'oras' nating dalawa, Sept." ganto ang sinabi niya habang nakatulala ako sa kanya.
Snap. Sa tunog ng mga daliri niya, sumabay ang malakas na hangin sa paligid. Dinig na dinig ko na ang kabog ng dibdib ko. Kada tibok, halos i compute ko kung naka ilang milyong tibok na ang utang ng puso ko sa loob ng iisang tibok sa kung nasaan ako ngayon.
Kasabay ng hangin ang paglipad ng mga piraso ng malalaking bato mula sa ibat ibang direksyon papunta sa likuran ni H. Nagsama-sama ang mga bato na bumuo ng Isang napakalaking Orasan. Nalipad sa hangin ang higanteng orasan sa bandang likuran ni H. Halos abot sa second floor ng normal na building ang taas nito. May mga numero din na mula ala-una hanggang alas dose pero nakagulo gulo ang mga numero. Nagpapalit-palit ang pagkakasunod-sunod ng mga numero kada tunog ng segundo.
Tik.
3, 1, 12, 11, 2, 4, 7, 10, 5, 8, 6, 9
Tok.
2, 11, 12, 5, 4, 3, 10, 1, 9, 8, 6, 7
Nagpatuloy ang pagpapalit palit ng numero kada tunog ng segundo. Ang tatlong kamay naman ng oras ay nakahinto lahat sa 9:15 na normal na oras. Ang oras bago magsimulang huminto ang oras.
"Pinasok mo ko dito para mamatay?!" sigaw ko kay H. Wala na kong ibang maisip sa takot sa mga nakikita ko kaya tumakbo ako palayo. Hindi ko gusto ang tunog ng bawat segundo. Tumakbo ako palayo kay H. Ilang minuto na lang ang meron ako bago niya ituloy ang oras? Sasabog ang puso ko sa dami ng tibok na inutang ko. Sumasabog na ang dibdib ko sa tibok sa pagpipilit tumakbo ng mabilis papalayo.
Pero san ako pupunta? San ako makakarating kung nakahinto ang buong mundo?
Papano ako tatakas? Ako lang mag-isa. Bakit nga ba ko naging makasarili?
Sigaw ni H ang huli kong narinig na kasabay ng hangin at ng pagtunog ng mga segundo.
"Hanapin mo ang sagot sa mga tanong na yan!"