webnovel

Kapitulo 12: Ang Prinsipe ng Bow-wow

"Halika!" masayang pag-aya niya kay Alfa.

"Saan tayo pupunta?" tugon niya habang binababa ang mga pinggan. Pinunas niya ang basang kamay sa suot na apron.

"Basta!" Hinawakan na niya ang braso nito at nagpunta sila sa may tapat ng garahe.

Binuksan niya ang trunk ng sasakyan at bumungad ang isang aquarium.

"Para sa alaga mong si Fifi." pagsurpresa niya sa kanya. "Pinasadya ko 'yan. May comfort room, kitchen at bed. May mini playground din kaya makakapag-exercise pa siya."

"Oh my gulay!" masayang napabulalas si Alfa. "Matutuwa ang baby ko niyan. Malaki na ang bahay niya. Salamat!"

"Sana nga matuwa ang pet roach mo. Cute naman pala siya kapag tinitigan ng matagal."

"Yes na yes!" pagsang-ayon niya. Smart din! Marami siyang tricks na kayang gawin! Ipapakita ko sa iyo minsan kapag hindi ka busy."

"Wow." Napabilib siya sa kakayanan ng maliit na ipis. "Marunong ba siya ng play "fetch"?"

"Oo! Gamit ko, palito ng posporo! Pagkahagis ko, dadamputin ng mga antenna niya at iaabot sa akin!"

"Ang galing pala ni Fifi. Mas matalino pa sa naging alaga ko noong bata pa ako na albino phyton na walang alam gawin kungdi mag-play dead. Isang araw, natuluyan na sa kaka-play dead."

Pinalapit ni Uno si Alfa sa may backseat at tinuro ang iba pa niyang mga regalo.

"Heto pa." Doon ay tanaw ang samu't-saring mga paper bags. Napatakip na siya sa bibig dahil sa dami ng binibigay sa kanya.

"Para sa akin ba lahat 'yan?

Tumango si Uno. Lihim siyang natuwa dahil kakaibang ningning ang nasisilayan sa hazel eyes ng dalaga.

"Ang dami! Naku, nakakahiya naman!"

"Sa dami ng naitulong mo sa akin sa gawaing-bahay, kulang pa 'yan."

"Hindi a!" di pagsang-ayon ni Alfa. "Sa pagtanggap mo sa akin sa tahanan mo, happy na talaga ako!"

Sa isang sulok kung saan maligayang nag-uusap ang dalawa ay pinagmamasdan pala sila ng isang lalaki na magdadalawang buwan ng hinahanap ang babaeng pinakamamahal.

Siya ay si Sean Eugin Torres, ang prinsipe ng bansang Bow-wow.

Kusa rin siyang nagtungo sa Earth upang hanapin ang fiancee. Napawi ang pag-aalala niya nang malaman na maayos naman pala ang kalagayan nito.

Ngunit iba ang pakiramdam niya sa lalaking kasama ni Alfa.

Mukhang hindi mapagkakatiwalaan. Nabagabag siya na baka ano pa ang gawin nito sa kanyang prinsesa.

Naisip niya na mas kailangang makumbinsing sumama ng dalaga sa kanya upang masigurong ligtas ito.

"Baka kasi naguguluhan lang siya." pagkumbinsi niya sa sarili kahit nasasaktan siya sa pag-ayaw nito sa kanya. "Susuyuin ko pa rin siya."

"Mabigat 'yan. Ako na." pagpigil ni Uno kay Alfa dahil binitbit nito ang lahat ng damit at abubot na pasalubong niya.

"Hindi ba sinabi ko, malalakas kami?" pagpapaalala niya. "Kaya ko ito!"

"Sige na. Pero ako na magdadala sa aquarium, ha." pag-offer na niya. Kahit kasing lakas pa ni Superman si Alfa, ayaw naman niya na magbuhat pa rin ito ng mabibigat dahil sa paningin niya ay babae pa rin ito na kailangan ng aruga.

Hindi pa nakakalayo si Alfa sa may gate ay may nahulog na isang shopping bag. Naapakan niya iyon at naging dahilan ng pagkakadapa.

Hindi na nakatiis si Sean sa mga nasasaksihan kaya napatakbo na siya sa kinaroroonan ng fiancee upang masaklolohan.

"Ayos ka lang ba?" pag-alalay ni Uno kay Alfa. "Ako na kasi ang magbubuhat. Hindi ka ba nasak-"

Hindi pa niya natatapos ang sasabihin nang hinatak na siya ni Sean at tinulak palayo. Dahil sa kanyang pwersa ay bumangga si Uno sa nakaparadang sasakyan.

"Anong problema mo?" pagtatanong niya sa estranghero na bigla na lamang sumulpot sa likuran nila.

"Inaalila mo ang fiancee ko!" pagbibintang niya habang dinuduro niya ito. "Anong problema ko? Ikaw ang may malaking problema! Paano mo nagagawa ito sa babae?"

"Hindi kita maintindihan! Naka-high ka ba?" Tinabig niya ang kamay ni Sean kaya mas lalo silang nagkapikunan. Sinunggaban niya si Uno sa kwelyo at pinagbantaan.

"Hindi ako makapapayag na saktan mo si Alfa! Ako ang makakalaban mo!"

"Ikaw pala ang fiance niya, huh?" pang-aasar ng kausap. "Should I say "ex"? Kaya pala iniwan ka niya, masyado kang possessive kahit hindi na nga "kayo"!"

Mas hinigpitan ni Sean ang pagkakahawak nito sa kaalitan na tila ba kaunting galaw na lang ay masasakal na niya ito.

"Sandali! Misunderstanding ito!" pag-awat na ni Alfa ngunit dahil uminit na rin ang ulo ni Uno, gumanti na rin siya ng pagsunggab sa kaalitan.

"Iwan mo na kami. Akong bahala sa mayabang na ito."

"Uno! Sean! Huminahon kayo!"

Hind na nila narinig ang mga pakiusap niya dahil sila ay nagsimula ng magbuno sa sementadong daan. Mabilis na nagtungo si Alfa sa barangay hall upang humingi na ng tulong.

Napailalim si Uno kaya ilang beses din siyang nasuntok sa mukha, dahilan upang pumutok ang kanyang labi. Ramdam niya ang lakas ng katunggali na mas higit sa kanya. Mabuti na lang at na-train siya at karamihan ng mga lalaking Semira, sa self-defense na akma sa mga ganitong kaso na mas malakas ang kaaway. Naipasa ang sikretong martial arts na ito mula pa sa mga ninuno nila na namuhay sa Tsina. Sila ang naisulat sa mga legend na "hunters" ng masasamang elemento katulad ng mga bampira at demonyo. Sa paglipas ng panahon ay unti-unti na silang nawala at ang mga Semira na lamang ang nakakaalam ng self-defense na ito.

Sa pag-agos ng dugo mula sa kanyang bibig ay mas ginanahan siya na makipaglaban. Mabilis niyang pinatamaan ang pressure point ng katunggali sa likod ng tainga upang madisbalanse ang enerhiya na mayroon ito. Nagdudulot din ito ng panandalian ngunit matinding sakit sa ulo at panga kaya madalas ay nawawala sa focus ang kahit sinong nilalang na mabiktima. Buong-lakas na bumaling pakanan si Uno kaya naibaligtad niya ang sitwasyon. Si Sean naman ang napahiga at nakatanggap ng mga suntok mula sa kanya.

Angas sa angas.

Yabang sa yabang.

Nagkabanggaan ang ego ng dalawang lalaki na abot-langit ang mga kumpiyansa sa sarili. Kahit na ilang suntok at sipa ang matanggap nila ay walang gustong sumuko.

"Ayan po! Pigilan niyo po sila!" Natatarantang tinuro ni Alfa sa mga tanod ang mga lalaki.

Pinaglayo na sila ngunit para silang mga halimaw na ayaw magpaawat. Sa inis ng mga tanod ay nahampas pa ng batuta ang kanilang mga binti upang magsitigil. Pinosasan sila upang madala sa Police Station.

"Hindi pa ako tapos sa iyo!" nanlilisik ang mga matang dineklara ni Sean. "Babalikan kita!"

"Anytime!" tugon naman ni Uno sa hamon nito. "Puntahan mo ako rito at babasagin ko ang mukha mo!"

Lalapit na sana si Alfa kay Uno nang pigilan na siya ng mga tanod.

"Kami na ang bahala rito, Miss."

"Uno..." pagtawag pa rin niya rito dahil hindi niya maatim na iwanan ito lalo na at tanaw niya na patuloy pa rin ang pagdugo sa noo at labi nito.

"Pumasok ka na sa loob." pagbilin ni Uno habang iniiwasan na tumingin sa kanya.

"Sasamahan na kita. Baka saktan ka nila!"

"Ang sabi ko, pumasok ka na sa loob ng bahay! Hirap ka bang umintindi?" naubos na ang pasensyang inutos niya kay Alfa.

Nagulat siya dahil sa naging masamang pakikitungo nito sa kanya samantalang nag-alala lamang siya.

Hindi niya napigilang maluha. Tumalikod na siya at nagtungo sa loob ng bahay. Doon ay tuluyan na siyang umiyak.

Maging si Uno ay hindi makapaniwala sa nagawa. Sising-sisi siya dahil alam niya na nasaktan niya ang damdamin ni Alfa.

Ayaw lang sana niya itong madamay pa sa gulo ngunit naging agresibo siya dala na rin siguro ng init ng ulo at sakit ng katawan.

Habang patungo sila sa estasyon ng mga pulis ay iniisip na niya kung paano makakahingi ng tawad at makabawi sa naging masamang asal.

Tahimik lamang na nagmamasid si Sean kina Uno at Alfa.

Hindi mapagkakaila na may pagtingin ang dalawa sa isa't-isa.

Naikumpara niya ang malamig na pakikitungo sa kanya ng dalaga sa reaksyon nito nang makita ang kalagayan ng katunggali.

Nagdamdam siya dahil hindi man lamang siya nagawang kumustahin nito kahit siya rin ay may mga pinsalang natamo.

Bumagsak ang kanyang mga balikat habang unti-unting naramdaman ang pagkadurog ng kanyang puso.

Chương tiếp theo