webnovel

Kapitulo 5: Ang Mahika ni Alfa

Maaga pa ay narinig na ni Uno ang pag-ring ng kanyang cellphone. Tinakpan niya ang tainga gamit ang unan dahil bitin na bitin siya sa tulog niya.

Napapanaginipan pa naman sana niya na malapit na niyang maibigti si Barney, The Purple Dinosaur, dahil sa pagsira nito sa kanyang kabataan at pagiging inosente. Inantok pa talaga siya ngunit ayaw siyang patahimikin ng tumatawag.

Nang damputin niya iyon ay nakita niya na si Luis pala iyon.

"Luis..." pagsagot niya sa tawag. "Ang aga mo, Brad!"

"Solve na ang problema mo!" excited na pagbati nito.

"Problema?" Umupo si Uno at nagtaka. "Anong problema?"

"Basta! Pumunta ka mamaya sa Black Swan Resto mamayang alas sais. May ka-date ka na!"

"Date?" Biglang nagising ang diwa niya sa binalita ng pinsan. "Paano?"

"May nakita ako na reliable na "dating app" daw." pagmamalaki nito. "Magugulat ka kung sinong ipapares ko sa iyo! Big time to, Dude! Nagmula pa sa Italy!"

"Sandali! Ayaw kong makipag-date! I-cancel mo!" pagtutol sana siya sa plano ngunit pinutol na ni Luis ang tawag. Sinubukan niya itong kontakin ngunit unattended na ang cellphone nito. Humiga siya muli at nagmuni-muni. Wala kasi siya sa mood na makihalubilo sa ibang tao mamayang gabi. Nais niyang umuwi ng maaga mula sa fan meeting at magpahinga muna.

Napag-usapan din kasi nila ni Alfa na tuturuan niya itong magluto ng adobo dahil inamin nito sa kanya na hindi niya alam kung papaano timplahin iyon. Sinubukan naman niya pero napasobra ang nilagay na suka kaya kilawin ang kinalabasan.

Nanghinayang siya dahil nais sana niya na makakwentuhan ang kakatwang kasambahay at mausisa pa ang pagkatao nito. Nagtataka siya kung bakit mga pangbanyaga ang alam nito na mga putahe at mas pino pang kumilos kaysa sa kanya.

Nahihiwagaan talaga siya sa dalaga.

Sa taglay din nitong lakas at liksi na tila ba walang kapaguran ay mapapa-isip kahit sinuman kung normal pa ba ito.

"Anu-anong naiisip mo!" pagsaway niya sa sarili. "Baka marami lang siyang nainom na tiki-tiki noong baby pa siya."

Mabigat man ang kanyang katawan ay tumayo na siya. Nagtungo siya sa banyo upang maligo, magpu-poo, magsepilyo at magpapogi.

"Aalis na po kayo kaagad?" paghabol sa kanya ni Alfa. "Hindi ka na ba mag-aalmusal? Naghanda ako ng croissant with hazelnut filling at brewed arabica coffee. Kumain ka kahit kaunti lang..."

"Hindi muna kita masasabayan." pagpapaalam ni Uno habang inaayos ang suot na kurbata. "Kailangan ko ng umalis."

Dahil sa pagmamadali ay hindi niya maayos ang pagkakatali nito sa kanyang kuwelyo. Nayamot siya at hinugot na ito mula sa kanyang collar. Hindi na sana niya isusuot iyon ngunit nag-offer na ng tulong si Alfa.

"Sir, gusto mo ba, ako na lang ang mag-ayos ng necktie mo?"

"Sige nga." pagsuko na niya. "Hindi ko talaga maayos-ayos kung papaano."

"Paano na lang kayo kung walang babae sa buhay niyo?" paghagikgik niya. "Ganyan din ang tatay ko. Hindi alam ang gagawin sa kurbata na 'yan."

"Kung sino man ang nag-imbento ng kurbata, kailangan siyang mamatay." seryosong minungkahi ni Uno.

"Huwag naman!" halos napatili si Alfa dahil sa nakakapanindig-balahibo na pahayag ng kausap. Hinaplos niya ang tela at inayos sa lugar. Dahan-dahan din niyang hinawi ang wavy na buhok nito palayo sa mukha upang mas makita ang mapupungay na mga mata nito na kulay milk chocolate. Nanghina pa ang kanyang mga tuhod dahil sa anyong mas kaakit-akit pala sa malapitan. Maganda ang kombinasyon ng pinaghalu-halong lahi na mayroon ang binata. Siya ay may dugong Filipino-Chinese sa side ng ama at Chinese-Portuguese naman sa ina. Gayunpaman ay mas nanaig ang itsurang Asyano kaya kayumanggi ito at chinito pa rin. "Ayan, poging-po-" natigilan siya sa pagsasalita dahil na-shy siya.

"Poging-pogi ako?" pagtutuloy nito sa mga salita na dapat ay kumawala sa bibig ng kaharap. Hindi na niya napigilang mapangisi dahil alam naman din niya na may itsura talaga siyang maipagmamalaki at natutulala ang mga babae sa kanya.

"A, haha...opo...poging-pogi!" hiyang-hiya na tinuloy na niya. Maya't-maya ay hindi na niya napigilang napahagikgik. "Dyahe...sorry na, Sir! Ang wafu mo kasi e. Ang bait pa. Beautiful inside and out. Sana dumami pa ang katulad mo."

Na-flatter si Uno dahil unang pagkakataon na narinig niya ng diretsahan mula sa babae ang ganoong klaseng papuri.

Ramdam niya ang sinseridad ng kanyang mga salita kaya na-touch ang kanyang heart.

Sa katunayan ay natutuwa talaga siya kapag kausap si alien girl. May pagkamadaldal at prangka ito kaya naaaliw siya sa pananalita nito.

Nais man niyang magtagal pa ang kanilang usapan ay male-late na siya. Binuksan na niya ang pintuan upang lumisan. Tumigil muna siya at lumingon muna kay Alfa.

Sa halos mag-iisang buwan na magkasama sila ay mas kinatutuwaan niya ang presensya nito. Dahil dito ay nais niyang umuwi palagi ng maaga upang masilayan ang masayang pagsalubong at matatamis na ngiti nito.

"Mamaya, tuturuan kitang magluto ng adobo." sinambit niya. "Kung mahuli man ako ng uwi, matulog ka na. Bukas na lang natin itutuloy."

Tumango si Alfa at sinamahan siya sa may garahe. Kumaway-kaway siya habang pinagmamasdan na palayo na ang sasakyan na minamaneho ng sinisinta.

Natuwa naman si Uno nang makita mula sa side mirror ang imahe nito na hinahatid siya ng tingin.

"Mahiwagang babae..." binulong niya sa sarili. "Anong mahika ang mayroon ka at hindi kita mawaglit sa aking isipan?"

Nasamid si Alfa habang sinasara ang gate.

"May nakakaalala kaya sa akin?" Nag-isip siya kaagad ng numero. Napag-alaman kasi niya na kung anong numero ang maisip ay doon magsisimula ang letra ng pangalan ng nakakaalala. Nagbilang siya gamit ang mga daliri. "Hmmm...number 21...A...B...C...D..."

"U? Uno!" kilig na kilig na napabulalas siya. "Naalala ako ni Fafa Uno! I knew it!"

At nasamid naman ang binata habang nagmamaneho.

"1..." Nakangiti niyang naisip kahit inuubo pa.

"A...Alfa..."

Chương tiếp theo