webnovel

Kabanata 32

Chapter theme song : "Hiling" by Mark Carpio

Kabanata 32

Hinang-hina ako nang makarating ako sa bahay namin. Ang singil ng driver kanina na 75 ay nadagdagan pa kaya't naging 100 na 'yon. Nagpadiretso pa kasi ako dito sa amin, kaya nanghingi pa siya ng dagdag na bayad. At dahil wala na akong lakas na makipagtalo pa ay tahimik ko na lang siyang binigyan ng dalawang singkwenta pesos.

Nang pagbaba ko sa tricycle ay isa lang ang nasabi ko sa sarili ko. Ubos na ubos na ako. Hindi lang ang wallet ko ang said na said na, kung hindi pati na rin ang buong pagkatao ko.

At parang lalo pang dumagdag sa kalituhan ng isip ang nadatnan ko sa harapan ng bahay namin. Parang nagkakagulo doon ang mga kapitbahay namin. Bakit kaya? Ano na naman bang nangyari?

"Oh, ayan na si Maureen. . ." sabi ni Tita Olive kay Tita Maricar nang makita niya ako. Kasunod noon ay napatingin na rin sa akin si Tita Maricar.

"Maureen!" Halos isigaw na niya ang pangalan ko. At teka. . . Umiiyak ba siya? Bakit? "Sa'n ka ba galing bata ka ha?"

"T-Teka. . . Bakit? A-Ano pong problema?" natataranta kong tanong. Bigla na lang kasing binalot ng matinding kaba ang puso ko. Parang may mangyayari pang hindi maganda.

Diyos ko. . . May mas sasakit pa ba sa gabing 'to?

"M-Maureen. . . Si Jose. . . Ang tatay mo!" Nahihirapan nang magsalita si Tita Maricar. Bukod sa mga luha niya ay tila parang may kung ano ring nagpapabigat sa damdamin niya kaya't 'di niya masambit-sambit ang dapat niyang sabihin sa'kin.

"Tita! Ano ba 'yon?! Sabihin n'yo na sa'kin! Ano'ng nangyari?!" napasigaw na ako dahil sa matinding emosyon ko.

"Sinugod sa ospital ang tatay mo, Maureen."

"H-Ha?" Halos bumulomg na lang ako. Lalo pa akong nanghina sa sinabing 'yon ni Tita Olive. Unti-unti kumalas ang kamay ko na nakahawak sa braso ni Tita Maricar. Sa sandaling 'yon ay gusto kong sumigaw pero tila naubos ang lahat ng lakas ko para gawin iyon. Para bang na-blanko rin ang utak ko at wala na akong maisip sa pagkakataong 'yon.

"Maureen, nahimatay ang tatay mo. Kani-kanina lang," dagdag pa ni Tita Olive.

Napalunok ako upang mapigil ang pagragasa ng luha ko. "N-Nasaan po siya ngayon? Pupuntahan ko siya! S-Sa community po ba?"

"Oo. Halika, sasamahan na kita," sabi ni Tita Olive at hinawakan ako sa kamay. Pero bago pa kami tuluyang umalis ay nilingon pa niya si Tita Maricar. "Pakibantayan na lang muna ang mga anak ko ha?"

Tanging tango lang isinagot ni Tita Maricar. Si Tita Olive naman ay hinigpitan pa ang hawak sa akin at hinila ako papalabas sa compound namin. "Halika na."

Ito ang gusto ko sa amin. Kahit mahirap kami, nagtutulungan naman kami. Kita mo nga naman. Sa pagkakataong ito, wala man ang totoong nanay ko, may dalawa naman akong tita na handang tumayong nanay para sa akin. Mabuti na lang talaga at nandito si Tita Maricar at si Tita Olive.

"Ano po bang nangyari, Tita Olive?" tanong ko habang sakay kami ng tricycle papunta sa community hospital.

"Tinawag lang ako ng Tita Maricar mo. E, nakarinig daw siya ng ingay mula sa bahay n'yo. Ta's pagpunta nya do'n, ayon na. . . Wala nang malay ang tatay mo," kuwento niya sa akin. Napabuntong-hininga pa siya bago magpatuloy, "Mabuti nga at nandoon si Mang Kaloy. Siya ang nagdala sa tatay mo."

Napaiwas na lang ako ng tingin at napakagat sa labi ko. Bakit naman kailangan pang mangyari 'to? Bakit nagsabay-sabay pa 'tong mga 'to?! Parusa ba 'to sa'kin?

"Maureen. . ."

Napatingin ako kay Tita Olive nang hawakan niya ang kamay kong nakapatong ibabaw ng bag ko. Binigyan niya ako ng isang matingkad na ngiti. Ganito ba? Ganito ba ang nagagawa ng ngiti ng isang nanay? Parang bahagya akong kumalma dahil sa ngiti na 'yon.

"Magiging maayos din ang tatay mo. . ."

"Sana nga po. . ."

Ilang sandali pa ay nakarating na kami sa community hospital. Mabuti at may pera pa ako, kaya ako na ang nagbayad sa pamasahe naming dalawa ni Tita Olive.

Dahil gabi na ay wala nang masyadong taong nandoon. Mga tao lang na siguro ay dumadalaw sa mga pasyente. Nagtungo ako kaagad sa pinakamalapit na nurse na nakita ko. Nakaupo siya sa tabi ng isang mesa.

"M-Miss. . ."

"Yes? Ano po 'yon?" tanong naman niya sa'kin.

"Y-Yung pasyente pong sinugod dito kanina. . . May katandaan na po siya. Lalaki. . . N-Nasaan po siya?" tanong ko sa kanya habang bahagyang nanginginig pa rin ang mga labi at kamay ko.

"Kaano-ano mo po si patient?" tanong pa ng nurse sa'kin.

"Tatay ko po siya."

Matapos 'yon ay itinuro na sa amin ng nurse kung nasaang room si Itay. At halos hindi ako makagalaw nang makita ko ang kondisyon niya sa kwartong 'yon. Nakahiga siya sa kama at napakaraming aparato ang nasa paligid niya. Base pa lang doon ay mukhang nasa malalang kondisyon na siya.

Napatakip na lang ako habang nakatitig sa walang malay niyang katawan. Hindi ko na rin napigilan ang mapahagulgol habang tinitignan siya. Bakit? Bakit kailangang mangyari 'to?

"Doc. . ."

Napatingin ako sa bandang pintuan nang marinig kong sabihin 'yon ni Tita Olive. Isang lalaking doktor pala ang pumasok sa kwartong kinaroroonan ni Itay.

"Ikaw ang anak ni 'tatay'?" tanong sa akin ng doktor.

Marahan naman akong tumango. "A-Ako nga po." Pagkatapos ay naisipan ko pang magtanong, "D-Doc, ano po bang nangyari sa itay ko?"

"Halika sa office ko. Do'n natin pag-usapan," tugon naman ng doktor sa akin.

Lumipat ang tingin ko kay Tita Olive; nagtatanong kung anong gagawin ko. Tumango naman siya sa akin, kaya muli akong tumingin sa doktor at tahimik na sumama papunta sa opisina niya. Pagkarating namin doon ay pinaupo niya ako sa upuang nasa harap ng mesa niya.

Nagpakawala siya ng malalim na buntong-hininga pagkaupo niya sa upuan niya. Matapos 'yon ay may hinawakan siyang isang x-ray. Pero mukhang utak ang nandoon.

"Hija, nagkaroon kami ng ilang tests para malaman kung bakit siya hinimatay. At ito ang resulta: ang cause ng pagkahimatay ng tatay mo ay intracerebral hemorrhage," saad niya sa akin.

Napakunot naman ang noo ko. "Intra—ano po, Doc?"

"Sa madaling salita, naputukan ng ugat sa utak ang tatay mo. High blood pressure ang kadalasang sanhi nito, Hija. Usually, nangyayari ito kapag hindi kaagad nade-detect ang high blood pressure ng isang tao. Maraming complications ang pwedeng mangyari at isa na nga ito doon," paliwanag sa akin ng doktor.

Sa totoo lang, wala halos akong maintindihan sa sinasabi ng doktor. Hindi ko kayang iproseso sa utak ko ang lahat, kaya nanatili lang akong tahimik. Wala na rin sa tamang ayos ang urak ko ngayon. Isa lang ang nasa isip ko—nasa malaking panganib ang tatay ko.

"Hija, mahilig ba sa mamantika at maaalat na pagkain ang tatay mo?" tanong pa ng doktor sa akin.

Nanghihina akong tumango.

"Siguradong 'yon ang dahilan ng high blood niya. Isa pa, kung babad din siya sa pagtatrabaho at madalas ma-stress—"

"Kailan po magigising Itay?" pagputol ko sa mga paliwanag niya na halos hindi ko naman maintindihan. Ang gusto ko lang malaman ay kung kailan gagaling ang tatay ko.

Napaiwas naman ng tingin sa akin ang doktor at kaagad na yumuko. Mayamaya ay napabuntong-hininga siya bago ako muling harapin. "Sa ngayon, hindi ko alam kung magigising pa siya."

"Ano?!" gulat na sambit ko. "S-Sinasabi mo po bang m-mamamatay ang itay ko?"

"Hija, komplikado ang sitwasyon na 'to. Sa kaso ng tatay mo, mabilis na kumalat ang dugo sa utak niya," sabi pa ng doktor.

Napasapo ako sa noo ko at napailing habang kagat-kagat ko ang labi ko.

"Yung ibang pasyente, hindi na umaabot sa ospital. 'Yung iba, nako-coma at tumatagal ng isang buwan. 'Yung iba, within 24 hours lang o mas mabilis pa doon. . ."

"Hindi!" galit kong sabi. Hindi ko na napigilan ang mapasigaw dahil sa lala ng sitwasyon ngayon. "Hindi! H-Hindi. . ."

Naiiling-iling pa ako habang umiiyak. Mayamaya'y napatayo ako. "Hindi pwedeng mamatay ang tatay ko! Hindi siya mamamatay!"

"Pasensya na, Hija. Ginagawa ko lang ang trabaho ko. At hindi kasama do'n ang gumawa ng himala," sabi naman sa akin ng doktor.

Hindi ko na lang siya pinansin at basta na lang akong lumabas sa opisina niya. Hindi niya alam kung gigising pa ang tatay ko o hindi?! Anong klaseng doktor siya?! Hindi. . . Hindi pa mamamatay ang tatay ko! Magagamot pa siya!

Mabubuhay pa siya!

Walang tigil ang pag-iyak ko hanggang sa makarating ako sa silid ni Itay. Nandoon pa rin si Tita Olive at si Mang Kaloy na kapwa nakatingin lang sa kawalan. Nang pumasok ako ay nakuha ko ang atensyon nila.

"Maureen! Ano'ng sabi ng doktor?" tanong ni Tita Olive at kaagad akong nilapitan.

"Mabubuhay si tatay. . . Mabubuhay siya. . . Hindi siya mamamatay. . ." wala sa sariling sagot ko.

Napatakip na lamang sa bibig niya si Tita Olive. Hindi ko naman na siya pinansin at kaagad akong lumapit sa kamang kinahihigaan ni Itay. Wala pa rin siyang malay.

Isipin ko pa lang na mawawala na siya sa buhay ko ay hindi ko na kaya. Paano? Paano mo magagawang isipin na ang isang taong nakasama mo na nang kaytagal ay bigla na lang mawawala sa'yo? Pa'no?!

"Itay. . ." Nanginginig kong ipinatong ang kamay ko sa kanya. "Tay. . . Hindi mo pa 'ko iiwan, 'di ba? Hindi, 'di ba? Tay, sabi mo mahal mo 'ko, 'di ba? Hindi mo 'ko iiwan, 'Tay!"

Nagsimula na naman akong humagulgol. Wala na sigurong katapusan ang luha ko na 'to. Halos wala na rin sa akin ang nangyari sa park kanina. Ang tanging bumabagabag na lang sa puso at isipan ko ngayon ay ang isipin ang posibilidad na baka bukas. . . Wala na akong tatay.

* * *

"Oh, heto, dinalhan kita ng pandesal. . ."

Hindi ko pinansin si Tita Olive at nanatili lang na nakatingin sa katawan ni Itay. Mayamaya pa'y naramdaman ko ang paghawak ni Tita sa balikat ko. Pero kahit ginawa na niya 'yon ay 'di niya pa rin magawang kuhanin ang buong atensyon ko.

"Maureen naman. . . Hindi ka pa naghahapunan. Ni hindi ka pa natutulog!" nag-aalalang sabi niya sa akin.

"Paano ako makakatulog sa sitwasyon na 'to, Tita Olive? Pa'no kung paggising ko wala na ang itay ko?!" Hindi ko sinasadyang taasan ng boses si Tita Olive, pero hindi ko na magawang kontrolin ang emosyon ko.

Hindi naman na siya sumagot at bagkus ay nagtungo na lang sa kinauupuan niya kanina. Napatingin naman ako sa orasan sa malayo. Mag-a-ala una na pala. Pero wala akong pakialam. Dito lang ako at babantayan ko si Itay!

Halos iuntog ko na ang sarili ko nang mapatingala ako sa kisame. Kasalanan ko siguro 'to. Siguro, sampal sa akin 'to ng langit dahil nitong mga nakaraan, mas pinipili ko pang unahin ang sarili kong kasiyahan at nagawa ko pang magsinungaling sa tatay ko nang ilang beses.

At kung sana. . . Kung sana hindi na lang ako nagpunta sa lintik na park na 'yon. . . Sana nagkaroon pa ako ng pagkakataong makasama ang itay ko. Sa huli, wala rin naman akong napala, e! Tapos ganito pa ang nangyari.

Kaya siguro nangyayari 'to dahil wala akong kwentang anak! Gusto lang naman ni Itay na ilayo ako sa gulo. . . Pero sa huli ay kinalimutan ko ang lahat ng bilin niya para lang sa isang lalaki.

Ako mismo, hindi ko matanggap ang ginawa ko. . . Ano bang nangyari sa'kin?

* * *

Sa sobrang dami ng iniisip ko ay 'di ko namalayang nakatulog na pala ako sa kinauupuan ko. Nagising na lamang ako nang maalimpungatan ako at nakarinig ako ng ingay na tila ba may mga taong nagkakagulo.

"Sige, ihanda n'yo na."

"Olive, gisingin mo na si Maureen. Bilisan mo!"

Dahan-dahan kong minulat ang mga mata ko at nilibot ang paningin sa paligid ng kwarto ni Itay. Bakit ba hinayaan kong makatulog ako?!

Marami ang nurse ang naroon at nakita ko rin si Doc. Dahan-dahan akong tumayo at nakita ko pa ang pagka-alarma ni Tita Olive nang makitang tumayo ako.

"A-Anong nangyayari?" kinakabahang tanong ko.

Gulat na napatingin sa akin ang lahat.

"H-Hija. . . Gising ka na pala," saad ng doktor.

"Ano'ng nangyari?" tanong ko pa ulit at napatingin ako kay Itay. "Bakit n'yo tinatanggal 'yan?!"

Napabuntong-hininga naman si Doc at ipinatong ang kamay niya sa balikat ko. "Hija, sorry, pero wala na ang tatay mo. Malala ang nangyaring—"

"Hindi!" Agad kong iwinaksi ang kamay ni Doc at binangga siya para lang makalapit sa tatay ko. Nagsimula nang tumulo ang mga luha ko. Parang dumilim ang paligid ko at ang tanging nakikita ko lang ay ang tatay kong wala pa ring malay.

"Tay! Tay! Gumising ka, Tay! Ta-a-ay!" sigaw ko habang pilit na ginagalaw ang katawan niya. May ilang nurse na pumipigil sa akin, pero nagpupumiglas ako.

"Miss, tama na po! Miss!"

"Hija! Tama na! Kailangan mong tanggapin—"

"Hindi pa—" Nagpumiglas akong muli. "Hindi pa patay ang tatay ko! Hindi! Hindi 'to pwede!"

"Mag-iingat ka, Anak. Mahal na mahal ka ni Itay,"

"T-Tay. . . Ano ka ba naman po? M-Magtatrabaho lang po ako oh! 'Di pa po ako mag-aasawa!"

"Tay, 'wag mo na lang po muna akong sunduin mamaya."

"Huh? Bakit naman? E, baka mapano ka pa."

"Naku, Tay. 'Wag mo na 'kong intindihin. Ano lang po. . . Uh, m-may papasyalan lang ho kami ni Yngrid."

Nang mga sandaling nagbalik ang huli naming pagkikita sa isipan ko ay unti-unti akong nanghina. Natulala ako at nanlambot ang mga tuhod ko kaya't dahan-dahan akong napaluhod sa tabi ng kama niya. Bakit? Bakit kailangang mangyari sa'kin ang lahat ng ito? Bakit kailangan kong magdusa ng ganito?! Bakit ganito kalupit sa'kin ang tadhana?

Sa huli, wala akong nagawa kung hindi isigaw na lamang ang labis na poot na nararamdaman ng puso ko.

"Tay!!! Ta-a-ay!!!"

Itutuloy. . .

Condolence, Maureen : ( I'm sorry.

Chương tiếp theo