Mula sa hotel ay matagal nang nasa main door si Theo kaya naman lahat ng napag-usapan ng mga tao sa sala ay malinaw niyang narinig. Alam na niya ang tungkol sa tinutukoy nilang plano upang mapapayag siyang lumabas ng mansion.
"Ano'ng malalaman ko?" aniya na nagpanggap na kararating pa lamang. Nahalata naman niya ang pamumutla ng mukha ng kanyang ina at ang pag-iwas ng tingin ng iba pa. Subalit ang mas kinaiinis niya ay ang pagngisi ni Eduardo na halatang nag-aasar at mukhang proud pang ipakita sa kanya kung gaano ito kasaya.
"Kanina ka pa ba, Theo?" tanong ni Cliff.
"Ano'ng malalaman ko?"
Akmang aakbayan siya ni Ciff pero agad niya itong tinulak palayo.
"Ano sabi ang malalaman ko!" sigaw niya. Nais niya na manggaling mula sa lahat ang pag-amin pero ang hinihintay niyang pag-amin ng mga ito ay mas lalo pa nilang pinagtakpan.
"Pinagpaplanuhan sana namin ang celabration sa inyong dalawa ni Cliff," ani ni Dr. Steve.
Pekeng ngumiti si Theo. "Really? Sana mas maayos na ang plano na 'yon kaysa sa plano ninyo noong una para mapalabas ako rito."
"Th...Theo," utal na tawag ng kanyang ama.
"Alam ko na ang lahat. Narinig ko ang lahat ng usapan ninyo. By the way, I would like to thank all of you because of your plan, I became an instant celebrity. Pinasikat n'yo lang naman ako sa social media at pinahiya sa mga tauhan natin sa hotel."
"Theo, I'm sorry," sabat ni Caridad.
Nilingon ni Theo si Caridad na sobrang pinakatiwalaan niya. Maging ang sariling ina niya ay niloko siya, maging ito ay nakisali sa plano ng lahat. Buong akala niya pa naman ay nasa kanya ang panig ng ina. Akala niya suportado at naiintindihan nito ang kondisyon niya subalit hindi niya akalain na isa rin pala ito sa mga taong ipipilit siyang gawin ang bagay na hindi niya pa kaya.
"I thought nasa panig kita. Pare-pareho lang kayo! Pinagkaisahan ninyo ako! I don't want to see all of your faces here! Bakit kasi nandito pa kayo? Sana hinayaan n'yo na lang ako rito sa mansion! Ayos naman ako dati na mag-isa lang dito!"
"Theo, gusto—"
Hindi natapos ni Caridad ang sasabihin nang sigawan niya ito.
"Stop that damn explanation! All of what I heard is clear! Pinagplanuhan n'yo ang lahat!"
"Theo! Huwag mong pagtaasan ng boses ang mom mo," awat ni Armando na kinailing-iling niya lang.
"Okay lang, Mahal. Isa pa...isa pa...hindi naman talaga ak—"
"Stop it, Caridad!" Sa pagkakataong iyon, si Armando naman ang nagtaas ng boses kay Caridad.
"What? Mayroon pa ba kayong hindi sinasabi sa akin?"
"Mr. Ledesma, mas maganda siguro kung sasabihin na natin ang lahat kay The—"
"Huwag kang makisali rito, Dr. Steve! Usapang pamilya 'to!" sigaw ni Armando sa doktor.
Sa pagkakataong iyon ay si Eduardo naman ang sumabat. "May point naman si Dr. Steve. No more secrets. Karapatan ni Theo na malaman ang totoo."
"Ano'ng totoo?" Palipat-lipat ang tingin ni Theo sa lahat. Hindi niya alam kung sino sa mga ito ang pagkakatiwalaan niya. Hindi niya alam kung kakayanin niya pang magtiwala sa sasabihin ng mga ito matapos ang nangyari.
"Hindi si Caridad ang totoo mong ina. Patay na ang totoo mong ina at alam mo ba kung sino ang may kasalanan kung bakit wala na ang totoo mong ina?" tanong ni Eduardo.
Hindi maigalaw ni Armando ang ang kanyang bibig dahil aminado siya na siya ang may kasalanan kung bakit wala na si Luisiana. Siya ang pulot-dulo ng lahat. Kung hindi lamang niya ito pinagtabuyan at kung hindi lamang niya pinagdamot sa babae ang anak na si Theo, marahil ay buhay pa ito.
"Sino?"
"Itanong mo sa dad mo." Bakas pa rin ang ngisi sa labi ni Eduardo habang nakatingin sa nakayukong kapatid. Naestatwa na ito sa kinatatayuan.
"Who is it?" tanong ni Theo kay Armando.
"Theo..." si Caridad.
"I said, who is it!"
"Ako!" pag-amin ni Armando na ikinailing-iling na lamang ni Theo.
"May kailangan pa ba akong malaman?" Sinuyod ni Theo nang tingin ang lahat ng kasama niya. Lahat ng mga ito ay hindi makatingin sa kanya. Ang iba ay pinili na lamang yumuko at magpakaestatwa sa kinatatayuan.
"I can't believe it! Hiling ko na sana biro lang ang lahat ng ito pero mukhang malabo!"
Tumalikod na si Theo at nagmadaling pumunta sa silid na palagi niyang pinagtatambayan. Ang mga koleksyon niya ng alak na iniingatan ay wala sa sarili niyang pinagbabato sa sahig. Wala na siyang pakialam sa mga iyon dahil gusto niyang ilabas ang lahat ng kanyang galit.
Naisip niya na hindi talaga para sa isang tulad niya ang pagsasaya. Kung alam lamang niya na mangyayari iyon, sana hindi na siya nagtiwala at sana nagpakawais pa siya para hindi siya naloko ng mga taong nasa paligid niya.
Sana mas pinili na lamang niyang ilayo ang sarili sa lahat para hindi siya nasasaktan ng ganito. Nasaktan na siya noong naramdaman ang hindi pagtanggap ng mga tauhan nila sa hotel kaya nagpasya siyang umuwi na lamang sa mansion pero mas hindi niya matanggap na ang mga taong buong akala niya ay kanyang masasandalan sa panahon ng kahihiyan ay nasa side niya iyon pala ay hindi. Niloko niya ang sarili katulad ng panloloko ng lahat sa kanya. Buong akala niya talaga ay may malalapitan na siya at mapagsasabihan ng problema subalit hanggang ngayon ay nag-iisa pa rin pala siya. Binigo siya ng sarili niyang pamilya.
Nagpatuloy siya sa pagbabasag ng mga koleksyon niya ng alak. Wala na iyong halaga katulad na lamang ng buhay niya na sa tingin niya ay wala ring halaga. Ano pa ang magiging silbi niya sa mundong ito? Dahil sa nangyari, mukhang makukulong na naman ang halimaw na tulad niya sa mansion. Ayaw na niya muling lumabas, mas gusto niyang manatili na lang muli sa mansion, gusto niyang ibalik ang dati niyang buhay na nasanay na lamang mag-isa sa lugar na hindi nasisinagan ng araw. Sa lugar na madilim kung saan ay wala ring mga taong makapapansin ng kanyang kahinaan, walang pupuna at walang mag-uutos ng kung ano ba ang dapat gawin. Gusto niyang ibalik ang buhay niyang iyon.
Ayaw na niyang lumabas dahil unang-una, ano'ng mukha ang maihaharap niya sa lahat? Matapos ang kahihiyan na iyon, lalo siyang nawalan ng tiwala sa sarili. Hindi na niya kakayaning makisama sa ibang tao. Bukod sa ayaw niyang mahusgahan, ayaw rin niyang mabigo muli dahil sa nasirang tiwala.
"Lahat kayo! Pinagkaisahan ninyo akong lahat!" sigaw niya at unti-unting naupo sa sahig. Napasabunot siya sa kanyang buhok at hinayaan na lamang ang mga luha na dumaloy sa magkabilaan niyang pisngi.
Ang kailangan niya lang naman ay ang pagmamahal subalit bakit parang pinagkakait iyon sa kanya. Ang kailangan niya lang naman ay iyong taong susuporta at maiintindihan siya sa lahat-lahat subalit bakit hindi niya iyon matagpuan? Inakala niya rin na mararamdaman na niya iyon noong panahon na nagpasya siyang lumabas ng mansion pero hindi niya pa rin iyon matagpuan.
Iyon na ba talaga ang kapalaran niya? Ang maging mag-isa habang buhay.
Nakakasawa na pero kung iyon lang ang paraan para hindi na siya masaktan muli, yayakapin na lamang niya iyon.
"Rina...Rina..."
Wala sa sariling nabanggit niya ang pangalan ng babae.
"Rina...pati ba ikaw ay kasabwat nila?"
Mas lalong naging sagana ang kanyang luha sa isiping kasama si Rina sa plano.
"Rina...bibiguin mo rin ba ako? Nasaan ka na? Kailangan kita ngayon. Pati ba ikaw ay dapat ko na ring bitiwan?"
Nang maalala niya si Rina, ramdam niya ang kakarampot na pag-asa subalit wala ang babae sa mansion. Wala ito kung kailan ay kailangan niya ito. Rina, kailan ka babalik dito?