webnovel

Kabanata - XVI : Danger in Fire

NAGLALAKAD kami patungo sa lugar na walang tao, liblib na lugar kung saan matataas ang mga punong kahoy. Bubuksan muli ni Ervine ang portal at uuwi na kami sa kanilang mahiwagang tahanan. Papalubog na ang araw subalit nanatili pa rin ang kapirasong sinag ng araw.

Isang nakakasilaw na liwanag ang bumalot sa katawan ni Ervine, mainit sa pakiramdam tumatagos sa kaibuturan ng aking puso. Dalisay na pagmamahal, pagpapatawad na bukal sa puso ang nakapagpalaya sa kanya sa sumpang nakapaloob sa kanya.

"Malaya ka na Ervine!!" masaya kong sambit.

Walang pagsidlan ng kaligayahan ang nadarama ko, habang binabaybay namin ang madamong paligid.

"Maraming salamat, Charlotte. Ayos na sa akin ang lahat… masya na akong makita sila na nasa mabuting kalagayan. Pero, mas pipiliin ko pa ring makasama si mamita, siya pa rin ang itinuturing kong magulang." Nakangiti si Ervine habang nakatingala sa kulay kahel na kalangitan.

Mayamaya bigla siyang na-out of balance, nanlaki ang mga mata ko sa gulat nang bigla siyang humandusay sa lupa, hindi pa man niya nabibigkas ang magic spell upang lumitaw ang magic portal nawalan na siya ng malay. Paano na kami uuwi nito? Agad ko siyang inakay saka pinasandal sa ilalim ng puno ng sagging.

"Mga pasaway na bata!!" isang tinig ang umalingawngaw sa paligid, tinig ni—

"Switch!!" bulalas ko nang makita siyang bumaba sakay ng magic walis.

Nilapitan niya kami't agad binuhat si Ervine. Dahil hindi kami kakasya sa magic walis ni Switch siya ang magbubukas ng magic portal upang makauwi na kami sa Parañaque.

"Orea, ilaih, majika, nepetrum, openum!!"

matapos sambitin ni Switch ang magic spell, agad kaming pumasok sa loob. Hindi na nagtanong si Switch ngunit nagwika siya matapos namin makabalik sa Parañaque, sakto sa tahanan nila kami nagtungo.

"Dama kong wala na ang sumpa kay Ervine, maraming salamat sa tulong mo, Charlotte."

"Wala naman po akong masyadong ginawa, sinamahan ko lang po siya," mahinahon kong sabi kay Switch.

"Hindi totoo 'yan, tingnan mo ang kwintas mo." Itinuro niya ang suot kong Crystal of Truth na ibinigay ni Ervine sa amin ni ate.

"Kulay pula at nagliliwanag ito?"

"Act of true love, pagpapatawad at pagtulong hindi ba't pag-ibig ang dahilan ng mga ito? At isa pa, sigurado akong malaki ang pasasalamat sa 'yo ni Ervine."

"Hindi pa rin mawawala ang sumpa sa amin ni ate, tama po ba? Ang sabi n'yo po kasi, kailangan parehong may magmahal sa amin ng tunay, dalisay at wagas na pag-ibig at dapat tanggapin namin sila ng buong puso."

"Sumusuko ka na? ang komplekado ng pag-ibig noh?"

Natahimik lang ako't binantayan si Ervine habang mahimbing itong nagpapahinga sa kama. Muli kong inalala ang sumpa sa amin ni ate, mabuti pa si Ervine nakalaya na sumpa kami hindi pa. At isa pa hindi ibig sabihin na maaari nang magmahal si Ervine, mamahalin na niya ako, magugustuhan tulad ng pagkagusto ko sa kanya. Tama si Switch sadyang napakakomplikado ng pag-ibig.

***

NASA katawan na naman ako ni Ate Carmen, may event sa kompanya. May welcome party para sa pagpasok sa kompanya ni Miss Argenta. Sa loob ng HR department halatang iritable si Sir Henry ngayong alam niyang makakasama niya sa kompanya si Ms Argenta.

"Hay! Walang dahilan upang magsaya, araw-araw nang sasama ang araw ko!" nagmamataray na sabi ni Sir Henry habang kumakain ng cake.

Sang-ayon naman sa kanya ang ibang empleyado halatang hindi rin nila gusto si Miss Argenta, wala nga lang silang magagawa dahil binigyan na siya ng posisyon sa kompanya.

"Siya na pala ang magiging vice president noh? Kalungkot naman, ano sa tingin mo Carmen?" tanong ng katrabaho kong babae.

"Ha? Tingin ko masamang sabihan ng hindi maganda ang isang tao," mahina at nahihiya kong sagot.

Napailing lang si Sir Henry saka napahalukipkip habang nakataas ang isang kilay.

"Hindi na naman ikaw 'yan Carmen?" Tiningnan ako ni Sir Henry mula ulo hanggang paa, umikot saka pinagmasdan ang mukha ko.

"Alam mo, tuwing ganyan ka para kang teen ager na nagbabait-baitan!" pagdududa ni Sir Henry, ngumisi lang ako't hindi sumagot.

Sa gitna ng kwentuhan, biglang tumunog ang fire alarm rinig sa buong building ang malakas na tunog nito. Lumabas kami ng opisina upang alamin ang nangyayari nang biglang pumasok sa loob si Kuya Erning hinihingal na sumigaw.

"Nasusunog ang basement! Mabilis kumalat ang apo!" sigaw ni Kuya Erning.

Biglang nataranta ang mga tao sa loob ng HR department, dali-dali kaming lumabas nang makita namin ang nagkakagulong mga tao sa hallway. Siksikan sa hagdan ang mga tao upang makababa sila subalit, umaakyat na ang usok dito sa 3rd floor. Dama namin ang init at mabilis na pagkalat ng usok, walang ibang mapupuntahan kundi sa taas. Umakyat kaming lahat papuntang 4th floor.

"Kuya Erning, ano'ng balita sa mga tao sa 1st at 2nd floor nakalabas po ba sila?" pag-aalala kong tanong.

Agad sumagot si Kuya Erning nang may takot. "Oo nakalabas naman sila, mukhang hindi agad nasabihan ang mga tao rito sa 3rd floor sa sobrang takot at taranta nila kanya-kanya silang takbuhan palabas. Kaya naglakas loob akong puntahan kayo at sabihan ang kaso, mabilis ang pagkalat ng usok sa pataas," pahayag ni Kuya Erning habang nagpapanik na ang mga tao.

Nang makarating sa 4th floor naglabasan din ang mga tao sa iba't ibang department wala kaming magagawa kundi umakyat sa 5th floor at doon maghintay ng rescue. Siksikan ang mga taong gustong isagip ang buhay nila, nakita ko si Sir Henry nadapa, walang gustong tumulong.

"Sir Henry! Tutulungan ko po kayo!" Inakay ko siya't nagpatuloy ako sa paglalakad. Nakita kami ni Kuya Erning, tinulungan niya akong akayin si Sir Henry.

"Huwag mo na akong tulungan, iligtas mo ang sarili mo—"

"Hindi! Sama-sama tayong makakalabas dito ng buhay, magtiwala tayo sa Diyos!"

"Talagang mabuting bata ka, kung sino ka mang sumasapi sa katawan ni Carmen, sana'y maging katulad mo siya busilak ang kalooban." Nanghina si Sir Henry, mukhang nakalanghap siya ng usok, hirap siyang huminga.

"Kuya Erning sandali lang po!" Napadaan kami sa rest room, pansin kong nagsiksikan doon ang ibang empleyado. Gusto nila roong magtago sa pag-iisip na hindi sila maabutan ng sunog sa banyo. Nakaakyat kami sa 5th floor, sigawan ang mga tao magkahalong emosyon ang nararamdaman ng bawat isa. Nang maaninag ko si Mr. Valdez at Miss Argenta, may escort sila mukhang aakyat sila sa rooftop. Tama! May helicopter nga pala ang kompanya, hindi naman nila siguro aabandunahin ang kanilang mga empliyado.

"Mr. Valdez!!" sigaw ng mga tao upang kunin ang atensyon ni Mr. Valdez. Humarap siya't pilit naman siyang pinipigilan ni Miss Argenta at ng kanyang mga escort.

"Alejandro!!" sigaw ko, wala akong nagawa kundi kunin ang atensyon niya.

"C-Carmen?!" sambit niya, nang makita akong akay-akay namin ni Kuya Erning si Sir Henry.

Agad siyang nagpumiglas sa mga escort niya't tinungo kami. Nilapitan siya ng mga tao, nagmakaawang tulungan sila.

"Tayo na! sama-sama tayong makakaligtas sa building na 'to!" Kinuha niya ang pwesto ko't siya ang umakay sa kabilang braso ni Sir Henry.

Ang lahat ay sumunod sa amin paakyat sa rooftop kung saan may nakaabang na helicopter. Nang makarating kaming lahat sa rooftop hindi lang isang helicopter ang nakaabang, mayroon ding naakabang na rescue helicopter upang sumundo sa amin, hindi lang isa kundi tatlo. Nagdatingan rin ang mga fire truck at ambulance. Pinipilit nilang apulahin ang apoy sa ibaba habang sa itaas naman isinasakay sa rescue helicopter ang ibang mga tao. Nagkabasag na ang mga glass window ng building sa lakas ng apoy, rumesponde rin ang iba pang fire truck galing sa ibang lugar.

Pinauna namin isakay ang mga taong nanghihina, mga babae, buntis at mas may edad kumpara sa amin na may natitira pang lakas. Pinauna ko si Kuya Erning akay-akay niya si Sir Henry, hindi ko natiis ang mga taong nagtago sa loob ng restroom sa 4th floor.

"Mr. Valdez, may mga tao pa po sa 4th floor kailangan din nila ng tulong!" nangangamba kong wika kay Mr. Valdez.

"Pero—delikado umakyat na sa 3rd floor ang apoy siguradong makapal na rin ang usok sa 4th floor ngayon! Hindi ko hahayaang mapahamak ka, Carmen!" saad ni Mr. Valdez, mukhang dahil sa panic hindi niya naitanong kung si Charlotte ba ako si Carmen.

"Ako po ito si Charlotte, patawad po hindi ko po sila kayang tiisin!" sigaw ko sabay takbo pabalik, narinig kong tinawag pa ako ni Mr. Valdez.

"C-Charlotte, sandali!"

Rinig kong sinundan ako ni Mr. Valdez hanggang sa maabutan niya ako't dama ko ang higpit ng kamay niyang nakakapit sa braso ko.

"Ano ba sa tingin mo ang ginagawa mong bata ka?!" galit na sigaw ni Mr. Valdez.

Nakabalik kami sa 5th floor abot na rito ang usok. "Wala na tayong magagaw sa kanila, mas pinili nilang ikulong ang sarili nila kaysa kumilos at iligtas ang mga sarili nila!"

"Nagkakamali po kayo, kailangan nila ng tulong kung walang susubok na abutan sila ng tulong sinong gagawa?" mariin kong pahayag.

Alam kong medyo imposible na ang kagustuhan kong iligtas sila subalit, hindi kaya ng konsensya kong iwan ang mga taong nangangailangan ng tulong.

"Hay! Ibang-iba ka talaga sa ate mo, oh siya tutulungan kita! Paki usap lang kapag sobrang delikado na babalik tayo agad, ayokong mapahamak ka at ang katawan ni Carmen, mamahalin ko pa ang ate mo! Heto isuot mo proteksyon laban sa usok!" Binigay sa akin ni Mr. Valdez ang smoke mask, nakuha niya siguro 'to sa mga rescuer kanina.

Tama siya kailangan namin makabalik ng buhay kasama ang mga taong na-trap sa banyo. Sobrang kapal na ng usok, halos wala na kaming makita mabuti't may suot kaming mask. Nang makarinig kami ng malakas na sigaw mula sa banyo.

"Tulong! Saklolo! Tulungan n'yo kami!" sigaw ng mga tao.

May kasamang lagabog ng pinto ang sigaw na iyon, agad namin tinungo ang banyo.

"Narito na ang tulong, lumabas na kayo!" sigaw ko habang si Mr. Valdez kinakalampag ang pinto ng banyo.

"Natatakot kami, ang kasama namin dito ay may phobia ayaw niyang lumabas!" takot na takot ng babae sa loob.

"Buksan n'yo na 'to bilis! May smoke mask ako ibibigay ko sa kanya 'to, kailangan natin magmadaling umakyat sa rooftop nandoon ang rescue helicopter!" paliwanag ko, napatingin sa akin si Mr. Valdez.

Nang marinig nilang may rescue helicopter sa rooftop agad nilang binuksan ang pinto, pumasok kami ni Mr. Valdez sa loob. Tinanggal ko ang suot kong mask saka sinuot sa taong may phobia sa usok. Tinanggal din ni Mr. Valdez ang kanya't binigay naman sa isang hirap huminga, nagbuhos kaming lahat ng tubig sa katawan, ginamit ang basang damit pangtakip ng ilong at bibig.

Sa bilang ni Mr. Valdez nang tatlo sabay-sabay kaming tumakbo paakyat ng hagdan papuntang 5th floor, nilamon na ang 4th floor ng usok pikit-mata na lang kaming nanalangin na makaligtas. Nang bigla akong madulas sa hagdan.

"Augh!"

Hiyaw ko sa sakit nang mahulog ako nang ilang baitang sa hagdan, pakiramdam ko na-dislocate ang paa ko dahil sa pagkakahulog.

"Charlotte!"

Chương tiếp theo