Nagising si Marble nang maramdamang basa sa pawis ang kanyang likuran. Tumagilid siya ng higa, maya-maya'y bumalikwas na nang bangon.
"Vendrick! Ang init ng bed mo!" hiyaw niya, inis na inis. Ngunit wala sa bed ang asawa. Iniikot niya ang paningin sa buong paligid. Malamig naman ang mezzanine na yun pero bakit pinagpapawisan pa rin siya?
Simple lang ang kinaruruonan ng bed nito, maliban sa bedside table at sa tabi niyong closet ay wala na siyang ibang makita sa paligid niyon.
Bumaba siya ng kama at naghanap ng face towel sa kabinet upang punasan ang basang likod dahil sa pawis. Nang makita ang hinahanap ay naghanap uli ng brief ng asawa, hindi na siya nag-bra, saka lang bumaba ng hagdanan at naghanap ng makakain sa ref sa loob ng open kitchen sa kanang bahagi ng condo malapit sa banyo. Anong tuwa niya nang makakita ng isang supot ng hotdog sa ref, inilabas niya agad 'yun at sinipat ang lahat ng mga nasa loob bago ito isinara uli. Sunod niyang hinanap ang paglalagyan ng bitbit na hotdog sa kitchen cabinet para maibabad sa tubig at ma-defrost.
Maya-maya'y pakanta-kanta na siya habang hinahawi ang mga kurtinang nakatabing sa glass wall ng condo at bumalik sa kusina para buksan ang electric stove at ilagay ruon ang nahanap niyang maliit na kawali para pagprituhan sa hotdog. Hmm, parang gusto niyang mag-bake ng cake pagkakita sa oven sa ilalim ng stove.
Nilakasan pa niya lalo ang pag-awit saka sinabayan ng giling ng balakang habang abala sa ginagawa.
Eksakto namang tapos na siyang magprito ng hotdog at nailapag na niya sa dining table ang kakainin nang tumunog ang doorbell sa labas ng pinto.
Huh? Bakit nagdo-doorbell si Vendrick? Imposible naman ata.
Muling tumunog ang doorbell, napilitan siyang lumapit sa pinto at pagbuksan ang nasa labas subalit anong gulat niya nang biglang marinig ang tili ng inang nakipag-unahang pumasok sa loob.
"Woww! Ang ganda! Ang linis ng buong bahay!" bulalas nito.
"Nanay?!" bulalas din niya't ang laki ng nganga ng bibig sa pagkagulat.
"Mommy!" hiyaw ni Kaelo pagkakita sa kanya.
Natigilan na siya't sandaling di nakaimik lalo na nang makita ang kanyang byenang babae, si Eva at ang kanyang tatay na agad yumakap sa kanya, ang huling pumasok ay ang dalawang kambal.
"Ano'ng ginagawa niyong lahat rito?" gulat niyang usisa ngunit natuon ang pansin kay Kaelo nang magpakarga ito sa kanya.
Napangiti lang ang lahat habang tuluy-tuloy sa maluwang na sala lalo na ang inang lumapit agad sa center table at dumampot ng isang ubas na nakalagay sa 2-tier fruit tray stand sa ibabaw niyon ngunit nahirapan itong pitasin ang isang piraso hanggang sa bitbitin na ang buong tangkay ng ubas.
Sasawayin na sana niya ang ina nang hawakan ng byenan ang kanyang braso.
"Okay ka lang ba, iha? Namumutla ka ah," puna nito.
Alnganin siyang ngumiti. "Opo, okay lang ako."
Saka tiningnan ang inang kinalabit na ang kanyang tatay habang inilalapag ng huli ang mga bitbit na gamit sa gilid ng sofa.
"Luis, tikman mo nga 'tong ubas. Bakit ang kunat?" takang utos nito, ibinigay na sa asawa ang isang pirasong ubas na pinaghirapang tanggalin sa isang tangkay.
Pakaswal naman iyong kinuha ng kanyang ama at kinagat din pagkuwa'y binatukan bigla ang asawa.
"Ingot ka talaga! Plastik naman yan eh, pang-decoration lang sa sala!" singhal nito saka ibinalik dito ang plastik na ubas.
Napahagikhik tuloy siya nang marinig ang "aray" ng ina, biglang sumagi sa isip niya ang katangahan niya noon.
"Mommy, I missed my Daddy Lan. Pupunta po kami ni Granny Cielo duon. Sabi niya magpapagupit daw po siya sakin, mom," saad ng anak habang nakakapit sa kanyang batok ang isang kamay at ang isa'y inaayos ang kanyang buhok na di pa nasusuklay mula nang magising siya.
"Yes, cutie. Tawagan muna natin si Daddy Lan, baka wala siya sa salon," sagot niya.
"Bakit naman kasi nakalagay 'yan dyan eh di naman pala nakakain?" atungal ng ina habang nakasimangot sa asawa.
"Ganyan ang mga mayayaman! Talagang may nakalagay na decoration sa center table. Palibhasa'y galing ka sa bukid kaya wala kang alam sa mga ganyan!" sermon ng ama sa kanyang inang humahaba ang nguso na iniikot ang tingin sa palibot bago nakita ang isang platong hotdog sa dining table.
"Kaelo, halika! Laro tayo dito!" matinis namang tawag ni B1 sa batang agad na nagpababa sa kanya at tumakbo na palapit sa magkambal na nag-unahang umupo sa malambot na sofa habaang ang ama'y naghanap ng mapaglalagyan sa mga dalang gamit ng mga ito.
"Ma, wala pong ibang kwarto dito maliban po sa bed sa mezzanine. Uwi na lang kaya muna kayo sa bahay niyo," suhestyon niya sabay sulyap kay Eva na lumapit na sa kanyang tatay at tinulungan itong mag-ayos ng gamit.
"Okay na ako dito, Marble. Sabi ko naman sa'yo ayukong mapalayo sa apo ko," anang byenan saka nilapitan ang balaeng kinamay na ang kanyang nilutong hotdog.
"Seguro anak, alam mong pupunta kami rito kaya ka nagluto ng maraming hotdog," pansin ng ina sa kanyang sumunod sa byenan at lumapit na rin dito upang madismaya lang sa nakita.
"Nay, naubos niyo agad?!"
"Aba'y oo. Nagugutom ako eh," pakaswal nitong sagot.
Namula bigla ang pisngi niya sa inis. Excited pa naman siyang kainin iyon, pinalalamig niya lang at gutom na rin siya, pero isang click lang ay naubos na iyon agad ng ina.
"May dalawa pang supot ng hotdog dito, Marble. Iluto ko na 'tong lahat nang makakain tayo. Merun ding homemade tocino at isang supot ng skinless," sabad ng byenan habang naghahalungkat sa loob ng ref.
"Oy, balae. Pabirito ko ang mga 'yan. Iluto natin lahat," excited na wika ng inang lumapit na sa ginang at nakisiksik sa pinto ng ref.
Nakairap siyang humalukipkip, ang sama talaga ng kanyang loob, di niya mapigilang mainis sa ina. Buti na lang at mabilis na nakaluto ang kanyang byenan, tinabihan siya ng limang pirasong hotdog sa isang plato hanggang sa mapansin nitong umaliwalas na ang kanyang mukha.
"Nay, bakit niyo naman naisipang sumugod dito?" usisa niya sa ina habang nasa hapag-kaninan at salu-salo silang kumakakain ng tanghalian.
"Aba, itanong mo kay Binbin. Para daw may bantay sa'yo rito pag wala siya. Kaya sumama na kaming lahat," bida agad nito.
"Eh sino ang bantay kay lolo duon?" muli niyang tanong.
Biglang nag-iba ang ekspresyon ng mukha ng ina.
"Mabuti't itinanong mo, anak. Sumama din siya dito pero kinuha ng isang pinsan ni Luis kasi tinubuan ng bulutong sa mukha, di ba Luis?" birit na uli nito ng kwento.
"Oo, andun sa ala---pinsan ko, pinapagamot niya sa kanila," susog ng ama pero halatang nautal saka tumitig sa kanya, makahulugang titig na tila ba alam na nito kung ano ang totoong pagkatao ng matanda, marahil ay nagpakilala ang ang huli dito.
Tumango naman siya nang maunawaan ang ibig nitong sabihin sa mga titig na 'yun at di napigilang mapahagikhik.
Puro talaga kalokohan ang matandang iyon, kung anu-anong maisip gawin sa mukha 'wag lang makilala ng manugang nito at ni Eva.