webnovel

HYPNOTIZED

Papalubog pa lang ang araw ay nasa loob na sina Marble at Lorie ng Rizal Park kasama ang kanilang alagang matanda na kahit anong gawin nilang pangungulit ay ayaw talagang gumamit ng wheelchair o 'di kaya tungkod man lang. Kaya pinasama na sa kanila ang isang guard na siyang naghatid sa kanila roon.

Isang malalim na buntunghininga ang kanyang pinakawalan nang maalala ang unang beses na maupo siya sa sementadong bench na kinauupuan nilang tatlo ngayon.

Iniikot niya uli ang paningin. Parang 'di nawawalan ng tao ang lugar na 'yon lalo ngayong papalubog ang araw at sasapit ang dilim.

Bigla siyang nalungkot at naiakbay ang isang braso sa matandang pinagitnaan nila ni Lorie.

Kung 'di dumating ang kanyang alaga, ano kaya'ng kapalaran ang merun siya ngayon? Andito pa rin kaya siya sa lugar na 'to at namamalimos din tulad ng ginagawa ng ilang kabataang naruon?

"Marble, magselfie tayo para meron tayong remembrance sa lugar na 'to," untag ni Lorie sa katahimikang ilang minuto marahil namayani sa kanila. Maging ang matanda ay tahimik din habang nakangiting nagmamasid sa mga batang namamalimos sa malapit sa kanila.

Ang kasama naman nilang guard ay nasa isang tabi lang, pasulyap-sulyap sa kanila.

Kinuha ng dalaga ang smartphone nito, binuksan ang camera at iniharap sa kanila.

"Smile!"nakangiting saad nito.

Awtomatiko silang ngumisi ng matanda. Ang isa walang ipin, ang pangalawa ang ganda ng smile. Habang siya, nakalitaw ang mga pangil. Napangiwi siya nang makita ang sarili sa camera. Kaya nang sumunod na kuha ay ngumiti na lang siya, 'di na ipinakita ang mga ngipin.

"Oy, photogenic ka pala, Marble?" pansin ni Lorie sa kanya.

"Talaga? Patingin nga?" Napahagikhik siya't pinagmasdan ang kanilang litrato. Para siyang kiniliti pagkakita ng sariling mukha. Maganda pala siya sa picture. Parang lumiit na nga ang kanyang malalaking pimples, 'tsaka pumuti siya.

"Kayo naman ni senyor ang kukunan ko. Mamaya, kami naman ni senyor," ani Lorie tumayo na para kuhanan sila ng larawan.

Alam na niya ang gagawin. 'Di niya papakita ang mga ngipin tapos magpapa-cute siya para maganda ang kuha niya. Subalit kung kelan nag-flash saka naman siya napanganga sa pagkagulat nang may biglang tumalak sa kanya palayo sa katabing matanda. 'Di lang basta tulak, napatayo siya sa kinauupuang semento.

"Pesteng Yawa! Sino 'yon!" Gigil niyang singhal sabay pihit paharap sa matanda.

Saka niya lang nakita si Vendrick na nakade-kwatro pa habang nakaakbay sa lolo nito, ang lapad ng ngiti habang nagpapa-picture kay Lorie.

Napanganga siya. Ang walanghiya! Bakit andito ang giatay na 'to? 'Di ba engagement nito kay Chelsea ngayon? Pa'no nito nalamang ando'n sila? Sinabi ba ng kanilang among babae?

Humaba na naman ang nguso niya sa panggigigil sa binata't nagmamartsang lumapit dito saka ito itinulak tulad nang ginawa sa kanya.

"Ate, ulitin mo 'yong kanina," utos niya, pero itinulak na uli siya ng binata at ito na uli ang pumalit.

"Ulitin mo, Lorie. 'Yong magandang kuha," utos ng binata.

Hanggang sa 'di malaman ng katulong kung sinong susundin sa kanilang dalawa, maya-maya'y napangiti ito't lumapit sa binata.

"'Yong phone niyo na lang po ang gagamitin ko, Senyorito. Malabo kasi ang kuha ng sa'kin," anito.

Mabilis namang iniabot ng binata ang phone, tinanggalan muna iyon ng password saka ibinigay sa dalaga.

"Kami muna ni Lolo," anitong kay Marble nakangisi.

Gigil na naipameywang na lang niya ang kamay at hinayaan itong magpa-picture nang magpa-picture pero ilang minuto na ang lumipas ay ayaw naman nitong magpaaawat, parang batang sabik makuhanan ng litrato o talagang inaasar lang siya.

"Ako na!" singhal niya't itinulak na ito palayo sa matanda.

Subalit kung kelan nag-flash saka na naman siya nito itinulak hanggang sa wala na silang magawa kundi magtulakan, 'di tuloy alam ng matanda kung sino ang sasaluhin sa kanilang dalawa kapag nahuhulog sa sementadong upuan.

"Talagang ginagalit mo ako ha!" gigil na naman niyang sambit saka tumayo mula sa pagkakabalandra sa bermuda grass nang malakas na itulak ng binata.

Ngunit laking gulat niya nang sa paglapit niya'y kabigin siya ng lalaki't bigla siyang iupo sa mga hita nito't iniharap siya sa camera kasabay ng pagsigaw ni Lorie ng "Smile!"

Kahit galit, awtomatiko siyang ngumiti, tulad ng ginawa niya kanina, nagpa-cute. Gano'n din ang ginawa ng binata, lalo na ang matandang muntik nang maipit sa kanilang dalawa kung hindi umusog nang kunti para bigyan siya ng espasyo sa tabi ni Vendrick.

Napapangiti na lang si Lorie habang bini-videohan pala sila sa gano'ng posisyon at kinukuhanan ang nakakatuwa nilang asaran.

"O okay na po, Senyorito," ani Lorie.

"Okay na? 'Di pa nga ako nakakaupo, okay na?" reklamo niya sabay hampas sa braso ng binatang nakapulupot sa beywang niya.

"Walanghiya ka kasi! 'Di man lang ako naka-pose nang maayos," inis niyang saad.

"Ano pa bang pose ang gusto mo. Heto nga't ang sarap ng upo mo sa hita ko," angal na rin ng binata.

"Bitiwan mo ako," utos niya.

Sa halip na bitawan siya'y iniupo siya sa tabi nito.

"Bitawan mo ako sabi eh!" Talagang naiinis na siya nang mga sandaling 'yon at gusto niya itong itulak nang lalo nitong higpitan ang kapit sa kanyang beywang saka agad na inilagay ang isang daliri sa kanyang mga labing gusto na namang humiyaw.

"Ssshhh, enough honey..." bulong sa kanyang tenga.

Napanganga si Lorie at mabilis na uling itinutok ang phone sa kanilang dalawa.

Siya nama'y tila nabingi at nalilitong napatitig sa mga mata nitong apat na pulgada lang ang layo sa kanyang mga mata at ang mga labi'y halos maidikit na sa kanyang mga labi.

Natigilan siya, ni hindi makapagsalita at makakilos man lang habang nakatitig sa mga mata nitong tila nagsasabing, "Hey, not this time, please."

"Si Senyorito po? Wala po rito. Apat lang po kami rito. Hindi ko po alam, Madam. Sige po, bye."

Nang marinig ang boses ng kanilang guard sa di-kalayuan ay saka lang niya naunawaan ang ibig nitong sabihin dahilan upang manlaki ang kanyang mga mata.

Tumakas ang binata sa engagement nito kay Chelsea at mas piniling humabol sa kanila? Akala ba niya, ito ang naghahabol sa babaeng 'yon? Bakit pala ito andito at nakipagkutsaba pa sa kanilang guard na 'wag itong isumbong?

Naramdaman niyang tila bumilis ang paghinga nito at ilang beses na lumunok. Bakit? Nauuhaw ba ito? Bigla itong nainitan eh ang lamig naman do'n, masarap nga ang simoy ng hanging dumadampi sa kanyang balat.

Nalilito siya. Hindi niya alam kung ilang minuto sila sa gano'ng ayos pero nang tanggalin nito ang daliri sa kanyang mga labi'y mas nagulat siya sa lumabas sa bibig nito.

"What's your favorite flower?" bulong nito, hindi inaalis ang mga titig sa kanya.

"Orchids," nalilito niyang sagot.

"Color?"

"Green."

"Dish?"

"Odong na may sardinas."

"Guy?"

"Aldrick."

Nalito siya lalo, ano ba 'yon? Para itong gumagamit ng hipnotismo na sa bawat itanong nito'y kusang bumubukas ang kanyang bibig para sumagot.

"Honey,"

"Hmm?"

Saka siya nito pinitik sa noo sabay tawa nang malakas, na halatang nang-aasar.

Ngunit 'di rin nito inaasahan ang kamao niyang biglang bumalandra sa pagmumukha nito. Sapol ang bibig nitong napangiwi sa sakit.

"Ako pa'ng ginalit mong animal ka!" hiyaw niya.

Chương tiếp theo