Ilang beses nang paikot-ikot si Marble sa buong kwarto, ginalugad na ang banyo at mga kabinet pero wala talaga siyang makitang salamin kahit maliit man lang.
Ang matanda nama'y nakaupo lang sa ibabaw ng sofa at naglalaro ng baraha na hiningi niya kay Lorie upang paglaruan ng alaga.
Ngunit nang tila makahalata na itong kanina pa siya nagpaparuo't parito sa inuupuan nito'y taka itong bumaling sa kanya, itinigil ang pagbalasa sa hawak na baraha.
"Nanay, ano po ba ang hinahanap niyo?" usisa nito.
"Salamin. Bakit walang salamin sa kwartong 'to?" sagot niya at muling nagtungo sa bedside table, binuksan uli ang tatlong drawer duon.
"Ayuko po ng salamin, Nanay. Natatakot ako 'pag nakikita ang mukha ko sa salamin," hiyaw nito saka tinakpan ng dalawang palad ang mukha.
Awang ang bibig na napalingon siya sa matanda.
"Ano? Bakit ka naman matatakot sa sarili mong mukha?" dismayado niyang tanong.
Ibig sabihin, ito ang nag-utos na 'wag lagyan ng salamin ang buong kwarto liban lang sa shower room na gawa sa transparent glass?
Tumango ito, nakatakip pa rin ang mga palad sa mukha, halatang takot marinig lang ang salitang salamin.
Naipameywang niya ang mga kamay at salubong ang kilay na humarap sa matanda, maya-maya'y napabuntunghininga na lang.
"O sige na nga. Wala nang salamin," tila sumusuko niyang wika.
Saka lang nito tinanggal sa mukha ang mga palad saka muling binalasa ang nilalarong baraha.
Kahit halata ang panlulumo sa nalamang kahit anong ikot niya sa buong kwarto eh wala talaga siyang mahahanap na salamin duon, lumapit na lang siya sa matanda at umupo sa likuran nito.
Eksakto namang may kumatok sa pinto at bumukas iyon, pumasok ang mag-asawang among tila nagdedebate.
"Kilala mo naman ang mga ate mo. 'Di sila titigil hangga't 'di napag-uusapan ang tungkol sa mga mana nila kay Papa," anang madam na kahit nakapasok na'y bahagya pa ring nakalingon sa asawa sa likuran nito.
"Goof afternoon po Madam, Senyor," bati niya sa dalawa sabay tayo.
"How's Papa?" usisa agad ng among lalaki.
"Mabuti naman po siya, naglalaro po ng baraha," sagot niya saka sinulyapan ang alagang tila yata 'di nakikita ang dalawa.
Lumapit ang among babae dito.
"Wow Solitaire! 'Di niyo pa rin pala nakakalimutang laruin 'yan Papa," anang ginang.
Pero hindi ito tiningnan man lang ng matanda.
"Papa, andito sina Karl at Chantal," ani Keven ngunit sinulyapan lang ito ng ama.
Nang mapansin niyang walang balak makipag-usap ang alaga sa mga pumasok ay siniko na niya ito.
"Anak, kinakausap ka ng mga magulang ko," bulong niya dito. Saka lang ito tumigil sa ginagawa at umayos ng upo saka humarap sa dalawa.
"Magandang hapon po, lolo, lola," bati nito saka nagpakawala ng isang ngisi at tila maamong tutang ipinatong ang mga kamay sa ibabaw ng magkadikit nitong mga hita.
"Apo, kilala mo pa ba sina Karl at Chantal?" usisa ng Madam.
"Sino po ba ang mga 'yon?" inosente nitong tanong.
"Honey, don't force him to remember them. Hayaan mo na lang," awat ng asawa nito saka hinawakan ito sa braso.
Humarap dito ang amo niyang babae.
"What about ate Edna and Ate Rodora? Hindi pa rin ba natin ipapaalam sa kanya na andito sila bukas?" tanong ng babae.
Kumunot ang noo niya. Sino naman ang dalawang binanggit ng kanilang Madam?
"It's okay, hon. Hayaan muna natin si Papa. Alam naman nila ang kalagayan niya ngayon. This is not the right time to talk about their inheritance. 'Tsaka buhay pa si papa, bakit kailangang pilitin nila ang matandang hati-hatiin na ang kayamanan niya? Nakakainsulto 'yon para sa kanya," pabulong na saad ng lalaki niyang amo pero dinig pa rin niya ang mga sinabi nito.
"Maybe it's better kung hindi tayo pumayag na magpunta sila bukas nang wala tayong problema," pabulong ding sagot ng Madam.
"Relax, Hon. I'll handle this matter tomorrow, okay? But for now, dalhin mo muna rito ang dalawang bata nang makita nila ang kanilang lolo," anang lalaki sabay utos sa asawa.
Isang buntunghininga ang pinakawalan ng madam.
"Let's not talk about those two either. Sinabihan ko na ang mga 'yon kanina pagkauwi lang na bisitahin muna nila si papa pero pagod daw sila sa biyahe kaya bukas na lang daw," nagsalubong ang mga kilay ng madam sa sinabi pagkuwa'y muling bumaling sa byenang lalaking nakanganga lang habang nakikinig sa mga itong nagbubulungan.
"Papa, may party tayo bukas nang gabi. Dumalo ka po ha? Bibisita kasi dito ang mga anak mo," pagbibigay alam ng madam.
Nanatili lang nakatitig ang matanda sa manugang, walang makikitang reaksyon sa mukha nito.
Napabuntunghininga na naman ang madam saka tila sumusukong bumaling sa kanya.
"May party dito bukas. Patulugin mo siya nang maaga bukas para 'di siya makatulog sa gabi. Kailangan niyang bumaba ng bahay at makipagkita sa mga bisita lalo na sa mga anak niya," bilin nito sa kanya.
Hindi na nagsalita ang asawa nito, hinayaan na lang itong magdesisyon.
"Opo Madam," sagot niya sabay tango.
Awang pa rin ang bibig na bumaling ang matanda sa kanya.
"Nanay, pwede na po ba akong maglaro?" tanong nito.
Tumingin muna siya sa mga amo, nanghihingi ng permiso. Nang tumango ang dalawa ay saka naman siya tumango rito at agad na itong tunalikod sa kanya saka muling naglaro ng solitaryo.
"Aalis na kami. Ipapadala ko na lang dito ang hapunan niyo mamaya," anang madam bago umabrasete sa asawa at sabay na lumabas ng kwarto.
Matagal na katahimikan hanggang sa maalala niya ang mga magulang.
"Anak, pwede mo ba akong turuan pano gumamit ng telepono?" kinalabit niya sa likuran ang alagang agad napatingin sa landline na nakapatong sa bedside table saka tila excited na tumayo, iniwan ang mga baraha at nakangiting humarap sa kanya.
"Halika po, Nanay. Tuturuan kita," yaya nito sa kanya at lumapit agad sa kinalalagyan ng PLDT landline.
Excited siyang sumunod sa alaga. Sa wakas makakatawag na siya sa kanyang Tatay at Nanay. Makakausap na rin niya ang mga ito.
Dinampot ng matanda ang telepono.
"Nanay, ano po ba'ng numero ang tatawagan niyo?" usisa ng matanda.
Sinabi niya agad ang number ng ama, ito ang namindot sa mga numero, mataman lang siyang nakamasid, sinasaulo ang ginagawa nito.
Sandaling katahimikan. Maya-maya'y nakikipag-usap na ito sa tinawagan.
"Hello po, sino po ba sila?" tanong nito.
Agad niyang inilapit ang tenga sa telepono.
"Buanga! Ikaw ang tumatawag bakit ako ang tinatanong mo kung sino ako?" anang kanyang ama.
Napatili siya sa tuwa at agad kinalabit ang alaga.
"Akina anak. Ako ang kakausap," anya rito saka kinuha agad ang telepono ritong halatang naglito sa isinagot ng nasa kabilang linya.
Nang mapasakanya na ang telepono ay pakaswal na itong bumalik sa sofa upang ituloy ang nilalaro.
"Tatay!" tumitili niyang tawag sa ama.
"Marble, Anak? Ikaw ba yan?" gulat ding balik-tanong ng kausap.
"Opo Tatay, ako nga ito, si Marble," sagot niya sabay hagikhik, halata sa boses ang sobrang tuwa dahilan upang mapatingin sa kanya ang matanda.
"Kumusta ka na anak? Wala ka nang lagnat? Kaninong number pala itong gamit mo sa pagtawag sakin? Hiniram mo ba sa ospital?" sunud-sunod na usisa ng ama.
" Lagnat? Ano pong lagnat Tatay?" sambulat niya sa pagtataka sa tanong ng ama.
At ano ang sinasabi nitong ospital?