"Giatay kang pesteng yawa ka!" bulalas niya sa galit saka ito biglang itinulak, hindi napansing nakahawak pa pala ito sa likod niya.
"What?!" salubong ang kilay na bulalas din nito saka siya binitawan nang mapaupo ito sa semento sa ginawa niya.
Ang seste, tuluyan siyang napahiga sa semento.
"Ayyyyy!" sigaw niya.
Bigla niyang narinig ang halakhakan ng mga naruong nakakita sa nangyari. Ang iba'y nagkantyawan.
Agad siyang bumangon at inayos ang sarili saka muling yumukod upang ilagay sa ulo ang sumbrerong nalaglag sa semento.
Ang lalaki nama'y tumayo na rin at bumaling kay Gab na nasa tabi na nito, nagtakbuhan kasi palapit sa lalaki ang mga barkada nito, ang iba'y diring-dire sa kanya. Ang iba nama'y gustong humagalpak ng tawa sa lalaki. Tanging si Gab lang ang tila nakaramdam ng awa sa kanya.
"Tol, okay ka lang?" usisa nito nang makitang hinihimas niya ang nasaktang likod.
Nagtaasan ang mga kilay niya sa galit sa kasama nito.
"Peste 'tong yawang kasama mo eh. Bastos!" singhal niya sa Gab sa salitang bisaya.
"Hey, even if I can't understand what you're saying, but I know you're angry. Ako na nga itong tumulong, ako pa'ng pagagalitan mo? Do you even have a sense of gratitude?" salubong ang kilay na sagot ng lalaki.
"Bastos ka! Bakit mo ako hinalikan?" sigaw niya rito, nanggigigil sa galit.
"Ikaw 'tong kumabig sa damit ko! Ikaw 'tong humalik sa'kin! Gugustuhin ko bang humalik sa halimaw na katulad mo? Pwe!" galit na ring sagot nito.
Lalo siyang nagngitngit sa galit sa sinabi nito. Subalit sa mukha ay kitang-kita ang pamumula niyon sa insultong natamo niya.
"Bakit kasi hindi ka umilag? Tsaka--tsaka--" hindi niya masabi sa lahat ang totoong kinagagalit niya.
Nang hindi masabi ang gustong sabihin ay sinunggaban niya ang lalaki ngunit sa halip na suntukin ay itinulak niya ito.
"Bakit 'di na lang tayo magsuntukan, buanga ka!" Anya, nililis ang mahabang manggas niyang damit at umaktong makikipagsapakan na nga kung hindi pumagitna si Gab at hinila na palayo ang lalaki bago pa sila magkainitan.
"She's insane! Tinulungan ko na nga, sakin pa nagalit," ani Vendrick sa barkada.
"Ewwws, pre! Nakipaghalikan ka lang do'n sa baklang 'yun, natawag mo nang babae?" panunudyo ni Paul na noo'y nasa unahan nito at nakalingon kay Vendrick habang naglalakad.
Ang talim ng tinging ipinukol ng huli sa barkada.
'She isn't a boy! She's a girl, idiot!' gusto nitong isagot, nagpigil lang.
Pero si Gab, kunut-noong napalingon sa nakahalikan ng kaibigan.
'Bakla ba ako?' naitanong sa sarili saka muli siyang tiningnang naitapon ang suot na sumbrero sa galit.
**********
Wala nang mukhang maiharap si Marble sa mga kaibigan sa nangyari. Ngunit sa halip na humagulhol ng iyak sa harap ng mga ito'y pagalit na lang niyang naitapon ang cap na suot habang dinig na dinig ang tawanan ng mga kaklaseng sina Sizzy at mga barkada nito.
Ang mga tao namang nakiusyoso sa kanila'y isa-isa na ring naglayuan at nagkanya-kanya ng alis sa lugar na 'yun liban lang sa mga bumibili ng tinda nilang buko juice na inasikaso agad nina Charry at Merly, hindi nagpaapekto sa gulong naganap.
Inakbayan siya ni William na noo'y hawak na ang cap na itinapon niya at ibinalik sa kanyang ulo upang matakpan ang kanyang mukha.
"Boss ano, tawagin ko ba buong 'gang' natin para gumanti?" tanong nito.
Salubong ang kilay na bumaling siya sa kasama, pagkuwa'y agad umiling.
"Yaan mo na 'yon, hayup na 'yun. Makakarma din siya sa ginawa niya," sagot niya lang saka 'di na pinansin ang halakhakan ng mga kaaway niya at nagpokus sa tinitinda nila.
Subalit deep inside, gusto niyang bumulyahaw ng iyak. Nawala ang kanyang pinakaiingatang virginity, ang kanyang first kiss dahil lang sa bastos na lalaking 'yun. Walanghiya! Mapagsamantala! Walang modo! Bastos!
Kagabi lang, excited pa siya habang ini-imagine ang lalaking bibihag ng kanyang puso at magsasabi sa kanyang "I love you", saka niya lang ibibigay rito ang matamis niyang halik.
Tapos ngayon, nawala lang 'yon sa kanya ng gano'n lang? Parang wala lang? At ang magnanakaw na 'yun sa kanyang first kiss eh nandidiri pa siyang nilait! Grrrr! Gaganti siya! Hindi pwedeng hindi siya makaganti sa ginawa nito.
************
Alas kwatro na nang hapon nang makauwi ang buong barkada. Sa pwesto pa lang nila sa Tabo-an ay binilang na nila ang pera at kinuha na ang puhunan sa naging tubo nila bago sila maghiwa-hiwalay. Kahit papano'y naka 300 sila ng tubo ngayon, pandagdag sa pang-arkila nila ng toga sa graduation.
Tama na seguro 'yon.
Inihatid na muna nila sina Charry at Merly pati na rin ang iba pang kasama bago sila nagpunta ni William sa sinasabi ng inang pinagtatrabahuan ng ama. Ngunit nakasalubong na nila ito sa daan pa lang kaya tatlo na silang sabay-sabay na umuwi sa kanila tulak-tulak ang karitong ginamit nila sa pagtitinda.
"Anak, bakit ang tahimik mo ngayon?" puna ng amang katabi niyang magtulak ng kariton.
"Pagod lang po," tipid niyang sagot.
"P--" nagsimulang ibuka ni William ang bibig ngunit itinikom din nito bigla nang pandilan niya ng mga mata.
"Ngayon ko lang narinig na napagod ka ah. 'Di bale, ipagluluto na lang kita ng paborito mong adobong atay-balunbalunan mamaya. Daan muna tayo sa palengke nang makabili akong ulam natin," anang ama.
Pagpasok pa lang ni Marble sa loob ng kanilang kubong pawid ang dingding at bubong saka tatlong pirasong dos por dos na coco lumber ang hagdanan paakyat ay nanghihinang naupo siya sa yumuyugyog nang tabla ring upuan sa harap ng kwadrado nilang mesa sa kusina.
"O Marble, bakit ganyan 'yang itsura mo? May sakit ka ba?" puna ng inang napansin agad ang matamlay niyang mukha.
Pinaalis niya muna si William na sa 'di kalayuan lang din sa kanila ang bahay bago siya bumulyahaw ng iyak na parang bata.
"Nanay, 'di na ako virgin!" hiyaw niya.
Gulat na napaharap sa kanya ang inang naghuhugas ng plato sa tabla ring lababo, napalapit sa kanya ng de-oras.
"Anong 'di ka na virgin? Sinong gumahasa sa'yo?" gimbal na usisa ng ina.
Siya naman ang nagulat sa sinabi ng ina at pairap na tumingin rito.
"Gahasa agad, Nay? 'Di ba pwedeng kiss muna?" pasupla niyang balik-tanong.
"Aba'y sabi mo 'di ka na virgin?" takang sagot nito.
Muli siyang bumulyahaw nang iyak.
"Nay, 'di na nga ako virgin! May lalaking humalik sa'kin sa palengke! Ninakaw niya ang first kiss ko!" sumbong niya habang ngumagawa.
Sandaling napakunot ang noo ni Aling Linda, pagkuwa'y napakamot sa ulo.
"Bakit anak? Nasa bibig na ba ang semilya ng mga lalaki ngayon?" maang nitong tanong.
Imbes na muling bubulyahaw ng iyak ay awang ang mga labing napatingin siya sa ina.
"Nanay, nakikisimpatya ka ba o nang-aasar lang?" inis na tanong niya rito sabay simangot at impit na lang na umiyak.
"Linawin mo kasi! Sabi mo 'di ka na virgin eh hinalikan ka lang naman pala. Napaka-AO mo naman kasi." Binatukan na siya ng ina.
"AO, ano 'yon?" imbes na nakapokus siya sa pag-iyak, napaisip tuloy siya sa sinabi nito.
"Bobo ka talaga. AO, ober akter!" singhal nito, lumaki ang butas ng ilong.
"Baka naman OA, Nanay. Over acting," pagtatama niya.
Hayyy, maloloka siya sa ina. May dyslexia yata 'to.
"O Linda, ako muna ang magluluto ngayon ng ulam natin at matagal ko na ring 'di napapatikim iyong panganay ko sa luto ko," anang amang kaaakyat lang ng bahay mula sa labas pagkatapos ayusin sa kinalalagyan ang karitong ginamit nila kanina.
"Kausapin mo nga 'tong anak mo. 'Di ko maintindihan ang sinasabi't hinalikan daw siya ng lalaki sa palengke," wika nito sa asawa.
Agad namang nag-iba ang ekspresyon ng mukha ng ama at mabilis siyang nilapitan.
"Hinalikan ka 'kamo? Sino ang hayup na 'yon at sugurin natin sa kanila?" galit na usisa nito.
Napayakap siya sa ama, sa balikat nito humagulhol.
"Tatay, 'pag nakita ko uli ang lalaking 'yun mababalatan ko siya nang buhay!" sumbong niya.
"Oo balatan natin nang buhay ang walanghiyang 'yun," pakikisimpatya naman nito saka hinimas ang kanyang likod hanggang sa kumalma na siya.
Talagang mababalatan niya nang buhay ang bastos na 'yun!