webnovel

Chapter 24

~Tagapagsalaysay~

"Q-queen... hintayin mo ako. M-magkikita na rin tayong muli." Nanghihinang naglalakad si Gani palabas ng kaniyang bahay at ang tanging pumupuno lamang sa isip niya ay ang pagpunta sa lagusan sa Sphynx. Kumakapit lamang siya sa mga pader bilang suporta sa kaniyang paglalakad at kahit na hindi pa siya ganoong magaling ay wala nang makapipigil sa kaniya na maglakbay papuntang lagusan upang tuparin ang pangako niya kay Queen na pupuntahan niya ito sa mundo ng mga mortal.

"Ginoo!" tawag sa kaniya ng nakahanap sa kaniya na si Hilva, ang pinuno ng kaniyang mga tagapagsilbi ngunit hindi niya ito pinansin. Kasunod din nito ang iba pa niyang mga tagapagsilbi na lubos na nag-alala sa kaniya nang bigla siyang mawala sa kaniyang silid.

Nang maabutan siya ng mga ito ay kaagad na hinarang ang daraanan niya at dumipa pa si Hilva upang mapigilan lamang siya. "Ginoo! Hindi pa kayo maaaring magkikikilos lalo na at maglakbay dahil hindi pa ganoong nakababawi ang inyong katawan!" determinadong sabi sa kaniya nito.

Matalim naman niya itong tiningnan. "WALA AKONG PAKIALAM! TUMABI KAYO!" malakas na sigaw niya rito at pilit na nilagpasan ang mga ito ngunit hinaharang pa rin siya ng mga ito.

"Ngunit ginoo—"

"Sinabi nang wala akong pakialam! Batid ko na ilang araw na lamang mula ngayon ay magbubukas na ang lagusan papunta sa mundo nila Queen! Umalis na nga rin si Leighnus upang magtungo roon! Ang isang iyon! Nangako siya sa akin ngunit iniwan niya ako rito!" Nagtatagis na ang mga bagang niya dahil hindi tinupad ni Leigh ang pangako nito sa kaniya na isasama siya nito sa lagusan kahit pa nasa ganoon siyang kalagayan.

Alam niyang nakaalis na ito dahil nang magising siya, kahit hinang-hina ay hinanap niya ito sa silid kung saan muna ito tumutuloy ngunit wala na ang mga gamit nito roon. Natanto niya kaagad na umalis na ito para maglakbay patungong lagusan. "Kung hindi ako aalis ngayon, hindi ko na maaabutan ang daan patungong mundo ng mga mortal. Iyon ang hinding-hindi ko hahayaang mangyari!"

Sinubukan niya pa ring lagpasan sila Hilva ngunit hindi pa rin siya nagtagumpay. "Kung ipipilit mo na maglakbay sa gan'yang kalagayan ginoo, maaaring mawalan ka lamang ng buhay! Hindi naman nanaisin ni binibining Queen iyon dahil tuluyan ka na talaga niyang hindi makikita kahit na kailan!"

Nanlaki ang mga mata niya sa sinabi nito na tila siya natauhan ngunit biglang kumirot ang dibdib niya dahil sa hindi pa hilom na sugat doon kaya napangiwi siya at nawalan ng lakas ang mga tuhod niya kaya napakapit siya sa balikat nito. Kung hindi ay matutumba siya sa sahig.

"Ginoo!" nag-aalalang inalalayan kaagad siya ng mga ito. Iniakbay naman kaagad ni Hilva ang braso niya sa balikat nito upang masuportahan ang pagtayo niya at ang iba ring mga tagapagsilbi ay nakaalalay sa kanila. "Kailangan na nating bumalik sa iyong silid upang ipagpahinga muli ang iyong katawan. Kailangan mo pa ng ilan pang mga araw upang magawa mo na muling makalakad nang maayos ginoo."

Kahit gusto niyang kumawala sa mga ito ay wala namang lakas ang katawan niya para magawa iyon kaya hindi niya na napigilang maluha sa pagkadesperado. "N-ngunit Hilva... Pakiusap. Dalhin n'yo ako sa lagusan..." humihikbi na niyang sabi. "Labis na akong nangungulila kay Queen. Gustong-gusto ko na siyang makita... at nangako rin ako sa kaniya na pupuntahan ko siya sa kanilang mundo pagkabukas ng lagusan. Mag-aalala siya nang lubos kung hindi ko matutupad ang pangako ko sa kaniya... at maaaring maisip niya rin na baka... baka wala na ako." Napapikit siya nang mariin sa pagluha habang naiisip ang labis na pagluha ni Queen dahil sa hindi niya pagpapakita rito gaya ng kaniyang pangako.

Bilang pagpapalakas ng kaniyang loob ay nginitian siya ni Hilva. "Sa bagay na iyon ginoo, siguradong kapag nagkita sila ginoong Liegnus at binibining Queen, ipararating naman nito kung ano ang dahilan kung bakit hindi mo siya kaagad siya napuntahan doon. Sa pagbubukas muli ng lagusan, hinding-hindi ka na namin pipigilan ginoo dahil batid namin na kaya mo nang maglakbay muli."

Mas lalong bumuhos ang mga luha niya dahil hindi na talaga niya magagawang matupad ang pangako niya kay Queen at kahit na gustuhin niya pa ring humabol, unti-unti nang dumidilim ang paligid sa kaniya... hanggang sa hindi niya namalayan, nawalan na siya ng ulirat.

Isang linggo ang makalipas...

Nasa harap na ng mataas na pader si Isagani kung saan nagbubukas ang lagusan papuntang mundo ng mga mortal. Wala na roon ang Sphynx at balot na rin ng bulaklak ang mga gumagapang na mga halaman sa pader. Ibig sabihin, nagbukas na ang lagusan at muling nagsara.

Napaluhod na lamang siya sa harapan niyon habang nakatulala dahil kahit na nasa harap na niya ang patunay, ayaw pa ring tanggapin iyon ng kaniyang sistema. Batid niya namang wala na siyang aabutan doon dahil ilang araw na ang nakalipas sa takdang araw ng pagbubukas niyon ngunit sumubok pa rin siya... dahil hindi nga niya iyong matanggap.

Unti-unti niyang nakuyom ang mga kamao niya nang unti-unti nang manuot iyon sa kaniyang isipan. Kumawala na ang kaniyang mga luha sa mga mata niya at napapikit na lamang siya nang mariin. "AAAAAGHHHHH!" galit na galit na sigaw niya saka sinuntok ang lupa.

Anim na buwan muli ang hihintayin niya para magkita silang muli ni Queen.

Kalahating taon muli.

Napakatagal na panahon para sa lubos na nangungulila niya ng puso.

* * *

Madilim ang mukha na bumalik na si Gani sa bayan ng Leibnis at pagkapasok niya ng kaniyang tahanan ay dumeretso kaagad siya sa kaniyang silid ngunit nasalubong niya sila Hilva at ang iba pa niyang mga tagapagsilbi sa tapat niyon.

"Ginoong Gani—"

"H'wag n'yo muna akong kausapin." malamig na sabi niya sa mga ito habang madilim ang awra dahil sa nangyari sa lagusan. Dumeretso siya sa kaniyang silid at pumasok na sa loob.

"Ngunit ginoo. Mayroon kaming—"

Pinagsaraduhan na niya ang mga ito ng pinto.

Kinatok naman iyon ni Hilva kaya naputol na ang pisi ng kaniyang pasensya. "SINABING LUBAYAN N'YO MUNA AKO!" napakalakas na sigaw niya sa mga ito at naging sa Gisune ang kaniyang mga mata.

Wala namang nagawa ang mga ito kundi ang umalis na lamang doon.

Pagkaalis ng mga ito ay napaluhod na lamang siya sa sahig at walang tigil na lumuha roon sa kamiserablehang nararamdaman.

Kinagabihan...

Nagising si Gani nang maamoy ang pamilyar na amoy ng mga bulaklak na tandang-tanda niyang ginagamit ni Hilva noon sa paliligo ni Queen. Halinang-halina siya sa amoy na iyon at dumagsa ang mga alaala ni Queen kasama niya noon.

Noong una niya itong makitang kumakanta sa gilid ng daan noong hindi pa ito sikat, nang maisama niya na ito nang hindi sinasadya sa Sargus at ang unti-unting pagkahulog ng loob nila sa isa't isa lalo na nang aminin nito ang pagmamahal nito para sa kaniya.

Dahil sa amoy ng mga bulaklak na iyon ay kusa nang kumilos ang katawan niya at naglakad papuntang paliguan. Naisip na rin niyang maglinis ng katawan gamit ang tubig na iyon na hula niyang inihanda ni Hilva para sa kaniya at nang makarating na siya sa labas ng paliguan ay nakita niya na nakatayo sa labas niyon ang dalawang tagapagsilbi niya. Bukas din ang ilaw sa loob na halatang may tao roon.

Naisip naman niya na si Hilva ang nasa loob habang inihahanda ang kaniyang paliguan kaya lumapit na siya sa mga tagapagsilbi sa labas.

Nang makita naman siya ng mga ito ay nanlaki ang mga mata at tila lubos na ikinagulat na makita siya roon. "G-g-ginoo!" utal pang bulalas ng dalawa.

Nangunot naman ang kaniyang noo sa pagtataka sa naging reaksyon ng mga ito ngunit naalala niya ang naging trato niya sa mga ito kaninang umaga kaya malamang ay hindi inaasahan ng mga ito na makitang nasa labas ng kaniyang silid. "Ihanda n'yo ang aking pamalit na damit dahil maglilinis ako ng aking katawan." utos niya at palapit na siya sa harap ng pinto para buksan iyon nang bigla siyang harangin ng mga ito.

Natigilan naman siya at nangunot muli ang noo sa pagtataka. "Bakit n'yo ako hinaharang?"

Naging malikot naman ang mga mata ng dalawa sa pag-iisip ng isasagot sa kaniya nang...

"Gani..."

Natigilan siya at tila natuod sa kinatatayuan nang marinig na tawagin siya ng isang napakapamilyar na boses. Unti-unting nanlaki ang mga mata niya kasabay ng pagbilis ng tibok ng puso niya at nang tingnan na niya ang taong nagmamay-ari niyon ay napabuka ang bibig niya sa lubos na pagkabigla. "Q-queen..." hindi niya makapaniwalang sambit sa pangalan nito.

Nakaputi lamang itong kasuotan na mahaba at nakangiti sa kaniya... katulad ng nasa kaniyang alaala. Naglakad na ito palapit sa kaniya at siya naman ay nakatulala pa rin dito dahil hindi niya talaga lubos na inasahan na makikita niya na kaagad itong muli. "Gani---" hindi nito naituloy ang sasabihin dahil kaagad na niya itong niyakap.

Sa lubusang pangungulila para rito umalpas na ang mga luha mula sa kaniyang mga mata. "Q-queen... Hindi ba ako nananaginip lamang?... Naririto ka bang talaga?..." Pakiramdam niya talaga ay isang panaginip lamang ang lahat dahil sa bigla nitong pagsulpot doon katulad ng palagi niyang hinihiling.

Tumango naman ito na ramdam niya sa balikat niya at yumakap ito pabalik sa kaniya. "Tunay na ako ito Gani. Labis din akong nangulila sa iyo. Labis-labis," madamdaming sabi nito ngunit bigla ay natigilan siya at tila sinampal mula sa isang napakagandang panaginip.

Dahan-dahan siyang napahiwalay rito at nanlalaki ang mga matang tiningnan ito.

Ngumiti muli ito sa kaniya ngunit may kakaiba... at nang tuluyan niya nang matanto ay napabitaw na siya rito. Napaurong siya ng hakbang habang umiiling. "H-hindi ikaw si Queen. Hindi gan'yan magsalita si Queen."

Nanlaki naman nang kaunti ang mga mata nito at hindi kaagad nakaimik ngunit ilang saglit lamang ay napatungo ito upang iiwas ang tingin. Nakuyom nito ang mga kamao at doon ay nagpalit na ito ng anyo. Dahan-dahan itong lumiit at naging puti ang mahabang buhok na pamilyar na pamilyar sa kaniya.

Unti-unti nang nabahiran ng pagkadismaya ang kaniyang mukha at nakuyom ang mga kamao. "Zarione..." mahinang banggit niya sa pangalan nito ngunit bakas na bakas naman ang at galit doon.

"P-patawarin mo ako Gani." hindi makatinging paghingi ng tawad nito sa kaniya.

Doon na dumilim ang kaniyang mukha sa galit at hindi umimik nang ilang sandali habang nagtatagis ang kaniyang mga bagang. Gusto niyang magwala sa galit dahil sa napakaling dismayang pinaramdam nito sa kaniya ngunit pinili na lamang niyang maglakad paalis doon subalit hinawakan ni Rio ang braso niya upang pigilan siya. Ni hindi niya ito nilingon.

Damang-damang hindi lang nila ang tensyon kundi pati ng dalawang tagapagsilbi na nakasasaksi sa nangyayari.

"Gani—"

Tiningnan niya ito nang matalim. "H'wag mo akong hawakan." napakalamig na banta niya at nanunuot naman dito ang kaniyang galit kaya nanlaki ang mga mata nito at agad na napabitaw sa kaniya.

Doon ay tuluyan na siyang nakaalis at si Rio naman na naiwan doon ay napaupo na lamang sa sahig habang nangangatog ang buong katawan sa takot.

Ipagpapatuloy...

Chương tiếp theo