NAKATITIG LANG SA KISAME SI JACK, isip-isip. Nakailang text na si Camille, nangungumusta, nagtatanong kung manonood ba siya ng game. Hindi niya sinagot. Nasesense niya kasi na biglang mag-iiba ang mood nito. Tiningnan niya ang wall clock: limang minuto na lang bago mag-alas onse ng tanghali. Napabuntong-hininga siya. Kung perfect at gumagana ang EasySpy, in five minutes, sisimulan nitong idownload LAHAT ng naging phone conversations ni Brett nitong nakaraang ilang araw. Hindi alam ni Camille na hindi niya talaga binura ang app—inilagay niya lang sa Receive Mode Bahala na si Batman, naisip niya. Kung anuman ang madownload ng app—good o bad man—OK lang. Kung walang kalokohan si Brett, eh di wow, siya na! Pero kung may kalokohan siyang ginawa—halimbawa, kinausap na naman niya si Joanna, o kung sino mang pokpok ang available kapag nalulungkot siya, makukuha yun lahat ng app niya. At maririnig ni Camille. Sana lang ay i-press nga nun ang red button. Dahil kung hindi, lusot na naman si Brett.
Napatingin ulit si Jack sa wall clock. Sampung minuto na pasado alas onse! Sampung minuto na mula nung gumana ang alarm ng EasySpy at ginawa ang naka-program na trabaho nito. Pinindot kaya ni Camille?
Tiningnan niya ang phone. Walang text ni Camille. Kahit si Thea ay hindi na rin nagtetext sa kanya mula nung confession niya nung isang araw. Napatingala ulit siya sa kisame:
Ano'ng gagawin niya sa maghapon? Pupunta ba siya ng Prom?
May kumatok sa pinto. "Jack," tawag ni Nanay Rosing. "Narito na ang in-order kong damit na isusuot mo mamaya sa Prom. Sukatin mo dali!"
Shet, naisip ni Jack. Wala na ba akong kawala dito?