webnovel

31 Days With Angelica: 2.4

UMABOT na sa ika-labing limang araw si Angelica sa tabi ni Romeo. Simula nang buksan ni Romeo ang nakaraan sa kanyang pilat sa mukha, may kaunti na itong pagbabago. Ngunit, hindi pa rin maiwasang makaramdam ng sakit ang binata sa tuwing pinag-uusapan siya't pinagkakaisahan sa eskwelahan.

Unang araw ng school foundation day, ang buong campus ay nakagayak at maraming programang nakahanda. Isa na rito ang gagawin ng buong klase na maid café sa araw na ito bukas ang buong campus sa lahat ng taong gustong makisaya sa foundation day.

Habang abala ang lahat, biglang napag-utusan si Romeo na kumuha ng basahan sa storage room. Sinamahan naman siya ni Angelica't habang patungo sila sa 4th floor kung nasaan ito, hindi nila alam na nakasunod sina Ruppert sa kanila. Isang malakas na pagsara ng pinto ginawa ni Ruppert. Maliit lamang na kwarto ito at walang bintana sa hallway kaya nakulong ang dalawa sa loob. May sliding lock ang pinto ng storage room kaya kahit anong pihit ni Romeo mula sa loob ay hindi niya ito mabuksan.

"Buksan n'yo 'to!" sigaw ni Romeo, habang malakas na hinahampas ang pinto.

Tumawa nang malakas si Ruppert. "Iyan ang bagay sa 'yo, pilat!"

Tuluyan nang iniwan nina Ruppert ang dalawa sa loob ng storage room at nilagyan ng sign na under construction ang storage room para walang magtangkang pumasok sa loob. Bumalik sina Ruppert at ibinalita sa mga kaklase nito na umuwi na siya't hindi na gustong mag-participate sa kanila.

***

LUMIPAS ang mga oras, nakatayo si Romeo at sumisilip sa maliit na bintana malapit sa kisame ng storage room. Pansin nila ang nalalapit na paglubog ng araw, bukas ang bintana't ito ang nagbibigay ng hangin sa kanila sa loob.

"Hindi mo ba maaaring gamitin ang kapangyarihan mo?" tanong ni Romeo.

Umiling si Angelica. "Sorry, hindi maaari, siguradong may iba pang paraan para makalabas tayo rito, Mister."

"Wala nang ibang paraan! Sigurado akong walang maghahanap sa atin dahil sa kagagawan ni Ruppert." Napaupo na lamang sa tabi ni Angelica si Romeo.

"Pasensya na, Mister. Wala kasing pahintulot ng langit, dapat nating sulusyonan ito sa paraan natin."

Makalipas pa ang ilang sandali nakarinig nang malakas na pagsabog ang dalawa't narinig nila na parang nagkakagulo ang mga tao. Naririnig nila ito mula sa bukas na bintana, parang may mga sumisigaw sa labas.

"Mister! Parang may naamoy akong nasusunog na bagay?" Tumakbo sa harap ng pinto si Angelica't may napansin siyang itim na usok na gumagapang sa ilalim ng pinto.

"Nasusunog ang school?" mabilis na tugon ni Romeo. "Kailangan na nating makalabas dito!" atubili niyang litanya.

Lumuhod si Angelica't nanalangin nang timtim, nabalutan nang liwanag ang paligid at katawan ng anghel. Lumitaw ang mga pakpak ni Angelica't umalis sa pagiging anyong tao nito.

"Panginoon, pahintuluyan n'yo na po akong gamitin ang kapangyarihan ko ngayon upang iligtas hindi lang ang buhay ni Romeo, maging ang iba pa pong naririto sa school!" Isang ray of light ang lumitaw nang tumingala si Angelica sa itaas.

Isang puting kalapati ang nagbigay basbas kay Angelica upang magamit nito kapangyarihan na kinakailangan niya. Lumipad si Angelica't itinapat niya ang kamay sa pinto, lumitaw ang bola ng liwanag sa kamay niya't sinugod ang pinto. Bumukas nang malakas ang pinto sa ginawa ni Angelica. Mabilis na lumabas ang dalawa't bumaba ng hagdan.

"Mister, lalagyan kita ng angel dust para maging proteksyon mo laban sa apoy at usok!" Mula sa palad ni Angelica, hinipan niya ang mahiwagang buhangin at ito ang nagsilbing pananggalang ni Romeo habang bumababa ng hagdan.

"Maraming salamat, Angelica!"

Hawak kamay silang tumakbo at sinuong ang itim na usok. Hindi paman lubusang nakakalayo nang marinig ni Romeo ang sigaw ni Ruppert at ng mga kasama nito na nasa loob ng silid sa 3rd floor. Hindi nagdalawang isip si Romeo na puntahan ang mga ito't iligtas. Nawalan ng malay ang tatlo kaya ang ginawa ni Romeo inakay niya ang mga ito halos gumapang na siya pababa ng hagdan at palabas ng school. Hindi naman siya pinabayaan ni Angelica't patuloy pa rin ito sa pagbibigay ng angel dust para maging proteksyon nila.

"Kaunting tiis na lang, Mister!"

"Oo! Kaya natin 'to, Angelica!"

Pagkalabas nila ng school building kaagad tinulungan ng mga tao si Romeo. Samantala si Angelica nama'y nakalutang sa hangin, hindi siya nakikita ng mga tao. Nakatitig siya sa apoy na tumutupok sa ibang parte ng building. Tila may naririnig siyang tinig at gunitang bumabalik sa kanyang isipan. Pamilyar na pakiramdam, isang sernaryong tila bumalik sa kanyang isipan. Tinatawag niya noon ang batang babaeng iniligtas niya. Kilala niya ito. Alam niya ang pangalan nito.

"Angelica! Angelica!" tawag ni Romeo sa nakatulalang anghel. Wala si Angelica sa paligid ni Romeo.

***

LUMIPAS ang 28 days ni Angelica sa tabi ni Romeo, malaking pagbabagong naganap simula nang makita ng mga tao ang kabayanihang ginagawa ng binata. Nakuha ni Romeo ang puso ng mga tao maging sina Ruppert ay humanga rito. Humingi sila ng tawad kay Romeo't nakaramdam ang binata ng napakasayang pakiramdam. Hindi na siya tinutukso sa paaralan, naging kaibigan niya ang iba pang mga estudyante at lalong tumaas ang tiwala niya sa sarili.

Ang lahat nang ito ay dahil kay Angelica, ang anghel na tumulong sa kanya't nagbukas ng liwanag sa madilim niyang mundo. Hindi pa man nakakamit ni Angelica ang 31 days na kanyang misyon nagbigay ng mensahe ang kalangitan na kinakailangan na niyang bumalik sa langit.

Kakaibang paalam ang ginawa ni Angelica kay Romeo. Karga-karga ni Angelica si Romeo sa kanyang bisig habang lumilipad sa himpapawid. Ramdam ng binata ang mabilis na pagdampi ng hangin sa kanyang balat. Umangat sila nang umangat hanggang makaabot sila sa kumpol ng mga ulap sa langit.

"Tingnan mo, Mister! Ang ganda ng tanawin mula rito sa itaas!" masayang sambit ni Angelica.

"O-oo nga! P-pero, huwag mo kong bibitiwan natatakot akong mahulog!" Kapit na kapit ang dalawang kamay ni Romeo sa balikat ni Angelica.

"Huwag kang mag-alala, Mister! May inilagay akong angel dust sa katawan mo kaya kahit bitiwan kita, hindi ka basta-basta mahuhulog sa lupa!" paliwanag ng anghel.

May kung anong lungkot ang pumapalibot sa hangin. Lilisanin na ni Angelica ang mundo ng mga buhay at babalik na sa langit upang maging isang ganap na anghel. Marami pang gustong sabihin si Romeo, gusto pa niyang makasama ang magandang anghel. Nagpakatotoo si Romeo sa sarili niya, sigurado siyang mahal na nga niya si Angelica. Ngunit pinigilan niya ang sarili niyang ipagtapat ito dahil alam niyang hindi sila maaaring magsama. Magkaiba ang mundo nilang dalawa.

Tila isang panaginip ang paglipad nilang dalawa sa kalangitan. Nakatitig si Romeo sa maamong mukha ni Angelica't hindi niya maiwasang magtanong. "Talaga bang aalis kana kahit hindi pa tapos ang 31 days mo rito sa lupa?"

Nahinto si Angelica't dinahan-dahan nito ang pagbaba habang karga si Romeo. "Nagbigay nang mensahe ang Panginoon, kailangan ko nang bumalik… pero hayaan mo kahit wala na ako sa tabi mo, hinding-hindi ka na malulungkot!"

"Angelica… a-ako ay…" Hindi makahanap nang lakas ng loob si Romeo upang magtapat kay Angelica.

"Mister… salamat! Mabuhay ka, ok?!" Isang mainit na halik sa noo ang ginawa ni Angelica kay Romeo.

Sa mga ngiting ipinakita ni Angelica, kusang bumuka ang bibig ni Romeo't may sasabihin sana siya kay Angelica nang biglang maglaho ang anghel. Naging mabilis ang pagbulusok ni Romeo paibaba, napasigaw ang binata. "Mahal kita! Angelica!!!"

Lumiwanag ang paligid napapikit si Romeo't pagkamulat niya nasa loob na siya ng kuwarto't nakahiga sa kama. Wala na ang anghel sa tabi niya, tanging piraso ng pakpak ni Angelica ang naiwan sa ibabaw ng dibdib ni Romeo.

Wala na siya, hindi ko manlang naipagtapat sa kanya ang nilalaman ng puso ko, Angelica…

***

KINABUKASAN isinama ni Lola Pasing si Romeo sa pamilya na palagi niyang dinadalaw. Ang pamilya Heaven, ito rin ang apelyedong ginamit ni Angelica no'ng nag-anyong tao siya. Sa hindi malamang dahilan bigla itong naisip ni Angelica na gamitin upang mabuo ang pangalan niya. Ang hindi alam ng dalawa, may kinalaman ito sa tunay na pagkatao ng anghel.

"Siya ang batang iniligtas mo noon, anim na taon na ang nakararaan, Romeo." Pumasok sa loob ng kuwarto ang maglola. "Madalas ko siyang dalawin dito sa kanila, tingnan mo ang kalagayan ng kaawa-awang bata," malungkot na litanya ng matanda.

Naroon ang pamilya ng bata, nakangiting binati sila.

"Siya ang anak naming si Angelica, malaki ang naging pagkukulang namin sa kanya simula no'ng iwan namin siyang nag-iisa sa bahay na muntik na niyang ikamatay," sabi ni Mrs. Heaven.

"Dumating ka't iniligtas mo siya, hindi namin alam kung paano ka pasasalamatan dahil alam naming naging kabayaran nito ang buhay ng iyong mga magulang." Tinabihan ng mag-asawa ang na-commatose nilang anak.

"Simula no'ng mangyari ang sunog, naging mas sakitin siya. Pagkatapos nitong nakaraang taon lang bigla na lang siyang natumba't nawalan ng malay. Na-commatose siya't pinili naming dito na lang siya alagaan sa bahay. Hanggang ngayon hindi pa rin siya nagigising!" Napaluhod si Mrs. Heaven at parehong napaiyak ang mag-asawa.

Hindi makapaniwala si Romeo sa nakikita niya, isang payat at maputlang babae ang nasa harapan niya. Dahan-dahang lumapit si Romeo't pinagmasdan ang hitsura nito. Bumalik sa alaala niya ang anghel na nakasama niya.

"Naniniwala akong may dahilan ang Diyos kung bakit nasa tabi mo ako ngayon. Wala akong memorya sa buhay ko, basta ang alam ko misyon kong paghilumin ang sugat sa puso mo, Mister." Nagbalik ang mga salitang binigkas ni Angelica sa kanya.

Naupo si Romeo sa kama't hinawakan ang kamay ng babaeng nakahiga. "Alam ko na… alam ko na kung bakit ka dinala ng Panginoon sa tabi ko. Para matanggap ko ang lahat-lahat nang nangyari noon. Angelica, pakiusap… gumising ka na… Angelica." Inilagay ni Romeo ang kamay ni Angelica sa kanyang mukha na may pilat.

Chương tiếp theo