webnovel

Judges

Kinabukasan, habang sabay na nagla-lunch ay ikinuwento ni Angel kay Bryan ang naging usapan nila kagabi sa hapunan.

"Hindi ko alam na magiging judges pala sila. At hindi lang isa sa kanila. Sila pang dalawa," ani Angel. "Siguradong hindi ka na mananalo."

"Fair naman siguro ang mga parents mo at magja-judge sila based sa mga criteria na ibibigay sa kanila," ani Bryan.

"Ewan ko, Bryan," ani Angel. "Oo, matapat ang mommy't daddy ko. Pero parang hindi ko na alam kung ano ang tumatakbo sa isipan nila ngayon. Isa pa, nanggaling na rin sa iyo na wala kang kaalam-alam sa mga pageant na ganyan. Ni wala ka pa ngang talent, eh."

Napaisip si Bryan. Tama nga si Angel. Una, fair nga siguro ang parents nito sa pagja-judge. Pero sa ngayon ay galit ang mga ito sa kanila dahil na rin sa lihim nilang relasyon - na hindi naman totoo - ni Angel. Kaya malamang na mainit ang dugo ng mga ito sa kanya. Pangalawa, wala nga siyang kaalam-alam sa mga pageant na iyan. At hanggang ngayon, hindi pa rin siya nagsisimulang mag-prepare para doon. Daig pa nga siya ni Richard. Kahit back up lang ni Kim, kabisado na nito ang isasayaw nila. Samantalang siya, wala pa siyang naiisip na talent niya. Tapos manonood pa ang mga magulang ni Angel.

Ano nga ba ang pwede niyang gawin sa talent portion? Ang alam lang niya na talento niya ay ang paglalaro ng basketball. Hindi naman pwedeng mag-exhibition siya ng mga basketball tricks sa stage, at baka ma-bore lang ang audience at lalong maging mababa ang score niya sa mga judges.

Meron pa pala siyang alam gawin. Ang tumugtog ng gitara. Namana niya iyon sa daddy niya na mahilig din tumugtog. Bata pa siya ay tinuruan na siya nito. Pero kung tutugtog lang siya, baka hindi iyon gaanong ma-appreciate ng mga tao. Kapag naman kumuha siya ng singer na kakanta habang tumutugtog siya, baka dito mapunta ang atensiyon ng lahat at hindi na sa kanya.

Marunong naman siyang kumanta, though hindi naman ganoon kaganda ang boses niya. Nagiging maganda lang ang dating ng pagkanta niya dahil sa galing niyang mag-interpret ng kanta. Kapag kasi kumakanta siya ay punong-puno iyon ng emosyon at malinaw niyang naipapakita ang mensahe nito. Bukod pa doon, kahit wala siyang formal training ay hindi siya nagsisintunado dahil na nga rin siguro sa musikero siya at kabisado niya ang mga tono ng nota.

Bigla siyang natigilan. Napatingin siya kay Angel na kumakain na rin ng tanghalian. Bigla siyang may naisip na ideya.

"Alam ko na!"

Napatingin si Angel sa kanya. "Ha?"

"Alam ko na kung ano ang gagawin ko sa talent portion."

"Talaga? Ano naman?"

Napangiti si Bryan. "Sikreto muna. Aayusin ko muna ang lahat bago ko sabihin sa iyo. O kaya naman, surprise ko na lang sa iyo."

"Surprise? Sabihin mo na lang."

"Basta," ani Bryan. "Magtiwala ka sa akin. Maganda ang kalalabasan noon. Pangako."

Wala na ngang nagawa si Angel kundi ang hayaan na lang ito. "Hmp! Bahala ka nga. Basta gandahan mo. Ipakita mo kay Hannah na ginawa mo talaga ang best mo kahit na hindi ka manalo. Para wala siyang masabi."

"Higit pa doon ang gagawin ko."

Tinignan siya ni Angel pero hindi na ito nagtanong pa. "Bahala ka na nga." Nagpatuloy na lang ito sa pagkain.

Napangiti si Bryan. Masaya siya na naisip na ideya. Hindi lang kasi ang problema sa talent niya ang nasolusyunan niya. Kung magtatagumpay kasi ang plano niyang iyon, magiging unang hakbang na iyon para sa pinaplano nilang pag-aayos ng pamilya nina Angel at ng kanilang pamilya. Sana nga lang ay umayon ang lahat sa kanila sa gabing iyon.

Pero bago iyon, kailangan muna niyang simulan sa mga magulang niya ang plano. Kailangan na niyang kausapin ang mga ito mamayang gabi.

🎸🎤🎼

Pagkatapos ng tatlong katok ay dahan-dahang binuksan ni Bryan ang pintuan sa silid ng kanyang mga magulang. Sumilip siya doon at kaagad naman niyang namataan ang kanyang ama na nasa king-sized master bed. Nakasandal ito sa kulay puting headboard at may hawak itong libro. Napatingin ito sa may pintuan.

"O, Bryan." Ibinaba nito ang hawak na libro at inilapag sa may kandungan nito.

"Good evening Dad." Pumasok na siya ng silid. "Can I talk to you?"

"Sure." Tuluyan nang isinara ni Raul ang libro at saka inilagay iyon sa may bedside table katabi ng lamp shade.

Lumapit sa may kama si Bryan. Umupo siya sa backless sofa na nakadikit sa may paanan ng kama.

"Si Mommy?" tanong niya sa ama.

Bago pa makasagot si Raul ay lumabas na si Helen mula sa walk-in closet.

"Hi Honey!" Lumapit ito kay Bryan at saka ito hinalikan na parang five years old pa lang ang anak.

"Mom!" Pilit kumawala si Bryan sa ina. "Hindi na ako baby."

"Baby kita forever," ang sabi naman ni Helen. Pumunta na ito sa tabi ng asawa. "What are you doing here ba? Makikitulog ka? Halika, dito ka sa tabi ko. I will hug you tightly just like I used to do when you were younger."

"Mom, mag-move on ka na. Please?"

Sumimangot naman si Helen. "Hmp! Tumangkad ka lang ng kaunti hindi mo na ako love."

"Dad, o. Nagdadrama na naman itong si Mommy."

Ngingiti-ngiti lamang si Raul na natutuwang nanonood sa mag-ina niya.

"Hmp! Magsama kayong mag-ama," ani Helen sabay hila sa kumot at akmang matutulog na.

"Teka Mom! May sasabihin ako. Huwag muna kayong matulog."

Hindi iyon pinansin ni Helen at tuluyan nang nahiga sa kama. "Tse!" ang sabi pa nito.

"Ano ba kasi iyong sasabihin mo?" tanong naman ni Raul na natatawa pa rin.

Napatingin si Bryan sa ina. Wala naman siyang magagawa sa pag-iinarte nito. Kaya sasabihin na niya ang gusto niyang sabihin sa mga magulang.

"May girlfriend na po ulit ako."

Biglang bumangon si Helen mula sa pagkakahiga. "See! That's what I told you, Raul! Hindi na natin alam ang nangyayari sa buhay ng anak mo. Masyado na tayong busy tapos bigla na lang tayong kakausapin at sasabihing may girlfriend na siya."

"Mom, easy ka lang. Hindi pa naman ako mag-aasawa," ani Bryan.

"Pagpasensiyahan mo na ang mommy mo," ang sabi naman ni Raul. "Gusto kasi niyan magbakasyon tayo. Eh kako hindi pa pwede ngayon kasi nga ang dami pang ginagawa sa ospital."

"Hindi naman tayo isang taon mawawala," ani Helen. "Isang buwan lang, at most. Isa pa, nandoon naman si Gwen. Siya ang magiging mata mo while you're away. You can work through her, by ordering her what to do." Si Gwen and executive assistant ni Raul.

"That's a good idea, Dad," ang sabi naman ni Bryan. "Para naman makapag-relax kayo ni Mommy. Sobrang busy n'yo na kasi sa trabaho."

"Kasama ka doon, Anak," ani Helen. "Kung hindi mo maiwan iyong girlfriend mo, isama mo na rin siya. Babantayan naman namin kayong dalawa and I will make sure na pag-uwi natin ay wala pa akong magiging apo."

"Mommy naman!" Parang biglang nahiya si Bryan sa sinabi ni Helen. Lalo na nung maalalang si Angel ang ipapakilala niyang girlfriend niya. Kahit wala ito ay bigla siyang nahiya at feeling awkward siya bigla.

"Hay naku! Huwag ka nang magkaila," ani Helen sa anak. "Iyong Tita Glory mo na mismo ang nagkukwento na hindi isang beses na nagpaanak siya ng teenager."

Sinuway naman ni Raul ang asawa. "Helen..." Saka nito tinanong si Bryan. "Iyon lang ba iyong sasabihin mo sa amin?"

Tinignan ni Bryan ang ama. 𝘛𝘩𝘪𝘴 𝘪𝘴 𝘪𝘵! Hindi niya mapigilan ang kabang bigla niyang naramdaman.

"Actually, hindi lang iyon... Dad, Mom, I'm in love with Angel Martinez, daughter of Benjamin Martinez."

Natigilan ang mga magulang niya.

Chương tiếp theo