webnovel

Bagong Misyon Ng Spiral Gang (2)

Hindi kumibo si Tala. Huminga lang ito ng malalim at inalis ang tingin sa kanila, tumingala sa madilim na kalangitan. "Kapag ba kakaibang nilalang at may mala halimaw na hitsura, masama na agad ang pakay?" mahinang bulong nito na parang mas sarili ang kausap. "Sa tingin ko, ibang kapangyarihan ang umaalipin ngayon sa kaibigan ninyo. Malakas na kapangyarihan na kahit ang kapatid kong si Mayari hindi nagawang burahin sa sistema niya."

Nagkatinginan na naman silang magkakaibigan. Nakikita ni Selna na naguguluhan sina Ruth, Danny at Andres. Pero siya parang naiintindihan niya ang gusto sabihin ni Tala. Tagos pa nga sa puso niya. Bigla tuloy siyang napaisip kung tama ba sila ng judgment sa Dalakitnon na iyon. Magtatanong pa lang sana siya nang makarinig sila ng katok sa pinto ng kuwarto.

"Michelle? Hindi pa ba kayo bababa? Oras na ng kain."

Nataranta silang apat at pare-parehong napatingin sa pinto. "We need to go out now," bulong ni Andres na hinawakan na ang doorknob. Tahimik na tumango sila. Lumingon si Selna sa may bintana para tingnan uli si Tala pero nanlaki ang kanyang mga mata nang marealize na wala na ito. Ang tanging nakita na lang niya ay ang mga kumikinang na bituin sa kalangitan sa labas.

PINILIT nilang umaktong normal nang bumaba silang apat para magpaalam sa parents ni Michelle na uuwi na sila. Hindi man sila komportable magsinungaling ay sinabi nilang natutulog na uli ang anak ng mga ito at ayaw magpagising. Kung sakali man din na sumilip ang mga ito sa loob ng kuwarto, naglagay sila ng mga unan sa kama at tinakpan ng kumot para magmukhang may natutulog doon. Inalok silang kumain ng hapunan pero tumanggi sila. Mabuti na lang hindi na sila pinilit.

"Paano na? Saan tayo magsisimula para makita si Michelle?" tarantang tanong ni Selna nang makalayo sila sa bahay.

"Hindi natin natanong kay Tala. Sa tingin ko alam niya eh," sabi ni Danny.

Bumuntong hininga si Ruth at tumingala sa langit. "Kaso bigla siya nawala bago pa tayo makapagtanong. Saka… may mga sinasabi na naman siyang mahirap maintindihan. Parang noong una ko siya nakita sa perya."

"Bakit hindi natin sundin ang sabi sa mga kuwento? Sabi ni lolo, nasa pinakatagong bahagi raw ng gubat kadalasan matatagpuan ang pinto papunta sa tirahan ng mga Dalakitnon," suhestiyon ni Andres.

"Pero kalahati ng Tala ay kagubatan. Saan tayo magsisimula?"

Napangiwi silang tatlo sa tanong na iyon ni Danny. Iginala ni Selna ang tingin sa paligid, desperadang naghahanap ng clue para sa susunod nilang hakbang.

"Alam ko kung saan siya nagpunta."

Gulat na napatalon silang lahat nang marinig ang boses ni Lukas. Mula sa kadiliman, humakbang ito hanggang sa makalapit sa kanila. Hindi na ito naka uniform ng Tala High School. Naka all black outfit na ito, iyong palagi nitong suot sa tuwing nakikita nila ito dati.

"Tutulungan mo kami? Akala ko ba nagtatago ka para hindi makita ng tatay mo?" nagtatakang tanong ni Danny.

"May kailangan din ako sa Dalakitnon na iyon," sagot ni Lukas. "Kahapon, nang makita niya ako may nasabi siyang nakakuha ng interes ko."

Kumunot ang noo ni Selna. "Anong sinabi niya? Hindi kami nakakaintindi ng lumang lengguwahe na katulad n'yo ni Ruth."

Akala niya babalewalain nito ang tanong niya. Tumalikod kasi ito at nagsimula maglakad papunta sa direksiyon na kasalungat ng kinatatayuan ng bahay nina Michelle. Kaya nagulat siya nang hindi lumilingon na nagsalita ito, "Nagalit siya na nakakita na naman siya ng katulad ko na nagpapagala-gala sa mundo ng mga tao."

"Bakit naman siya magagalit? Siya rin naman nakikisalamuha sa amin ah," nagtatakang komento ni Andres.

Hindi tumigil sa paglalakad si Lukas nang sumagot, "Dahil ang dugo ko ay mula sa mga lahing kinamumuhian nila. Nagmula ako sa mga magulang na dahilan kaya pinaalis sa kalupaan ang mga nilalang na may kapangyarihan kasama na ang mga Dalakitnon na gustong gusto rito. Nabanggit niya rin bago umalis kahapon na ilang taon daw ang nakararaan may isang babaeng kalahi ko ang puwersahang pumasok sa palasyo nila. Kaya sigurado ako na kung nasaan man si Rosario ngayon, nagpunta siya sa teritoryo ng mga Dalakitnon."

Nagkatinginan silang apat at hindi nakakibo. Napahinto rin sila sa paglalakad. "Anong ibig mong sabihin, Lukas? Anak ka ni Dumagat, diyos ng karagatan. Bakit sila magagalit sa isang diyos?" hindi nakatiis na tanong ni Selna.

Huminto sa paglalakad ang lalaking nakaitim at pumihit paharap sa kanila. Kinilabutan siya nang makita ang ekspresyon sa mukha nito. Sa sobrang seryoso ay nakakatakot na. "Isang malupit at mapagmataas na diyos ang aking ama. Pero hindi lang iyon ang dahilan kung bakit siya kinatatakutan at kinamumuhian ng ibang nilalang. Sinabi ko sa inyo noong una ko kayong nakita sa ibang bersiyon ng Tala na may isang diyos na hindi natuwang may iba pang nakatira sa lupa maliban sa mga mortal, hindi ba?"

"Oo," sabay-sabay na sagot nila.

"At na may ginawa ang diyos na iyon kaya nagkaroon ng matinding kaguluhan na naging dahilan naman kaya pinagbawalan na magpalakad-lakad sa kalupaan ang mga diyos, diyosa at iba pang nilalang na may kapangyarihan. Sinabi ko rin 'yon sa inyo, hindi ba?"

Biglang naintindihan ni Selna ang gusto sabihin ni Lukas. Nanlaki ang mga mata niya at pasinghap na sinabing, "Si… Dumagat ang diyos na tinutukoy mo? Siya ang dahilan kaya nagkaroon ng kaguluhan noong unang panahon?"

Tumiim ang mga labi ni Lukas at tumango. "Ganoon na nga."

Halatang nagulat din ang mga kaibigan niya. "Anong panlilinlang ang ginawa niya kaya nagkaroon ng gulo noon?" tanong ni Danny.

Kumuyom ang mga kamao ng lalaking nakaitim at lalong naging parang galit ang facial expression nito. "Siya ang nagpatikim ng dugo ng tao sa mga Anito. Si Dumagat ang lumikha sa mga Danag para maghasik ng lagim at kamatayan sa mga mortal."

Kulang ang sabihing namangha si Selna sa kanyang narinig. Ang totoo, mas nanlamig siya at kinilabutan sa nalaman niya. Napayakap siya sa kanyang sarili at nang sulyapan niya sina Andres, Danny at Ruth ay nakita niyang namumutla rin ang mukha ng mga ito.

"May dahilan para magalit sila sa akin, hindi ba?" mapait na tanong ni Lukas. Bumalik ang atensiyon niya sa mukha nito. That face that looks so extremely beautiful yet terrifying. Hindi namalayan ni Selna na mahabang katahimikan na ang lumipas hanggang magsalita itong muli. "Hindi na kayo makapagsalita. Natatakot na rin ba kayo sa akin ngayong alam na ninyo ang ginawa ng aking ama?"

Pinakiramdaman niya ang sarili at alam niyang ganoon din ang ginagawa ng mga kaibigan niya. Natatakot ba siya kay Lukas? Sabay-sabay silang umiling. Hindi nagbago ang facial expression ng lalaki pero napansin niyang may dumaang kasiyahan sa mga mata nito. Sandaling sandali nga lang iyon na baka imahinasyon lang niya ang nakita. Tumango ito, tumalikod at nagsimula na uli maglakad. "Bilisan na natin. Limitado lang ang oras na nakabukas ang pintuan papunta sa tirahan ng mga Dalakitnon. Kapag nagsara ang isang pinto, mahihirapan tayo humanap ng ibang daan papasok."

Halos patakbo silang sumunod kay Lukas palayo ng palayo sa residential area at papunta sa mapuno at madilim na bahagi ng sitio kung nasaan sila. Sa isip ni Selna, pakiramdam niya may nakaligtaan pa silang linawin sa mga sinabi nito kanina pero hindi na lang muna siya kumibo. May mas importante silang kailangan harapin ngayon – ang maibalik si Michelle.

Chương tiếp theo