webnovel

Chapter One Hundred Seven

Nandito na naman kami sa mamihan na pinuntahan namin dati ni Red. Nakakagutom 'yung amoy ng mami. Nakaupo na kami ni Red sa isang pang-dalawahang lamesa at hinihintay ang order namin na dalawang mami at siomai.

Ang daming in-order na siomai ni Red. Mahilig pala siya sa siomai?

"Heto na ang order nyo, dalawang special beef mami at 15 pieces ng siomai," sabi nung ale na nakalimutan ko na ang pangalan.

Twelve pieces 'yung siomai niya, akin 'yung tatlo. Ang dami! Hindi naman ako masyadong mahilig sa siomai eh. 'Yung mami lang talaga ang gusto ko, pero baka mainggit ako kay Red kaya um-order na rin ako ng akin. Baka kasi hindi niya ako bigyan, mukhang gutom na gutom pa naman siya.

Nag-umpisa na kaming kumain, ang awkward lang dahil ang tahimik niya pa rin.

"Uhh. Red, samahan mo 'kong mag-enroll ha?" sabi ko habang pinapanood ko siyang kumain.

"Bakit?" tanong niya na biglang napatingin sa'kin.

"Ano'ng bakit?"

"Wala," sabi niya at bumalik na ulit sa pagkain.

Tiningnan ko siya ng matagal, pero ni hindi man lang niya ako sinulyapan.

"Ano ba ang problema mo? May gusto ka bang sabihin sa'kin?" tanong ko.

Hanggat maaari kasi gusto ko na magka-ayos na kami. Kung ano man ang nagawa kong kasalanan sa kanya sana sabihin nya para malaman ko kung ano ang mali ko at para makapag-sorry ako.

"Wala..." sagot niya.

"Eh bakit ganyan ka sa'kin? Ang cold mo, iniiwasan mo pa 'ko."

"Eh ano ba dapat ang gawin ko, Samantha?" seryosong tanong niya sa'kin.

Nagulat ako sa tono ng kanyang pananalita, nakakapanibago siya bigla. Tinititigan niya ako sa mga mata na parang...nagtatanong. May isang emosyon akong hindi mabasa sa kanyang mga mata. At bigla akong nakaramdam ng matinding guilt sa nakita ko.

"B-Basta! Y-'Yung hindi ganito, 'yung hindi cold. Parang lumalayo ka sa'kin eh," kinakabahang sagot ko.

Tumawa siya pero hindi iyon masayang tawa.

"Gaano ba dapat ako kalapit sa'yo? Ganito ba dapat?" hinawakan niya 'yung isang kamay ko na nasa lamesa. "O ganito?" inilapit niya 'yung mukha niya sa'kin tapos hinawakan niya ang baba ko para ilapit din ang mukha sa kanya. Nanlaki ang mga mata ko at parang sasabog naman sa kaba ang dibdib ko.

"J-Jared."

"Ganito ba dapat, Samantha?" seryoso siyang nakatingin sa akin.

Hindi ako nakagalaw. Sobrang lapit ng mukha niya sakin at nararamdaman ko ang mainit niyang paghinga. Nakatitig siya sa mga mata ko hanggang sa bumaba ang tingin niya sa labi ko.

"O, gusto mo na mas malapit pa?" bulong niya.

Naisip ko tuloy, paano kung may plano pala siyang halikan na lang ako bigla? Ano'ng gagawin ko? Itinulak ko siya palayo.

"N-Nevermind, aalis na lang ako," nakayukong sabi ko at tumakbo na ako palabas ng kainan.

Sobrang lakas ng tibok ng puso ko. Pumasok ako sa loob ng taxi at nagpahatid sa driver sa bago kong school. Napahawak ako sa dibdib ko, kinabahan talaga ako sa kanya kanina. Huminga ako ng malalim.

Bakit ba siya biglang nagkaganon? Bigla na lang siyang nagbago. At sa mga ikinilos niya kanina, parang wala siya sa kanyang sarili. Parang hindi siya 'yung Jared na kilala ko. Hindi ako sanay na ganon siya sa'kin.

***

Jared Dela Cruz

Pinag-iisipan ko kung susundan ko si Samantha o hindi. Mas pinili ko na huwag na lang muna. Kailangan din naman namin nito—space. Mahal niya si TOP. Hindi na magbabago 'yon. Ang gago ko lang dahil umasa pa 'ko.

Kung hindi ko lang narinig na sinabi niya 'yon nang araw na 'yon... siguro hindi kami ganito ngayon. Simula nang dumating ang package na 'yon, bigla na lang nawala na parang bula ang pag-asa ko. Ito ba ang dahilan kung bakit kampante si TOP na iwan sa'kin si Samantha? Tss! Gago talaga 'yon.

Tiningnan ko 'yung pagkain sa harap ko, hindi pa 'ko nangangalahati. Nawalan na ako ng gana.

"Pula."

AMPOTEK!!! Kailan pa dumating dito ang sadistang 'to?! Paksyet, muntik na 'kong atakihin sa puso ah.

"April, pano mo 'ko nahanap?"

Sinasabi ko na nga ba, may radar 'to.

"Dito ka lang naman napunta kapag depressed ka di ba?" nagkibit-balikat siya.

Isinubo niya 'yung siomai na binili ko kanina para kay Samantha. Hindi na nagbago, ang takaw pa rin niya.

"Nasan na 'yung girlfriend mo?" tanong niya at luminga-linga pa.

"Di ko siya girlfriend, fiancee ko siya."

Fiancee na walang balak magpakasal sa'kin.

"Huh?"

"Ano ba ang ginagawa mo dito?" naiinip na tanong ko sa kanya.

Ano ba ang dapat niyang sabihin at kailangan pa niya akong higitin kanina at hanapin?

"Pula."

"Ano?"

"Bumalik na ang alaala ko."

Sabi na eh.

"Aril."

"Hindi naman ako pumunta dito para manggulo, Pula."

Sumubo ulit siya ng siomai.

"Sinasabi ko lang sa'yo para alam mo. At saka, natatandaan ko rin naman ang sinabi mo sa Boracay. Hindi ko nakakalimutan 'yun."

"Ahh..." mabuti naman.

"Pero, Pula."

"Ano?"

Nagkatitigan kami ng matagal. Hinihintay ko siyang magsalita. Nag-aalinlangan siya kung sasabihin ba niya o hindi.

"Kakainin mo pa ba 'yang siomai mo?" turo niya sa sampung piraso ng siomai na nasa platito.

Akala ko kung ano ang sasabihin, 'yun lang pala. Kinuha ko 'yung platito at inilagay ko 'yun sa harap niya.

"Kakagutom kasi kanina pa kita hinihintay eh," sumubo sya ng siomai. "Hindi ako nakakain sa condo kasi nandon 'yung mga kaibigan ni kuya."

Ang mga ugok.

"Bakit mo nga ba ako hinihintay?" para kasing may mas importanteng bagay pa siyang kailangan sa akin.

Nakipag-away pa siya kay Ami. Nasira tuloy ang t-shirt ko, paborito ko pa naman 'yun. Tsk!

"Ang kulit ng lahi mo, Pula. Kakasabi ko lang, ipapaulit mo na naman?" nakasimangot na siya.

"Tss! Kung makipag-agawan ka kasi kanina, parang may sasabihin ka na sobrang importante," uminom ako ng tubig.

"Bakit? Hindi ba importante ang sinabi ko?" binato niya ako ng toothpick na ginamit niya sa siomai.

"Balahura ka talaga Abril!" inalis ko sa buhok ko ang toothpick.

Sa lahat ng tatamaan, sa buhok ko pa. Hindi na lang sa damit ko. Huwag pala, amoy pabango ni Samantha ang damit ko dahil sa pagkakadikit namin kanina sa palengke. Halos nakayakap na siya sa likod ko kanina.

Ang cute niya kanina, mukhang wala siyang alam sa mundo. Ganon pala siya sa palengke. Pfft! Tapos 'yung mukha niya habang hinahabol kami—priceless! Akala ba niya hahayaan ko siyang masaktan sa stampede?

May nag-landing na naman sa buhok ko.

"Pula, nakangisi ka na naman dyan ah," sabi ni Aril habang ngumunguya.

"Nagsasalita ka na naman habang kumakain," komento ko habang inaalis ang toothpick sa buhok ko. "Huwag mo nga akong batuhin ng toothpick. At kung babatuhin mo ko, pwede 'yung malinis at di gamit?"

Ngumisi lang siya at kumain na ulit. Bakit ba ang hilig niyang mang-bully?

"Iniisip mo siguro 'yung girlfr—fiancee mo 'no, Pula?" tanong niya.

"Oo," sagot ko.

"Mm..." tumango siya. "Eh di may gusto ka sa kanya?"

Tumawa ako. May gusto?

"Hahahaha! Ako, may gusto? Hahaha!"

"Pwede mo namang itanggi di ba? Anong nakakatawa?"

"Graduate ka na ba talaga ng highschool? May gusto? Pfft!" naiiling na tanong ko.

"Sagutin mo na lang kasi!"

"Sana nga pagkagusto lang ang nararamdaman ko sa kanya, kaso hindi eh," bumuntong hininga ako. "Mas malalim pa ro'n, tinamaan talaga ako. Kahit na ano'ng pigil ang gawin ko, wala eh. Makulit 'to," turo ko sa puso ko. "Ayaw makinig dito," turo ko sa ulo ko.

"Ahh...mahal mo siya," bulong niya.

"Yeah," sabi ko kasunod ang isang buntong hininga.

"K-Kung ganon..."

"Oh?"

"Ah! Wala!" sumubo siya ng siomai.

"Hinay lang sa pagkain, Aril, di ka mauubusan. Gusto mo um-order pa 'ko?"

"Ano'ng gusto mong palabasin, Pula? Na matakaw ako?!"

"Inaalok lang kita. Bakit ba palagi kang highblood sa'kin? Tsk! Sa gwapo kong 'to?"

"Hangin! Grabe baka tangayin ako," kumapit siya sa lamesa.

"Talagang tatangayin ka, sa liit mong 'yan? Pfft!"

"Gusto mo'ng suntok?"

"No, thanks."

"Umalis ka na nga! Kumakain ako," taboy niya sa'kin.

"Wow! Ako ang nauna dito ah."

"Hindi ka naman kumakain, tambay ka lang! Umalis ka na nga, gawin kitang Pink diyan eh!"

"San naman ako pupunta?"

"Dun sa fiancee mo. Asan ba 'yun?"

"Wala, nag-away kami."

"Akala ko ba mahal mo? Bakit mo inaway?"

"Tsk! Hindi ko siya inaway, may iba kasing mahal 'yon. Fixed marriage lang kaya kami magkasama ngayon pero hindi ako ang mahal niya kundi 'yung best friend kong gago na umalis at naghabilin sa'kin na alagaan ko ang girlfriend niya na fiancee ko naman."

"Ang gulo naman ng kwento mo."

"Kumain ka na lang."

"Yun din ba ang dahilan kaya ka nawala bigla at hindi nagpaalam sa'kin?"

Ang lakas ng impact nung sinabi niya sa akin. Oo, iniwan ko siya dahil sa fixed marriage namin ni Samantha, pero bago pa 'yon., alam ko naman na kailangan ko talaga siyang iwan. Nagustuhan ko rin naman si Aril, kaso ngayon... sa tingin ko malabo nang maging kami.

Lahat ng inilibing kong pagmamahal kay Samantha, simula bata pa lang kami, ay biglang nabuhay nang nagkasama kami sa France. Mas tumindi pa ang pagmamahal ko sa kanya ngayon.

Hindi ko rin alam kung anong nakita ko kay Sam na wala sa ibang babae. Hindi nga siya sexy. Cup A pa rin siya hanggang ngayon. Tsk! Tsk! Tsk! Siguro dahil kapag kasama ko siya pwede akong maging ako. Magkasundo kami, masaya ako kapag kasama siya at magaan ang loob ko sa kanya.

Alam ko kasi na hindi siya interesado sa'kin. Alam ko na hindi niya ako gusto dahil lang ako si Red Dela Cruz na kilalang casanova o kung sino man. Wala siyang kahit na ano'ng kailangan sa'kin. Hindi niya habol na maging babae ko para maipagmayabang sa iba na pagmamay-ari niya ako. Hindi rin siya nangangarap na patinuin ako at gawing loyal katulad ng iba.

At kahit na alam niya kung sino ako at ang mga ginagawa ko, tanggap niya ako. Hindi niya ako hinuhusgahan. Kahit noon na sinabi ko sa kanya na may nangyari sa amin ni Ami, hindi siya nandiri o nanghusga. Alam niya at tanggap niya 'yon. May mga bagay siyang ginagawa na hindi ko inaasahan na kaya niyang gawin.

Kahit sobrang inosente ng tingin ko sa kanya, palaban siya.

Ang drama, potek! Pero totoo, malakas si Samantha, matalino at kaya niyang magmahal. Hindi pa ako nakakakita ng isang babae na kayang magmahal ng katulad ng kay Samantha. Nakita ko 'yon nang magkasama kami sa France. Alam ko kung gaano siya katinding magmahal.

At sa unang pagkakataon, nakaramdam ako ng sobrang inggit sa kaibigan ko. Dahil may nagmamahal sa kanya na katulad ni Samantha. At bago ko pa malaman na nahulog na ako nang tuluyan, huli na para pigilan ko pa iyon.

"Oo. Kinailangan ko kasing sundin ang desisyong ginawa ng pamilya ko para sa akin."

"At sinunod mo lang 'yun dahil gusto nila?!" hindi makapaniwala na tanong niya.

"Bata pa lang ako alam ko na ang tungkol sa fixed marriage na 'yon. Parang tradisyon na 'yon ng aming pamilya, kahit nga ang parents ko ay dumaan din doon," nagkibit balikat lang ako.

"Kaya ngayon hindi mo siya magawang layuan? Hindi kaya iniisip mo lang na kailangan mo siyang mahalin dahil siya ang fiancée mo?"

Natawa ako ng mapakla. "First love ko siya. Si Samantha ay parang dandruff sa buhok ko, ilang beses ko mang shampoo-hin, bumabalik pa rin. Ganon siya," ngumiti ako.

Oo tama, ganon siya. Ilang beses ko na siyang pilit na inalis sa puso ko, pero lagi't laging bumabalik pa rin. Sa mga ganitong pagkakataon ba, ano ang dapat kong gawin?

"Psh! Ang korni mo naman, Pula, baduy!" magkasalubong ang kilay na sabi niya.

"Gwapo naman."

"Spell HANGIN?"

"Ikaw ang mag-bayad nyan."

"Okay lang, binigyan ako ng five hundred ng fiancee mo eh."

Kinuha niya pala yon?

"Hoy mangkukulam."

"Hwag mo 'kong tawagin nyan!"

"Ano'ng gagawin mo kapag may dandruff ka na hindi mo maalis kahit ano'ng gawin mo?"

"Wala akong dandruff!"

"Kuto! Paano kung may kuto ka?"

"Wala rin ako—"

"Sagutin mo na lang, tsk!"

"Bumalik na lang tayo sa dandruff. Kadiri ang kuto kahit sa halimbawa mo eh."

"Sagot na."

"Hahayaan ko na lang siguro."

"Hahayaan mo na dandruff-in ka?"

"Kaysa naman sa makalbo ako kakatanggal ng dandruff. Hihintayin ko na lang siguro na kusang mawala. Tsaka hindi naman talaga dandruff ang pinag-uusapan natin dito eh. Pulang PINK!"

Hahayaan ko na lang? Hihintayin na kusang mawala?

"Paano kung hindi mawala?"

"Malay ko dyan! Hwag mo nga akong tanungin! Kumakain ako eh! Kadiri ka!"

"Hoy, Aril."

"Bakit?!"

"Ganda mo ngayon ah, kailan ka pa natutong mag-suot ng PINK?"

Napatigil siya sa pagkain at napatingin sa suot niya.

"T-TUMAHIMIK KA DYAN!!! CHE!"

Tama. Hahayaan ko na lang nga siguro kung saan man mapunta ang nararamdaman ko para kay Samantha. Pero ang problema ko ngayon, pano ako makikipag-ayos sa kanya matapos ng ginawa ko sa kanya kanina? Baka hindi na ako kausapin nun. Tsk!

Chương tiếp theo