webnovel

MISUNDERSTANDING

Nasa loob na ng kanyang opisina si Flora Amor at kahit masama ang kanyang pakiramdam ay nagawa pa rin niyang sumaglit sa opisina para kausapin si Derek na ituloy muna ang pagiging OIC hanggang tatlong araw para makapagpahinga siya, nang biglang tumunog ang kanyang phone.

Nagtaka siya nang makita sa screen ng mobile ang pangalan ng kaibigang si Mariel.

"Beshie, nasa elevator na ako papunta sa'yo. Asan ka?" tanong nito na tila galit.

"Andito sa opisina sa third floor. Kinabahan naman ako sa'yo, Beshie. Bakit ka napasugod dito?" natatawa niyang usisa.

"Shunga! Hanggang ngayon inosente ka pa rin kaya ka mabilis na mapaikot!" sermon nito.

"Ha? Bakit? Ano'ng mapaikot?" Rumihestro agad sa mukha ang pagkalito.

"Palabas na ako sa elevator, Beshie. Sunduin mo ako rito!" mabagsik nitong wika.

Napatayo siya agad sa kinauupuan at nagmamadaling lumabas ng opisina.

Nahabol pa niya ang dalawang tauhang nagbubulungan.

"May something talaga sila, promise," anang isa.

Ngunit di niya 'yon pinansin at dere-deretso siyang lumabas ng finance department.

"Asan 'yong Elaine sa research department, Beshie?" tanong agad nito pagkakita lang sa kanya.

"Bakit? Pa'no mong nakilala si Elaine?" lalo siyang nalito.

"Basta samahan mo ako sa kanya."

Hinawakan nito ang kanyang kamay at dalawa silang nagpunta sa research department. Nagtataka ma'y 'di na lang siya nag-usisa. Pero bakit tila galit ito? Pa'no nitong nakilala si Elaine sa research department?

Pagkapasok nila sa department ay agad niyang hinanap si Elaine pero wala sa cubicle niya ang babae.

"Sino si Elaine sa inyo?" tila sigang tanong ng kaibigan sa mga naroong nagulat nang makita sila.

"Ma'am. Good afternoon po. Nasa comfort room po si Elaine. Pakihintay na lang po," anang supervisor do'n.

Tumango siya bilang sagot sa lalaking nagsalita saka bumaling sa kaibigan.

"Beshie, bakit ba? Bakit mo hinahanap si Elaine?" muli niyang usisa pero sa halip na sumagot ay hinila siya nito papunta sa CR.

Tama namang palapit pa lang sila ay lumabas mula sa CR si Elaine na namutla agad nang makita siya.

"F-flor!" tila nakakita ito ng multo.

"Hi Elaine! Kumusta?" bati pa niya.

Pero ang kanyang Beshie, nang malamang iyon si Elaine ay agad bumitaw sa kanya at walang anumang pinagsasampal ang babae saka sinabunutan.

"Ang kapal ng pagmumukha mong hinayupak ka! May gana ka pang magpakita kay Beshie sa ginawa mo sa kanya, walanghiya ka!" sigaw ni Mariel habang sinasabunutan ang babae.

Nagulat siya sa ginawa ng kaibigan, mabilis niyang pinaghiwalay ang dalawa.

"Beshie tama na! Tama na!" awat niya ngunit lalo lang nagngitngit sa galit si Mariel at iningudngod sa tiles na sahig ang mukha ni Elaine na walang magawa kundi magsisigaw na lang.

Kung 'di pa sumaklolo ang mga kasamahan ng huli ay 'di pa magpapaawat si Mariel.

"Wala kang pusong hinayupak ka! Bakit hindi na lang ikaw ang nasagasaan sa ginawa mo sa kaibigan ko!" sigaw ni Mariel sa galit at kung walang nakahawak rito'y malamang na susugurin na naman si Elaine na natanggalan na ng butones ang suot na blusa.

Biglang nag-init ang kanyang tenga sa narinig mula sa kaibigan. Duon lang sumagi sa isip niya ang nangyari noon bago sila mabangga ni Dixal.

Pasakay na siya sa sasakyan nang bigla siyang tawagin ni Elaine at kawayan kaya pinuntahan niya ito, hinintay na tumawid sa kalsada papunta sana sa kanya ngunit nakapagtatakang hindi ito tumawid. Pagkatapos ay gano'n na ang nangyari sa kanila ni Dixal.

"Beshie, ano'ng ibig mong sabihin?" baling niya sa kaibigan. Gusto niyang makaseguro kung tama nga ang kanyang hula.

Sa kanya naman bumaling si Mariel at mangiyak-ngiyak na nanermon.

"Beshie, ano ba? Tama na 'yong sobra mong pagtitiwala. Kaya ka napapahamak dahil masyado kang nagtitiwala sa tao eh." Bigla itong naiyak.

Tumulo bigla ang kanyang mga luha.

"Hindi mo pa rin ba alam ang ginawa ng babaeng ito sa'yo? Sinabi na sakin ni Anton ang lahat. Itong babaeng 'to ang matagal nang nagmamanman sa mga kilos niyo ni Dixal at ikinukwento sa JC Construction Company. Matagal ka na niyang pinapaikot, Beshie. Pero ikaw. Masyado kang inosente! Masyado kang matiwala sa tao. Ano, kung hindi ka pa iniligtas ni Dixal, sa tingin mo buhay ka pa ngayon?" Ibinaling nito ang galit sa kanya.

Biglang nangatog ang kanyang mga tuhod at napabaling kay Elaine na panay iyak habang nakayuko.

"Elaine, totoo ba?" halos 'di 'yon lumabas sa kanyang bibig.

Walang sagot mula sa babae.

Nanghihina siyang napaurong. Ang kaibigang itinuring niyang parang kapatid, hindi niya alam na tinatraydor pala siya nang harapan.

Biglang umakyat sa ulo ang kanyang dugo, siya naman ang sumugod sa kaibigan at mahigpit na hinawakan ang magkabila nitong balikat.

"Totoo ba? Magsalita ka! Totoo ba?" sigaw niya sabay yugyog sa mga balikat nito ngunit panay lang ang iyak ng huli.

"Amor!" Tumatakbong pumasok si Dixal sa loob ng department.

Umiiyak siyang lumapit sa asawa.

"Dixal. Ang babaeng 'yan ang dahilan kung bakit tayo naaksidente noon." sumbong niya sa lalako at agad itinuro si Elaine.

"Amor---"

Nagtaka siya sa payak na reaksyon ng lalaki at kunut-noong tumitig rito.

"Alam mo na ang lahat? Wala ka man lang sinasabi sa'kin?" salubong ang mga kilay na kumpirma niya.

"Amor, let me explain." Kinabig na siya nito ngunit agad siyang pumiglas.

At nang akmang hihilain siya nito'y mabilis sa tumaas ang kanyang palad, sapol ang kabila nitong pisngi.

"Amor..." nausal lang ni Dixal.

"Simula noon hanggang ngayon Dixal, wala ka nang ginawa kundi maglihim sakin!" sumbat niya sa lalaki.

Nagkatinginan ang mga kasamahan ni Elaine sa sinabi niya, nagulat lahat sa narinig.

"Amor, I didn't mean to do that. Kaya lang, alam kong kaibigan mo siya at--"

"'Yong panlolokong ginawa mo sa'kin noon, you didn't mean to do that too? Huh!" sigaw niya.

"Paulit-ulit mo na lang akong ginagawang tanga! Paulit-ulit mo akong pinaglalaruan! Pinatawad na kita nang gawin mo akong pustahan para lang hindi ka mapahiya sa mga barkada mo. Kahit peke ang kasal natin, pinilit kong magpatawad sayo. Kahit pinaglaruan mo ako, kinalimutan ko lahat ng 'yon, Dixal!"

panunumbat niya sa lalaki.

"Pero ngayon, ito na naman ang gagawin mo sa'kin? Ano'ng klase kang asawa!"

Napanganga lahat ng mga taga-research department kahit si Nicky na nakamasid pala sa kanila.

"Amor, hindi kita maintindihan. Hindi kita ginawang pustahan. At never na naging peke ang kasal natin. I don't even know what you're talking about. Please stop this, Amor," tanggi nito sa mga akusa niya at tila nagsusumamong lumapit sa kanya subalit bago pa nito mahawakan ang kanyang kamay ay nakatakbo na siya palabas sa research department.

Chương tiếp theo